Seminaries and Institutes
Lesson 78: Doktrina at mga Tipan 76:1–19


Lesson 78

Doktrina at mga Tipan 76:1–19

Pambungad

Noong Pebrero 16, 1832, ginawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang inspiradong pagbabago o rebisyon sa Biblia (minsan ay tinatawag na Pagsasalin ni Joseph Smith). Habang isinasalin nila at pinagbubulay-bulayan o pinagninilayan nila ang Juan 5:29, sila ay nakakita ng isang pangitain, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76. Sa pangitaing ito, ipinakita ng Tagapagligtas kina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang isang magkakasunod na malinaw na mga pangitain na nagpatunay sa katotohanan at kabanalan ni Jesucristo, nagturo ng tungkol sa pagbagsak ni Satanas at ng mga anak na lalaki ng kapahamakan, at naghayag ng katangian ng tatlong kaharian ng kaluwalhatian at ng mga taong magmamana ng mga ito. Sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff, “Tutukuyin ko lang ang ‘Pangitain’ [sa bahagi 76], bilang isang paghahayag na nagbibigay ng higit na liwanag, higit na katotohanan at higit na alituntunin kaysa alinmang paghahayag na nasa alinmang aklat na nabasa natin. Malinaw na ipinauunawa sa atin nito ang ating kasalukuyang kalagayan; saan tayo galing, bakit tayo naririto, at saan tayo pupunta. Maaaring malaman ng sinuman ang kanyang magiging bahagi at kalagayan sa pamamagitan ng paghahayag na iyon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2005], 132).

Ang Doktrina at mga Tipan 76 ay ituturo sa apat na lesson. Ituturo sa lesson na ito ang maikling buod ng pangitain, ang mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon sa matatapat, at ang mga ginawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon para matanggap ang pangitain.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Buod ng Doktrina at mga Tipan 76

Sabihin sa mga estudyante na magbanggit ng ilang lugar kung saan nila gustong magbakasyon. (Ilista sa pisara ang kanilang mga sagot.) Bilugan ang isa sa mga lugar na nakalista sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang deskripsyon ng mga lugar na kailangan nilang daanan para makarating sa piniling destinasyon. Pagkatapos ng isa o dalawang minuto, tawagin ang ilang estudyante para ilarawan ang isinulat nila. Pagkatapos ay pumili ng isang lugar na nakasulat sa pisara na may malaking kaibhan sa unang lugar, at itanong ang mga sumusunod:

  • Kung susundin ninyo ang inilarawang daraanan para sa unang lugar, makakarating ba kayo sa iba pang lugar na ito?

  • Paano nakakaimpluwensya ang lugar na pinili ninyo sa landas na daraanan ninyo para makarating dito?

Ipaliwanag na noong Pebrero 1832, tumanggap sina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ng isang pangitain na naghahayag ng posibleng walang hanggang destinayon ng sangkatauhan. Ang pangitaing ito na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76, ay naglalarawan ng tatlong antas (o kaharian) ng kaluwalhatian at ang antas ng espirituwalidad ng mga taong magmamana ng mga ito. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga pagpili na hahantong sa buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal sa pag-aaral nila ng pangitaing ito sa susunod na apat na lesson. Bukod dito, sabihin sa kanila na isiping mabuti kung ang pinipili ba nila sa kasalukuyan ay umaakay sa kanila patungo sa walang hanggang destinasyon na magdadala sa kanila ng napakalaking kaligayahan.

Para mailahad ang maikling buod ng nilalaman ng Doktrina at mga Tipan 76, bigyan ang mga estudyante ng kopya ng kalakip na diagram. (Maaari kang gumawa ng kopya nito na sapat lang ang laki na mailalagay ng mga estudyante sa kanilang banal na kasulatan at magagamit sa pag-aaral nila ng bahagi 76.) Ipaliwanag na nakasaad sa diagram kung ano ang nakita at natutuhan nina Joseph at Sidney tungkol sa pangitaing natanggap nila.

mga kaharian ng kaluwalhatian

Doktrina at mga Tipan 76:1–10

Nangako ang Panginoon ng mga pagpapala sa matatapat sa Kanya

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salita at mga parirala na naglalarawan sa mga katangian ni Jesucristo.

  • Alin sa mga katangian ni Jesucristo na nabanggit sa mga talatang ito ang mahalaga sa inyo? Bakit?

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa mga katangian ng Tagapagligtas na inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 76:5.

  • Ayon sa talata 5, ano ang dapat nating gawin para maranasan ang awa at pagmamahal ng Panginoon? (Dapat ay may takot tayo sa Kanya. Ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng may takot sa Panginoon ay may pagpipitagan, paggalang, at pagmamahal sa Kanya.)

  • Ano ang dapat nating gawin para matanggap ang parangal ng Panginoon? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maglingkod sa Panginoon “sa kabutihan at sa katotohanan hanggang sa katapusan”?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:6–9 at alamin ang mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon sa mga taong mapitagan at naglilingkod sa Kanya.

  • Ayon sa mga talatang ito, anong mga pagpapala ang dumarating sa mga mapitagan at naglilingkod sa Panginoon? (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang salitang hiwaga sa talata 7 ay tumutukoy sa mga espirituwal na katotohanan na malalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung mapitagan tayo sa Panginoon at maglilingkod sa Kanya hanggang sa katapusan, pararangalan Niya tayo sa pamamagitan ng …

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang alituntunin na nakasulat sa pisara. Dapat nilang matukoy ang sumusunod: Kung mapitagan tayo sa Panginoon at maglilingkod sa Kanya hanggang sa katapusan, pararangalan Niya tayo sa pamamagitan ng paghahayag ng katotohanan sa atin.

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano maihahayag ng Panginoon ang katotohanan sa atin, ipakita ang isang bombilya (o flashlight) at itanong kung paano ito maiuugnay sa impluwensya ng Espiritu. Matapos sumagot ang mga estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at maghanap ng karagdagang kaalaman kung paano maiuugnay ang bombilya (o flashlight) sa impluwensya ng Espiritu.

  • Paano maitutulad ang impluwensya ng Espiritu sa pinagmumulan ng liwanag, gaya ng isang bombilya? (Maaaring maisagot ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Tayo ay bibigyang-liwanag ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu.)

  • Ano ang ibig sabihin ng bibigyang-liwanag? (Magbibigay ng kaalaman o espirituwal na kaalaman na magpapalawak ng ating pang-unawa o tutulong sa atin na makita ang katotohanan.)

  • Kailan kayo binigyang-liwanag o kaliwanagan sa pamamagitan ng Espiritu? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari kang magbahagi ng sarili mong karanasan.)

Doktrina at mga Tipan 76:11–19

Inilarawan nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang mga kalagayan na humantong sa pagkakaroon nila ng pangitain

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:11–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang katuparan ng mga pangakong binanggit sa mga talata 5–10.

  • Sa paanong paraan naranasan nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang katuparan ng mga pangakong binanggit sa mga talata 5–10?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon noon na nagbasa sila ng mga banal na kasulatan at hindi naunawaan ang binasa nila.

  • Ano ang ginagawa ninyo para maunawaan nang mas mabuti ang mga banal na kasulatan?

Ipaliwanag na ang ginawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon bago matanggap ang pangitaing ito ay magtuturo sa atin kung paano natin mauunawaan nang mas mabuti ang mga banal na kasulatan at maaanyayahan ang Banal na Espiritu na ihayag sa atin ang katotohanan.

Pagpartnerin ang mga estudyante para magtulungan sa pagsagot. Sabihin sa isang estudyante sa bawat magkakapartner na basahin nang tahimik ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 76. Sabihin naman sa mga kapartner nila na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 76:15–19. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang ginawa o ginagawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon na naghanda sa kanila na maunawaan ang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng paghahayag. (Maaari mong ipaliwanag na sa panahon ni Joseph Smith, inakala ng maraming taong naniniwala sa Biblia na pagkatapos ng Huling Paghuhukom lahat ng tao ay itatalaga sa langit o impiyerno.) Matapos ang sapat na oras na makapagbasa ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila sa kanilang kapartner. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:

  • Ano ang ginawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon na naghanda sa kanila para matanggap ang pangitaing ito? (Pinag-aaralan at pinagninilayan nila ang Juan 5:29.)

  • Ano ang ibig sabihin ng pagnilayan ang mga banal na kasulatan? (Kabilang sa mga sagot ang pagbubulay-bulay o pag-iisip ng tungkol sa inyong binabasa, pagtatanong tungkol sa nabasa ninyo, at pag-uugnay sa natutuhan ninyo sa alam na ninyo.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa halimbawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon? (Maaaring magbahagi ng iba-ibang alituntunin ang mga estudyante, ngunit tiyaking nabigyang-diin nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag pinag-aralan natin nang may panalangin at pinagbulayan ang mga banal na kasulatan, inihahanda natin ang ating sarili na makatanggap ng pag-unawa at kaalaman mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan nang mas mabuti kung paano pag-aaralan nang may panalangin at pagninilayan ang mga banal na kasulatan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang gawain na may kaugnayan sa pag-aaral nang may panalangin at pagninilay ng mga banal na kasulatan. (Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng kopya ng pahayag na ito para makasunod sila sa pagbasa.)

Elder D. Todd Christofferson

“Kapag sinabi kong ‘pag-aralan,’ higit pa ito sa pagbabasa. … Kung minsa’y nawawari kong nagbabasa kayo ng ilang talata, tumitigil sandali para pag-isipan ito, at muling binabasa ang talata, at habang pinag-iisipan ang kahulugan nito, ay nagdarasal kayong maunawaan ito, nag-iisip ng mga tanong, naghihintay ng espirituwal na mga paramdam, at isinusulat ang damdamin at kabatirang dumarating para mas matandaan ito at matuto pa kayo. Sa ganitong pag-aaral, maaaring ilang kabanata o talata lang ang mabasa ninyo sa kalahating oras, pero bibigyan ninyo ng puwang sa inyong puso ang salita ng Diyos, at kakausapin Niya kayo” (“Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 11).

  • Anong mga gawain ang iniugnay ni Elder Christofferson sa pag-aaral nang may panalangin at pagninilay ng mga banal na kasulatan?

  • Bukod pa sa mga sinabi ni Elder Christofferson, ano pa ang mga ginagawa ninyo para pag-aralan nang may panalangin at pagnilayan ang mga banal na kasulatan? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

  • Ano ang naranasan ninyo na bunga ng pag-aaral nang may panalangin at pagninilay ng mga banal na kasulatan?

Hikayatin ang mga estudyante na gawin ang mga gawaing tinalakay ngayon sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa pag-aaral nang may panalangin at pagninilay ng mga banal na kasulatan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Buod ng Doktrina at mga Tipan 76. Piliin ang tamang landas para sa gustong puntahan

Ang sumusunod na kuwento, na isinalaysay ni Elder Sterling W. Sill ng Pitumpu, ay naglalarawan ng kahalagahan ng pagpili sa landas na aakay sa atin tungo sa walang-hanggang destinayon na pinakahinahangad natin:

Elder Sterling W. Sill

“Maaari tayong matuto ng maraming dakilang aral mula sa kuwento ni Dr. Harry Emerson Fosdick maraming taon na ang lumipas na pinamagatang ‘Sa Maling Bus.’ Tungkol ito sa isang tao [sa Estados Unidos] na sumakay ng bus na may intensyon at hangarin na pumunta sa Detroit. Ngunit pagdating niya sa dulo ng mahabang biyahe, natagpuan niya ang kanyang sarili sa Kansas City. Sa una ay hindi siya makapaniwala. Nang magtanong siya ng [direksyon papunta sa] Woodward Avenue at sinabing walang Woodward Avenue, nagalit siya—tiyak niya na may Woodward Avenue. Matagal-tagal din bago niya natanggap na sa kabila ng kanyang mabuting intensyon at matinding hangarin, wala siya sa Detroit kundi nasa Kansas City. Lahat ay maayos maliban sa isang maliit na bagay; napasakay lang siya sa maling bus.

“Mapapaisip ka kung bakit maraming tao ang napupunta sa ilang lugar sa buhay na ito na hindi naman nila hinangad kailanman na mapunta roon. Pinipili natin ang mga mithiin na puno ng karangalan at tagumpay at kaligayahan, at pagkatapos kung minsan ay napapasakay tayo sa mga bus na nagdadala sa atin sa mga destinasyon na puno ng kahihiyan, kabiguan, at kalungkutan. Ang pangunahing layunin ng ating mortal na buhay ay maghanda para sa kabilang buhay. At ang ating posibleng destinasyon ay hinati sa tatlo, na inihalintulad ni Pablo sa liwanag ng araw, ng buwan, at ng mga bituin. …

“At bumabalik tayong muli sa mahalagang konseptong ito na isa sa mga pinakamahalaga sa mundo: una, alam natin kung saan natin nais pumunta; at pangalawa, sumakay tayo sa bus na magdadala sa atin doon” (“On the Wrong Bus,” New Era, Hulyo 1983, 4, 6.)

Doktrina at mga Tipan 76:11–12. “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ang aming mga mata ay nabuksan”

Sinabi nina Joseph Smith at Sidney Rigdon na habang isinasalin nila ang Juan 5:29 sila ay “nasa Espiritu” (D at T 76:11) at “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu” (D at T 76:12) nabuksan ang kanilang mga mata. Sa kontekstong ito, ang mga pariralang ito ay tumutukoy sa pansamantalang pagbabago sa pisikal at espirituwal na kalagayan na tinatawag na pagbabagong-anyo. Ang ibig sabihin ng pagbabagong-anyo ay kapag ang “mga tao [ay] panandaliang nagbago sa kaanyuan at kalikasan—gayon nga, itinaas sa isang mataas na antas ng espirituwalidad—nang sa gayon magtagal sila sa harapan at kaluwalhatian ng mga makalangit na tao” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabagong-Anyo,” scriptures.lds.org).

Doktrina at mga Tipan 76:19. Pag-aralan at pagbulayan o pagnilayan ang mga banal na kasulatan

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang pagkakaiba ng pag-aaral, at pagbubulay at ang kaugnayan ng pagbubulay at pagtanggap ng paghahayag:

Pangulong Henry B. Eyring

“Ang pagbabasa, pag-aaral, at pagbubulay ay hindi magkakapareho. Nababasa natin ang mga salita at maaari tayong makakuha ng mga ideya. Nag-aaral tayo at maaari nating matuklasan ang mga huwaran at pagkakaugnay-ugnay ng mga ideya sa banal na kasulatan. Ngunit kapag nagbulay-bulay tayo, nag-aanyaya tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu. Ang pagbubulay, para sa akin, ay ang pag-iisip at pagdarasal na ginagawa ko matapos basahin at pag-aralang mabuti ang mga banal na kasulatan” (“Maglingkod nang May Espiritu,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 60).

Itinuro ni Elder Marvin J. Ashton ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Marvin J. Ashton

“Sa pagbubulay-bulay, binibigyan natin ang Espiritu ng pagkakataong mabigyan tayo ng inspirasyon at matagubilinan” (“There Are Many Gifts,” Ensign, Nob. 1987, 20).

Doktrina at mga Tipan 76. “Ang Pangitain”

Sa pamamahala ni Joseph Smith, isang patulang bersyon ng Doktrina at mga Tipan 76, karaniwang tinatawag na “The Vision [Ang Pangitain],” ang isinulat. Ang tula ay inilathala noong Pebrero 1, 1843, sa Times and Seasons, isang pahayagan ng Simbahan na inilathala sa Nauvoo, Illinois, mula Nobyembre 1839 hanggang Pebrero 1846 (tingnan sa Times and Seasons, Peb. 1, 1843, 82–85). Ang table sa ibaba ay nagpapakita ng bahagi ng Doktrina at mga Tipan 76, kaukulang taludtod mula sa tula, at mga kaalamang makukuha natin sa dalawang ito.

Doktrina at mga Tipan 76

Patulang Bersyon

Kaalaman

Talata 24

“Na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos.”

Taludtod 19–20

“19. Patotoo sa langit, aking [narinig],

Siya ang Tagapagligtas, at anak ng Diyos—

Sa pamamagitan Niya, lahat nalikha,

Pati kalangitang malawak na lubha,

“20. Lahat ng nilalang na naroroon,

Ay tinubos din ng Tagapagligtas na ‘yon;

Mangyari pa, sila’y mga anak ng Diyos,

Sa katotohana’t kapangyarihang lubos.”

Si Jesucristo ay hindi lamang Tagapagligtas ng mga naninirahan sa mundo kundi ng mga naninirahan din sa lahat ng daigdig na Kanyang nilikha.

Mga talata 72–73

“Masdan, sila ang mga yaong namatay nang walang batas;

“At sila rin ang mga yaong espiritu ng tao na nakabilanggo, na dinalaw ng Anak, at nangaral ng ebanghelyo sa kanila, upang sila ay mahatulan alinsunod sa mga tao sa laman.”

Mga taludtod 54–55

“54. Masdan, sila ang mga namatay nang walang batas;

Mga paganong hindi narinig ang ebanghelyo,

Mga nalugmok at nasa lilim ng kamatayan,

Mga espiritu sa bilangguan, doo’y dinala ang liwanag.

“55. Sa bilangguang iyon, Tagapagligtas ay nangaral,

Ebanghelyo’y itinuro nang may kapangyarihan;

At ang buhay ay nagpabinyag para sa mga patay,

Upang sila ay mahatulan ayon sa laman.”

Hindi tulad ni Alvin Smith, na tatanggapin ang ebanghelyo kung nagkaroon siya ng pagkakataong marinig ito bago siya pumanaw (tingnan sa D at T 137), marami ang hindi tatanggap ng ebanghelyo kung narinig nila ito sa buhay na ito. Ngunit dahil sa malaking awa ng Diyos, ang mga taong ito ay magkakaroon ng pagkakataong marinig at tanggapin ang ebanghelyo sa bilangguan ng mga espiritu at hahatulan sila ayon sa laman.

Mga talata 74–77

“Na hindi tumanggap ng patotoo ni Jesus sa laman, subalit pagkaraan ay tinanggap ito.

“Sila ang mga yaong mararangal na tao sa lupa, na nabulag ng panlilinlang ng mga tao.

“Sila ang mga yaong tumanggap ng kanyang kaluwalhatian, subalit hindi ng kanyang kaganapan.

“Sila ang mga yaong tumanggap sa Anak, subalit hindi ng kaganapan ng Ama.”

Mga taludtod 56–57

“56. Sila ang mga mararangal na tao sa mundo;

Na nabulag at nalinlang ng katusuhan ng tao:

Katotohanan ng Tagapagligtas ay di tinanggap;

Ngunit tinanggap doon sa bilangguan.

“57. Sa katotohana’y hindi matatag, kaya’t putong ay di makakamtan,

Kundi yaong kaluwalhatiang gaya ng sa buwan:

Sila ang mga yaong tinanggap si Cristo,

Ngunit hindi ang kapuspusan ng Diyos.”

Maraming mararangal na tao ang hindi tumanggap ng ebanghelyo sa buhay na ito ngunit sa huli ay nagsisi at tinanggap ang ebanghelyo nang ituro ito sa kanila sa daigdig ng mga espiritu. Tatanggap sila ng kaluwalhatiang terestriyal, na maihahalintulad sa liwanag ng buwan. Makakausap nila si Jesucristo, ngunit hindi nila matatanggap ang kapuspusan ng Diyos Ama.