Lesson 126
Doktrina at mga Tipan 121:1–10; 122
Pambungad
Ang Doktrina at mga Tipan 121–123 ay naglalaman ng mga piling bahagi ng liham, o sulat, ni Propetang Joseph Smith sa Simbahan, na may petsang Marso 20, 1839. Ginawa ni Joseph Smith ang liham habang nakakulong siya at ang ilang kasamahan sa Liberty Jail. Sa liham, inilakip ng Propeta ang ilan sa kanyang mga panalangin, ang pagsumamo sa Panginoon na basbasan siya at ang kanyang mga kasama at ang lahat ng Banal na nagdurusa dahil sa mga ginagawa ng kanilang mga kaaway. Inilakip din niya ang natanggap niyang mga sagot sa mga panalanging iyon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 121:1–6
Ipinagdasal ni Joseph Smith ang mga nagdurusang Banal
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may kaibigan sila o kaya ay mahal sa buhay na dumaranas ng paghihirap. Ipinagtapat niya sa inyo na hindi niya maunawaan kung bakit dumaranas siya ng gayong paghihirap at parang kinalimutan na siya ng Diyos.
-
Ano ang sasabihin ninyo sa inyong kaibigan? Ano ang gagawin ninyo kung kayo ang nakararanas ng ganitong mga paghihirap?
Ipaliwanag na pinayuhan at pinanatag ng Panginoon si Joseph Smith noong dumanas ito ng napakatinding paghihirap. Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga payo at mga salita ng kapanatagan ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 121–123 na makatutulong sa kanila sa oras ng kanilang mga pagsubok.
Ipaliwanag na noong Oktubre 31, 1838, ipinagkanulo si Joseph Smith ni George Hinkle, isang miyembro ng Simbahan at isang koronel sa militia ng estado ng Missouri. Sinabi ni Hinkle kay Joseph Smith na ang mga miyembro ng militia sa Missouri na sumalakay sa mga Banal sa Far West, Missouri, ay gusto silang makausap para maayos nang payapa ang mga di-pagkakasundo. Pagdating nina Joseph at iba pang mga lider ng Simbahan para makipag-usap, puwersahan silang dinakip ng militia at ginawang mga bilanggo ng digmaan. Sa sumunod na buwan, si Joseph Smith at ang kanyang mga kasamahan ay pinagmalupitan at ininsulto ng mga kaaway na nagpakulong sa kanila sa Independence, Missouri, at Richmond, Missouri. Habang naghihintay ng paglilitis, na batay sa mga maling paratang at ginawa nang hindi dumaan sa tamang proseso, inilipat sina Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan sa isang piitan sa Liberty, Missouri, noong Disyembre 1.
Sa sumunod na apat na buwan, ang Propeta, kanyang kapatid na si Hyrum, sina Alexander McRae, Lyman Wight, at Caleb Baldwin ay ikinulong sa bartolina ng Liberty Jail sa panahon ng napakatinding taglamig. Kasama rin nila si Sidney Rigdon noong una, ngunit pinahintulutan siya ng isang huwes na makalaya noong Enero 1839. Dahil natatakot sa mga pagbabanta ng mga kaaway, umalis lamang ng piitan si Brother Rigdon noong Pebrero.
Upang matulungan ang mga estudyante na magkaroon ng ideya kung gaano kahirap ang dinanas ng Propeta at ng kanyang mga kaibigan habang nasa Liberty Jail, maaari kang gumamit ng teyp o iba pang bagay para makapagmarka ng kuwadrado sa sahig na may sukat na 14 feet by 14 feet (4.3 meters by 4.3 meters). Ipaliwanag na ito ang tinatayang sukat ng sahig ng piitan. Ang kisame ay nasa pagitan ng 6 at 6.5 piye ang taas (sa pagitan ng 1.8 at 2 metro).
Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na tingnan ang retrato ng Liberty Jail sa kanilang banal na kasulatan (Tingnan sa Mga Larawan ng mga Pook ng Kasaysayan ng Simbahan, Larawan 12, “Piitan ng Liberty”). Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng makulong sa gayon kaliit na lugar kasama ang 4 o 5 pang kalalakihan sa loob ng 4 na buwan sa panahon ng taglamig. Kaunting liwanag lang ang nakakapasok sa dalawang maliit na bintanang may harang, at mula sa labas ng mga bintanang ito ay ang mga taong nangungutya at nag-iinsulto sa mga bilanggo. Ang mga bilanggo ay natutulog sa maruming dayami sa sahig. Kabilang sa kanilang kaunting kagamitan ang isang balde na lalagyan ng dumi ng tao. Matagal na panahong walang magamit na kumot si Joseph, na tanging proteksyon ng mga bilanggo laban sa lamig. Kung minsan nakalalason ang pagkain, at may mga pagkakataon na napipilitan silang kainin ito dahil sa matinding gutom. Bihira lamang silang tulutan na makatanggap ng dalaw at labis na nasasaktan sa naririnig na pagdurusa ng mga Banal na itinaboy sa Missouri sa gitna ng taglamig.
-
Ano ang madarama at maiisip ninyo kung kayo ang nasa sitwasyon ni Joseph?
Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 121–123 ay naglalaman ng mga piniling bahagi ng liham ng Propeta para sa mga Banal, na isinulat noong malapit na siyang makalaya sa Liberty Jail. Kabilang sa sulat ang ilan sa pagsamo ni Joseph sa Panginoon na puno ng panalangin.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 121:1–6. Sabihin sa klase na alamin ang mga itinanong at isinamo ng Propeta sa Panginoon. (Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga talata 1 at 4, maaari mong ipaliwanag na ang pabilyon ay isang gusali o iba pang istruktura na masisilungan.)
-
Anong mga tanong at pagsamo ang nahanap ninyo? Ano pa ang napansin ninyo sa mga talatang ito?
Doktrina at mga Tipan 121:7–10; 122
Pinanatag ng Panginoon si Joseph Smith
Ipaliwanag na ilan sa mga sagot ng Panginoon sa panalangin ni Joseph Smith ay matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 121:7–25 at 122:1–9. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:7–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga alituntunin na maaaring nakatulong kina Joseph Smith at kanyang mga kasama habang sila ay nasa Liberty Jail. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga doktrina at alituntunin na natutuhan nila sa mga talatang ito sa kanilang notebook o scripture study journal.
Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga doktrina at alituntunin na natukoy nila. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Ang mga sumusunod na alituntunin ay tatlo sa maaari nilang matukoy:
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa kanila na talakayin ang mga sumusunod na tanong. Magtanong nang paisa-isa at maglaan ng sapat na oras para sa talakayan.
-
Ano ang kaibhan ng pagtiisan ang pagsubok sa pagtiisang mabuti ang pagsubok?
-
Sino ang kilala ninyo na halimbawa ng pagtitiis nang mabuti sa pagsubok na naranasan niya?
Hikayatin ang ilang estudyante na ibahagi sa buong klase ang natalakay nila ng kanilang mga kapartner.
-
Sinabi ng Panginoon na ang mga kasawian at pagdurusa ni Joseph Smith ay “maikling sandali na lamang” (D at T 121:7). Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin nito? Paano makatutulong sa atin ang pananaw na ito na pagtiisan ding mabuti ang ating mga pagsubok?
Bigyan ang mga estudyante ng oportunidad na ibahagi ang naranasan nila nang matanggap nila ang kapayapaan ng Tagapagligtas sa mga panahong dumaranas sila ng paghihirap.
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Sino ang hihingi ng payo at mga pagpapala sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga sagot sa tanong na ito sa pagbasa nila ng Doktrina at mga Tipan 122:1–4 nang tahimik. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa kanila na pagnilayan ang mga talata 2–3 at ilarawan ang mga ito.
-
Sa paanong mga paraan tayo nakatatanggap ng payo mula kay Joseph Smith? Sa anong mga paraan tayo nakatatanggap ng awtoridad at mga pagpapala dahil sa kanya?
-
Ano ang mga pangakong ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith?
Sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 122:5–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang alituntuning itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith tungkol sa mga paghihirap na nararanasan niya at ng iba.
-
Ayon sa talata 7, ano ang mabubuting ibubunga ng kasawian at pagdurusa? (Sa pagsagot ng mga estudyante sa tanong na ito, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang mga pagdurusa ay makapagbibigay sa atin ng karanasan at makabubuti sa atin.)
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano makabubuti sa atin ang ating mga pagdurusa.
“Maaari ninyong madama na nag-iisa kayo kapag nahihirapan kayo sa buhay. Umiiling-iling kayo at nag-iisip, ‘Bakit ako?’
“Ngunit talagang darating ang kalungkutan sa bawat isa sa atin. Ngayon o sa ibang pagkakataon, lahat ay daranas ng kalungkutan. Walang makakaalpas. …
“Ang pagkatutong magtiis sa mga panahon ng kabiguan, pagdurusa, at kalungkutan ay bahagi ng pagkatuto natin sa buhay. Ang mga karanasang ito, kahit madalas ay mahirap tiisin sa sandaling iyon, ang talagang mga uri ng karanasan na nagpapalawak sa ating pang-unawa, humuhubog sa ating pagkatao, at nagpapaibayo ng pagkahabag natin sa iba” (“Anuman ang Mangyari, Gustuhin Ito,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 27).
-
Ayon kay Elder Wirthlin, ano ang magagawa sa atin ng mahihirap na karanasan?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung paanong ang isang pagsubok ay nagbigay sa kanila ng karanasan at ikinabuti nila. Matapos ang sapat na oras, maaari mong tawagin ang ilang estudyante para magbahagi ng kanilang isinulat.
Papuntahin ang isang estudyante sa pisara at gawing tagasulat. Magpadrowing sa kanya ng pahalang na linya na mga one-third ang sakop mula sa ibaba ng pisara. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na magsulat ng mahihirap na sitwasyon na nararanasan ng mga tao. Ipasulat sa tagasulat ang kanilang mga sagot sa ibabaw ng linya.
Matapos ang sapat na oras na makagawa ng listahan ang mga estudyante, itanong sa kanila kung may narinig na ba sila na nagsabi ng, “Walang nakakaunawa sa pinagdaraanan ko.” Sabihin sa kanila na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 122:8 at alamin ang maaaring itugon ng Panginoon sa komentong ito. Habang nagsasabi sila ng mga sagot, ipasulat sa tagasulat ang Jesucristo sa ilalim ng pisara.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “nagpakababa-baba sa kanilang lahat” ang Tagapagligtas? (Bago sumagot ang mga estudyante, maaari mong sabihin sa kanila na basahin ang 2 Nephi 9:20–21, Alma 7:11, at Doktrina at mga Tipan 88:5–6. Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na doktrina: Dinanas ng Tagapagligtas ang lahat ng kasawian at pagdurusa ng lahat ng tao.)
-
Sa inyong palagay, paano nakatulong ang katotohanang ito kay Joseph Smith at sa mga kasama niya sa Liberty Jail?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrinang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Wirthlin:
“Dahil labis na nagdusa si Jesucristo, nauunawaan Niya ang ating pagdurusa. Nauunawaan Niya ang ating pighati. Nararanasan natin ang mahihirap na bagay [upang] mapag-ibayo rin natin ang pagkahabag at pag-unawa sa iba.
“Alalahanin ang nakaaantig na mga salita ng Tagapagligtas kay Propetang Joseph Smith nang magdusa siya kasama ang iba pa sa nakayayamot na kadiliman ng Liberty Jail. …
“… Naaliw si Joseph mula sa mga salitang ito, at tayo man” (“Anuman ang Mangyari, Gustuhin Ito,” 27–28).
-
Sa anong mga paraan pinag-iibayo ng mga karanasan ninyo sa “mahihirap na bagay” ang inyong pagkahabag at pag-unawa sa iba?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 122:9 at pagnilayan kung paano nauugnay ang talatang ito sa buhay at ministeryo ni Propetang Joseph Smith.
-
Sa palagay ninyo, paano naaakma sa inyo ang Doktrina at mga Tipan 122:9? Paano tayo matutulungan ng talatang ito sa mga panahong dumaranas tayo ng paghihirap at pagsubok?
Ipaliwanag na pagkatapos magawa ang liham na ito, naglaan ng paraan ang Panginoon na makasamang muli ni Joseph at ng kanyang mga kasama ang mga Banal sa Illinois. Magpatotoo na hindi iniwan ng Diyos ang Kanyang tagapaglingkod na si Joseph Smith sa buong buhay nito. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kung mananatili tayong tapat sa mga oras ng pagsubok, sasamahan din tayo ng Diyos. Sa pagtatapos ng lesson, ibahagi ang sumusunod na patotoo, na ibinahagi ni Joseph Smith noong malapit nang magwakas ang kanyang buhay: “Ang Diyos na Makapangyarihan ang aking kalasag; at ano ang magagawa ng tao kung ang Diyos ay kaibigan ko?” (sa History of the Church, 5:259).