Lesson 12
Doktrina at mga Tipan 10
Pambungad
Kasunod ng pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito, nawalan ng kakayahang magsalin ang Propeta. Matapos ang patuloy na pananalangin at pagsisisi nang buong kapakumbabaan, ang mga lamina at ang Urim at Tummim ay muling ibinigay kay Joseph. Iniutos ng Panginoon kay Joseph na huwag nang isaling muli ang bahagi ng mga lamina na pinanggalingan ng isinalin na 116 na pahina, at Kanyang inihayag ang masamang balak ni Satanas na wasakin ang gawain ng Diyos. Pagkatapos ay iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith na isalin ang maliliit na lamina ni Nephi. Ipinaliwanag din niya ang layunin ng Aklat ni Mormon at ang gagampanan nito sa pagtatatag ng Kanyang Simbahan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 10:1–4
Ibinalik ng Panginoon kay Joseph ang kaloob na magsalin
Sabihin sa mga estudyante na maikling rebyuhin ang natutuhan nila sa nakaraang lesson tungkol sa pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito (tingnan sa D at T 3). Ipaalala sa mga estudyante na dahil sa paulit-ulit na hiling ng Propeta na pahintulutan si Martin Harris na dalhin ang mga pahina ng manuskrito at ang kasunod na pagkawala ng mga pahinang iyon, kinuha ni Moroni ang mga laminang ginto at ang Urim at Tummim mula kay Joseph Smith.
Kalaunan ay ibinalik ni Moroni ang mga lamina at ang Urim at Tummim. Makalipas ang ilang panahon mula nang maibalik ang mga ito, natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 10. Sa paghahayag na ito, tinagubilinan ng Panginoon si Joseph tungkol sa dapat gawin sa bahagi ng mga lamina na pinanggalingan ng nawalang manuskrito. (Tingnan sa Lucy Mack Smith, History of Joseph Smith by His Mother, ed. Preston Nibley [1958], 133–36.)
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 10:1–2 na ipinapaliwanag na pinaalalahanan ng Panginoon si Joseph kung bakit inalis sa kanya ang kakayahang makapagsalin at ano ang naging resulta ng kanyang pagkakamali. Ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 10:3–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinayo ng Panginoon nang simulan muli ni Joseph Smith ang pagsasalin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Sa palagay ninyo, bakit kailangang payuhan si Joseph Smith na huwag gumawa nang labis kaysa sa kanyang lakas?
-
Paano tayo magagabayan ng payo sa Doktrina at mga Tipan 10:4 sa ating paglilingkod sa Panginoon?
Doktrina at mga Tipan 10:5–37
Nagbabala ang Panginoon tungkol sa balak ni Satanas na siraan si Joseph Smith at wasakin ang gawain ng Diyos
Magpakita ng pambitag o patibong (o magdrowing ng larawan nito sa pisara).
-
Paano nailalarawan ng kagamitang ito ang mga intensyon ni Satanas sa atin?
Sabihin sa isang estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 10:5 nang malakas. Sabihin sa klase na alamin ang iniutos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith upang matakasan si Satanas.
-
Ano ang matututuhan natin sa talatang ito? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba-ibang alituntunin, ngunit tiyaking mabigyang-diin na kung lagi tayong mananalangin, magkakaroon tayo ng lakas na madaig si Satanas at ang mga naglilingkod sa kanya. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Paano tayo matutulungan ng panalangin na “mapagtagumpayan si Satanas, at … matakasan [ang mga] tumatangkilik sa kanyang gawain”?
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nakatulong sa kanila ang panalangin na paglabanan ang mga tukso ni Satanas. (Paalalahanan ang mga estudyante na hindi sila dapat magbahagi ng anumang karanasan na napakapersonal o napakapribado.)
Nagbabala ang Panginoon kay Joseph tungkol sa patibong na inihanda ni Satanas upang siraan ang Propeta at wasakin ang gawain ng Diyos. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 10:8–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang plano ng masasamang tao na kumuha ng manuskrito.
-
Ano ang plano ng masasamang tao na kumuha ng manuskrito? (Pabulaanan ang Propeta at ang gawain ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbago sa mga salita ng manuskrito. Kung isinaling muli ni Joseph ang materyal na iyon, sasabihin ng mga taong iyon na hindi niya kayang isalin itong muli nang tugma sa naunang salin at samakatwid siya ay walang kaloob na magsalin.)
Ipakita ang patibong o pambitag na ipinakita mo kanina (o ituro ang drowing sa pisara). Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 10:20–29 nagsalita ang Panginoon tungkol sa pang-iimpluwensya ni Satanas sa masasamang tao na kumuha ng 116 na pahina ng manuskrito at kung paano isinasagawa ni Satanas ang kanyang masasamang layunin. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa isang estudyante sa bawat magkapartner na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 10:20–29 at alamin ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga hangarin ni Satanas. Sabihin sa isa pang estudyante na basahin ang gayunding mga talata at alamin ang mga estratehiyang ginagamit ni Satanas para maisagawa ang kanyang mga hangarin. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa kanilang kapartner ang nalaman nila.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mga layunin ni Satanas? (Maaaring makatuklas ng iba-ibang alituntunin ang mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Gusto ni Satanas na wasakin ang gawain ng Panginoon at ang ating mga kaluluwa. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa pisara. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita at parirala na nagtuturo ng katotohanang ito sa mga talata 22–23 at 27.)
-
Ayon sa nabasa ninyo sa mga talatang ito, paano hinahangad ni Satanas na wasakin ang gawain ng Panginoon at ang ating mga kaluluwa?
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng katotohanang ito, itanong ang mga sumusunod. Sabihin sa magkakapartner na pag-usapan nila ang kanilang mga sagot.
-
Anong katibayan ang nakita ninyo na gumagamit si Satanas ng panlilinlang, galit, labis na papuri, at pagsisinungaling para wasakin ang gawain ng Panginoon at ang ating mga kaluluwa?
-
Paano nakatutulong sa atin na maiwasan at matakasan ang mga patibong ni Satanas kapag alam natin ang kanyang mga intensyon at pamamaraan?
Sabihin sa ilang estudyante na maglaan ng ilang minuto sa pagsulat sa kanilang notebook o scripture study journal tungkol sa mga pamamaraan ng kalaban na nakasulat sa Doktrina at mga Tipan 10:20–29 na kanilang nadama o nakita. Sabihin din sa kanila na isulat kung ano ang magagawa nila para maiwasan o matakasan ang mga patibong ni Satanas.
Matapos magkaroon ng sapat na oras na makapagsulat ang mga estudyante, ibuod ang Doktrina at mga Tipan 10:30–37 na ipinapaliwanag na dahil sa mga plano ng masasamang tao na wasakin ang gawain ng Diyos at sirain ang reputasyon ni Joseph Smith, iniutos ng Panginoon kay Joseph na huwag isaling muli ang bahagi ng mga lamina na pinanggalingan ng nawalang 116 na pahina.
Doktrina at mga Tipan 10:38–45
Iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith na isalin ang maliliit na lamina ni Nephi
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 10:38–42. Sabihin sa klase na alamin ang iniutos ng Panginoon kay Joseph na isalin sa halip na isaling muli ang bahagi ng mga lamina na pinanggalingan ng nawalang 116 na pahina.
-
Ano ang iniutos ng Panginoon na isalin ni Joseph? Bakit?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano pinaghandaan ng Panginoon ang pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito. Ipaliwanag na naglalaman ang nawalang dokumento ng salin ng aklat ni Lehi, na nasa malalaking lamina ni Nephi na pinaikli ni Mormon. Nainspirasyunan si Mormon na ilakip ang maliliit na lamina ni Nephi sa kanyang talaan “para sa isang matalinong layunin,” na noong panahong iyon ay hindi niya maunawaan (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:3–7). Ang panahon na saklaw ng maliliit na lamina ni Nephi ay tinatayang kapareho sa panahong saklaw ng aklat ni Lehi. Sa pagkawala ng 116 na pahina, iniutos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na isalin ang materyal mula sa maliliit na lamina ni Nephi.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 10:43 at alamin ang mahalagang katotohanan na gustong ipaunawa ng Panginoon kay Joseph Smith. (Matapos maibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang karunungan ng Diyos ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang salitang katusuhan ay tumutukoy sa pandaraya para makapanlinlang ng mga tao.)
-
Paano nailarawan ng plano ng Panginoon na palitan ang nawalang manuskrito ang katotohanang ito?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 10:44–45, at maghanap ng katibayan ng katotohanang ito sa talata 43.
-
Ayon sa Doktrina at mga Tipan 10:44–45, bakit mas mahalaga ang maliliit na lamina ni Nephi kaysa sa nawalang 116 na pahina ng manuskrito?
-
Paano nakatutulong sa inyo na lalong lubusang magtiwala sa Diyos ang kaalaman na naghanda Siya ng paraan upang mapalitan ang nawalang 116 na pahina ng manuskrito?
Doktrina at mga Tipan 10:46–70
Ipinaliwanag ng Panginoon ang layunin ng Aklat ni Mormon at ang gagampanan nito sa pagtatatag ng Kanyang Simbahan
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 10:46–61 na ipinapaliwanag na sa mga talatang ito pinatotohanan ng Panginoon na sinagot Niya ang mga panalangin ng mga disipulong Nephita sa pamamagitan ng pangangalaga at pagpapalabas ng Aklat ni Mormon sa ating panahon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 10:62–63. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang sinabi ng Panginoon na dadalhin ng Aklat ni Mormon sa liwanag.
-
Ano ang dadalhin ng Aklat ni Mormon sa liwanag? (Ang mga tunay na paksa ng doktrina ni Jesucristo.)
-
Ayon sa talata 63, paano gagamitin ng Panginoon ang mga tunay na paksa ng Kanyang doktrina para madaig ang gawain ni Satanas?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang huling bahagi ng pangako ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 10:67, 69–70. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga parirala na mahalaga sa kanila ayon sa natutuhan nila ngayon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga parirala na mahalaga sa kanila at bakit. Magtapos sa iyong patotoo.