Seminaries and Institutes
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 8–9; 11–16; Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–75 (Unit 4)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 8–9; 11–16; Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–75 (Unit 4)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson ng Estudyante

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 8–9; 11–16; at Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–75 (unit 4) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 8–9)

Nang pag-aralan nila ang pagnanais ni Oliver Cowdery na isalin ang mga lamina, nalaman ng mga estudyante na ang pagtanggap at pagkilala sa paghahayag ay nangangailangan ng pagsisikap nila. Nalaman din nila na kung mag-aaral sila at magtatanong nang may pananampalataya, ang Panginoon ay mangungusap sa kanilang puso at isipan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 11–12)

Nagpahayag ang kapatid ng Propeta na si Hyrum ng pagnanais na tumulong sa gawain ng Panginoon. Mula sa paghahayag kay Hyrum, nalaman ng mga estudyante na nakatatanggap sila ng mga pagpapala mula sa Diyos alinsunod sa kanilang hangarin at kung nais nilang gawin ang gawain ng Diyos, magiging daan sila upang magawa ang maraming kabutihan. Nagkaroon ang mga estudyante ng pagkakataon na pag-isipang mabuti kung paano nila pag-aaralan at matatamo ang salita ng Panginoon upang matanggap ang Kanyang Espiritu at kapangyarihan.

Day 3 (Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–75; Doktrina at mga Tipan 13)

Nalaman ng mga estudyante na ipinagkaloob ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Ang mga susi ng Aaronic Priesthood, na kinapapalooban ng paglilingkod ng mga anghel, ebanghelyo ng pagsisisi, at pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ay narito na muli sa lupa.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 14–16)

Tinulungan ni David Whitmer sina Joseph Smith at Oliver Cowdery na lumipat sa New York upang matakasan ang pag-uusig sa Pennsylvania. Mula sa mga salita ng Panginoon kay David Whitmer, nalaman ng mga estudyante na kung susundin nila ang mga kautusan ng Diyos at magtitiis hanggang wakas, magkakaroon sila ng buhay na walang hanggan. Nalaman din nila na kapag tapat silang tumulong sa gawain ng Panginoon, sila ay pagpapalain sa espirituwal at temporal. Sa pag-aaral ng mga paghahayag na ibinigay kina John at Peter Whitmer, natuklasan ng mga estudyante na ang ating pagsisikap na madala ang ating kapwa kay Jesucristo ay napakadakila o napakalaki ng kahalagahan sa atin at kilala ng Diyos ang bawat isa sa atin.

Pambungad

Kinilala nina Oliver Cowdery, Hyrum Smith, Joseph Knight Sr., David Whitmer, John Whitmer, at Peter Whitmer na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos at gustung-gusto nilang tumulong sa Panunumbalik. Itinuro ng Panginoon sa kanila ang tungkol sa diwa ng paghahayag at kung ano ang dapat gawin ng isang tao bago hangaring ihayag ang ebanghelyo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 8–9

Itinuro ng Panginoon kina Oliver Cowdery at Hyrum Smith ang tungkol sa diwa ng paghahayag

Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang mga kamay kung naisip nila kung paano nila malalaman kung nakatanggap sila ng paghahayag mula sa Panginoon.

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 8 at 9 pati na rin ang isinulat nila sa kanilang scripture study journal tungkol sa mga kabanatang iyon sa kanilang day 1 lesson para sa unit na ito. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang natutuhan nila tungkol sa pagtanggap at pag-alam ng mga sagot sa mga panalangin. Ipabahagi sa ilang estudyante ang isang bagay na natutuhan nila.

  • Anong mga hamon ang nararanasan ninyo kapag sinisikap ninyong malaman kung nakatanggap kayo ng mga pahiwatig o patnubay mula sa Espiritu Santo?

Ipaalala sa mga estudyante na ang Doktrina at mga Tipan 8 at 9 ay naglalaman ng mga tagubilin ng Panginoon para kay Oliver Cowdery nang subukan ni Oliver na magsalin ng mga tala mula sa mga laminang ginto. Mula sa mga paghahayag na ito, matututuhan natin kung paano matatanggap at makikilala ang paghahayag. Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Doktrina at mga Tipan 8:2–3 (na isang scripture mastery passage) at bigkasin ito nang sabay-sabay. Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang Panginoon ay nangungusap sa ating puso at isipan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

  • Paano makatutulong sa inyo na nauunawaan ninyo ang katotohanang ito kapag sinisikap ninyong makilala o malaman ang paghahayag mula sa Panginoon?

Ipaliwanag na ang kakayahang humiling at tumanggap ng personal na paghahayag ay isang kaloob mula sa Diyos na matatamo ng lahat ng Kanyang anak.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 8:4, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon kay Oliver kung kanyang “[ga]gamitin” ang kaloob na paghahayag. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “gamitin” ang diwa ng paghahayag? (Humingi ng mga sagot sa mga panalangin at mamuhay nang karapat-dapat upang matanggap ang mga ito.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa Doktrina at mga Tipan 8:4? (Bagama’t may pagkakaiba sa sagot ng mga estudyante, tiyaking natukoy nila na kung gagamitin natin ang diwa ng paghahayag, maliligtas tayo mula sa kasamaan at kapahamakan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga pagkakataon na prinotektahan sila ng Panginoon o ang isang taong kilala nila dahil hinangad at pinakinggan nila ang Espiritu Santo.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 8:1 at hanapin ang mga paraan na magagawa nilang mas taimtim ang kanilang mga panalangin upang “magamit” nila ang diwa ng paghahayag.

Kung maaari, magbigay sa mga estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol (o isulat sa pisara ang pahayag bago magsimula ang klase):

Elder David A. Bednar

“Dahil ang Espiritu ay bumubulong sa atin nang marahan at banayad, madaling maunawaan kung bakit dapat nating iwasan ang di-angkop na media, pornograpiya, at nakapipinsala at nakalululong na mga bagay at pag-uugali. Ang mga kasangkapang ito ng kaaway ay makapipinsala at lubusang sisira sa ating kakayahang kumilala at tumugon sa mga mensahe mula sa Diyos na inihatid sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Espiritu. Dapat isiping mabuti at ipagdasal ng bawat isa sa atin kung paano labanan ang mga panunukso ng diyablo at matwid na ‘gamitin ito,’ maging ang diwa ng paghahayag, sa ating personal na buhay at sa pamilya” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 88).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang pahayag ni Elder Bednar at hanapin ang mga parirala na makatutulong sa kanila na maunawaan kung paano “gamitin” o hilingin nang mas taimtim ang diwa ng paghahayag. Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang mga pariralang ito. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Anong mga parirala ang nahanap ninyo, at bakit ang mga ito ang pinakanapansin ninyo?

  • Ayon kay Elder Bednar, bakit mahalagang iwaksi ang kasamaan kung nais nating matanggap at makilala ang paghahayag?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng ilang paraan na “[magagamit]” nila nang mas mabuti ang kaloob na paghahayag upang maproteksyunan sila laban sa kasamaan. Maaari mo silang hikayatin na magsulat ng isang mithiin kung paano nila gustong “gamitin” nang lubos ang kaloob na ito sa kanilang buhay.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang isa pang paraan sa paghingi ng paghahayag, ipaalala sa kanila na pinahintulutan si Oliver Cowdery na magsalin, ngunit matapos siyang magsimula, siya ay “hindi nagpatuloy tulad ng [kanyang] pinasimulan” (D at T 9:5). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 9:7–8, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon kay Oliver na kailangan niyang gawin upang makatanggap ng paghahayag.

  • Batay sa ipinayo ng Panginoon kay Oliver Cowdery, ano ang natutuhan natin na madalas kailangan sa atin upang makatanggap ng paghahayag? (Ang isang posibleng alituntunin na maaaring matukoy ng mga estudyante ay ang pagtanggap at pagkilala ng mga paghahayag ay nangangailangan ng ating pagsisikap. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito o ang isang sagot na katulad nito na binanggit ng mga estudyante.)

  • Gamit ang Doktrina at mga Tipan 9:8, anong payo ang maibibigay ninyo sa isang kaibigan na nagsisikap gumawa ng mahalagang desisyon?

Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga naranasan nila nang pagsikapan nilang gumawa ng mahirap na desisyon at pagkatapos ay nagtanong sa Ama sa Langit kung tama ang ginawa nilang desisyon.

Doktrina at mga Tipan 11–12; 14–16

Tinagubilinan ng Panginoon sina Hyrum Smith, Joseph Knight Sr., at ang magkakapatid na Whitmer tungkol sa mga tungkuling gagampanan nila sa gawain ng Diyos

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay iniutos sa kanila na makibahagi sila sa isa sa mga pinakadakilang layunin na mangyayari sa mundo. Sabihin sa kanila na noong Mayo at Hunyo 1829, limang kalalakihan ang personal na tinagubilinan hinggil sa naisin ng Panginoon para sa kanila sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na heading at scripture reference. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga scripture reference para makita kung ano ang ipinayo ng Panginoon sa bawat isa sa mga kalalakihang ito upang makatulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos dito sa lupa. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang lahat ng apat na reference. (Kung maikli ang oras, hatiin ang mga reference sa klase at ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.)

Hyrum Smith

Joseph Knight Sr.

David Whitmer

John at Peter Whitmer

D at T 11:16, 18–19, 21

D at T 12:6–9

D at T 14:6–8, 11

D at T 15:4–6; 16:4–6

Matapos pag-aralan ng mga estudyante ang mga scripture reference, itanong ang mga sumusunod:

  • Anong mga pagkakatulad ang napansin ninyo sa iniutos ng Panginoon sa limang kalalakihang ito? Anong mga pagkakaiba ang nakita ninyo?

  • Mula sa natutuhan ninyo mula sa mga talata sa Doktrina at mga Tipan 11, bakit nais ng Panginoon na “maghintay nang kaunti pang panahon” si Hyrum Smith (D at T 11:16) upang ipangaral ang ebanghelyo?

  • Ano ang ipinayo ng Panginoon kay Hyrum sa Doktrina at mga Tipan 11:21 na makatutulong sa isang kabataang lalaki o babae na naghahandang magmisyon? (Mula sa kanilang mga sagot, tulungan ang mga estudyante na tukuyin ang sumusunod na alituntunin: Ang mga taong nag-aaral ng salita ng Panginoon ay tatanggap ng Kanyang Espiritu at ng kapangyarihan na mahikayat ang iba sa katotohanan ng ebanghelyo.) Maaari mo itong isulat sa pisara.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang maaari nilang gawin upang maging mas masigasig sa kanilang pag-aaral at pagtatamo ng salita ng Panginoon at magtakda ng mithiin na kumilos ayon sa mga pahiwatig na matatanggap nila habang pinag-iisipan nila ito.

Upang matulungan ang mga estudyante na lalo pang maunawaan at maisaulo ang scripture mastery verse sa Doktrina at mga Tipan 13:1, sabihin sa kanila na bigkasin ito nang sabay-sabay at nang walang kopya. Hayaan silang gamitin ang kanilang banal na kasulatan kung kailangan. Pagkatapos ay pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na gamitin ang scripture verse na ito para ipaliwanag sa kanilang kapartner kung paano tumutulong ang mga susi ng Aaronic Priesthood sa pagdadala ng mga tao kay Jesucristo.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 17–19)

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng susunod na unit malalaman nila ang tungkol sa mga kalalakihang pinili bilang mga saksi para makita ang mga laminang ginto, ang Liahona, at iba pang mga sagradong bagay. Babasahin nila ang salaysay ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang pagdurusa sa halamanan ng Getsemani at sa krus. Babasahin din nila ang mga itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa paraan kung paano natin maiiwasan ang gayong pagdurusa.