Seminaries and Institutes
Lesson 53: Doktrina at mga Tipan 45:60–75


Lesson 53

Doktrina at mga Tipan 45:60–75

Pambungad

Nang magtipon ang mga Banal sa Kirtland, maraming maling lathalain sa mga pahayagan at mga bulung-bulungan ang nagkalat ng mga maling paratang at paninira sa Simbahan. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 45, sinimulan ng Panginoon ang paghahayag ng mga detalye tungkol sa pagtitipon sa itinakdang lugar ng kapayapaan at kaligtasan sa mga huling araw na ipinangako sa Aklat ni Mormon at unang binanggit sa isang paghahayag na ibinigay noong 1830 (tingnan sa D at T 28). Inilahad ng Panginoon ang mga detalye tungkol sa lupaing ito ng pagtitipon, na kilala bilang ang Bagong Jerusalem, o ang Sion. Iniutos din ng Panginoon kay Joseph Smith na simulang pagtuunan ang pagsasalin ng Bagong Tipan sa Biblia upang ihanda ang mga Banal sa mga bagay na darating.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 45:60–61

Iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith na simulan ang kanyang pagsasalin ng Bagong Tipan

Itanong sa mga estudyante kung may makapagbibigkas sa kanila ng ikawalong saligan ng pananampalataya. Kung kailangan nila ng tulong, patingnan sa isang estudyante ang Mga Saligan ng Pananampalataya at ipabasa nang malakas ang ikawalo.

  • Ano ang ipinapahiwatig ng pariralang “hangga’t ito ay nasasalin nang wasto” tungkol sa Biblia?

Ipaalala sa mga estudyante na gusto ni Joseph na laging pag-aralan ang Biblia at napapanatag sa mga salita nito. Gayunman, nang pinag-aaralan niya ito, may napansin siya na mga mali at parang may nawawala o kulang na ilang impormasyon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith tungkol sa Biblia. Sabihin sa klase na pakinggan ang dahilan kaya napansin ni Joseph ang mga mali sa Biblia:

Propetang Joseph Smith

“Maliwanag na maraming mahahalagang paksang tumatalakay sa kaligtasan ng tao ang inalis mula sa Biblia, o nawala bago ito [tinipon]” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 253).

Propetang Joseph Smith

Sinabi rin niya: “Naniniwala ako sa nakasaad sa Biblia kapag nagbuhat ito sa panulat ng mga orihinal na may-akda. Ang mga walang muwang na tagasalin, walang ingat na tagasulat, o mapanlinlang at tiwaling saserdote ay marami nang nagawang mali” (Mga Turo: Joseph Smith, 239, 241).

  • Ayon kay Joseph Smith, ano ang tatlo sa mga dahilan kaya may mga mali sa Biblia?

Ipaalala sa mga estudyante na sa lesson tungkol sa Doktrina at mga Tipan 45:16–59, napag-aralan nila ang sinabi ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Inilahad sa paghahayag ang mas detalyadong bersyon ng nakatala sa Mateo 24. Nang ibigay ang paghahayag na ito noong 1831, kasalukuyang ginagawa ni Joseph Smith ang inspiradong rebisyon ng Lumang Tipan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:60–61. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang nais ng Panginoon na pagtuunan ng Propeta.

  • Ayon sa Panginoon, paano mapagpapala ang mga Banal kapag naisalin ang Bagong Tipan? (Ito ay magpapahayag pa ng kalooban ng Diyos upang ihanda ang mga Banal.)

Sabihin sa isang estudyante na ibuod sa klase ang sumusunod na impormasyon. (Upang mabigyan ang estudyante ng panahon na maghanda, ibigay sa kanya ang impormasyon bago magsimula ang klase.) Maaari kang magdagdag ng mga detalyeng hindi nabanggit ng estudyante.

Noong taglagas ng 1830, iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith na isalin ang Biblia. Hindi niya isinalin ang Biblia sa ibang wika; wala rin siyang pinagbatayan na orihinal na manuskrito ng Biblia na pagkokopyahan. Sa halip, binasa at pinag-aralan ni Joseph ang mga talata sa King James Version ng Biblia at pagkatapos ay gumawa ng mga pagwawasto at pagdaragdag nang may gabay at inspirasyon mula sa Espiritu Santo. Dahil dito, ang pagsasaling ito ay mas natutulad sa isang inspiradong rebisyon kaysa sa isang tradisyonal na pagsasalin.

Tinatayang 3,400 talata sa King James Version ng Biblia ang ginawan ng pagbabago sa Pagsasalin ni Joseph Smith. Kasama sa mga pagbabagong ito ang pagdaragdag, (para linawin ang kahulugan o konteksto), pag-aalis, pagsasaayos ng mga talata, at pagbabago sa kabuuan ng ilang mga kabanata. Nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith ang doktrinal na nilalaman, lalo na ang misyon ni Jesucristo, ang likas na katangian ng Diyos, ang likas na katangian ng tao, ang tipang Abraham, ang priesthood, at ang Panunumbalik ng ebanghelyo.

Ang Latter-day Saint edition ng King James Version ng Biblia na naimprenta pagkatapos ng 1979 ay naglalaman ng mahigit 600 na pagbabago mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith. Ang maiikling pagbabago ay makikita sa mga footnote, at ang mas malalaking seleksyon ay makikita sa Bible appendix.

Ipabuklat sa mga estudyante ang Joseph Smith—Mateo sa Mahalagang Perlas. Ipaliwanag na ang bahaging ito ng Pagsasalin ni Joseph Smith ay naglalaman ng karagdagang impormasyon mula sa Mateo 24 tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon at ang katuparan ng Doktrina at mga Tipan 45:60–61.

Maaari mong sabihin sa isang estudyante na ilahad muli nang malakas ang pagkakaunawa niya sa Pagsasalin ni Joseph Smith. Kung ang iyong mga estudyante ay may Latter-day Saint edition ng King James Version ng Biblia, maaari mong ipakita sa kanila ang mga halimbawa ng mga footnote sa Pagsasalin ni Joseph Smith sa New Testament o sa mas malaking seleksyon sa appendix ng LDS version ng King James Bible. Halimbawa, sa Matthew 4:1, footnote b inihahayag na si Jesus ay humayo “upang makasama ang Diyos” sa halip na “upang siya’y tuksuhin ng diablo.” Matapos magpakita sa mga estudyante ng ilang halimbawa, itanong sa kanila kung paano makatutulong sa kanila ang Pagsasalin ni Joseph Smith sa pag-aaral at pag-unawa nila sa Biblia.

Doktrina at mga Tipan 45:62–65

Ang mga Banal ay sinabihan na magtipon sa mga bansa sa kanluran

Ipaliwanag na iniutos ng Panginoon sa mga naunang Banal na “magsialis sa mga lugar sa silangan” at magsitungo sa mga lugar sa kanluran (D at T 45:64). Upang matulungan ang mga estudyante na mailarawan sa kanilang isipan ang pagpunta ng mga miyembro ng Simbahan sa gawing kanluran (mula sa New York patungong Ohio), sa panahong ibinigay ang paghahayag na ito, maaari mong sabihin sa kanila na tingnan ang Mapa 3 (“Ang mga Dako ng New York, Pennsylvania, at Ohio sa Estados Unidos ng Amerika”) sa Mga Mapa at Talatuntunan ng mga Pangalan ng Lugar sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:62–64. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa “mga bansa sa kanluran” (D at T 45:64).

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na nalalapit na “maging sa inyong mga pintuan? Ano sa palagay ninyo ang ipinapahiwatig ng matalinghagang pananalitang ito?

Ipaliwanag na noong 1861, halos 17 taon mula nang mamatay si Joseph Smith, isang Digmaang Sibil ang sumiklab sa Estados Unidos. Tinatayang mahigit 1 milyon katao ang namatay dahil sa digmaang ito, maliban pa sa mga napinsalang ari-arian, na nagdulot ng kahirapan sa mga pamilya at komunidad sa buong bansa. Ang mga Banal na patuloy na sumunod sa payo ng Panginoon na magtipon mula sa silangan ay nakadama ng kapayapaan at seguridad sa Utah.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:65. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nais ng Panginoon na gawin ng mga Banal habang nagtitipon sila sa mga bansa sa kanluran.

  • Bakit kailangan nilang tipunin ang kanilang mga kayamanan? (Para makabili ng lupain kung saan ang mga Banal ay makapamumuhay nang may pagkakaisa, kapayapaan at kaligtasan. Ipaliwanag na ang mana ay tumutukoy sa lupain kung saan maaaring manirahan at sumamba sa Panginoon ang mga Banal.)

Doktrina at mga Tipan 45:66–75

Inilarawan ng Panginoon ang Bagong Jerusalem, o Sion

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Kung makapipili kayo ng matitirhan sa anumang lugar sa mundo, saan kayo titira? Bakit ninyo gustong tumira roon?

Hingin ang sagot ng ilang estudyante. Habang sumasagot sila, gumuhit ng linya sa gitna ng pisara para makagawa ng dalawang column. Sa itaas ng isang column, isulat ang mga pangalan ng ilang lugar na binanggit ng mga estudyante. Sa parehong column, ilista sa ilalim ng mga pangalan ng lugar ang mga dahilan kung bakit gusto nilang mamuhay sa ganoong mga lugar.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 45:66–67 at alamin ang pangalan ng lupaing mana ng mga Banal at ang dahilan kung bakit magiging kasiya-siyang lugar ito para tirhan nila. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.

  • Ano ang itatawag sa lupaing mana ng mga Banal? (Ang Bagong Jerusalem, o Sion. Isulat ito sa ibabaw ng pangalawang column sa pisara.)

Ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan, ang salitang Sion ay ginagamit kung minsan nang may iba’t ibang kahulugan. Kung minsan tumutukoy ang salita sa mga tao ng Sion at inilalarawan sila bilang “ang may dalisay na puso” (D at T 97:21). Sa ibang pagkakataon ang Sion ay tumutukoy sa buong Simbahan at sa lahat ng stake nito sa buong mundo (tingnan sa D at T 82:14). Ang salitang Sion ay maaari ding tumukoy sa partikular na mga lokasyon ng heograpiya. Sa paghahayag na ito, tinukoy ang Sion na isang pisikal na lunsod na itatatag ng mga Banal at pagtitipunan.

  • Paano inilarawan ng Panginoon ang Bagong Jerusalem, o Sion? (Isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa pangalawang colum sa pisara. Maaaring gumamit sila ng iba-ibang salita, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang Bagong Jersusalem ay magiging lugar ng kapayapaan at kaligtasan, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay madarama roon.)

Sabihin sa mga estudyante na pagkumparahin ang mga lugar na napili nila para sa gusto nilang tahanan at ang deskripsyon ng Sion.

  • Batay sa deskripsyon ng Panginoon sa Sion, bakit gugustuhin ninyong maging bahagi ng lunsod na ito?

  • Saan kayo nakaranas ng kapayapaan at kaligtasan? Bakit mahalagang magkaroon ng mga lugar na magiging ligtas at payapa kayo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:68–71. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga karagdagang dahilan kung bakit gugustuhin nilang tumira sa Bagong Jerusalem. Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang nalaman nila. Sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang nalaman, at idagdag ang kanilang mga sagot sa pangalawang column sa pisara.

  • Ano ang madarama ng masasama tungkol sa Sion?

  • Ayon sa talata 71, saan manggagaling ang mabubuting tao ng Sion? (Kung hindi pa ito natukoy, isulat ang sumusunod na doktrina sa ikalawang column sa pisara: Ang mabubuting tao sa lahat ng bansa ay magtitipon sa Sion. Maaari mong ipaliwanag na ito ay angkop sa Sion na tinukoy sa paghahayag na ito at angkop sa mga stake ng Sion na itinatatag sa buong mundo ngayon.)

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith tungkol sa paksang may kinalaman sa Sion:

Propetang Joseph Smith

“Ang Sion … ay lugar ng kabutihan, at lahat ng nagtatayo roon ay sasamba sa tunay at buhay na Diyos, at lahat ay naniniwala sa isang doktrina, maging ang doktrina ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo” (sa History of the Church, 2:254).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 45:72-73 at alamin ang iniutos ng Panginoon sa mga Banal na huwag gawin. Pagkatapos ay ibuod ang huling dalawang talata ng paghahayag na ito na ipinapaliwanag na ipinaalala ng Panginoon sa mga banal na ang Kanyang Ikalawang Pagparito ay magiging kalunos-lunos para sa kanilang mga kaaway.

Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na hinikayat ng Panginoon ang mga naunang Banal at tayo na “makinig” sa Kanyang tinig sa paghahayag na ito. Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Doktrina at mga Tipan 45 at rebyuhin ang sinabi ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito at sa Bagong Jerusalem. Maaari mo silang hikayatin na kumpletuhin ang sumusunod na pahayag sa kanilang notebook o scripture study journal: “Dahil sa natutuhan ko sa Doktrina at mga Tipan 45, ako ay maghahanda para sa mga bagay na darating sa pamamagitan ng …” Tapusin ang lesson sa paghikayat sa mga estudyante na talakayin ang natutuhan nila sa lesson sa isang miyembro ng pamilya.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 45:60–61. Ang Pagsasalin ni Joseph Smith

Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ay “pagbabago o pagsasalin ng [King James Version ng Biblia] sa Ingles, na sinimulan [ni] Propetang Joseph Smith noong Hunyo 1830. Inutusan siya ng Diyos na gumawa ng pagsasalin at [ituring] ito na ‘bahagi ng kanyang tungkulin’ bilang isang propeta.” Bagaman halos nabuo na ni Joseph ang pagsasalin noong Hulyo 1833, nagpatuloy siya hanggang sa kanyang pagkamatay noong 1844 upang gumawa ng kaunting pagsasaayos. “Nailathala niya ang ilang bahagi ng pagsasalin [noong siya ay nabubuhay pa].” (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagsasalin ni Joseph Smith.”)

Gayunman, dahil sa pag-uusig, kawalan ng kabuhayan, at kanyang mga responsibilidad sa pangangasiwa ng Simbahan, hindi nailathala ni Joseph Smith ang lahat ng kanyang rebisyon ng Biblia bago siya namatay. Bukod pa rito, wala sa Simbahan ang manuskrito. Nanatili ito sa pag-iingat ng balo ni Joseph, si Emma Smith, pagkamatay niya. Noong 1866 ibinigay ni Emma ang manuskritong ito sa Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints (RLDS), na kilala na ngayon bilang Community of Christ, na nagkaroon ng karapatang-sipi at inilathala ang salin noong 1867. (Tingnan sa Robert J. Matthews, “Q and A,” New Era, Abr. 1977, 46–47.)

Kalaunan ang aklat ni Moises at Joseph Smith—Mateo ay inilathala bilang bahagi ng Pagsasalin ni Joseph Smith. Gayunman, ang ginagamit natin sa ating banal na kasulatan ngayon ay bahagi lamang ng pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. “Bagama’t may ilang dahilan kung bakit hindi isinama ang buong teksto ng Pagsasalin ni Joseph Smith sa 1979 na LDS edition ng Biblia, hindi kasama sa mga dahilang ito ang pagdududa sa katumpakan ng teksto ng PJS. Ang mga scripture passage na may mahahalagang doktrina ay binigyan ng prayoridad, at dahil kulang sa espasyo, hindi naisama ang lahat” (Robert J. Matthews, “I Have a Question,” Ensign, Hunyo 1992, 29).