Seminaries and Institutes
Lesson 136: Doktrina at mga Tipan 129; 130:1–11, 22–23


Lesson 136

Doktrina at mga Tipan 129; 130:1–11, 22–23

Pambungad

Noong Pebrero 9, 1843, nagbigay si Propetang Joseph Smith ng mga tagubilin upang tulungan ang mga Banal na malaman ang pagkakaiba ng mga naglilingkod na anghel at ng mga espiritu. Ang mga tagubiling ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 129. Ang Doktrina at mga Tipan 130 ay naglalaman ng mga turo ni Joseph Smith tungkol sa iba’t ibang doktrina nang siya ay nakipagpulong sa mga Banal sa Ramus, Illinois, noong Abril 2, 1843.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 129

Nagbigay ng tagubilin si Propetang Joseph Smith tungkol sa katangian ng mga naglilingkod na anghel at ng mga espiritu

Itanong sa mga estudyante kung ano ang sasabihin nila sa isang tao na gustong malaman kung naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga anghel. Pagkatapos sumagot ang mga estudyante, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Mula pa sa simula hanggang sa sumunod na mga dispensasyon, gumamit ng mga anghel ang Diyos bilang Kanyang mga sugo para iparating ang pagmamahal at pag-aalala sa Kanyang mga anak. …

“Karaniwan ay hindi nakikita ang ganitong mga nilalang. Kung minsan naman ay nakikita sila. Ngunit nakikita man o hindi, lagi silang nariyan. Kung minsan ay napakadakila ng kanilang mga atas at makabuluhan para sa buong mundo. Kung minsan ay mas personal ang mga mensahe. Paminsan-minsan layon ng anghel na magbabala” (“Ang Ministeryo ng mga Anghel,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 29).

Ipaliwanag na simula noong 1839 at hanggang 1843, nagbigay si Propetang Joseph Smith ng mga tagubilin sa ilang tao para tulungan silang malaman kung paano matukoy ang pagkakaiba ng katangian ng mga naglilingkod na anghel at mga espiritu. Ilan sa mga tagubiling ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 129.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 129:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mahalagang pagkakaiba ng mga anghel at mga espiritu. (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang makatarungan ay matwid.)

  • Paano naiiba ang mga anghel sa mga espiritu? (Ang mga anghel ay nabuhay na mag-uling tao na may mga katawang laman at mga buto; ang mga espiritu ay wala nito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 129:4–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang pagkakaiba ng mga anghel at ng mga makatarungan o matwid na espiritu. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang matututuhan natin sa talata 7 tungkol sa likas na katangian ng mga totoong sugo mula sa Ama sa Langit? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong imungkahi na isulat nila ang sumusunod na doktrina sa margin ng kanilang banal na kasulatan: Ang mga totoong sugo ng Ama sa Langit ay hindi tayo lilinlangin.)

Ipaliwanag na ang diyablo kung minsan ay nagpapanggap na “anghel ng liwanag,” upang linlangin ang mga tao (tingnan sa D at T 129:8). Bukod pa rito, “nasasaad din sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa mga anghel ng diyablo. Sila ang mga espiritu ng mga yaong sumunod kay Lucifer at pinalayas mula sa kinaroroonan ng Diyos bago pa ang buhay na ito at itinapon sa mundo (Apoc. 12:1–9; 2 Ne. 9:9, 16; D at T 29:36–37)” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Anghel, Mga,” scriptures.lds.org). Huwag magkuwento ng pangyayari tungkol kay Satanas o masasamang espiritu o huwag hayaang mauwi ang talakayan sa mga kahindik-hindik na kuwento at mga materyal na hindi totoo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 129:8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano matutukoy ang masamang espiritu na hangad na manlinlang sa pamamagitan ng pagpapanggap na isang anghel ng liwanag. (Ipaliwanag na ang salitang pangangasiwa sa talata 9 ay tumutukoy sa pagpapakita o pagdalaw ng isang anghel o espiritu.) Ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.

  • Bukod pa sa tagubilin sa mga talatang ito, ano ang ibinigay sa inyo ng Ama sa Langit para matulungan kayong mahiwatigan ang mga panlilinlang ni Satanas?

Doktrina at mga Tipan 130:1–11, 22–23

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith ang iba’t ibang doktrina

Ipaliwanag na noong Abril 2, 1843, si Joseph Smith ay nagdaos ng isang stake conference sa mga Banal sa Ramus, Illinois, na mga 20 milya sa timog-silangan ng Nauvoo. Sa isang pulong sa umaga, si Elder Orson Hyde ay nagbigay ng sermon at nagturo ng interpretasyon ng banal na kasulatan na natutuhan niya sa dati niyang simbahan.

  • Ano ang responsibilidad ng Propeta sa sitwasyong ito? (Itama ang anumang maling doktrina na itinuro sa pulong na ito.)

Ipaliwanag na ang mga namumunong lider ng Simbahan tulad ng mga propeta, stake president, at bishop ay may responsibilidad na tiyakin na tamang doktrina ang itinuturo sa Simbahan. Pagkatapos ng pulong na iyon sa umaga, sina Joseph Smith, Orson Hyde, at ilang iba pa ay nananghalian sa tahanan ng kapatid ni Joseph na si Sophronia. Habang kumakain, sinabi ng Propeta na “mayroon lang siyang ilang itatama sa sermon [ni Brother Hyde].” Sagot ni Brother Hyde, “Tatanggapin ko ang mga ito nang may pasasalamat” (sa History of the Church, 5:323).

  • Ano ang matututuhan natin sa paglutas ni Joseph Smith sa pangyayaring ito?

  • Ano ang matututuhan natin sa tugon ni Orson Hyde sa Propeta?

Ipaliwanag na sa kanyang mensahe noong umaga, nagkamali ng interpretasyon si Orson Hyde sa Juan 14:23. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talatang ito.

Ipaalam sa klase na matapos banggitin ni Orson Hyde ang talatang ito, sinabi niya sa mga tao na “pribilehiyo natin na manahan ang Ama at ang Anak sa ating mga puso” (sa History of the Church, 5: 323). Nakatala sa Doktrina at mga Tipan 130 ang pagtatama ni Propetang Joseph Smith sa ideyang ito. Kabilang din dito ang ilang karagdagang turo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 130:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung bakit mali ang pagpapakahulugan ni Orson Hyde sa Juan 14:23. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na maraming tao ngayon na walang konsepto tungkol sa Diyos, o marahil tulad ni Orson Hyde, na dating mangangaral na Campbellite, ay mali ang pagkaunawa tungkol sa katangian ng Diyos dahil sa mga maling kinamulatang paniniwala. Maaari nating tulungan ang iba na maunawaan ang tunay na katangian ng Ama sa Langit at ang kanilang kaugnayan sa Kanya.

  • Paano tayo tutugon nang may kabaitan at pag-unawa kapag tinatalakay natin ang ebanghelyo sa mga taong mali ang mga ideya dahil sa maling nakamulatan?

Sabihin sa isang estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 130:22–23 nang malakas. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga doktrina na maipapaliwanag nila kapag itinuturo sa iba ang tungkol sa Panguluhang Diyos.

  • Anong mga doktrina ang itinuturo sa mga talatang ito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang mga sumusunod na doktrina: Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay magkahiwalay na nilalang na may pisikal na katawang may laman at mga buto. Ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga na maunawaan na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay magkahiwalay na mga nilalang na may pisikal na katawang may laman at mga buto?

handout iconUpang matulungan ang mga estudyante na lalo pang maunawaan ang doktrina ng Panguluhang Diyos, pagpartner-partnerin sila para magtulungan. Bigyan ang bawat magkapartner ng isang kopya ng sumusunod na pahayag. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nilang magkakapartner ang pahayag at salungguhitan ang mga katotohanan tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo na pinakanapansin nila.

Diyos Ama: Ito ang Ama, o Elohim, na tinutukoy ng katawagang Diyos. Tinawag siyang Ama dahil Siya ang ama ng ating mga espiritu. … Ang Diyos Ama ang pinakadakilang namamahala ng sansinukob. Siya ay pinakamakapangyarihan … , nakaaalam ng lahat … , at saan mang dako ay naroroon sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. … May natatanging kaugnayan ang sangkatauhan sa Diyos na naghihiwalay sa tao sa iba pang bagay na nilikha: mga espiritung anak ng Diyos ang mga lalaki at babae. …

Diyos Anak: Ang Diyos na kilala bilang Jehova ay ang Anak, si Jesucristo. … Gumagawa si Jesus sa ilalim ng pamamatnubay ng Ama at may ganap na pagkakaisa sa kanya. Kapatid niya ang buong sangkatauhan, sapagkat siya ang pinakamatanda sa mga espiritung anak ni Elohim. [Siya ang Manunubos na pinagdusahan ang mga pasakit at kasalanan ng buong sangkatauhan at nadaig ang pisikal na kamatayan para sa lahat.] …

Diyos Espiritu Santo: Ang Espiritu Santo ay isa ring Diyos at tinatawag na Banal na Espiritu, ang Espiritu, at ang Espiritu ng Diyos, sa iba pang magkakatulad na mga pangalan at katawagan [tulad ng ang Mang-aaliw]. Sa tulong ng Espiritu Santo, maaaring malaman ng tao ang kalooban ng Diyos Ama at malaman na si Jesus ang Cristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Diyos, Panguluhang Diyos,” scriptures.lds.org). Ang pangunahing gawain ng Espiritu Santo ay patotohanan ang Diyos Ama at si Jesucristo. Ang Espiritu Santo ay nagtuturo at nagpapatunay ng katotohanan.

Pagkatapos makumpleto ng mga estudyante ang assignment na ito, sabihin sa ilan na ibahagi ang minarkahan nila at ipaliwanag kung bakit ang mga katotohanang iyon ang pinakanapansin nila. Maaari mong tapusin ang aktibidad na ito sa pag-anyaya sa isa o dalawang estudyante na magpatotoo tungkol sa Panguluhang Diyos sa klase.

Upang matulungan ang mga estudyante na matuklasan ang isa pang doktrina na itinuro ni Joseph Smith sa mga Banal sa Ramus, sabihin sa kanila na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 130:2, at alamin ang sinabi niya tungkol sa ating mga pakikipag-ugnayan.

  • Ano ang ibig sabihin ng lipunan? (Ang lipunan ay tumutukoy sa ating personal na pakikipag-ugnayan at mga ugnayan.)

  • Ano ang itinuro ni Joseph Smith tungkol sa ating ugnayan sa langit? (Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang mga ugnayan na mararanasan natin sa langit ay pareho ng ugnayang mayroon tayo sa lupa, ngunit may kalakip ito na walang hanggang kaluwalhatian.)

  • Paano naiimpluwensyahan ng katotohanang ito ang inyong pakikipag-ugnayan sa iba?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na patotoo tungkol sa walang hanggang ugnayan mula kay Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Pangulong Henry B. Eyring

“Dahil ipinanumbalik ang kaalaman tungkol sa mga walang-hanggang pamilya, lalo tayong umaasa at magiliw sa pakikitungo sa ating pamilya. Ang pinakamalaking galak sa buhay na ito ay nakasentro sa pamilya, at gayundin sa mga daigdig na darating. Labis akong nagpapasalamat sa katiyakan na kung matapat tayo, sasaatin magpakailanman ang ugnayan ding iyon na tinamasa natin sa buhay na ito sa daigdig na darating, sa walang hanggang kaluwalhatian” [tingnan sa D at T 130:2] (“Ang Totoo at Buhay na Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 22).

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga pakikipag-ugnayan sa iba, lalo na sa mga miyembro ng kanilang pamilya. Sabihin sa kanila na magtakda ng mithiin upang mapatibay at mapalakas ang mga ugnayang iyon.

Upang matulungan ang mga estudyante na malaman ang iba pang mga doktrinang itinuro ng Propeta sa pulong na ito sa Ramus, sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 130:4–11.

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa mga anghel mula sa mga talata 4–7?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa talata 9 tungkol sa mangyayari sa mundo sa hinaharap?

Maaari mong ipaliwanag na ayon sa talata 10–11, lahat ng magmamana ng kahariang selestiyal ay makatatanggap ng Urim at Tummim upang tulungan silang matutuhan at maunawaan ang mga bagay na nauukol sa langit. Hindi nagbigay ng detalye ang Propeta sa turong ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 129:8–9. “Ang diyablo na parang anghel ng liwanag”

“Tinatangka ni Satanas na manlinlang sa pamamagitan ng panghuhuwad ng liwanag na kasama ng espiritu ng makatarungang tao na ginawang ganap. Ang makatarungang tao na ginawang ganap ay darating sa kanyang kaluwalhatian, ‘sapagkat iyon lamang ang tanging paraan upang siya ay makapagpakita’ (D at T 129:6). Sinabi minsan ni Propetang Joseph Smith, ‘Ang masasamang espiritu ay may mga hangganan, limitasyon, at batas na namamahala sa kanila … at napakalinaw na sila ay nagtataglay ng kapangyarihan na tanging mga may priesthood lamang ang makasusupil’ (sa History of the Church, 4:576).

“Itinuro ng Propeta na kapag ang diyablo ay hinilingan ninyong makipagkamay ay kanyang ‘iaabot sa inyo ang kanyang kamay’ (D at T 129:8). Ang mortal ay walang mararamdamang anuman; sapagka’t ang diyablo ay espiritung walang katawan. Kaya nga’t sa pamamaraang ito ay maaaring makita ang pagkakaiba niya sa isang matwid na espiritu o anghel na isinugo mula sa Diyos. Ang matwid na tao ay hindi magtatangkang manlinlang (tingnan sa D at T 129:7); ang anghel ni Satanas ay hindi titigil sa panlilinlang” (Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 321).

Doktrina at mga Tipan 130:9. Ano ba ang tadhana ng mundong ito at ng mga magsisipanahanan dito?

Itinuro ni Pangulong Brigham Young:

Pangulong Brigham Young

“Kapag [ang mundo] ay naging selestiyal, ito ay magiging katulad ng araw, at magiging handa sa pagtira ng mga Banal at maibabalik sa kinaroroonan ng Ama at ng Anak. Hindi ito tulad nito ngayon na hindi tinatagusan ng liwanag, kundi ito ay magiging tulad ng mga bituin sa kalangitan, na puno ng liwanag at kaluwalhatian; ito ay magiging maliwanag na mundo.—Inihambing ni Juan ang selestiyal na kalagayan nito sa isang dagat ng salamin” (“Sermon,” Deseret News, Hun. 15, 1859, 114).

Pagkaraan ng mga dalawang taon sinabi niya:

Pangulong Brigham Young

“Ang mundong ito, kapag ito ay pinadalisay at pinabanal, o naging selestiyal, ay magiging tulad ng isang dagat ng salamin, at malalaman ng isang tao sa pamamagitan ng pagtingin sa mga ito ang bagay na nakaraan, kasalukuyan, at mangyayari pa; bagama’t tanging mga selestiyal na nilalang lamang ang may ganitong pribilehiyo; sila ay titingin sa mundo, at ang mga bagay na nais nilang malaman ay ipapamalas sa kanila, tulad kung paanong ang mukha ay nakikita sa pagtingin sa salamin” (“Remarks,” Deseret News, l. 3, 1861, 137).

Doktrina at mga Tipan 130:22–23. Ang Panguluhang Diyos

Binigyang-diin ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa katotohanan ng Panguluhang Diyos:

Elder Jeffrey R. Holland

“Ang una at pinakamahalagang saligan ng pananampalataya sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ‘Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo’ [Saligan ng Pananampalataya 1:1]. Naniniwala tayo na ang tatlong banal na mga personang ito na bumubuo sa isang Panguluhang Diyos ay nagkakaisa sa layunin, sa pag-uugali, sa patotoo, sa misyon. Naniniwala tayo na Sila ay kapwa puspos ng makadiyos na habag at pagmamahal, katarungan at awa, pagtitiyaga, pagpapatawad, at pagtubos. Sa palagay ko tumpak na sabihing naniniwala tayo na Sila ay iisa sa bawat mahalaga at walang hanggang aspeto ngunit hindi tayo naniniwala na Sila ay tatlong tao sa iisang katawan, na ideya ng mga Trinitarian na hindi kailanman itinuro sa mga banal na kasulatan dahil hindi ito totoo.

“Tunay na ang kapita-pitagang sanggunian na tinatawag na Harper’s Bible Dictionary ay nagtala na ‘ang pormal na doktrina ng Tatlong Persona batay sa paglalarawan ng malaking kapulungan ng simbahan noong ikaapat at ikalimang siglo ay hindi matatagpuan sa [Bagong Tipan].’ [Paul F. Achtemeier, ed. (1985), 1099; idinagdag ang empasis].

“Kaya’t ang anumang pagbatikos na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi katulad ng mga Kristiyano ngayon sa paniniwala tungkol sa Diyos, kay Jesus, at sa Espiritu Santo ay isang punang hindi patungkol sa ating katapatan kay Cristo kundi sa halip ay pagkilala (sasabihin kong tumpak) na ang ating pananaw tungkol sa Panguluhang Diyos ay hindi katulad ng kuwento tungkol sa Kristiyano matapos ang panahon ng Bagong Tipan at nagbabalik sa doktrinang itinuro mismo ni Jesus. …

“Ipinapahayag natin na malinaw sa mga banal na kasulatan na ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo ay magkakahiwalay na tao, tatlong banal na mga nilalang” (“Ang Iisang Dios na Tunay, at Siyang Kanyang Sinugo, sa Makatuwid Baga’y si Jesucristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 40, 41).