Seminaries and Institutes
Lesson 118: Doktrina at mga Tipan 110


Lesson 118

Doktrina at mga Tipan 110

Pambungad

Noong Linggo, Abril 3, 1836, nagdaos ng sacrament meeting sa Kirtland Temple. Sa miting na ito, nagtungo sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa isang bahagi ng templo kung saan isang tabing ang naghihiwalay sa kanila mula sa kongregasyon. Sila ay nanalangin doon. Nang tumayo sila matapos silang manalangin, nagpakita sa kanila si Jesucristo at tinanggap ang bagong kalalaang templo. Pagkatapos ay nagpakita sina Moises, Elias, at Elijah, at naipanumbalik ang mga susi ng priesthood. Nakatala sa Doktrina at mga Tipan 110 ang pangitaing ito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 110:1–10

Ang Panginoon ay nagpakita at tinanggap ang Kirtland Temple

Tanungin ang mga estudyante kung ano ang nakasulat sa labas ng bawat templo. (“Kabanalan sa Panginoon—ang Bahay ng Panginoon.”)

  • Ano ang kahulugan sa inyo ng “ang Bahay ng Panginoon”?

Matapos matalakay ng mga estudyante ang tanong na ito, ipaliwanag na dinalaw kaagad ng Panginoon ang Kanyang bahay sa Kirtland, Ohio, pagkatapos itong mailaan. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga nangyari sa sagradong kaganapang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 110. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung sino ang naroon at ano ang ginagawa nila bago maganap ang pangitaing ito.

  • Sino ang naroon nang maganap ang pangitaing ito? Ano ang ginagawa nila bago maganap ang pangitaing ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 110:1–3. Bago magbasa ang estudyante, sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at subukang ilarawan sa isipan kung ano ang inilalarawan sa mga talatang ito.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 110:4–5 para malaman ang sinabi ng Tagapagligtas kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.

  • Ano sa mga talatang ito ang makabuluhan sa inyo? Bakit?

Sabihin sa ilang estudyante na maghalinhinan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 110:6–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilan kung bakit sinabi ng Panginoon na dapat magalak ang lahat ng mga Banal.

  • Ayon sa talata 7, bakit malaki ang dahilan ng mga Banal para magalak? (Tinanggap ng Panginoon ang templo at nangakong ipapakita ang Kanyang sarili sa templong ito.)

  • Paano ipapakita ng Panginoon ang Kanyang sarili sa mga tao sa templo? Ipaalala sa mga estudyante na tinalakay nila ito nang pag-aralan nila ang Doktrina at mga Tipan 97 at Doktrina at mga Tipan 109. Kadalasan, ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.)

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang isang alituntunin mula sa pangako sa mga talata 7–8. Maaaring iba-ibang alituntunin ang matukoy ng mga estudyante, ngunit tiyaking nabigyang-diin ang sumusunod: Kung susundin natin ang mga kautusan ng Panginoon at pananatilihing dalisay ang Kanyang bahay, ipapakita Niya ang Kanyang sarili sa atin sa Kanyang mga templo. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntuning ito, talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano natin mapapanatiling dalisay at malinis ang bahay ng Panginoon?

  • Sa inyong palagay, bakit iniuutos ng Panginoon sa atin na maging masunurin at malinis bago Niya ipakita ang Kanyang sarili sa atin sa Kanyang bahay?

Kung nakapunta na ang mga estudyante sa templo, sabihin sa kanila na pagnilayan ang isang karanasan kung saan nadama nila na naging malapit sila sa Panginoon doon. Maaari mong ibahagi ang iyong nadama nang sumamba ka sa templo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 110:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung sino ang magagalak at bakit.

  • Ayon sa mga talatang ito, sino ang mapagpapala dahil sa panunumbalik ng mga pagpapala ng templo?

  • Paano napagpala ang mundo dahil sa mga templo at gawain ng kaligtasan para sa mga buhay at mga patay?

  • Paano naging pagpapala ang templo sa inyong buhay?

Doktrina at mga Tipan 110:11–16

Nagpakita sina Moises, Elias, at Elijah, at naipanumbalik ang mga susi ng priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng isang pagkakataon kung saan pansamantalang nagkawalay sa isa’t isa ang kanilang pamilya. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nadama nila sa pagkakahiwalay na ito. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 110:11–16, sabihin sa kanila na alamin kung paano nagbibigay ng katiyakan ang pangitaing ito na mapagtatagumpayan ng ating pamilya ang anumang pagkakahiwalay.

Isulat ang sumusunod na chart sa pisara. Huwag isulat ang impormasyon na nasa panaklong.

Moises

D at T 110:11

Elias

D at T 110:12

Elijah

D at T 110:13–16

Ipinanumbalik na mga susi ng priesthood

(Ang mga susi ng pagtitipon ng Israel)

(Ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham)

(Ang mga susi ng dispensasyong ito)

Ang pinamamahalaan ng mga susing ito

(Gawaing misyonero)

(Selestiyal na kasal at walang hanggang inapo)

(Kapangyarihang magbuklod, kabilang ang gawain sa templo at family history)

Ipaliwanag na pagkatapos ng pangitain sa Tagapagligtas, tatlo pang indibidwal ang nagpakita nang paisa-isa kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Magdispley ng mga larawan nina Moises at Elijah (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebangelyo [2009], mga bilang 14, 20; tingnan din sa LDS.org). Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung sino sina Moises at Elijah at banggitin ang ilang mahahalagang bagay na nagawa nila (kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, imungkahi na tingnan nila ang mga propetang ito sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Ipaliwanag na si Elias ay isang propeta na maaaring nabuhay sa panahon ni Abraham. Bukod pa sa pangalan, ang Elias ay isa ring titulo na ibig sabihin ay tagapagpauna o tagapanumbalik (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Elias,” scriptures.lds.org).

Ang Sampung Utos
Nakipagtalo si Elijah sa mga Saserdote ni Baal

Hatiin ang klase sa tatlong grupo. Bigyan ang bawat grupo ng isa sa tatlong pangalan sa chart na nasa pisara. Ipaliwanag na bawat isa sa mga sugo ay iginawad ang mga susi ng priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang scripture passage sa ilalim ng pangalan na ibinigay sa kanila at alamin kung ano ang ipinanumbalik ng mga sugo. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa isang estudyante mula sa bawat grupo na basahin sa klase ang naka-assign na scripture passage sa kanila. Sabihin sa pangalawang estudyante sa bawat grupo na isulat kung ano ang ipinanumbalik ng sugo sa hanay na may pamagat na “Ipinanumbalik na mga susi ng priesthood” sa chart na nasa pisara.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang mga susi ng pagtitipon ng Israel, talakayin ang sumusunod na tanong:

  • Sa ating panahon, paano tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga anak sa Kanyang kaharian?

Dagdagan o pagtibayin ang mga sagot ng estudyante sa pamamagitan ng pagsasabi sa isang estudyante na basahin ang sumusunod na paliwanag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Russell M. Nelson

“Ang gawaing misyonaryo ay mahalaga sa pagtitipon ng Israel. … Maraming bansa ang sinaliksik ng mga missionary para sa mga taong kabilang sa nakakalat na Israel” (“Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 81).

Isulat ang gawaing misyonero sa pisara sa ilalim ng “Moises” sa hanay na may pamagat na “Ang pinamamahalaan ng mga susing ito.”

  • Paano nakaimpluwensya sa buhay ninyo ang panunumbalik ni Moises ng mga susi na namamahala sa gawaing misyonero?

Ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham, na iginawad kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ni Elias, ay nagpanumbalik sa mga pangako na ginawa ng Panginoon kay Abraham. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham na ipinanumbalik ni Elias, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

“Ipinanumbalik ni Elias ‘ang ebanghelyo ni Abraham,’ ang dakilang tipan ni Abraham kung saan ang matatapat ay tumatanggap ng mga pangako na walang hanggang pag-unlad, mga pangako na sa pamamagitan ng selestiyal na kasal ang kanilang mga walang hanggang inapo ay magiging kasingrami ng mga buhangin sa dalampasigan o ng mga bituin sa langit. Ibinigay ni Elias ang pangako—na tinanggap noong sinauna nina Abraham, Isaac, at Jacob—na sa kalalakihan ngayon at sa kanilang mga binhi lahat ng henerasyon ay mapagpapala. At ibinibigay natin ngayon ang mga pagpapala nina Abraham, Isaac, at Jacob sa lahat ng tatanggap nito” (“The Keys of the Kingdom,” Ensign, Mayo 1983, 22).

  • Ayon kay Elder McConkie, anong mga pangako ang ibinigay kay Abraham? (Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat ang selestiyal na kasal at walang hanggang inapo sa pisara sa column sa ilalim ng “Elias.”)

  • Ano ang kahulugan sa inyo ng selestiyal na kasal at walang hanggang inapo? Bakit mahalaga ang mga ito sa inyo?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga susi na ipinanumbalik ni Elijah, sabihin sa dalawang estudyante na basahin ang mga sumusunod na pahayag:

Pangulong Joseph Fielding Smith

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Ang kapangyarihang ito na magbuklod na ipinagkaloob kay Elijah, ay ang kapangyarihang nagbibigkis sa mga mag-asawa, at sa mga anak at mga magulang sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Ito ay kapangyarihang nagbibigkis na naroon sa lahat ng ordenansa ng Ebanghelyo. … Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito ang lahat ng mga ordenansa na nauugnay sa kaligtasan ay nabibigkis, o nabubuklod, at misyon ni Elijah na pumarito at ipanumbalik ito” (Elijah the Prophet and His Mission [1957], 5).

Elder David A. Bednar

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalwang Apostol: “Bilang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo, may responsibilidad tayo sa ating tipan na saliksikin ang ating mga ninuno at magsagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo para sa kanila. … Dahil dito nagsasaliksik tayo ng kasaysayan ng ating pamilya, nagtatayo ng mga templo, at nagsasagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa para sa mga patay. Dahil dito isinugo si Elijah upang ipanumbalik ang awtoridad na magbuklod na may bisa sa lupa at sa langit” (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 25–26).

  • Ayon sa mga paliwanag na ito, anong kapangyarihan o awtoridad ang ipinanumbalik ni Elijah? (Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat ang kapangyarihang magbuklod, kabilang ang gawain sa templo at family history sa pisara sa column sa ilalim ng “Elijah.” Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na kung wala ang mga susing ito ng priesthood, “ang buong mundo ay lubusang mawawasak sa pagparito [ng Panginoon]” [D at T 2:3].)

  • Paano kayo napagpala sa panunumbalik ng kapangyarihang magbuklod?

Ipaliwanag na ipinaalala ni Pangulong Joseph Fielding Smith na ang Kirtland Temple “ay itinayo para sa pangunahing layunin na ipanumbalik ang mga susi ng awtoridad. Sa pagtanggap ng mga susing ito naihayag ang kabuuan ng mga ordenansa ng ebanghelyo” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:242). Patuloy na ginagamit ngayon ng Pangulo ng Simbahan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga susing ito ng priesthood.

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Ang mga susi ng gawaing misyonero, mga walang hanggang pamilya, at gawain sa templo ay tumutulong sa atin na …

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 110:11–16 at alamin kung paano nila kukumpletuhin ang alituntuning ito.

  • Ayon sa mga talatang ito, bakit kinakailangan ang gawaing misyonero, mga walang hanggang pamilya, at gawain sa templo? (Sa pagsagot ng mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara. Dapat makita sa kanilang mga sagot ang sumusunod na alituntunin: Ang mga susi ng gawaing misyonero, mga walang hanggang pamilya, at gawain sa templo ay tumutulong sa atin na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrinang ito, atasan ang bawat grupo ng isa sa mga sumusunod na tanong para pagninilayan: (1) Paano naihahanda ng gawaing-misyonero ang mga tao para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon? (2) Paano inihahanda ang mga tao ng pangako ng walang hanggang kasal at pamilya para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon? (3) Paano inihahanda ang mga tao ng gawain sa templo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon? Matapos ang sapat na oras, tawagin ang isang estudyante mula sa bawat grupo para sagutin ang mga tanong na ito.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na sagutin ito sa kanilang notebook o scripture study journal:

Paano kayo napagpala dahil sa mga susi ng priesthood na ipinanumbalik?

Ano ang magagawa ninyo para tulungan ang ibang tao na mapagpala sa pamamagitan ng isa sa mga susing ito na ipinanumbalik?

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga ideya nila sa isang kaklase. Maaari mong ibahagi kung paano napagpala ang iyong buhay dahil ang mga susing ito ng priesthood ay naipanumbalik.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 110:10. “Ang katanyagan ng bahay na ito ay lalaganap sa mga ibang lupain”

Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“[Noong 1836] iprinopesiya ng Panginoon na ang ‘katanyagan ng bahay na ito ay lalaganap sa mga ibang lupain.’ (D at T 110:10.) Iyan, sa mga kalagayan na umiiral noon, ay malamang na hindi mangyari. Kakaunti lamang noon ang mga miyembro ng Simbahan at nagkalat sa mga nayon ng bagong lupain. Ngunit sa kabila ng pag-uusig at paghihirap at mga pagsubok sa mga unang panahong iyon, ngayon ay laganap ang mga kongregasyon sa iba’t ibang dako, at libu-libong missionary ang nagpapatotoo sa bawat tahanan kung saan sila tinatanggap” (The Holy Temple [1980], 135).

Doktrina at mga Tipan 110:11. Ang pagtitipon ng Israel

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Hawak ni Moises ang mga susi ng pagtitipon ng Israel. Pinamunuan niya ang Israel palabas sa Egipto patungo sa lupain ng Canaan. Responsibilidad niya na pumarito sa dispensasyong ito at ipanumbalik ang mga susing iyon para sa pagtitipon sa panahong ito” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 2:48). Pagkatapos ng pangitaing ito sa Kirtland Temple, agad na ginamit ni Propetang Joseph Smith ang mga susing ito upang simulan ang pagtitipon ng Israel mula sa lahat ng dako ng mundo. Halimbawa, noong 1837 sina Elder Heber C. Kimball, Elder Orson Hyde, at iba pang mga missionary ay ipinadala sa England, kung saan tumulong sila sa pagtitipon ng halos 2,000 katao sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo sa pamamagitan ng kanilang pangangaral.

Doktrina at mga Tipan 110:13. Ang pagbabalik ni Elijah

“Ang dakilang araw na ito ng mga pangitain at paghahayag ay naganap noong Linggo ng Pagkabuhay, 3 Abril 1836 [tingnan sa pambungad ng Doktrina at mga Tipan 110]. Napakagandang araw nito sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon upang mapagtibay muli ang Pagkabuhay na Mag-uli. Ang Linggo ring iyan ay Paskua ng mga Judio. Maraming siglo nang naglaan ng bakanteng upuan ang mga pamilyang Judio sa kanilang mga pista ng Paskua, inaasam ang pagbabalik ni Elijah. Nagbalik na si Elijah—hindi sa pista ng Paskua kundi sa templo ng Panginoon sa Kirtland” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 167).

Doktrina at mga Tipan 110:13–16. Ang mga susi ng pagbubuklod ay magbabaling sa mga puso ng mga ama at ng mga anak

Itinuro ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:

Pangulong James E. Faust

“Sa aking palagay, ang mga miyembro ng Simbahan ay may pinakamabisang lunas para sa ating humihinang buhay-pamilya. Responsibilidad ng kalalakihan, kababaihan, at mga bata na igalang at respetuhin ang mga banal na tungkulin ng mga ama at ina sa tahanan. Sa paggawa nito, ang paggalang at pagpapahalaga sa isa’t isa sa mga miyembro ng Simbahan ay mapag-iibayo ng kabutihang naroon sa tahanang iyon. Sa ganitong paraan, ang dakilang mga susi ng pagbubuklod na ipinanumbalik ni Elijah, na binanggit ni Malakias, ay magagamit ‘upang ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama, at baka ang buong mundo ay bagabagin ng isang sumpa.’ (D at T 110:15; Mal. 4:6.) …

“Marahil ay itinuturing natin na ang kapangyarihang iginawad ni Elijah ay isang bagay na nauugnay lamang sa mga pormal na ordenansa na isinasagawa sa mga sagradong lugar. Ngunit ang mga ordenansang ito ay nagiging epektibo at napapakinabangan lamang kapag nakikita ang mga ito sa ating pang-araw-araw na buhay. Sinabi ni Malakias na ang kapangyarihan ni Elijah ay magbabaling ng mga puso ng mga ama at ng mga anak sa isa’t isa. Ang puso ang sentro ng damdamin at sa pamamagitan nito natatanggap ang mga paghahayag. (Tingnan sa Mal. 4:5–6.) Ang kapangyarihang ito na nagbubuklod ay naihahayag mismo sa ugnayan ng mga pamilya, sa mga katangian at kabutihan na unti-unting nataglay sa isang kapaligirang nangangalaga, at sa paglilingkod nang may pagmamahal. Ito ang mga taling nagbibigkis sa mga pamilya nang magkakasama” (“Father, Come Home,” Ensign, Mayo 1993, 37).

Itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Russell M. Nelson

“Kasama sa panunumbalik na ito [ng mga susi ng priesthood] ang tinawatag kung minsan na Diwa ni Elijah—isang pagpapakita ng pagpapatotoo ng Espiritu Santo sa likas na kabanalan ng pamilya” (“A New Harvest Time,” Ensign, Mayo 1998, 34).