Lesson 137
Doktrina at mga Tipan 130:12–21
Pambungad
Ang lesson na ito ay kinapapalooban ng mga doktrinang itinuro ni Joseph Smith sa isang pulong sa Simbahan sa Ramus, Illinois, noong Abril 2, 1843. Ang mga turong ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 130. Itinuro ng Propeta ang mga mangyayari sa hinaharap, kabilang na ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Itinuro rin niya ang kakayahan nating mapanatili ang kaalaman at katalinuhan pagkamatay natin at ipinaliwanag kung paano natin matatanggap ang mga pagpapala ng Diyos.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 130:12–17
Itinuro ni Joseph Smith ang tungkol sa Ikalawang Pagparito
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Marami ang nagtatanong tungkol sa eksaktong petsa ng Ikalawang Pagparito.
-
Minsan ba ay ginusto ninyong malaman kung kailan eksaktong magaganap ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?
Ipaliwanag na noong panahon ni Joseph Smith, isang kilalang Kristiyano at mangangaral na nagngangalang William Miller ang nagsabi na mangyayari ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa Abril 3, 1843. Isang araw bago ang petsang hinulaan ni Miller na magaganap ang Ikalawang Pagparito, nagsalita si Propetang Joseph Smith sa mga Banal sa Ramus, Illinois, at binanggit na ipinagdasal niya na malaman ang oras ng Ikalawang Pagparito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 130:14–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nalaman ni Joseph Smith nang ipagdasal niya kung ano ang oras ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
-
Inihayag ba ng Panginoon kay Joseph Smith ang eksaktong petsa ng Ikalawang Pagparito?
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na gawin ni Joseph Smith? (Matapos sumagot ang estudyante, maaari mong imungkahi na markahan nila ang pariralang “huwag na akong muling guluhin sa bagay na ito” sa kanilang banal na kasulatan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Tinawag ako bilang isa sa mga Apostol na maging natatanging saksi ni Cristo, … at hindi ko alam kung kailan Siya muling paparito. Ang alam ko, wala ni isa sa mga kapatid sa Korum ng Labindalawang Apostol o maging sa Unang Panguluhan ang nakaaalam. At imumungkahi ko nang may pagpapakumababa na kung hindi namin alam, kung gayon, walang nakakaalam. … Sinabi ng Tagapagligtas na, ‘tungkol sa araw na yaon, at oras, walang sinuman ang nakaaalam; wala, kahit ang mga anghel ng Diyos sa langit, kundi ang Ama ko lamang’ [Joseph Smith—Mateo 1:40].
“Naniniwala ako na kapag sinabi ng Panginoon na ‘walang sinuman’ ang nakaaalam, talagang ibig Niyang sabihin na walang sinuman ang nakaaalam” (“When Shall These Things Be?” Ensign, Dis. 1996, 56).
-
Ano ang nalaman natin mula sa Doktrina at mga Tipan 130:14–17 at sa pahayag ni Elder Ballard? (Maaaring iba-ibang katotohanan ang matukoy ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod: Ang Diyos lamang ang nakaaalam ng eksaktong oras na magaganap ang Ikalawang Pagparito.)
Ipaliwanag na sa ating panahon, may ilang tao na sinusubukang hulaan ang eksaktong oras ng Ikalawang Pagparito o ng katapusan ng mundo.
-
Paano makatutulong ang pag-alaala sa alituntuning ito para hindi kayo malinlang ng mga maling pahayag?
Doktrina at mga Tipan 130:18–19
Itinuro ni Joseph Smith ang tungkol sa kahalagahan ng pagtatamo ng kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito
Kung posible, magdispley ng maleta o bag. Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay aalis sila ng bahay at pupunta sa lugar na hindi pa nila napuntahan. Ang puwede lang nilang madala ay ang mga magkakasya sa maleta (o bag).
-
Ano na ang ilalagay ninyo sa maleta? (Ipalista sa isang estudyante ang mga sagot sa pisara.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na ang destinasyon nila ay ang daigdig ng mga espiritu, kung saan tayo pupunta kapag namatay na tayo.
-
Alin sa mga bagay na nakalista sa pisara ang madadala ninyo kapag namatay na kayo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 130:18–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang maaari nating madala mula sa buhay na ito kapag namatay na tayo.
-
Ayon sa mga talata 18–19, ano ang madadala natin kapag namatay na tayo? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang kaalaman at katalinuhan na ating natamo sa buhay na ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng kaalaman at katalinuhan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwel ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kung pag-iisipan natin kung ano ang kasama nating babangon sa pagkabuhay na muli, tila malinaw na ang ating katalinuhan ay babangong kasama natin, ibig sabihin ay hindi lamang ang ating IQ, kundi pati ang kakayahan nating tumanggap at magpamuhay ng katotohanan. Ang ating mga talento, katangian at kasanayan ay kasama nating babangon; walang alinlangang pati na ang ating kakayahang matuto, taglay na disiplina sa sarili, at kakayahang magtrabaho” (We Will Prove Them Herewith [1982], 12).
-
Ayon kay Elder Maxwell, ano ang ibig sabihin ng katalinuhan sa mga talata 18–19?
-
Ayon sa talata 19, paano tayo makapagtatamo ng mas maraming kaalaman at katalinuhan? (Maaari mong ipaliwanag na may kaalaman at katalinuhan na matatamo lamang “sa pamamagitan ng … pagsisikap at pagiging masunurin.”)
-
Kailan kayo nagtamo ng kaalaman o katalinuhan sa pamamagitan ng inyong pagsisikap at pagsunod? (Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)
Ipaliwanag na ayon sa talata 19, ang mga nagtatamo ng mas maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito ay may kalamangan sa daigidg na darating.
-
Sa palagay ninyo, paano magiging kalamangan sa atin sa daigdig na darating ang pagtatamo ng kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito?
Ipaliwanag na ang natutuhan natin sa buhay na ito, kapwa temporal at espirituwal, ay makatutulong sa atin sa buong kawalang-hanggan. Madaragdagan natin ang kaalamang natamo natin sa buhay na ito upang maging higit na katulad ng Ama sa Langit.
Upang matulungan ang mga estudyante na patuloy na magtamo ng kaalaman at katalinuhan, hikayatin silang patuloy na makibahagi sa seminary ngayon at magplanong dumalo sa institute kapag nakatapos na sila sa seminary. Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng isang mithiin na tutulong sa kanila na magtamo ng mas maraming kaalaman at katalinuhan.
Doktrina at mga Tipan 130:20–21
Ipinaliwanag ni Joseph Smith kung paano tayo magtatamo ng mga pagpapala
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay gusto nilang pagbutihin pa ang kanilang sulat-kamay, kaya nagdesisyon silang tumakbo nang tatlong milya, limang araw sa isang linggo, sa loob ng isang buwan.
-
Ano ang magiging resulta nito? Bakit?
-
Ano ang gagawin ninyo para gumanda ang inyong sulat-kamay?
Ipaliwanag na tulad ng kailangan nating maunawaan kung paano matatamo ang mga resulta ng ninanais natin, kailangan nating maunawaan kung paano matatamo ang mga pagpapala na nais ng Ama sa Langit na ibigay sa atin.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 130:20–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano natin matatamo ang mga pagpapalang nais ibigay ng Ama sa Langit sa atin. (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “nakasalalay” ay “nakabatay” at ang batas na “hindi mababago” ay permanente at hindi maaaring palitan.)
-
Ayon sa mga talata 20–21, paano tayo magtatamo ng pagpapala mula sa Diyos?
Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng alituntunin na gumagamit ng mga salitang “kung-kung gayon” batay sa mga talata 20–21. Matapos ang sapat na oras, ipabasa sa ilang estudyante ang kanilang mga pahayag. Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung gusto nating magtamo ng pagpapala mula sa Diyos, kung gayon dapat nating sundin ang batas kung saan ito nakasalalay.
Para matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pagkaunawa sa katotohanang ito, isulat ang sumusunod na chart sa pisara (maaari mong gawin ito bago magklase). Sabihin sa klase na kopyahin ang chart sa kanilang notebook o scripture study journal. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang nakasulat na scripture passage. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang batas at ang kasama nitong pagpapala. Habang nagbabahagi sila ng kanilang mga sagot, punan ang angkop na mga patlang sa chart. Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang kanilang chart nang mag-isa.
Kung gusto nating magtamo ng pagpapala mula sa Diyos, kung gayon dapat nating sundin ang batas kung saan ito nakasalalay.
Scripture passage |
Batas |
Pagpapala |
---|---|---|
Matapos makumpleto ng mga estudyante ang aktibidad na ito, sabihin sa kanila na isipin ang mga pagpapalang natanggap nila dahil sinunod nila ang isang batas. Anyayahan sila na magbahagi ng kanilang mga karanasan.
Ipasulat sa mga estudyante ang mga pagpapalang nais nilang matamo. Pagkatapos ay ipasulat sa kanila kung anong batas o mga batas ang kailangan nilang sundin para matanggap ang mga pagpapalang iyon.
Ipaliwanag na ilan sa mga batas at pagpapala ay napakapartikular at ang iba naman ay mas pangkalahatan. Ipaliwanag din na may mga pagpapala na maaaring dumating sa kabilang-buhay.
Tapusin ang lesson ngayon sa pag-anyaya sa mga estudyante na rebyuhin ang ilan sa mga katotohanang natutuhan nila mula sa mga turo ni Joseph Smith na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 130.
-
Paano nakatutulong sa inyo ang mga katotohanan sa Doktrina at mga Tipan 130 na mapahalagahan si Joseph Smith?
Tapusin ang lesson sa pagsasabi sa isang estudyante na basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Brigham Young tungkol sa kakayahan ni Joseph Smith na ipaliwanag ang mga bagay ng Diyos.
“Ang kadakilaan ng kaluwalhatian ng pagkatao ng Kapatid na si Joseph Smith ay ang kanyang kakayahang maipaunawa ang mga makalangit na bagay sa mga taong limitado ang kaalaman. Kapag nangangaral siya sa mga tao—nagpapahayag ng mga bagay tungkol sa Diyos, sa kalooban ng Diyos, sa plano ng kaligtasan, sa mga layunin ni Jehova, ang ating katayuan sa kanya, at sa lahat ng nilalang sa langit, nakukuha niyang ituro ang mga ito sa abot kaya ng pang-unawa ng bawat lalaki, babae, at bata, ginagawa niya itong malinaw na tulad ng isang tiyak na daan. Sapat na sana itong mapaniwala ang bawat taong nakarinig tungkol sa awtoridad at kapangyarihan niya mula sa langit, dahil walang sinuman ang makapagtuturo nang tulad niya, at walang sinumang makapaghahayag ng mga bagay ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng mga paghahayag ni Jesucristo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 388).
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol sa tungkulin ni Joseph Smith bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag. Sabihin sa mga estudyante na ipamuhay ang mga doktrina at alituntuning natutuhan nila mula sa pag-aaral ng mga turo ng Propeta sa Doktrina at mga Tipan 130.