Lesson 158
Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan
Pambungad
Sa simula ng Panunumbalik, ang gawain ng Panginoon ay lumaganap sa buong mundo. Nabubuhay tayo sa panahon kung kailan pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain. Ang mga kabataan ng Simbahan ay maraming resources at pagkakataon na makatulong sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain
Sabihin sa isang estudyante na maglakad mula sa isang panig ng silid papunta sa isa pang panig ng silid sa katamtamang bilis. Pagkatapos ay sabihin sa estudyante na lakaring muli ang silid at bilisan ang lakad. Habang nilalakad ng estudyante ang silid sa pangalawang pagkakaton, itanong sa klase ang sumusunod:
-
Ano ang ibig sabihin ng padaliin ang isang bagay? (Pabilisin ito.) Ano ang ilang dahilan kung bakit pinapadali o pinapabilis ang isang gawain?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:73. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na Kanyang padadaliin o pabibilisin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pinapabilis ng Panginoon ang Kanyang gawain?
Patungkol sa Doktrina at mga Tipan 88:73, sinabi ni Elder Russell M. Nelson, “Ang panahong iyan ng pagpapabilis ay ngayon na” (“Thus Shall My Church Be Called,” Ensign, Mayo 1990, 17). Isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Nabubuhay tayo sa panahong pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain.
-
Ano ang ilang paraan na nakikita ninyong pinapabilis ng Panginoon ang Kanyang gawain?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinapahiwatig ng talatang ito tungkol sa dahilan kung bakit pinapabilis ng Panginoon ang Kanyang gawain.
-
Ano ang isinasaad ng talatang ito tungkol sa dahilan kung bakit mamadaliin o papabilisin ng Panginoon ang Kanyang gawain? (Upang tulungan ang mga tao na maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.)
Magpakita ng larawan ni Pangulong Spencer W. Kimball (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 133; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na sa panahon ng paglilingkod ni Pangulong Spencer W. Kimball bilang Pangulo ng Simbahan, pinabilis ng Panginoon ang Kanyang gawain. Halimbawa, lumawak ang gawaing misyonero, at naglathala ang Simbahan ng mga bagong edisyon ng mga banal na kasulatan. Sa paghikayat niya sa mga miyembro ng Simbahan na sumulong, sinabi ni Pangulong Kimball na ang Simbahan ay “matagal nang nakahinto sa talampas” (“Let Us Move Forward and Upward,” Ensign, Mayo 1979, 82). Itinuro rin niya, “Dapat nating dagdagan ang ating pagsisikap at dapat nating gawin ito ngayon” (“Always a Convert Church: Some Lessons to Learn and Apply This Year,” Ensign, Set. 1975, 3).
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pangulong Kimball nang sabihin niya na dapat nating “dagdagan ang ating pagsisikap”?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ilang paraan ng pagpapabilis ng Panginoon sa Kanyang gawain ngayon at ang ilang paraan na makakabahagi sila sa Kanyang gawain, gawin ang sumusunod na aktibidad:
Hatiin sa tatlong grupo ang klase, at bigyan ang mga estudyante sa bawat grupo ng kopya ng isa sa mga sumusunod na assignment sa pagtuturo. Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na pag-aralan at paghandaang ituro ang mga assignment nila sa kanilang mga kaklase. Matapos ang sapat na oras, hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-tatatlong estudyante, na may kasamang tig-isang miyembro na kabilang sa orihinal na mga grupo. Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagtuturo sa kanilang mga grupo tungkol sa kung paano pinapabilis ng Panginoon ang Kanyang gawain at paano sila makakabahagi sa gawaing iyan.
Ang ating responsibilidad sa pagsusulong sa gawain
Pagkatapos makapagturo ang mga estudyante sa maliliit na grupo, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang naisip at nadama nila tungkol sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon.
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David B. Haight ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang mangyayari kapag nakibahagi tayo sa gawain ng Panginoon.
“Mga kapatid, ang Panginoon ay nagbubukas ng daan at ginagawang posible na mapalawak ang Kanyang gawain sa buong daigdig, at napakalaking pagpapala nito para sa ating lahat—bawat isa sa kanyang sariling paraan—na makibahagi. …
“Sino pa ba maliban sa mga propeta ng Diyos ang nakakinita ng himala ng mabilis na paglawak ng gawain ng Panginoon? Ayon sa sinabi ng Panginoon sa bahagi 88 ng Doktrina at mga Tipan, Kanyang mamadaliin ang Kanyang gawain sa panahon na ito (tingnan sa D at T 88:73)” (“Missionary Work—Our Responsibility,” Ensign, Nob. 1993, 61, 62).
-
Ayon kay Elder Haight, ano ang mangyayari kapag nakibahagi tayo sa gawain ng Panginoon? (Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Tayo ay pagpapalain kapag nakibahagi tayo sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon.)
-
Ano ang mga pagpapalang nakamit ninyo nang makibahagi kayo sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga pagkakataong makatutulong sila sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon. Ipasagot sa kanila ang sumusunod na tanong sa kanilang notebook o scripture study journal:
-
Ano ang ilang paraan na makatutulong kayo sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon?
Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiin na magawa ang isinulat nila. Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon at ang ating mga responsibilidad at oportunidad na makibahagi sa Kanyang gawain.