Seminaries and Institutes
Lesson 16: Doktrina at mga Tipan 8


Lesson 16

Doktrina at mga Tipan 8

Pambungad

Noong Abril 1829, sinimulan ni Oliver Cowdery ang pagtulong kay Propetang Joseph Smith sa pagsasalin ng mga lamina bilang tagasulat. Dahil sinabi ng Panginoon kay Oliver na siya ay bibigyan Niya ng kaloob na makapagsalin kung nais niya (tingnan sa D at T 6:25), si Oliver ay “labis na nasabik na mapagkalooban ng kakayahang makapagsalin” (Joseph Smith, sa History of the Church, 1:36). Bilang tugon, sinabi ng Panginoon na bibigyan Niya si Oliver ng kakayahang makapagsalin, ayon sa pananampalataya ni Oliver.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 8:1–5

Ipinangako ng Panginoon kay Oliver Cowdery ang kaloob na makapagsalin

Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong. Mag-iwan ng puwang sa ilalim ng bawat tanong para pagsulatan ng mga alituntuning tutukuyin ng mga estudyante sa lesson.

Ano ang magagawa natin para mapanatiling mas makabuluhan ang ating mga panalangin?

Paano natin malalaman na nangungusap sa atin ang Diyos?

Patingnan sa mga estuyante ang mga tanong sa pisara.

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga na maunawaan ang mga sagot sa mga tanong na ito?

Ipaliwanag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 8 ang paghahayag na ibinigay ng Panginoon kay Oliver Cowdery sa pamamagitan ni Joseph Smith. Sa paghahayag na ito makikita natin ang mga tagubilin mula sa Panginoon na makatutulong sa pagsagot sa mga tanong sa pisara.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 8:1 at alamin kung ano ang itinagubilin ng Panginoon kay Oliver tungkol sa panalangin.

  • Ano ang itinagubilin ng Panginoon kay Oliver tungkol sa paraan ng pagdarasal?

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “[humingi] nang may pananampalataya, nang may tapat na puso”?

Sa ilalim ng unang tanong sa pisara, isulat ang sumusunod: Kung mananalangin tayo , makatatanggap tayo ng .

Batay sa Doktrina at mga Tipan 8:1, paano ninyo kukumpletuhin ang pangungusap na ito? (Bagama’t maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante, ang sagot nila ay dapat kakitaan ng alituntunin na kung mananalangin tayo nang may pananampalataya at tapat na puso, makatatanggap tayo ng kaalaman mula sa Diyos. Gamit ang kanilang mga salita, kumpletuhin ang pangungusap sa pisara.)

  • Sa inyong palagay, bakit naaapektuhan ng ating pananampalataya at katapatan ang kakayahan nating makatanggap ng kaalaman mula sa Diyos?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nakatanggap sila ng mga pagpapala nang manalangin sila nang may pananampalataya at tapat na puso.

Upang matulungan ang mga estudyante na magkaroon ng ideya tungkol sa pangalawang tanong sa pisara, sabihin sa isang estdyante na maikling ikuwento ang Pagliligtas ni Moises sa mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin habang tinutugis ng hukbo ng mga taga Egipto (tingnan sa Exodo 14).

Hinati ni Moises ang Dagat na Pula

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 8:2–3. Hikayatin ang klase na alamin kung paano inihayag ng Diyos kay Moises na dapat niyang dalhin ang mga anak ni Israel patawid sa Dagat na Pula.

  • Paano ipinahiwatig ng Diyos kay Moises na hatiin ang Dagat na Pula? (Sa pamamagitan ng diwa ng paghahayag.)

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa paano nangungusap sa atin ang Panginoon? (Dapat maipahayag ng mga estudyante na ang Panginoon ay nangungusap sa ating puso at isipan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Isulat ang katotohanang ito sa ilalim ng pangalawang tanong sa pisara.)

diagram ng isipan at puso

Idrowing sa pisara ang kalakip na diagram. Magdagdag ng mga arrow na nakaturo sa puso at isipan.

  • Sa paanong mga paraan nangungusap sa ating mga isipan ang Panginoon? Sa paanong mga paraan nangungusap sa ating mga puso ang Panginoon?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano maramdaman ang impluwensya ng Espiritu Santo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“Maaari ninyong matutuhan ngayon, sa inyong kabataan, kung paano magabayan ng Espiritu Santo.

“Bilang Apostol nakikinig ako ngayon sa inspirasyon ding iyon, sa gayunding pinagmulan, sa gayunding pamamaraan, na napakinggan ko noong bata pa ako. Ang pakikipag-ugnayan ay mas malinaw ngayon” (“Prayers and Answers,” Ensign, Nob. 1979, 21).

Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

“Ang impresyon sa isipan ay mas detalyado.

“Ang mga detalyadong salita ay maaaaring marinig o madama at maisulat na parang idinidikta ang mga tagubilin.

“Ang pakikipag-ugnayan sa puso ay mas karaniwang nadarama. Kadalasan ay nagsisimula ang Panginoon sa pagbibigay ng mga impresyon. Kapag kinikilala ang kahalagahan ng mga ito at sinusunod ang mga ito, natatamo ng isang tao ang higit na kakayahang tumanggap ng mas detalyadong tagubilin sa isipan. Ang impresyon na nadarama ng puso, kung susundin, ay pinagtitibay ng mas detalyadong tagubilin sa isipan” (“Helping Others to Be Spiritually Led” [mensahe sa CES religious educators, Ago. 11, 1998], 3–4, LDS.org).

Maaari mong ipaliwanag na, para sa ilan, ang mga impresyon sa puso ay maaaring kasing detalyado ng mga impresyon sa isipan.

  • Bakit mahalagang maunawaan at malaman kung paano nakikipag-ugnayan ang Panginoon sa bawat isa sa atin?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang tungkol sa (1) isang pagkakataon na nangusap ang Ama sa Langit sa kanilang puso at isipan sa pamamagitan ng Espiritu Santo o (2) isang pagkakataon na nadama nila ang impluwensya ng Espiritu Santo. Maaari mong tawagin ang ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila kung komportable silang gawin ito. Maaari ka ring magbahagi ng karanasan na nadama mong nangungusap ang Panginoon sa iyo.

Ipaliwanag na ang kakayahang maghangad at tumanggap ng personal na paghahayag ay maaaring matamo ng lahat ng mga anak ng Diyos.

Patingnan sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 8:4. Basahin nang malakas sa klase ang sumusunod na bahagi ng talata: “Samakatwid ito ang iyong kaloob; gamitin ito, at pinagpala ka.” Ipaliwanag na sa talatang ito, ang salitang kaloob ay tumutukoy sa kakayahan ni Oliver na makatanggap ng paghahayag.

  • Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “gamitin” ang diwa ng paghahayag? (Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila mas magagamit ang diwa ng paghahayag sa kanilang buhay. Isulat sa pisara ang sumusunod: Kung gagamitin natin ang diwa ng paghahayag, .

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 8:4–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon kay Oliver kung kanyang “gagamitin” ang kaloob na paghahayag. Matapos sumagot ang mga estudyante, imungkahi na ganito maaaring kumpletuhin ang pangungusap: Kung gagamitin natin ang diwa ng paghahayag, maliligtas tayo mula sa kasamaan at kapahamakan. Kumpletuhin ang nakasulat na pahayag sa pisara.

  • Paano ginamit ng Panginoon ang kapangyarihan ng paghahayag upang protektahan kayo o ang isang tao mula sa kasamaan o kapahamakan?

Sabihin sa mga estudyante na ilista sa pisara ang ilang paraan na higit nating “magagamit” ang kaloob na paghahayag upang maproteksyunan tayo mula sa kasamaan. Itanong sa kanila kung paano makadaragdag ang kanilang mga mungkahi sa kakayahan nating makatanggap at makakilala ng paghahayag. Hikayatin silang sumulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng isang mithiin na sundin ang isa sa mga mungkahing ito.

Maaari kang magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng pagsisikap na matamo ang diwa ng paghahayag at sabihin sa mga estudyante kung paano pinagpala ang buhay mo dahil sa paggawa nito.

Doktrina at mga Tipan 8:6–9

Si Oliver Cowdery ay may “kaloob ni Aaron”

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 8:6–9 sa pagsasabi sa mga estudyante na biniyayaan ng Panginoon si Oliver Cowdery ng mga kaloob na tutulong sa kanya na magawa ang kanyang tungkulin sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Kasama sa mga kaloob na ito ang “kaloob ni Aaron,” kung saan, sinabi ng Panginoon kay Oliver, gagawin niya ang “mga kagila-gilalas na gawa.” Hindi natin eksaktong alam kung ano ang nilalaman ng “kaloob ni Aaron.” Ipaalala sa mga estudyante na si Aaron ay kapatid ni Moises sa Lumang Tipan at tinulungan niya si Moises na maisagawa nito ang kanyang mga responsibilidad bilang propeta.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 8:7–8 at alamin ang kapangyarihan sa likod ng lahat ng espirituwal na kaloob. Ipaliwanag na sa tuwing tatawagin o uutusan tayo ng Panginoon na gawin ang isang gawain, bibigyan Niya tayo ng mga kaloob at kakayahang isagawa ito.

Doktrina at mga Tipan 8:10–12

Ipinangako ng Panginoon kay Oliver Cowdery ang kaloob na makapagsalin kung siya ay mananampalataya

Patingnan sa mga estudyante ang alituntuning nakasulat sa pisara: “Kung mananalangin tayo nang may pananampalataya at tapat na puso, makatatanggap tayo ng kaalaman mula sa Diyos.” Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 8:10–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga karagdagang kaalaman tungkol sa panalangin. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong ang sumusunod. Imungkahi sa mga estudyante na pag-isipan sandali ang tanong bago sila sumagot:

  • Kung kayo ang nasa sitwasyon ni Oliver, paano kaya makatutulong sa inyo ang payo na ito?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang ilang tanong na masigasig nilang hinahanapan ng sagot. Maaari din nilang isulat ang ilan sa mga gusto nilang baguhin sa paraan ng pagdarasal nila para sa mga kasagutang iyon.

Patotohanan na mahal ng Diyos ang mga estudyante at handa Siyang sagutin ang kanilang mga panalangin at bigyan sila ng paghahayag. Hikayatin silang magtanong sa Ama sa Langit nang may pananampalataya at tapat na hangarin na sundin ang mga sagot na matatanggap nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 8:1. “[Humiling] nang may pananampalataya”

Sinabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

“Pinakamabisa ang panalangin kapag sinisikap nating maging malinis at masunurin, na taglay ang [mabubuting] hangarin, at handang gawin ang ipinagagawa Niya. Ang mapagpakumbaba at mapagtiwalang panalangin ay nagdudulot ng patnubay at kapayapaan” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 8).

Doktrina at mga Tipan 8:2. “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo”

Propetang Joseph Smith

“Maaaring makinabang ang isang tao sa pagpansin sa unang pahiwatig ng espiritu ng paghahayag; halimbawa, kapag nadarama ninyo ang pagdaloy ng dalisay na talino sa inyo, maaaring may bigla kayong maisip … ; at sa gayon sa pamamagitan ng pagkatuto tungkol sa Espiritu ng Diyos at pag-unawa rito, kayo ay maaaring umunlad sa alituntunin ng paghahayag, hanggang sa maging sakdal kayo kay Cristo Jesus” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 153).

Doktrina at mga Tipan 8:2. Ang paghahayag ay dumarating nang paunti-unti

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga mensahe mula sa Diyos ay madalas na dumarating sa maliliit at unti-unting paraan. Pinayuhan niya tayo na huwag panghinaan ng loob kapag hindi tayo nakatatanggap ng madalas at kagila-gilalas na sagot sa panalangin:

Elder David A. Bednar

“Ang ilaw na binuksan sa isang madilim na silid ay parang pagtanggap ng mensahe mula sa Diyos nang mabilis, lubusan, at biglaan. Marami sa atin ang nakararanas ng ganitong paraan ng paghahayag kapag sinasagot ang ating tapat na panalangin o pinapatnubayan o pinoprotektahan tayo, ayon sa nais at panahong itinakda ng Diyos. Ang paglalarawan ng gayong kagyat at matitinding pagpapamalas ay makikita sa mga banal na kasulatan, muling ikinuwento sa kasaysayan ng Simbahan, at makikita sa sarili nating buhay. Tunay ngang nagaganap ang mga malalaking himalang ito. Gayunman, mas bihira kaysa madalas ang ganitong paraan ng paghahayag.

“Ang unti-unting pagliliwanag na nagmumula sa papasikat na araw ay parang pagtanggap ng mensahe mula sa Diyos nang ‘taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin’ (2 Nephi 28:30). Kadalasan, ang paghahayag ay dumarating nang paunti-unti at ibinibigay ayon sa ating hangarin, pagkamarapat, at paghahanda. Ang gayong pakikipag-ugnayan mula sa ating Ama sa Langit ay dahan-dahan at marahang ‘magpapadalisay sa [ating mga] kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit’ (D at T 121:45). Mas karaniwan kaysa bihira ang ganitong paraan ng paghahayag at nakikita sa mga karanasan ni Nephi nang subukan niya ang ilang iba’t ibang pamamaraan bago tuluyang nakuha ang mga laminang tanso mula kay Laban (tingnan sa 1 Nephi 3–4). Sa huli, pinatnubayan siya ng Espiritu patungong Jerusalem ‘nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat [niyang] gawin’ (1 Nephi 4:6). At hindi niya natutuhan nang biglaan ang paggawa ng sasakyang-dagat na kakaiba ang kayarian; bagkus, ipinakita ng Panginoon kay Nephi ‘sa pana-panahon kung sa anong pamamaraan nararapat [niyang] gawin ang mga kahoy ng sasakyang-dagat’ (1 Nephi 18:1). …

“Tayong mga miyembro ng Simbahan ay lubhang binibigyang-diin ang kagila-gilalas at madamdaming mga espirituwal na pagpapakita kaya hindi natin napapahalagahan at maaaring hindi pa natin mapansin ang karaniwang paraan ng pagsasakatuparan ng Espiritu Santo ng Kanyang gawain. Ang mismong ‘kagaanan ng paraan’ (1 Nephi 17:41) ng pagtanggap ng maliliit at unti-unting espirituwal na pahiwatig na sa paglipas ng panahon at sa kabuuan ay nagbibigay ng hinahangad na sagot o patnubay na kailangan natin ay maaaring mag-udyok sa atin na tumingin ‘nang lampas sa tanda’ (Jacob 4:14).

“Nakausap ko ang maraming tao na nag-aalinlangan sa lakas ng kanilang sariling patotoo at minamaliit ang kanilang espirituwal na kakayahan dahil hindi sila nakatatanggap ng madalas, mahimala, o matinding pahiwatig. Marahil kung iisipin natin ang mga karanasan ni Joseph sa Sagradong Kakahuyan, ni Pablo sa daan patungong Damasco, at ni Nakababatang Alma, maniniwala tayo na may mali o kulang sa atin kung hindi natin maranasan ang ganitong kahanga-hanga at kagila-gilalas na mga halimbawa. Kung nagkaroon na rin kayo ng gayong mga ideya o pag-aalinlangan, isipin sana ninyo na karaniwang nangyayari ito. Magpatuloy lang sa pagsunod at pagsampalataya sa Tagapagligtas. Sa paggawa nito, kayo ay ‘hindi maaaring malihis’ (D at T 80:3)” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 88–89).

Doktrina at mga Tipan 8:1–4. Inakay ng Espiritu

Sinabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

“Magtiyaga habang nagsasanay sa kakayahan ninyong maakay ng Espiritu. Sa mabuting pagsasanay, sa pamumuhay ayon sa mga tamang alituntunin, at pagiging sensitibo sa mga damdaming darating, magtatamo kayo ng espirituwal na patnubay. Pinatototohanan ko na ang Panginoon, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ay mangungusap sa inyong puso’t isipan. Kung minsan ang mga paramdam ay mga karaniwang damdamin lamang. Kung minsa’y napakalinaw at hindi maipagkakamali ang patnubay kaya maisusulat ang bawat salita nito, na parang espirituwal na pagdidikta.

“Taimtim kong pinatototohanan na kapag kayo ay nanalangin nang buong alab ng kaluluwa at mapakumbaba at may pasasalamat, matututo kayo na palagiang magabayan ng Banal na Espiritu sa lahat ng aspeto ng inyong buhay. Napatunayan ko na ang katotohanan ng alituntuning iyan sa sarili kong pagsubok sa buhay. Pinatototohanan ko na personal kayong matututong mabihasa sa mga alituntunin ng magabayan ng Espiritu. Sa ganyang paraan, mapapatnubayan kayo ng Tagapagligtas sa paglutas sa mga hamon sa buhay at magtatamasa kayo ng malaking kapayapaan at kaligayahan” (“Upang Magtamo ng Espirituwal Na Patnubay,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 9).

Doktrina at mga Tipan 8:3. Si Moises ay inakay ng diwa ng paghahayag

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit ginamit ng Panginoon ang pagtawid sa Dagat na Pula bilang halimbawa ng diwa ng paghahayag:

Elder Jeffrey R. Holland

“Tanong: Bakit ginamit ng Panginoon ang pagtawid sa Dagat na Pula bilang klasikong halimbawa ng ‘diwa ng paghahayag’? Bakit hindi niya ginamit ang Unang Pangitain? … O ang pangitain ng kapatid ni Jared? Maaari Niyang gamitin ang alinman sa mga ito ngunit hindi Niya ginawa. May iba Siyang layunin na naiisip.

“Una sa lahat, halos palaging dumarating ang paghahayag bilang tugon sa isang tanong, karaniwan ay isang tanong na dagliang nangangailangan ng sagot—hindi palagi, ngunit karaniwan. Ang hamon kay Moises ay kung paano niya maiaalis ang kanyang sarili at ang mga anak ng Israel mula sa napakalagim na sitwasyong kinalalagyan nila. May mga karuwahe sa likod nila, may mga buhangin sa lahat ng dako, at malaking katubigan sa kanilang harapan. Kailangan niya ng impormasyon—kung ano ang gagawin—subalit hindi pangkaraniwan ang kanyang hinihiling. Sa kasong ito, talagang buhay ang nakataya.

“Mangangailangan din kayo ng impormasyon, subalit sa mga bagay na may matinding kahihinatnan, malamang na hindi ito darating maliban kung ito ay kailangang-kailangan ninyo, at hiniling nang buong katapatan at pagpapakumbaba. Ang tawag rito ni Moroni ay paghingi nang ‘may tunay na layunin’ (Moroni 10:4). Kung humihingi kayo sa ganyang paraan at mananatiling ganyan, walang anumang panapat ng kalaban ang makapagliligaw sa inyo mula sa matwid na landas.

“Mahahati ang Dagat na Pula sa matatapat na humihingi ng paghahayag. May kapangyarihan ang kaaway na harangin ang daan, tipunin ang hukbo ni Paraon at sundan ang ating pagtakas hanggang sa baybaying dagat, ngunit hindi siya magtatagumpay sa pagsakop kung hindi natin pahihintulutan. Iyan ang unang aral tungkol sa pagtawid sa Dagat na Pula, ang inyong mga Dagat na Pula, sa pamamagitan ng diwa ng paghahayag” (“Remember How You Felt,” New Era, Ago. 2004, 7).