Lesson 8
Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–26
Pambungad
Matapos matanggap ni Joseph Smith ang Unang Pangitain noong 1820, ibinahagi niya ang kanyang karanasan sa isang mangangaral na hindi naniwala sa kanyang patotoo. Bukod pa rito, inusig din ng iba pang mga tao sa komunidad ang batang si Joseph Smith. Ang mga taong malalakas ang impluwensya sa lipunan ay hayagan siyang kinutya. Sa kabila ng mga pagsalungat na ito, nanatiling tapat si Joseph Smith sa kanyang patotoo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–23
Ang mga mangangaral at ibang mga taong malakas ang impluwensya ay sinimulang udyukan ang mga tao na usigin si Joseph Smith
Simulan ang klase sa pagbasa nang malakas sa ikinuwento ni Pangulong Gordon B. tungkol sa pag-uusap nila ng isang binata sa London, England. Bago mo basahin ang unang bahagi ng kuwentong ito, sabihin sa klase na pag-isipang mabuti kung ano ang gagawin nila kung sila ang nasa sitwasyon ng binatang ito. (Maaari mong sabihin sa klase na malalaman nila ang katapusan ng kuwento mamaya sa lesson.)
“Sabi niya, ‘Kailangan ko ng makakausap. Nag-iisa ako. …’
“At sinabi ko, ‘Anong problema mo?’
“At sinabi niya, ‘Nang sumapi ako sa Simbahan noong nakaraang taon, pinalayas ako ng tatay ko sa bahay namin at sinabihang huwag nang bumalik kahit kailan. At hindi na nga ako bumalik.’
“Nagpatuloy siya, ‘Pagkaraan ng ilang buwan tinanggal ako ng cricket club sa listahan nila ng mga miyembro, at pinagbawalan akong makisama sa mga lalaking kasabayan kong lumaki at matatalik ko nang kaibigan.’
“Pagkatapos ay sinabi niya, ‘Noong nakaraang buwan sinisante ako ng aking boss dahil miyembro ako ng simbahang ito, at wala pa akong makitang trabaho hanggang ngayon. …
“‘At kagabi ang babaeng isang taon at kalahati ko nang nobya ay nagsabi sa akin na hindi niya ako kailanman pakakasalan dahil Mormon ako’” (“The Loneliness of Leadership” [Brigham Young University devotional address, Nob. 4, 1969], 3, speeches.byu.edu).
Matapos basahin ang salaysay na ito, sabihin sa ilang estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Naranasan na ba ninyo na mapakitunguhan nang hindi maganda at mapintasan dahil sa mga paniniwala ninyo sa inyong relihiyon? Anong sitwasyon iyon? (Maaari ka ring magbahagi sa klase ng sarili mong karanasan.)
Ipakita ang larawan na Ang Unang Pangitain (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 90; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na bagama’t si Joseph Smith ay pinagpala nang lubos dahil sa patotoong natanggap niya bunga ng Unang Pangitain, siya ay matindi ring sinubukan. Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang matutuhan mula sa itinugon ni Joseph Smith sa pagsalungat na naranasan niya dahil sa kanyang patotoo.
Pagpartnerin ang mga estudyante para magtulungan sa pagsagot. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–23. Sabihin sa kanila na hanapin ang mga salita at parirala na naglalarawan ng pagsalungat na naranasan ni Joseph Smith dahil sa kanyang patotoo. (Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang mga salita at pariralang nahanap nila.) Matapos magbasa ang mga estudyante, itanong ang mga sumusunod:
-
Anong mga salita o parirala ang tumimo sa inyong isipan?
-
Sino ang nagpasimula ng pag-uusig laban kay Joseph Smith sa panahong ito? (Ang mga taong matataas ang katayuan o malakas ang impluwensya sa lipunan na nagsasabing sila ay mga Kristiyano.)
-
Kung iisipin ninyo ang edad at katayuan sa buhay ni Joseph Smith, gaano kaya kahirap para sa kanya ang usigin ng mga taong ito?
Ipaliwanag ang pangungusap na malapit sa dulo ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:20 na nagsisimula sa, “Tila baga. …” Sabihin sa mga estudyante na magsimula sa mga salitang ito at tahimik na basahin ang natitirang bahagi ng talata, na inaalam ang mga dahilang ibinigay ni Joseph Smith kung bakit niya naranasan ang pag-uusig na ito sa ganoong kamurang edad.
Ayon kay Joseph Smith, bakit niya naranasan ang pag-uusig na ito sa murang edad? (Alam ni Satanas na si Joseph Smith ay itatalagang maging “tagabulabog at tagasuya ng kanyang kaharian” [Joseph Smith—Kasaysayan 1:20].)
Ipaliwanag na sa patuloy na pag-aaral ng mga estudyante ng Joseph Smith—Kasaysayan ngayon, malalaman nila ang mahahalagang katotohanan na tutulong sa kanila na makayanan ang pagsalungat at pag-uusig na maaaring maranasan nila dahil sa kanilang mabubuting paniniwala at gawa.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:24–26
Bagama’t kinamuhian at inusig si Joseph Smith, nanatili siyang tapat sa kanyang patotoo
Ipakita ang iyong banal na kasulatan, at itanong ang sumusunod:
-
Sino ang isang tao sa mga banal na kasulatan na hinahangaan ninyo dahil sa kanyang pagkatao o dahil sa matinding epekto ng kanyang halimbawa? (Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag nang maikli ang kanilang mga sagot.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang pangalan ng taong nakaranas din ng mga naranasan ni Joseph Smith.
-
Bakit nagawang gunitain ni Joseph Smith ang kanyang mga naranasan at ihalintulad ang sarili kay Apostol Pablo? (Si Pablo ay kinutya dahil sa kanyang patotoo tungkol Kay Jesucristo ngunit nanatiling tapat sa patotoong ito.)
-
Sa palagay ninyo, bakit nakatulong kay Joseph Smith na makita ang pagkakatulad nila ni Apostol Pablo? (Tingnan sa II Mga Taga Corinto 11:23–27 ang paglalarawan sa paghihirap ni Pablo.)
-
Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Joseph Smith tungkol sa pag-aaral at pagninilay sa mga karanasan ni Pablo? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Sa mga oras ng pagsubok, makakakuha tayo ng lakas mula sa mga halimbawa ng matatapat na tao sa mga banal na kasulatan.)
Isulat ang katotohanang ito sa pisara, at ipaliwanag na ito ay isang halimbawa ng isang alituntunin. Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ay mahalaga at di-nagbabagong mga katotohanan na gumagabay sa ating buhay. Upang matulungan ang mga estudyante na maiugnay ang alituntuning ito sa kanilang buhay at maramdaman ang katotohanan at kahalagahan nito, itanong ang sumusunod:
-
Kailan kayo pinalakas ng pag-aaral ng karanasan ng matatapat na tao sa mga banal na kasulatan? (Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)
Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang mga banal na kasulatan sa tuwing nakararanas sila ng mga problema at pagsubok.
Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: “Nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).
-
Ano ang itinuturo ng talatang ito sa inyo tungkol sa patotoo ni Joseph Smith sa Unang Pangitain?
-
Paano kayo magkakaroon ng patotoo na talagang nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at si Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nang tahimik ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:24–25. Sabihin sa kanila na alamin ang mga doktrina o alitutunin na makatutulong sa atin kapag may sumasalungat sa atin o kapag nanghihina ang ating patotoo. Sabihin sa kanila na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang nalaman nila. Maaaring kasama sa mga halimbawa ng mga katotohanan na matutukoy ng mga estudyante ang mga sumusunod:
Ang kaalamang natatanggap natin mula sa Diyos ay totoo kahit na hindi ito tinatanggap ng mundo.
Dapat na mas alalahanin natin ang iniisip sa atin ng Diyos kaysa sa iniisip sa atin ng mga tao.
Kahit kamuhian at usigin tayo dahil sa ating mga patotoo, kailangan tayong manatiling tapat sa mga ito.
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga katotohanang natukoy nila. Hikayatin silang pakinggang mabuti ang isa’t isa. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat nila sa kanilang notebook o scripture study journal ang mga katotohanang natututuhan nila mula sa isa’t isa. Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang mga katotohanang nalaman nila, itanong ang mga sumusunod:
-
Paano naging halimbawa ng katotohanang iyan si Joseph Smith?
-
Paano makatutulong sa inyo ang katotohanang iyan?
-
Paano maaapektuhan ng pagsasabuhay ng katotohanang iyan ang ating mga pagpili?
Basahin nang malakas ang kuwento ni Pangulong Hinckley tungkol sa binata sa London, England, na nakaranas ng matinding pagsalungat dahil sa kanyang mga paniniwala sa relihiyon:
“Sinabi ko, ‘Kung maraming nawala sa iyo dahil dito, bakit hindi ka na lang umalis sa Simbahan at bumalik sa bahay ng iyong ama at sa cricket club at sa trabaho na napakahalaga sa iyo at sa dalagang minamahal mo?’
“Matagal siyang hindi nagsalita. Pagkatapos, isinubsob niya ang kanyang mukha sa kanyang mga kamay, at humikbi nang humikbi. Sa huli, tumingala siya na lumuluha at sinabi, ‘Hindi ko magagawa iyan. Alam kong totoo ito, at kahit buhay ko pa ang kapalit, hindi ko ito iiwan’” (“The Loneliness of Leadership,” 3–4).
Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga katotohanan na inilista nila at isulat ang gagawin nila upang maipamuhay ang katotohanang iyon.
Tapusin ang lesson sa pagpapabasa nang malakas sa isang estudyante ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang alituntunin na napatunayan ni Joseph Smith na totoo.
-
Anong mga pagpapala ang dumating kay Joseph Smith dahil naniwala siya sa pangakong binanggit sa aklat ni Santiago? (Nalaman niya na kapag humingi tayo ng karunungan sa Diyos nang may pananampalataya, sagana Niyang ibibigay iyon sa atin. Natutuhan din niya na kapag naniwala at kumilos tayo ayon sa mga pangako sa mga banal na kasulatan, mapapatunayan nating totoo ang mga ito.)
Ibahagi ang iyong patotoo na kapag nagtitiwala tayo sa Diyos at kumikilos ayon sa mga pangako sa mga banal na kasulatan, makatatanggap tayo ng mga sagot mula sa Diyos at magkakaroon ng lakas na makayanan ang mga hamong kinakaharap natin.