Seminaries and Institutes
Lesson 57: Doktrina at mga Tipan 50


Lesson 57

Doktrina at mga Tipan 50

Pambungad

Pagdating ni Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, napansin niya na “may mga kakatwang paniwala at mga mapanlilnlang na espiritu ang unti-unting nakakaimpluwensya sa” ilan sa mga Banal. Sinimulan niyang magturo nang may “pag-iingat at … karunungan” upang malutas ang mga bagay na ito (tingnan sa History of the Church, 1:146). Napansin din ni Elder Parley P. Pratt na bumalik mula sa misyon ang gayunding pag-uugali sa mga sangay ng Simbahan sa labas ng Kirtland. Siya at ang iba pang mga elder ay nagtungo kay Joseph Smith para humingi ng payo (tingnan sa History of the Church, 1:170). Noong Mayo 1831, nagtanong ang Propeta sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 50. Sa paghahayag na ito, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na ituro at tanggapin ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 50:1–9

Nagbabala ang Panginoon sa mga elder ng Simbahan tungkol sa mga mapanlinlang na espiritu

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay dumalo sila sa isang sacrament meeting kung saan ang ilang miyembro ng Simbahan dito na nasa hustong gulang ay nakatayo sa mga upuan at nagsasalita nang malakas, habang ang iba naman ay nagpapagulung-gulong sa sahig.

  • Ano kaya ang mararamdaman ninyo? Ano sa tingin ninyo ang mangyayari sa Espiritu sa gayong mga sitwasyon? (Tiyakin na hindi mauuwi ang talakayang ito sa pamimintas ng mga relihiyon na gumagawa ng gayong mga aktibidad.)

Ipaliwanag na noong dumating si Joseph Smith sa Kirtland sa unang pagkakataon, nakita niya na nalinlang ang ilan sa mga Banal sa panahon na kaunti lang ang namumuno sa kanila. Dahil diyan, “may ilang kakatwang paniwala at mga mapanlinlang na espiritu ang unti-unting nakaimpluwensya sa” kanila (History of the Church, 1:146). Ang mga bagong miyembro sa Kirtland ay nagdagdag ng kakatwa, maingay at magulong aktibidad sa kanilang mga pagsamba. Ang mga aktibidad na ito ay pumukaw ng emosyon ng mga tao ngunit hindi nagpatibay sa kanila. Hindi maunawaan ng ilang elder ng Simbahan ang nangyayari, kaya humingi sila ng payo sa Propeta. Nagtanong siya sa Panginoon at tumanggap ng paghahayag na makatutulong sa mga Banal na patibayin ang isa’t isa habang sila ay nagtuturo at natututo ng mga katotohanan ng ebanghelyo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang pinagmulan ng impluwensyang ito sa mga Banal.

  • Ano ang pinagmulan ng impluwensyang ito?

  • Ayon sa talata 3, bakit gustong linlangin ni Satanas ang mga Banal?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:4–9 at alamin ang babala ng Panginoon tungkol sa ilang miyembro ng Simbahan sa Ohio.

  • Anong mga salita ang ginamit ng Panginoon para ilarawan ang ilang miyembro ng Simbahan sa panahong ito?

  • Ano ang mapagkunwari? Paano nagpapalakas ng kapangyarihan ng kaaway ang pagkukunwari?

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga mapagkunwari? (Tingnan sa D at T 50:6, 8.)

Doktrina at mga Tipan 50:10–36

Ang mga maytaglay ng priesthood ay tinagubilinang magturo at matuto sa pamamagitan ng Espiritu

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

Ano ang kailangan para maging epektibong guro ng ebanghelyo?

Ano ang kailangan para matutuhang mabuti ang ebanghelyo?

Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga tanong na ito. Itala ang kanilang mga pangunahing ideya sa pisara sa ilalim ng bawat tanong. Pagkatapos ay hatiin ang klase sa dalawang grupo. Sabihin sa unang grupo na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 50:13–20 at alamin ang mga sagot sa unang tanong. Sabihin sa pangalawang grupo na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 50:13–20 at alamin ang mga sagot sa pangalawang tanong. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang natuklasan.

  • Anong elemeto ng pagtuturo ng ebanghelyo ang inulit sa mga talatang ito? (Ang pangangailangan sa Espiritu.)

  • Anong mga gawain ng Espiritu Santo ang binanggit sa Doktrina at mga Tipan 50:14? (Dapat ipahayag ng mga estudyate na ang Espiritu Santo ang Mang-aaliw at ang Espiritu Santo ay nagtuturo ng katotohanan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ituro ang ebanghelyo “sa pamamagitan ng Espiritu”? (D at T 50:14). Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng magturo “sa ibang pamamaraan”? (D at T 50:17).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na kailangan nilang ituro ang ebanghelyo. Maaaring maisip nila ang pagtuturo sa tahanan, sa kanilang mga kaibigan, sa seminary, sa simbahan, o bilang home teacher. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga karanasan nila nang madama nilang ginagabayan sila ng Espiritu sa pagtuturo ng ebanghelyo o pagbabahagi ng kanilang mga patotoo.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “[tumanggap] ng salita ng katotohanan … sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan”? (D at T 50:19). Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng matanggap ito “sa ibang pamamaraan”? (D at T 50:19).

  • Ano ang magagawa ninyo upang mas matanggap ang ebanghelyo kapag itinuturo ito sa pamamagitan ng Espiritu?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jack H. Goaslind ng Pitumpu. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga ideya kung paano natin mas matatanggap ang salita ng katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu.

Elder Jack H. Goaslind

“Ilan sa inyo ang nagawa na ang ‘posisyong nagpapakita ng pagkainip’ sa oras ng sacrament? Alam ninyo ang posisyon: nakayuko, nakapangalumbaba, nakapatong ang mga siko sa tuhod, nakatitig lang sa sahig. Naisip na ba ninyo na nasasainyo kung magiging interesado kayo o hindi sa miting? …

“Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball na ang pagsamba ‘ay responsibilidad ng bawat isa, at kahit ano ang sinasabi sa pulpito, kung nais ng isang tao na sambahin ang Panginoon sa espiritu at sa katotohanan, ay magagawa niya ito. … Kung wala kayong napala sa miting, kayo ang nawalan. Walang sinumang sasamba para sa inyo; kayo ang dapat maghintay sa Panginoon.’ (Ensign, Ene. 1978, p. 5.)

“Isang binatilyo ang nagkuwento kung paano niya unang nadama ang diwa ng pagsamba. Hindi siya gaanong aktibo noong mga panahong ito na nasa Aaronic Priesthood siya. Kapag dumadalo siya sa sacrament meeting, kadalasang sa likuran siya umuupo kasama ang isang grupo ng kanyang mga kaibigan, at siya ay hindi magandang halimbawa ng isang taong mapitagan. Ngunit isang araw, nahuli siya ng dating, at wala nang bakanteng silya sa tabi ng kanyang mga kaibigan. Mag-isa siyang naupo, at sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay niya, ipinikit niya ang kanyang mga mata nang may nanalangin, kumanta ng mga himno, nakinig sa mga panalangin sa sakramento, at pinakinggan ang mga tagapagsalita. Noong nasa kalagitnaan na sa kanyang mensahe ang tagapagsalita, naramdaman niyang may namumuo nang mga luha sa kanyang mga mata. Nahihiyang tumingin siya sa paligid; parang wala namang emosyonal na tulad niya. Hindi niya alam kung ano talaga ang nangyayari sa kanya, ngunit binago ng karanasang iyon ang kanyang buhay. Sa miting na iyon niya talagang sinimulan ang espirituwal na paghahanda para sa kanyang misyon. May naramdaman siyang isang bagay, at nakatutuwa na kumilos siya ayon dito at patuloy na naramdaman iyon” (“Yagottawanna,” Ensign, Mayo 1991, 46).

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung aling bahagi ng kuwentong ito ang nakaantig sa kanila. Matapos magbahagi ang ilan, maaari mong imungkahi na sumulat sila ng isang partikular na paraan na mapagsisikapan nila nang mas mabuti na matuto sa pamamagitan ng Espiritu.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila malalaman kung nagtuturo at natututo na ba sila sa pamamagitan ng Espiritu. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:21–22 at sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng Panginoon kung paano gagawin ito.

  • Ano ang nangyayari kapag nagtuturo at natututo tayo sa pamamagitan ng Espiritu?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “kapwa pinagtitibay at magkasamang magsasaya”? Kailan ninyo naranasan ito?

  • Paano ninyo ibubuod ang turo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 50:13–22? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagtuturo at natututo tayo sa pamamagitan ng Espiritu, nauunawaan natin ang isa’t isa at tayo ay napapatibay at magkasamang nagsasaya. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:23–25. Sabihin sa kanila na alamin ang nangyayari kapag nagtuturo ang mga tao sa pamamagitan ng Espiritu at ano ang nangyayari kapag nagtuturo at natututo ang mga tao sa “ibang pamamaraan” (D at T 50:17). Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano inilarawan ng Panginoon ang pagtuturo na hindi nagpapatibay?

  • Paano inilarawan ng Panginoon ang pagtuturo na mula “sa Diyos”? (D at T 50:24). Ayon sa kanya, paano Niya tayo pagpapalain kapag tinanggap natin ang gayong pagtuturo?

  • Anong doktrina ang itinuturo sa mga talatang ito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang nagmumula sa Diyos ay nagdudulot ng liwanag at nagpapatibay, ngunit ang hindi nagmumula sa Diyos ay nagdudulot ng kalituhan at kadiliman. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Kailan ninyo naramdaman na ang bagay na narinig, nakita, o naranasan ninyo ay hindi mula sa Diyos? Paano kayo tinulungan ng Espiritu na maramdaman iyan?

Ipaliwanag sa mga estudyante na makakarinig at makakakita sila ng mga mensahe na may layuning pahinain ang kanilang pananampalataya. Ang mga alituntuning natututuhan nila ngayon ay makapagpapatibay sa kanila laban sa mga mensaheng iyon. Maaari mong ibahagi ang naranasan mo nang tulungan ka ng Espiritu na mahiwatigan na hindi sa Diyos nagmula ang isang mensahe.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 50:26–36 na ipinapaliwanag na pinayuhan ng Panginoon ang mga lider ng priesthood tungkol sa kapangyarihan at mga responsibilidad na kaakibat ng kanilang ordenasyon. Sinabi niya na dapat paglingkuran ng mga lider ng priesthood ang isa’t isa at panatilihing dalisay ang kanilang sarili. Sa paggawa nito, bibigyan sila ng Panginoon ng lakas na madaig ang mga mapanlinlang na espiritu na kagaya ng nakaimpluwensya sa ilan sa mga Banal sa panahong ibinigay ang paghahayag na ito.

Doktrina at mga Tipan 50:37–46

Pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na patuloy na lumaki sa biyaya at katotohanan, at tiniyak sa kanila na Siya ay kasama nila

Idispley ang larawang Panalangin ng Pamilya (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 112; tingnan din sa LDS.org). Ituro ang pinakamaliit na batang lalaki at itanong ang mga sumusunod:

Panalangin ng Pamilya
  • Nakikinita ba ninyo na magiging full-time missionary ang batang ito kapag lumaki na siya? Ano ang nagpapahiwatig sa larawang ito na magiging handa siyang maglingkod?

  • Iniisip ang gawaing inilaan ng Panginoon sa bawat isa sa atin, sa anong mga paraan nakakatulad natin ang batang ito?

Ipaliwanag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 50:37–40 ang payo ng Panginoon sa ilan sa mga elder na naroon nang matanggap ang paghahayag na ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talata 40. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang payong ibinigay ng Panginoon sa mga elder na ito.

  • Ayon sa talata 40, bakit tinawag ng Panginoon na “maliliit na bata” ang mga maytaglay na ito ng priesthood? Sa paanong paraan tayo nakakatulad ng maliliit na bata?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “lumaki sa biyaya”? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng lumaki “sa kaalaman ng katotohanan”?

  • Ano ang matututuhan natin sa talatang ito tungkol sa mga pagpapalang nais ng Tagapagligtas na matanggap natin? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Nais ng Tagapagligtas na lumaki tayo sa biyaya at sa kaalaman ng katotohanan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:41–46. Sabihin sa klase na hanapin ang mga salitang nagbibigay ng kapanatagan at katiyakan na ibinigay ng Panginoon sa mga elder na ito at sa atin.

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo kapag sinabi ng Panginoon na, “Kayo ay akin”? Paano tayo matutulungan ng katiyakang ito na “huwag matakot”? (D at T 50:41).

  • Ano pa ang ibang mga pangako sa mga talatang ito ang mahalaga sa inyo?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga alituntuning itinuro sa lesson na ito. Hikayatin ang mga estudyante na lalo pang magturo at matuto sa pamamagitan ng Espiritu.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 50. Ang paraan kung paano natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na ito

Inilarawan ni Elder Parley P. Pratt ang pagdidikta ni Joseph Smith ng paghahayag na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 50. Ito ang isa sa mga pinakadetalyadong paglalarawan na mayroon tayo tungkol sa pagdidikta ng Propeta ng mga paghahayag. Sinabi ni Elder Pratt:

Parley P. Pratt

“Bawat pangungusap ay sinambit nang dahan-dahan at napakalinaw, at pahintu-hinto sa pagitan ng mga salita nang sapat para maitala ito, ng isang karaniwang tagasulat, sa kanyang sulat-kamay.

“… Walang anumang pag-aalinlangan, pagrerepaso, o pagbabasang muli, para tuluy-tuloy ang pagdaloy ng paksa; … at naroon ako upang saksihan ang pagdikta ng ilang tala sa bawat pahina” (Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. [1938], 62).

Matapos idikta ni Joseph Smith ang mga paghahayag, lagi niyang nirerepaso ang mga naisulat na bersyon, naghahangad ng inspirasyon na magawa ang mga kinakailangang pagbabago.

Doktrina at mga Tipan 50. Ang “mga kakatwang paniwala at ang mga mapanlilnlang na espiritu” ang unti-unting nakaimpluwensya sa mga Banal

Inilarawan ni John Whitmer ang ilan sa mga “kakatwang paniwala at mga mapanlilnlang na espiritu” (History of the Church, 1:146) na unti-unting nakaimpluwensya sa mga Banal sa Kirtland noong tagsibol ng 1831:

John Whitmer

“Ang ilan ay nagkaroon ng mga pangitain at hindi masabi kung ano ang nakita nila, ang ilan ay nagpapantasya na nasa kanila ang espada ni Laban, at iwinawasiwas ito [na parang kawal na nakasakay sa kabayo], may mga umaaktong Indiyano na nagtutuklap ng anit, may ilan na nagpapadausdos sa sahig o biglang tatalilis na simbilis ng ahas at sasabihing sila raw ay naglalayag patungo sa mga Lamanita para ipangaral ang ebanghelyo. At marami pang ibang walang kabuluhan at pawang kahibangang bagay na hindi na nararapat at hindi kapaki-pakinabang na banggitin” (Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, vol. 1 of the Documents series of The Joseph Smith Papers [2013], 305).

Doktrina at mga Tipan 50:13–14, 17. Pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan

Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang dapat nating gawin bago tayo makapagturo sa pamamagitan ng Espiritu:

Elder Dallin H. Oaks

“Dapat nating pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Dapat nating pag-aralan ang mga turo ng mga buhay na propeta. Dapat nating matutuhan ang lahat ng makakaya natin upang maging presentable tayo at madaling maunawaan. … Kailangan ang paghahanda para makapagturo sa pamamagitan ng Espiritu” (“Teaching and Learning by the Spirit,” Ensign, Mar. 1997, 10).

Si Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ay nagbigay sa atin ng payo at tagubilin para matulungan tayo na makapagturo sa pamamagitan ng Espiritu:

Pangulong Henry B. Eyring

“Nagkakaroon ng kapangyarihan ang doktrina kapag pinatunayan ng Espiritu Santo na ito ay totoo. …

“Dahil kailangan natin ang Espiritu Santo, dapat tayong mag-ingat na totoong doktrina lamang ang ating ituro. Ang Espiritu Santo ang Espiritu ng Katotohanan. Dumarating ang Kanyang patunay kapag iniwasan nating magsapalaran o magbigay ng sariling interpretasyon. Maaaring mahirap gawin iyan. Mahal ninyo ang taong sinisikap ninyong impluwensyahan. Maaaring binalewala niya ang doktrinang dati niyang narinig. Nakatutuksong sumubok ng bago o kamangha-mangha. Ngunit inaanyayahan nating makasama ang Espritu Santo kapag iingatan natin na totoong doktrina lamang ang ating ituro” (“Pagtuturo ng Totoong Doktrina,” Liahona, Abr. 2009, 4).

Inilarawan ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagkakaiba ng pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu at ng pagtuturo sa pamamagitan ng ating talino:

Elder Richard G. Scott

“Ilang taon na ang nakararaan nagkaroon ako ng tungkulin sa Mexico at Central America na katulad ng tungkulin ng isang Area President. …

“Isang araw ng Linggo … Binisita ko ang miting ng priesthood ng [isang] branch kung saan isang mapagpakumbaba at hindi nakapag-aral na Mexicanong lider ng priesthood ang nahihirapang ipaliwanag ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Kitang-kita na naantig ng mga ito ang buhay niya. Napansin ko ang kanyang matinding hangaring ipahayag ang mga alituntuning iyon. Alam niya na napakahalaga ng mga ito sa mga kalalakihang naroon. Nagbasa siya mula sa manwal ng lesson, subalit ginawa niya ito nang may dalisay na pagmamahal sa Tagapagligtas at sa kanyang mga tinuturuan. Ang pagmamahal, katapatan, at kadalisayan ng layuning iyan ang nagpadama ng impluwensya ng Espiritu Santo sa silid. …

“Kasunod niyan, binisita ko ang Sunday School class sa aming ward, kung saan dumadalo ang pamilya ko. Isang propesor sa isang unibersidad ang nagtuturo ng lesson. Ang karanasang iyon ay kabaligtaran nang naranasan ko sa miting ng priesthood ng branch na iyon. Sa tingin ko ay talagang sinadya ng guro na pumili ng malalabong reference at hindi pamilyar na mga halimbawa sa paggawa ng paksang nakatakda niyang talakayin—ang buhay ni Joseph Smith. Malinaw kong nahiwatigan na sinamantala niya ang pagkakataong makapagturo para pahangain ang klase sa malawak niyang kaalaman. … Parang hindi lubos ang katapatan niya na maipaliwanag ang mga alituntunin kumpara sa ginawa ng mapagkumbabang lider ng priesthood na iyon. …

“… Ang kapakumbabaan ng Mexicanong lider ng priesthood ay kailangan upang maging kasangkapan siya para sa espirituwal na pagpapaliwanag ng katotohanan” (“Helping Others to Be Spiritually Led” [address to CES religious educators, Ago. 11, 1998], 10–11, LDS.org).

Doktrina at mga Tipan 50:19–20. Tumanggap sa pamamagitan ng Espiritu

Sinabi ni Pangulong J. Reuben Clark ng Unang Panguluhan na mayroon tayong mahalagang responsibilidad na malaman kung ang tagapagsalita ay nagtuturo o hindi sa pamamagitan ng Espiritu:

Pangulong J. Reuben Clark

“Malalaman lamang natin kung ang mga nagsasalita ay ‘pinakikilos ng Espiritu Santo’ kung tayo mismo ay ‘pinakikilos ng Espiritu Santo.’

“Sa ganitong paraan, nasa atin na ang responsibilidad na alamin kung sila nga ay nagsasalita sa gayong paraan” (“When Are Church Leaders’ Words Entitled to Claim of Scripture?” Church News, Hulyo 31, 1954, 9).

Sinabi ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol ang responsibilidad ng mga estudyante na matuto nang mabuti:

Elder Joseph B. Wirthlin

“Kapag mas maraming miyembro ng klase ang nagbabasa ng ipinababasa sa kanila na mga banal na kasulatan, kapag mas dinadala nila sa klase ang kanilang banal na kasulatan, at kapag mas pinag-uusapan nila kung ano talaga ang kahulugan ng ebanghelyo sa kanilang buhay, mas madarama nila ang inspirasyon, pag-unlad at kagalakan habang sinisikap nilang lutasin ang kanilang personal na mga alalahanin at hamon sa buhay” (“Teaching by the Spirit,” Ensign, Ene. 1989, 15).

Binigyang-diin ni A. Roger Merrill, dating Sunday School general president, ang pangangailangang matuto sa pamamagitan ng Espiritu:

A. Roger Merrill

“Mas nauunawaan ko kung gaano kahalaga ng pagtanggap sa pamamagitan ng Espiritu. Madalas tayong magtuon ng pansin, na nararapat lamang, sa kahalagahan ng pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu. Ngunit kailangan nating tandaan na pantay, kung hindi man higit, ang kahalagahang ibinigay ng Panginoon sa pagtanggap sa pamamagitan ng Espiritu. (Tingnan sa D at T 50:17–22.)” “Pagtanggap sa Pamamagitan ng Espiritu,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 93).

Ikinuwento ni Elder Jack H. Goaslind ng Pitumpu ang sumusunod upang ilarawan na bawat isa sa atin ay may kakayahang magpasiya kung matututo ba tayo sa pamamagitan ng Espiritu o hindi:

Elder Jack H. Goaslind

“Ilang taon na ang nakararaan narinig ko ang tungkol sa isang butihing kapatid na nagkwento ng kanyang inasal habang ibinibigay ni Pangulong David O. McKay ang huling mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Mahalumigmig ang hapong iyon, at panglimang sesyon na iyon na dinaluhan niya. Nakaupo siya sa balcony, at nahihirapan siyang ipokus ang isipan niya. Napansin niya ang isang lalaking nakaupo sa gitnang bahagi na nakatulog na at nakatagilid ang ulo at nakanganga. Inisip niya na kung nagkataong nasa bubong siya ng Tabernacle, kayang-kaya niyang magpalusot ng sumpit mula sa butas ng kisame diretso sa bibig ng natutulog na lalaki. Nakakatawang ideya! Pagkatapos ng miting, narinig niyang pinagkukwentuhan ng dalawang lalaki ang nadama nila habang nagsasalita si Pangulong Mckay. Kitang-kita na naantig sila sa kanilang narinig. Naisip niya sa kanyang sarili, Napakaganda ng espirituwal na karanasan ng dalawang miyembrong ito, at ako, ano ang ginagawa ko? Nag-iisip na manumpit mula sa kisame!” “Yagottawanna,” Ensign, Mayo 1991, 46).