Seminaries and Institutes
Lesson 32: Doktrina at mga Tipan 25


Lesson 32

Doktrina at mga Tipan 25

Pambungad

Ang pag-uusig laban kay Propetang Joseph Smith at sa mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ay nagpatuloy hanggang sa tag-init ng 1830. Si Emma na asawa ni Joseph ay nabinyagan noong Hunyo 28, ngunit dahil sa pag-uusig sa mga miyembro natuloy lamang ang kanyang kumpirmasyon noong Agosto 1830. Noong matatapos na ang Hunyo, sa pagitan ng binyag at kumpirmasyon ni Emma, natanggap ni Joseph ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 25. Nakatala rito ang mga salita ng kapanatagan na ibinigay ng Panginoon kay Emma gayundin ang mga tagubilin tungkol sa kanyang pamilya at mga responsibilidad sa Simbahan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 25:1–3

Tinawag ng Panginoon si Emma Smith na isang hinirang na babae

Bago magklase, sabihin sa tatlong estudyante na maging pamilyar sa mga sumusunod na buod ng buhay at pagkatao ni Emma Smith, asawa ni Propetang Joseph. Simulan ang klase sa pag-anyaya sa tatlong estudyanteng ito na sabihin sa klase ang natutuhan nila tungkol kay Emma Smith. Maaari kang magdispley ng larawan ni Emma Smith (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 88; tingnan din sa LDS.org).

Emma Smith
  1. Tinulungan ni Emma si Joseph Smith sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

    Hindi nagtagal matapos ikasal si Emma Hale kay Joseph Smith, sinabi ng anghel na si Moroni kay Joseph na sumapit na ang panahon para matanggap niya ang mga laminang ginto. Noong umaga ng Setyembre 22, 1827, magkasamang nagbiyahe sina Joseph at Emma sakay ng isang bagon papunta sa Burol Cumorah, kung saan natanggap ni Joseph ang mga lamina. Dahil sa pag-uusig sa New York, lumipat sina Joseph at Emma sa Harmony, Pennsylvania, kung saan nakabili sila kalaunan ng lupain mula sa mga magulang ni Emma. Sa Harmony, sinimulan ng Propeta ang pagsasalin sa mga lamina. Sa panahong iyon, naging tagasulat si Emma habang nagsasalin si Joseph. Hanggang sa sandaling ito, iniutos kay Joseph na hindi niya dapat ipakita ang mga lamina kanino man, kahit kay Emma. Bagama’t napansin ni Emma na nakalapag sa mesa ang mga lamina na natatakluban ng tela, hindi niya kailanman inangat ang tela para makita ang mga ito.

  2. Si Emma ay dumanas ng trahedya, pighati, at pag-uusig.

    Habang nakatira sa Harmony, Pennsylvania, isinilang ni Emma ang kanyang anak na si Alvin na namatay kaagad matapos ipanganak. Maging si Emma ay malubhang nagkasakit, at natakot si Joseph na hindi ito makayanan ni Emma. Nang gumaling na siya, narinig niya ang nakapanlulumong balita na naiwala ng kaibigan ni Joseph na si Martin Harris ang naisalin na 116 na pahina ng manuskrito. Kahit mahina pa ang katawan, inalo ni Emma ang kanyang naghihinagpis na asawa, na nawalan ng kapangyarihang magsalin. Magkasama nilang hinintay ang kalooban ng Panginoon tungkol sa pagsasalin ng mga lamina. Kalaunan ay napilitan siyang iwan ang kanyang tahanan sa Harmony dahil sa pagbabanta ng mga mapaghinalang tao.

  3. Sa araw ng binyag ni Emma, dinakip si Joseph.

    Noong Hunyo 1830, si Joseph at ang isang maliit na grupo ng mga nagsisisampalataya ay gumawa ng dike sa sapa na malapit sa Colesville, New York, para makagawa ng tubigan na sapat ang lalim para mapagbinyagan. Subalit isang grupo ng mga mandurumog ang gumiba sa dike bago masimulan ang pagbibinyag. Kinabukasan, ginawang muli ng mga Banal ang dike at nakapagbinyag ng 13 katao, kabilang si Emma Smith. Nang gabing iyon, bago maisagawa ang mga kumpirmasyon, dinakip si Joseph sa paratang na “taong mapaggawa ng gulo” (History of the Church, 1:88). Siya ay nilitis at napawalang-sala, ngunit katatapos pa lang ng paglilitis nang dakpin siyang muli sa parehong paratang ng isang pulis sa kalapit na bayan. Muli siyang pinalaya. Dahil sa patuloy na oposisyon sa kanilang gawaing misyonero, kinailangang ipagpaliban ng mga miyembro ng Simbahan ang mga pulong para sa kumpirmasyon. Si Emma ay nakumpirma na miyembro ng Simbahan at tumanggap na kaloob na Espiritu Santo noon lamang Agosto. Noong matatapos na ang Hunyo, sa pagitan ng kanyang binyag at kumpirmasyon, natanggap ni Joseph ang paghahayag patungkol kay Emma, na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 25.

  • Ano ang hinangaan ninyo kay Emma nang malaman ninyo ang ilan sa mga naranasan niya?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 25:1–3 at hanapin ang mga salita at parirala na maaaring nakapagpapanatag kay Emma. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila at ipaliwanag kung bakit sa palagay nila ay nakapagpapanatag sa kanya ang mga salita o pariralang iyon.

  • Paano nakatutulong sa inyo sa mahihirap na panahon ang malamang kayo ay anak sa kaharian ng Panginoon?

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon kay Emma kung siya ay magiging matapat at “lumalakad sa landas ng kabanalan”?

  • Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “lumalakad sa landas ng kabanalan”? Paano mapapangalagaan ang isang tao sa pamamagitan ng paglakad sa landas ng kabanalan?

Patingnan sa mga estudyante ang pariralang “hinirang na babae,” sa Doktrina at mga Tipan 25:3. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang pariralang ito. Ipaliwanag na nang itatag ang Relief Society noong 1842 (mahigit isang dekada matapos ibinigay ang paghahayag na ito), si Emma Smith ay tinawag na maging unang pangulo ng organisasyon. Sa pulong na iyon, binasa ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 25. Ipinaliwanag niya na si Emma ay “hinirang” dahil siya ay “hinirang sa isang partikular na gawain … at ang paghahayag ay naisakatuparan [niya] nang mahirang siya sa Panguluhan ng Samahan, siya na dating inordenan upang magpaliwanag ng mga Banal na Kasulatan” (sa History of the Church, 4:552–53).

Doktrina at mga Tipan 25:4–16

Si Emma Smith ay tumanggap ng payo ukol sa kanyang pamilya at mga tungkulin sa Simbahan

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita at sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang mga ito sa kanilang notebook o scripture study journal:

Payo

Tungkulin

Pangako

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:4–16 nang tahimik at hanapin ang mga parirala o ideya na nauugnay sa tatlong kategorya na nakasulat sa pisara. (Maaari nilang gawin ito nang mag-isa o may kapartner.) Ipasulat sa kanila ang nalaman nila sa ilalim ng angkop na kategorya. (Halimbawa, sa talata 4, ang tagubilin ng Panginoon kay Emma na “huwag bumulung-bulong” dahil hindi niya nakita ang mga lamina ay maikakategorya na isang payo.) Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa maliliit na grupo. Maaari mong isulat ang mga tanong sa pisara o gawin itong handout para sa bawat grupo. Maaari ka ring mag-assign ng lider na mamumuno sa talakayan sa bawat grupo para magbigay ng mga tanong at maghikayat na magbahagi ang bawat estudyante.

  • Alin sa mga parirala o ideyang natukoy mo ang nagpapakita na kilala at mahal ng Panginoon si Emma Smith? Ipaliwanag kung paano nagpapatunay ng pagmamahal ng Panginoon ang bawat parirala o ideya.

  • Ang Doktrina at mga Tipan 25:16 ay naglalaman ng pahayag ng Panginoon na layunin Niyang umangkop din sa atin ang payo at mga pangako sa bahaging ito. Ano ang ilang aral na natutuhan ninyo sa mga salita ng Panginoon kay Emma? (Kapag natukoy ninyo ang mga katotohanang ito, isulat ang mga ito.)

Matapos talakayin ng mga grupo ang kanilang mga sagot sa tanong na ito, sabihin sa kanila na ibahagi sa klase ang mga alituntunin na natukoy nila sa Doktrina at mga Tipan 25:4–16. Maaaring kabilang sa kanilang mga sagot ang ilan o lahat ng sumusunod (bagama’t maaaring iba ang mga salitang ginamit dito):

Isantabi muna natin ang mga bagay ng daigdig na ito at hangarin ang mga bagay na pangwalang-hanggan.

Sa pagsamba natin sa Panginoon sa pamamagitan ng mabuting musika, pagpapalain Niya tayo.

Makahahanap tayo ng galak at kapanatagan sa pagtupad sa mga tipang ginawa natin sa Diyos.

Kung patuloy nating susundin ang mga utos ng Diyos, tatanggap tayo ng putong ng kabutihan.

Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang mga katotohanang natukoy nila, talakayin ang kanilang mga sagot sa klase. Sundin ang patnubay ng Espiritu sa pagtawag mo sa mga estudyante na ipaliwanag ang nalaman nila at ibahagi ang mga ideya at halimbawa. Ang mga tanong at mga tagubilin sa ibaba ay maaaring makatulong sa iyo sa paggabay sa talakayang ito.

Isantabi muna natin ang mga bagay ng daigdig na ito at hangarin ang mga bagay na pangwalang-hanggan (tingnan sa D at T 25:10).

  • Sa palagay ninyo, bakit maaaring makatulong kay Emma ang payo na unahin muna ang mga bagay na pangwalang-hanggan bago ang mga bagay ng daigdig na ito, lalo na bilang asawa ni Joseph Smith? (Maaaring makatulong na ipaliwanag na si Emma Hale ay lumaki sa marangyang tahanan, ngunit, matapos ikasal, ay madalas na namuhay sa kagipitan.)

  • Paano makatutulong sa atin ngayon ang payo na unahin muna ang mga bagay na pangwalang-hanggan bago ang mga bagay ng daigdig na ito?

  • Ano ang ilan sa mga bagay ng daigdig na inuuna ng mga tao bago ang Diyos?

  • Ano ang magagawa natin para hangarin ang mga bagay na pangwalang-hanggan?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung may anumang bagay ng daigdig na inuuna nila kaysa sa Diyos.

Sa pagsamba natin sa Panginoon sa pamamagitan ng mabuting musika, pagpapalain Niya tayo (tingnan sa D at T 25:12).

  • Ayon sa talatang ito, ano ang isang bagay na ikinagagalak ng Panginoon? Ano ang sinabi Niya tungkol sa mga pagpapala na dumarating sa pamamagitan ng “awit ng mabubuti”?

  • Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo dahil sa pagsamba ninyo sa Panginoon sa pamamagitan ng angkop na musika?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiin na makinig sa makabuluhan at angkop na musika. Hikayatin silang umasa na may mga pagpapalang darating habang patuloy nilang pinagsisikapan ang mithiing ito.

Makahahanap tayo ng galak at kapanatagan sa pagtupad sa mga tipang ginawa natin sa Diyos (tingnan sa D at T 25:13).

Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang “tuparin ang mga tipan na iyong ginawa” ay umayon at maging tapat sa mga pangakong ginawa natin sa Diyos.

Isipin ang isang kakilala ninyo na nananatiling tapat sa kanyang mga tipan, kahit sa mahihirap na panahon.

  • Paano siya pinagpala dahil sa katapatang iyon?

  • Kailan kayo pinagpala dahil naging tapat kayo sa mga tipang ginawa ninyo?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila pasisiglahin ang kanilang mga puso at mananatiling tapat sa kanilang mga tipan.

Kung patuloy nating susundin ang mga utos ng Diyos, tatanggap tayo ng putong ng kabutihan (tingnan sa D at T 25:15).

Ipaliwanag na ang tinutukoy ng pariralang “isang putong ng kabutihan ang iyong matatanggap” ay pagtanggap ng kadakilaan sa kahariang selestiyal (tingnan din sa D at T 29:13).

  • Paano maaaring makatulong ang pangakong ito sa isang taong nakararanas ng mahihirap na panahon?

  • Bakit mahalagang patuloy na sumunod at hindi lang paminsan-minsan?

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano sila patuloy na susunod. Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang kanilang mga ideya sa kanilang notebook o scripture study journal.

Matapos mong talakayin sa klase ang mga katotohanang ito mula sa Doktrina at mga Tipan 25, sabihin sa mga estudyante na mapanalanging isipin at isulat ang sa palagay nila ay nais ipagawa sa kanila ng Panginoon batay sa natutuhan nila sa klase ngayon. Hikayatin silang kumilos ayon sa mga impresyong ito.