Seminaries and Institutes
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 17–19 (Unit 5)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 17–19 (Unit 5)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 17–19 (unit 5) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 17)

Sa ipinayo ng Panginoon sa Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon, nalaman ng mga estudyante na kung mananampalataya tayo sa Diyos, makatatanggap tayo ng patunay sa mga katotohanan na nais nating malaman. Yaong nagtamo ng patunay sa katotohanan ay may responsibilidad na patotohanan ito. Ang Tagapagligtas mismo ay nagpatotoo na totoo ang Aklat ni Mormon.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 18)

Sa lesson na ito nalaman ng mga estudyante na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay napakadakila o napakalaki kaya’t nagdusa at namatay si Jesucristo upang ang lahat ng tao ay makapagsisi at makabalik sa Ama sa Langit. Natuklasan din ng mga estudyante na kung tutulungan natin ang iba na magsisi at lumapit sa Panginoon, makadarama tayo ng kagalakan kasama nila sa kaharian ng Diyos. Maririnig natin ang tinig ni Jesucristo kapag nagbabasa tayo ng mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 19:1–22)

Mula sa payo ng Tagapagligtas kay Martin Harris, nalaman ng mga estudyante na tinupad ni Jesucristo ang kalooban ng Kanyang Ama at hahatulan tayo ni Jesucristo ayon sa ating mga gawa. Nalaman din ng mga estudyante na dapat tayong magsisi ng ating mga kasalanan o magdurusa tayo. Ang mga taong hindi magsisisi ay pagdurusahan ang kaparusahan para sa kanilang mga kasalanan.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 19:23–41)

Nalaman ng mga estudyante ang tungkol sa pangako ng Panginoon kay Martin Harris: kung matututo si Martin sa Kanya, makikinig sa Kanyang mga salita, at lalakad sa kaamuan ng Kanyang Espiritu, magkakaroon siya ng kapayapaan. Ang pangakong ito ay angkop din sa atin. Ang lesson na ito ay tumulong din sa mga estudyante na matutuhan na kung gagawin natin ang kalooban ng Panginoon, bibigyan Niya tayo ng mga pagpapala na mas mahalaga kaysa mga kayamanan ng mundo.

Pambungad

Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na matutuhan kung bakit kailangan ang pagsisisi. Tutulong ito na mapalalim ang pag-unawa nila sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kapag lalo nating naunawaan ang sakripisyo at pagsunod ni Jesucristo, mas mababawasan ang pag-aalinlangan natin sa ating kakayahang tumulong sa gawain ng Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 17

Nangako ang Panginoon sa Tatlong Saksi na tutulutan silang makita ang mga lamina at ang iba pang mga sagradong bagay

Magdala ng isang nakatutuwang bagay sa klase, pero huwag itong ipakita sa mga estudyante. Kapag nagsimula ang klase, sabihin sa mga estudyante na dala mo ang bagay na iyon. Itanong sa mga estudyante kung naniniwala sila na dala mo ang bagay na iyon kahit hindi pa nila ito nakikita.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 17:2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang kailangan munang gawin ng Tatlong Saksi bago nila makita ang mga lamina.

  • Sa inyong palagay, bakit kailangang magkaroon muna ng pananampalataya ang Tatlong Saksi bago nila makita ang mga lamina?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 17:3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinagagawa ng Panginoon sa Tatlong Saksi matapos nilang makita ang mga gintong lamina at iba pang mga sagradong bagay.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na kailangang gawin ng Tatlong Saksi matapos nilang makita ang mga gintong lamina at iba pang mga sagradong bagay?

  • Ano ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon matapos tayong makatanggap ng patunay sa katotohanan? (Matapos tayong makatanggap ng patunay sa katotohanan, responsibilidad nating patotohanan ito.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano ang alam nilang totoo at paano nila patototohanan ang mga bagay na iyon.

Doktrina at mga Tipan 18–19

Nagsalita ang Panginoon tungkol sa Kanyang pagdurusa at itinuro ang kahalagahan ng pagsisisi

Magpakita sa mga estudyante ng isang prutas, o larawan ng isang prutas. Itanong sa kanila kung paano natin malalaman na pwede nang kainin ang prutas. (Sa hitsura nito o sa iba pang mga palatandaan na hinog na ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 18:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon na nahihinog na sa kasamaan.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ang sanlibutan ay nahihinog na sa kasamaan”?

  • Anong katibayan ang nakikita ninyo na nangyayari na ito?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 18:10 (bahagi ng scripture mastery passage), at alamin kung ano ang nadarama ng Panginoon sa lahat ng tao, maging sa mga yaong nahihinog na sa kasamaan. Pagkatapos, ipabasa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 18:10 nang malakas at sabay-sabay, nang maraming beses hanggang maisaulo ito ng bawat miyembro ng klase.

  • Ano ang nadarama ng Panginoon sa kanyang mga anak?

  • Paano ang pagkaalam sa bagay na ito ay nakakaimpluwensya sa pagtrato ninyo sa mga taong nasa paligid ninyo?

  • Paano malalaman ng isang tao na napakadakila ng kahalagahan niya sa Diyos?

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa maraming sitwasyon ang kahalagahan ng isang bagay ay nakikita kung magkano ang handang ibayad ng isang tao para dito. Maaari kang magdispley ng ilang bagay na may magkakaibang halaga para mailarawan ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 18:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ibinayad ng Tagapagligtas para sa ating mga kaluluwa.

  • Ano ang ibinayad ng Tagapagligtas para sa ating mga kaluluwa? Bakit ito ang ipinambayad? (Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang kahalagahan ng lahat ng tao ay napakadakila kung kaya’t nagdusa at namatay si Jesucristo para makapagsisi tayo at makabalik sa Ama sa Langit.)

  • Ano ang kaugnayan ng pagsisisi sa paglapit sa Tagapagligtas?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano makatutulong sa atin ang pagsisisi na makalapit sa Tagapagligtas, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa Tapat sa Pananampalataya:

“Ang pagsisisi ay higit pa sa pagtanggap ng mga pagkakamali. Ito ay pagbabago ng isipan at puso na nagbibigay sa inyo ng bagong pananaw tungkol sa Diyos, sa inyong sarili, at sa mundo. Kabilang dito ang pagtalikod sa kasalanan at pagbaling sa Diyos para sa kapatawaran. Udyok ito ng pagmamahal sa Diyos at taos na paghahangad na sundin ang Kanyang mga utos” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 153).

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan ang anumang kasalanan, gawi, at pag-uugali na kailangan nilang lubusang talikuran upang makapagsisi at makalapit kay Cristo.

Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture reference: Doktrina at mga Tipan 18:13–16.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng mga talatang ito habang tahimik na sumasabay ang klase sa pagbasa. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang anumang banghay ng salitang magsisi sa mga talatang ito (nagsisisi at pagsisisi). Matapos basahin ang bawat talata, itanong sa mga estudyante kung ano ang itinuturo ng talatang iyan tungkol sa pagsisisi. Maaari mong ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 18:15–16 ay isang scripture mastery passage.

Idagdag sa pisara ang mga katotohanang natukoy ng mga estudyante. Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba-ibang alitutntunin, ngunit tiyaking nauunawaan na kung tutulungan natin ang iba na magsisi at lumapit sa Panginoon, makadarama tayo ng kagalakan kasama nila sa kaharian ng Diyos.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang pakiramdam kapag nakabalik sila sa harapan ng Diyos upang hatulan. Itanong sa kanila kung paano nila pinaplanong maghanda para sa maluwalhating pangyayaring iyon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang dapat nating gawin para makapaghanda para sa araw na iyon.

  • Ayon sa talatang ito, ano ang mangyayari kung pipiliin nating hindi magsisi?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:13–19. Sabihin sa kanila na alamin ang mangyayari sa taong hindi magsisisi.

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 19:16–19, ano ang dahilang ibinigay ng Tagapagligtas kung bakit Siya nagdusa para sa ating mga kasalanan? (Maaari mong idagdag ang sumusunod na doktrina sa mga nakasulat sa pisara: Ang Tagapagligtas ay nagdusa para sa ating mga kasalanan upang tayo ay makapagsisisi at hindi magdusa na tulad Niya.)

Ipakita sa mga estudyante ang larawan ng Tagapagligtas sa Getsemani, tulad ng Nananalangin si Jesus sa Getsemani (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 56; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na karamihan sa mga tala tungkol sa pagdurusa ni Jesucristo ay isinalaysay ng ibang tao bukod pa sa Kanyang sarili (tingnan sa Mateo 26:36–39; Lucas 22:39–44), ngunit ang Doktrina at mga Tipan 19 ay naglalaman ng personal na salaysay ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang pagdurusa.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 19:18–19 at alamin kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang pagdurusang naranasan Niya sa Pagbabayad-sala.

Isulat sa pisara ang sumusunod na dalawang tanong:

Alin sa mga inilarawan ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang pagdurusa ang makahulugan sa inyo? Bakit?

Ano sa mga paglalarawan ng Tagapagligtas ang nakatulong para mapag-ibayo ang inyong hangaring magsisi at bumalik sa Kanya?

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga tanong at talakayin ang kanilang sagot sa kapartner nila.

Ipaawit o iparinig sa mga estudyante ang mga salita sa himnong “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115). Sabihin sa kanila na pagnilayan ang mga salita sa himnong ito at isipin ang ginawa ng Tagapagligtas para sa kanila.

Kung may oras pa, anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa mga pagpapala ng pagsisisi. Hikayatin sila na kumilos ayon sa anumang ipinadama o ipinahiwatig sa kanila na magsisi at lumapit sa Tagapagligtas.

Para sa pagtatapos ng lesson na ito, ipabigkas nang walang kopya sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:23 o ipabasa ito nang sabay-sabay mula sa kanilang banal na kasulatan. Itanong kung paano nauugnay ang scripture mastery verse na ito sa pagsisisi at pag-asa na mapatawad.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 20–23)

Ano ang ginagawa natin sa Simbahan ngayon na katulad noong itinatag ang Simbahan noong Abril 6, 1830? Ano ang mga kailangan para mabinyagan? Ano ang tagubilin sa isang maytaglay ng priesthood kung paano gagawin ang pagbabasbas ng sakramento? Ano ang mga tungkulin ng isang teacher o isang priest? Malalaman ng mga estudyante ang mga sagot sa mga tanong na ito sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 20–23.