Lesson 48
Doktrina at mga Tipan 42:30–42
Pambungad
Noong mga unang araw ng 1831, karamihan sa mga Banal na nakatira sa New York, kabilang na si Joseph Smith, ay nandayuhan sa Ohio para makasama ang malaking grupo ng mga bagong nabinyagan doon. Ang mga lider ng Simbahan ay humingi ng patnubay sa Panginoon hinggil sa lumalaking Simbahan. Tumanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag, na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 42:1–73, sa harapan ng 12 elder. Sa paghahayag na ito, ipinabatid ng Panginoon ang mga batas na pang-temporal, pangkabuhayan, at pang-esprituwal na nag-uutos sa mga miyembro ng Simbahan na tulungan ang mga maralita, tustusan ang iba’t ibang gawain sa Simbahan, at tulungan ang ibang mga Banal na nagsidating sa Ohio.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 42:30–42
Pinasimulan ng Panginoon ang batas ng paglalaan
Bago magklase, gumamit ng tape o marker para makagawa ng linya sa anim na malinaw na baso. Markahan ng linya na magkakaiba ng taas ang bawat baso. Dalhin sa klase ang mga baso. Magdala rin ng isang pitsel na may lamang tubig na kayang punuin ang lahat ng baso hanggang sa nakamarka sa mga ito at may sobra pa. (Maaari mong lagyan ng pangkulay ang tubig para mas madali itong makita ng mga estudyante.)
Sa simula ng klase, idispley ang pitsel. Sabihin sa mga estudyante na sinisimbolo ng tubig ang lahat ng yaman at ari-arian ng isang komundad.
Ipaliwanag na noong Pebrero 1831, kailangang tumulong ang mga miyembro ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, sa pangangalaga sa mga maralita, pag-alalay sa mga bagong dating na nagsakripisyo nang malaki para magtipon sa Ohio, at pagtustos sa mga gawain ng Simbahan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang inihayag ng Panginoon hinggil sa mga maralita.
-
Sa palagay ninyo ano ang ibig sabihin ng “alalahanin ang mga maralita”?
Ipaliwanag na iniutos ng Panginoon sa mga Banal na ilaan ang kanilang mga ari-arian sa mga maralita. Isulat sa pisara ang salitang ilaan. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ilaan?
Isulat sa pisara ang kahulugan ng salitang ilaan, na ibinigay ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang kahulugang ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan sa tabi ng talata 30.
“Ang paglalaan ay pagtatalaga sa isang bagay bilang sagrado, na inilaan para sa mga banal na layunin” (“Larawan ng Isang Buhay na Inilaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 16).
-
Sa inyong palagay, bakit may kaugnayan ang kahulugang ito sa pagbibigay ng isang bagay upang tulungan ang mga nangangailangan?
-
Paano ninyo ibubuod ang kautusan ng Panginoon sa talata 30 hinggil sa mga maralita? (Iba-iba man ang gamiting mga salita ng mga estudyante, dapat makita sa mga sagot nila ang sumusunod na doktrina: Iniutos sa atin ng Panginoon na pangalagaan ang mga maralita at ang mga nangangailangan. Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong iparebyu sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 38:16, 34–36.)
Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 42 ay naglalaman ng mga alituntunin ng isang batas na tinatawag na batas ng paglalaan. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga pangunahing alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan:
“Ang pangunahing alituntunin at dahilan para sa batas ng paglalaan ‘ay lahat ng bagay ay sa Panginoon; samakatwid, maaaring hingin sa atin ng Panginoon ang anuman at lahat ng ari-arian na mayroon tayo, dahil ito ay sa Kanya. … (D at T 104:14–17, 54–57)’ (J. Reuben Clark, Jr., sa Conference Report, Okt. 1942, p. 55)” (“Living the Principles of the Law of Consecration,” Ensign, Peb. 1979, 3).
Paalala: Ang sumusunod na object lesson ay ang simpleng pagpapaunawa ng batas ng paglalaan batay sa ipinatupad sa Simbahan hanggang noong 1833. Matapos ito, binago nang bahagya ng Simbahan ang paggawa nito. Marami pang pagbabago sa pamamaraan at pagsasagawa ng batas ng paglalaan sa mga sumunod na ilang taon.
Papuntahin ang anim na estudyante sa harapan ng klase. Bigyan ang bawat isa sa kanila ng basong walang laman. Lagyan ng tubig mula sa pitsel ang mga baso. Lagyan ng tubig ang isang baso hanggang sa linyang iminarka mo rito, lagyan ng tubig ang tatlong baso nang lampas sa mga linyang iminarka mo, at lagyan ng tubig ang dalawang baso nang mas mababa sa mga linyang iminarka mo. Ipaliwanag na sinisimbolo ng bawat baso ang isang pamilya at ang linya sa bawat baso ay sumisimbolo sa mga pangangailangan at mabubuting hangarin ng pamilyang iyon. Ang mga baso na may tubig na mababa sa linya ay sumisimbolo sa mga pamilya na walang sapat na pera o pagkain upang tustusan ang kanilang mga pangangailangan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:31. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga unang hakbang na kailangang gawin ng mga Banal na ito upang ipamuhay ang batas ng paglalaan.
-
Para sa mga Banal na ito, ano ang unang hakbang para maipamuhay ang batas ng paglalaan? (Ang kanilang ari-arian ay “ibibigay sa harapan ng obispo ng … simbahan at sa kanyang mga tagapayo.” Sa madaling salita, kailangan nilang ipakita na handa silang ilaan ang kanilang salapi at ari-arian sa Simbahan.)
-
Sino ang kinakatawan ng bishop? (Ang Panginoon.)
Upang mailarawan ang mga miyembro ng Simbahan na naglalaan ng kanilang ari-arian sa Simbahan, sabihin sa anim na estudyante na ibuhos sa pitsel ang tubig mula sa kanilang mga baso. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:32 at sabihin sa klase na alamin ang pangalawang hakbang na gagawin ng mga Banal na ito para maipamuhay ang batas ng paglalaan.
Ipaliwanag na bawat pamilya ay naglingkod kasama ng bishop at tumanggap ng tinatawag na “pangangasiwaan” (D at T 42:72). Nangangahulugan ito na bawat pamilya ay pinagkatiwalaan ng mga ari-arian at kabuhayan mula sa Panginoon. Ang mga pamilya ay magmamay-ari ng mga ari-arian at kabuhayang natanggap nila, at gagamitin nila ang kanilang kalayaang pumili para pangasiwaan ang ipinagkatiwala sa kanila. Bilang mga tagapangasiwa ng mga ari-arian at kabuhayan ng Panginoon, sila ay may pananagutan sa Kanya at may lubos na responsibilidad sa mga ipinagkatiwala Niya sa kanila.
Ibuhos sa bawat baso ang tubig mula sa pitsel, hanggang sa linyang nakamarka rito.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano ipinamahagi ng bishop ang mga suplay sa mga pamilya, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 51:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano binibigyan ng bishop (na sa pagkakataong ito ay si Edward Patridge) ang bawat pamilya ng kanilang bahagi. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang D at T 51:3 sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Doktrina at mga Tipan 42:33.
-
Paano binigyan ng bishop ang bawat pamilya ng kanilang bahagi? (Ang pagbibigay ng mga bahagi ay ibinase sa mga kalagayan, gusto, at mga pangangailangan ng bawat pamilya.)
Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82:17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano sinusuri ng Panginoon ang mga gusto at pangangailangan ng isang tao. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang D at T 82:17 sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Doktrina at mga Tipan 42:33.
-
Ayon sa talatang ito, ano ang inasahan ng Panginoon sa mga taong nagsabi ng mga gusto at pangangailangan nila sa kanilang bishop? (Sila ay dapat maging makatwiran, o sa madaling salita, patas at tapat.)
Ipakita sa mga estudyante ang tubig na natira sa pitsel. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:33–36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga Banal sa mga inilaang ari-arian na natira matapos maipamahagi ang mga pangangasiwaan.
-
Ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga Banal sa mga natirang ari-arian? (Gagamitin nila ang mga ito para tulungan ang mga maralita, tustusan ang pagpapatayo ng mga gusali ng Simbahan, at tulungan ang mga miyembrong nangangailangan.) Ano sa palagay ninyo ang sinisimbolo ng pitsel sa mga talatang ito? (Ang kamalig o storehouse.)
-
Paano nakatutulong ang paglalaan sa pangangalaga sa mga maralita at sa mga nangangailangan?
-
Paano mapagpapala ng batas ng paglalaan ang Simbahan?
-
Ano ang mahirap sa pagsunod sa batas ng paglalaan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang alituntuning itinuro ng Panginoon tungkol sa paggawa ng mabuti sa iba.
-
Anong alituntunin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa paggawa ng mabuti sa iba? (Dapat maipahayag ng mga estudyante na kapag gumagawa tayo ng kabutihan sa iba, ginagawa natin ito sa Panginoon. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Paano nakatulong sa mga Banal ang katotohanang ito para maging handa silang ilaan ang kanilang mga ari-arian? Paano makatutulong sa inyo ang katotohanang ito kapag natandaan ninyo ito?
-
Kailan ninyo nadama na pinaglingkuran ninyo ang Panginoon nang tulungan ninyo ang ibang tao?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:40–42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga katangiang dapat taglay ng isang tao upang maipamuhay ang batas ng paglalaan. (Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano naaangkop ang talata 40 sa kanilang buhay, maaaring kailangan mong ipaliwanag na hindi naman inaasahan ng Panginoon na gumawa tayo ng ating sariling kasuotan. Gayunman, gusto Niya na maging maayos at malinis ang ating hitsura.)
-
Bakit maaaring mahirapang ipamuhay ng tamad na tao ang batas ng paglalaan?
Igrupu-grupo ang mga estudyante nang may tig-dadalawa o tig-tatatlong estudyante bawat grupo. Ipaliwanag na bagama’t hindi iniutos sa atin na ipamuhay ang batas ng paglalaan na katulad ng pagpapatupad nito sa mga naunang Banal, umiiral pa rin ang batas na ito ngayon. Sabihin sa bawat grupo na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball, at pakinggan kung ano ang ibig sabihin sa atin ngayon ng ipamuhay ang batas ng paglalaan. Pagkatapos ay sabihin sa mga miyembro ng bawat grupo na talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong na kasunod ng pahayag. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang pahayag na ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan malapit sa talata 30.)
“Ang paglalaan ay pag-uukol ng oras, talento, at mga pag-aari upang kalingain ang mga nangangailangan—sa espirituwal o temporal—at sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon” (“Welfare Services: The Gospel in Action,” Ensign, Nob. 1977, 78).
-
Ano ang ilang paraan na maaaring ang isang taong nasa paligid ninyo ay nangangailangan (maliban pa sa pera)?
-
Anong panahon, talento, at kabuhayan ang mayroon kayo na magagamit ninyo para tulungan ang mga taong nangangailangan?
-
Kailan kayo pinagpala ng isang taong nag-ukol ng panahon, talento, o kabuhayan para matulungan kayo?
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga alituntuning tinalakay sa lesson na ito.