Seminaries and Institutes
Lesson 14: Doktrina at mga Tipan 5


Lesson 14

Doktrina at mga Tipan 5

Pambungad

Bagama’t naiwala ni Martin Harris ang 116 na pahina ng manuskrito noong tag-init ng 1828, ninais pa rin niyang makatulong sa pagpapalabas ng Aklat ni Mormon. Noong Marso 1829 naglakbay si Martin mula sa kanyang tahanan sa New York para bisitahin sina Joseph at Emma Smith sa Harmony, Pennsylvania. Habang naroon, hiniling ni Martin na ipakita sa kanya ni Joseph ang mga laminang ginto. Nagtanong si Joseph Smith sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na kilala na ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 5. Sa paghahayag na ito, sinabi ng Panginoon na tatlong saksi ang tatawagin upang patotohanan ang Aklat ni Mormon at ipinaalam kay Martin ang dapat niyang gawin para maging marapat na maging isa sa mga saksing ito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 5:1–22

Ilalabas ng Panginoon ang Kanyang salita sa mga huling araw, at ang mga saksi ay magpapatotoo

Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang isang bagay na narinig lang ninyo ngunit gusto ninyong makita mismo ng sarili ninyong mga mata? Bakit gusto ninyo itong makita?

Matapos sumagot ang ilang estudyante, sabihin sa kanila na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 5:1 at alamin ang gustong makita mismo ni Martin Harris. Matapos matukoy ng mga estudyante kung ano ang gustong makita ni Martin, maaari mong itanong sa kanila kung gusto nilang makita ang mga laminang ginto. Sabihin sa isa o dalawang estudyante na ipaliwanag ang kanilang mga sagot.

Upang maipaunawa sa mga estudyante kung bakit hiniling ni Martin na ipakita rin sa kanya ang mga lamina, ipaliwanag na noong Marso 1829, nagplano ni Martin na maglakbay mula sa kanyang tahanan sa New York para bisitahin sina Joseph at Emma Smith sa Harmony, Pennsylvania. Gayunpaman, ikinagalit ng kanyang asawa, si Lucy Harris, ang paggugol ni Martin ng panahon at pera para sa paglalathala ng Aklat ni Mormon. Nagagalit din siya kay Joseph Smith dahil hindi nito pinagbigyan ang hiling niya na ipakita sa kanya ang mga laminang ginto. Naghain siya ng reklamo sa korte laban kay Joseph at nagtipon ng maraming tao na handang tumestigo na nagsinungaling si Joseph na may mga lamina. Bukod pa sa pagbabantang magsasampa ng kaso laban kay Joseph, binalaan din ng mga tao si Martin na kung hindi siya makikiisa sa pagtestigo sa di-umano’y panlilinlang at panloloko ni Joseph Smith, ituturing siya na kasabwat ni Joseph at pareho silang mabibilanggo. Sa panahong ito, hindi pa kailanman nakita mismo ni Martin ang mga laminang ginto, bagama’t naging tagapagsulat siya ni Joseph. Pagkarating sa bahay ni Joseph, sinabi ni Martin na gusto niya ng mas malinaw na katibayan na totoong may mga laminang ginto. Marahil naniniwala siya na kung makikita niya mismo ang mga lamina, magiging handa siyang tumestigo sa korte na totoong may mga lamina at sa gayon ay malinis ang kanyang pangalan at ang pangalan ni Joseph Smith sa bintang na panloloko. Matapos pakinggan ni Joseph ang kahilingan ni Martin na makita ang mga lamina, nagtanong siya sa Panginoon at natanggap ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 5.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 5:2–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na dapat isagot ni Joseph Smith sa pakiusap ni Martin Harris.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na isagot ni Joseph kay Martin?

  • Bakit hindi maaaring ipakita ni Joseph Smith kay Martin Harris ang mga lamina?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung bakit hindi itinulot ng Panginoon na ipakita ang mga lamina sa lahat ng tao. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Madalas kapag naririnig ng [mga tao] … ang kuwento tungkol sa pagdating ng Aklat ni mormon, itinatanong nila kung nasa isang museo ba ang mga lamina para makita nila ang mga ito. Ang ilan sa kanila na may kaalaman sa siyensya, ay [nagsasabing] kung makikita at masusuri ng mga eksperto ang mga lamina at mapag-aaralang basahin ito, magpapatotoo sila na totoo ang Aklat ni Mormon at si Joseph Smith, at sa gayon ang buong mundo ay maniniwala” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:40).

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa bawat magkapartner na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 5:5–10 at alamin kung bakit sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na huwag ipakita ang mga lamina sa lahat ng tao.

  • Anong mga dahilan ang ibinigay ng Panginoon kung bakit hindi dapat ipakita ni Joseph Smith ang mga lamina sa lahat ng tao? (Kung hindi naniniwala ang mga tao sa mga salita ng Panginoon na inihayag sa pamamagitan ng Joseph Smith, hindi pa rin sila maniniwala kung makita nila ang mga lamina [tingnan sa D at T 5:7]; inilaan ng Panginoon ang mga lamina para sa isang matalinong layunin [tingnan sa D at T 5:9].)

  • Ano ang natutuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 5:10 tungkol sa natatanging tungkulin ni Joseph Smith? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Tinawag ng Panginoon si Joseph Smith upang ihatid sa mundo ang Kanyang salita. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Doktrina at mga Tipan 5:10.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga para sa atin na magkaroon ng patotoo sa katotohanang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 5:11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya upang suportahan ang patotoo ni Joseph Smith tungkol sa Aklat ni Mormon. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang kanilang natutuhan, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang patotoo ng tatlong saksi ay magsisilbing katibayan ng katotohanan ng Aklat ni Mormon.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 5:11–15 at alamin ang iparirinig, ipakikita, at ipagagawa sa Tatlong Saksi. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Bakit nakatutulong na bukod kay Joseph Smith, tumawag ang Panginoon ng tatlong saksi na nakita ang mga lamina at narinig na ipinahayag ng Panginoon na totoo ang mga ito?

Ipaliwanag na bukod sa iniutos na magpatotoo si Joseph Smith at ang Tatlong Saksi, naglaan ang Panginoon ng isa pang paraan na maaari nating malaman ang katotohanan ng Aklat ni Mormon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 5:16–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga maniniwala sa Aklat ni Mormon.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na ipapadala Niya sa mga naniniwala sa Kanyang mga salita? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung maniniwala tayo sa mga salita ng Panginoon, pagtitibayin Niya ang katotohanan ng mga ito sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.)

Upang matulungan ang mga estudyante kung paano nila maipamumuhay ang mga katotohanang binanggit sa itaas, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang dapat nating gawin sa oras na magkaroon tayo ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon.

Pangulong Ezra Taft Benson

“Kailangang magkaroon ang bawat isa sa atin ng sariling patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Pagkatapos, ang ating patotoo, pati na ang Aklat ni Mormon, ay dapat ibahagi sa iba upang malaman din nila sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang katotohanan nito” (“The Book of Mormon and the Doctrine and Covenants,” Ensign, Mayo 1987, 84).

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para makapagsulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng (1) kanilang sariling patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon o (2) ano ang maaari nilang gawin upang mapalakas ang kanilang patotoo na totoo ang Aklat ni Mormon. Maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 5:21–22 at palitan ang pangalang “Joseph” ng pangalan nila. Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang itinuturo ng Panginoon sa mga talatang ito.

  • Paano makakaiwas ang isang tao na matangay “sa mga panghihikayat ng mga tao”?

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon na matatanggap ni Joseph kung siya ay magiging tapat—kahit na siya ay “mapatay”? (Buhay na walang hanggan.)

Doktrina at mga Tipan 5:23–35

Si Martin Harris ay maaaring tawagin bilang isa sa Tatlong Saksi kung siya ay magsisisi

Kung maaari, magpakita sa mga estudyante ng isang bombilya (o magdrowing nito sa pisara). Itanong kung ano ang dapat nating gawin para mapailaw ang bombilya. Pagkatapos ay ilagay ang bombilya sa lampara. I-plug ang lampara at buksan ito. Ipaliwanag na tulad ng bombilya na may ilang hakbang na dapat gawin para mapailaw ito, natutuhan ni Martin Harris na may ilang hakbang na kailangang gawin bago niya makita ang mga lamina na hiniling Niya sa Panginoon.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 5:23–24 at alamin ang mga pangakong may kundisyon na ibinigay ng Panginoon kay Martin Harris gamit ang mga salitang kung at kung gayon. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang nalaman niya. Maaaring katulad nito ang isulat ng estudyante: “Kung si Martin Harris ay mananalangin nang may pagpapakumbaba, pananampalataya, at katapatan, kung gayon ay pahihintulutan siya ng Panginoon na makita ang mga lamina tulad ng nais niya.” Ipaliwanag na sa pamamagitan ng pangakong ito, binibigyan ng Panginoon si Martin Harris ng pagkakataong maging saksi sa Aklat ni Mormon.

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng manalangin nang may pagpapakumbaba, pananampalataya, at katapatan?

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanan mula sa Doktrina at mga Tipan 5:24, sabihin sa kanila na baguhin ang pahayag sa pisara na may “kung at kung gayon” sa paraan na angkop sa ating lahat. Dapat makapagpahayag ang mga estudyante nang katulad ng sumusunod na katotohanan: Kung taimtim tayong mananalangin nang may pagpapakumbaba at pananampalataya, makatatanggap tayo ng kasagutan ayon sa ating mabubuting hangarin.

  • Sa palagay ninyo, paano tayo maihahanda ng pagdarasal nang may pagpapakumababa, pananampalataya, at katapatan sa pagtanggap ng sagot mula sa Panginoon?

  • Kailan kayo nakarinig o nagbigay ng panalangin na inusal nang may pagpapakumbaba, pananampalataya, at katapatan? Ano ang ipinagkaiba ng panalanging ito sa ibang panalangin na narinig o inusal ninyo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 5:25–26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang inaasahan ng Panginoon na gagawin ni Martin Harris matapos maging saksi sa Aklat ni Mormon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 5:27–28, 32 at alamin ang mga karagdagang payo at babala na ibinigay ng Panginoon kay Martin Harris.

  • Ano ang ipinayo at ipinagawa ng Panginoon kay Martin Harris?

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kay Martin Harris kung hindi siya magpapakumbaba ng kanyang sarili at “tatanggap ng patotoo” (D at T 5:32) mula sa Panginoon?

  • Paano natin maiuugnay ang payo sa Doktrina at mga Tipan 5:32 sa ating sarili?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang anumang impresyon na naisip at nadama nila sa lesson ngayon. Maaari mo silang hikayatin na pagtuunan ang mga bagay na dapat nilang baguhin upang makapanalangin sila nang may ibayong pagpapakumbaba, pananampalataya, at katapatan upang mas makatanggap sila ng sagot mula sa Panginoon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 5:7, 16. Ang tunay na patotoo ay nagmumula sa Espiritu Santo

Ipinayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley na huwag lamang umasa sa pisikal na ebidensya o katibayang mula sa siyensya para mapanatiling malakas ang ating pananampalataya sa Aklat ni Mormon:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Ang katibayan ng katotohanan nito, ng katumpakan nito sa daigdig na mapaghanap ng ebidensya, ay hindi matatagpuan sa arkeolohiya o antropolohiya, bagama’t makatutulong ito sa ilan. Hindi ito matatagpuan sa pagsasaliksik ng salita o pagsusuri ng kasaysayan, bagama’t makapagpapatunay ang mga ito. Ang katibayan ng katotohanan at katumpakan nito ay nasa mga pahina mismo ng aklat na ito. Kailangang basahin ng tao ang [aklat] para malaman niya ang katotohanan nito. Ito’y aklat ng Diyos. Maaaring mag-alinlangan ang mga makatwirang tao tungkol sa pinagmulan nito; ngunit ang mga nagbasa nito nang may panalangin ay nalaman sa pamamagitan ng isang kapangyarihan na lagpas pa sa kanilang mga likas na pandama na ito’y totoo, na naglalaman ito ng salita ng Diyos, na nakasaad dito ang nakapagliligtas na mga katotohanan ng walang hanggang ebanghelyo, na ito ay ‘lumabas sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos … sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo’ (pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon)” (“Four Cornerstones of Faith,” Ensign, Peb. 2004, 6).

Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith na ang paghahayag ng katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay mas makapangyarihan kaysa anumang bagay na nadarama ng ating mga likas na pandama:

Pangulong Joseph F. Smith

“Maaari tayong makakita ng napakaraming bagay sa pamamagitan ng ating likas na paningin, ngunit maaari tayong malinlang. Maaari tayong makarinig sa pamamagitan ng ating mga tainga, ngunit maaari tayong malinlang. Ang ating mga likas na pandama ay maaaring malinlang. … Ngunit sasabihin ko sa inyo na kapag ang Pinakamakapangyarihan ay naghahayag ng Kanyang sarili sa tao, ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at hindi sa pamamagitan ng likas na mata o likas na tainga. Nagsasalita Siya sa tao na tila ba nagsasalita Siya sa kanya na walang kinalaman ang kanyang katawan; nagsasalita Siya sa espiritu. Samakatuwid, kung ang Pinakamakapangyarihang Diyos ay magsasalita sa inyo at bigyang patotoo ang Kanyang katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, … [makaaalam] kayo katulad ng pagkakaalam ng Diyos. Hindi ito isang bagay na basta paniniwalaan lamang ninyo; isang bagay na ipinatalastas sa inyo sa pamamagitan ng likas ninyong mga pandama, kung saan maaari kayong magkamali o malinlang; ngunit ito ang yaong sasabihin ng Diyos sa puso, sa buhay na kaluluwa, sa walang-hanggang katauhan ng tao, na, kagaya ng Diyos, ay hindi mawawasak at walang hanggan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 7).