Seminary
Lesson 49: Doktrina at mga Tipan 42:43–93


Lesson 49

Doktrina at mga Tipan 42:43–93

Pambungad

Ang huling bahagi ng Doktrina at mga Tipan 42 ay karugtong ng paghahayag tungkol sa tinatawag na batas ng Simbahan. Kabilang dito ang mga turo ng Panginoon hinggil sa kamatayan at paggaling. Naglalaman din ito ng payo ng Panginoon sa mga Banal hinggil sa paraan kung ano ang dapat gawin sa mabibigat na kasalanan at krimen at ang tamang gawin sa mga sitwasyon kung saan ginawan tayo ng kasalanan o tayo ang nagkasala.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 42:43–55

Nagbigay ng payo ang Panginoon hinggil sa kamatayan at paggaling

Sa isang kamay, hawakan ang isang maliit na bote o maliit na lalagyan ng inilaang langis para sa pagpapagaling sa maysakit; sa kabilang kamay, hawakan ang isang bote ng gamot.

  • Saan ginagamit ang mga bagay na ito? Alin sa mga ito ang dapat nating asahan kapag may karamdaman tayo?

Matapos na maikling magbahagi ng kanilang sagot ang mga estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:43–44. Sabihin sa klase na alamin ang tagubilin ng Panginoon tungkol sa dapat nating gawin sa panahon ng karamdaman. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga talatang ito, maaaring makatulong na ipaliwanag na ang mga halamang gamot at pagkaing madaling matunaw na binanggit sa talata 43 ay tumutukoy sa panggagamot na karaniwang ginagawa sa panahon na ibinigay ang paghahayag na ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano mangyayari ang paggaling sa pamamagitan ng pananampalataya at pagpapagamot sa doktor.

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa paggamit ng pinakamainam na kaalaman at pamamaraan ng siyensya. Gumagamit tayo ng nutrisyon, ehersisyo, at iba pang mga kaugalian para maingatan ang kalusugan at nagpapatulong sa mga manggagamot, tulad ng mga doktor at siruhano, upang maipanumbalik ang kalusugan.

“Ang paggamit ng siyensya ng medisina ay hindi salungat sa ating mga panalangin ng pananampalataya at pananalig sa mga basbas ng priesthood. …

“Mangyari pa hindi tayo naghihintay na maubos ang lahat ng iba pang paraan bago manalangin nang may pananampalataya o magbigay ng mga basbas ng priesthood para sa pagpapagaling. Sa mga emergency, mga panalangin at basbas ang nauuna. Kadalasan ay sabay-sabay nating ginagawa ang lahat” (“Pagpapagaling ng Maysakit,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 47).

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga sa atin na gumamit ng panalangin at mga basbas ng priesthood at magpagamot rin sa doktor para gumaling kapag may karamdaman?

  • Ayon sa talata 44, bawat tao ba na maysakit na nakatanggap ng basbas ng priesthood ay mapagagaling?

Sabihin sa mga estudyante na ipinaliwanag ng Panginoon kung bakit maaaring hindi gumaling ang ilang nakatanggap ng basbas ng priesthood. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga alituntunin na sumasaklaw kung ang isang tao ay mapagagaling bunga ng basbas ng priesthood.

  • Ayon sa talata 48, ano ang pinakamahalagang bagay na nagpapasiya sa kahihinatnan ng basbas ng priesthood? (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang “hindi itinakda sa kamatayan” ay tumutukoy sa katotohanan na ang kamatayan o paggaling ay mangyayari ayon sa panahon, karunungan, at kalooban ng Panginoon.)

  • Bakit hindi mapapagaling ang lahat ng may pananampalataya kay Jesucristo?

  • Bakit mahalagang manalig sa kalooban at takdang panahon ng Diyos para sa bawat isa sa atin?

Sabihin sa mga estudyante na tumukoy ng isang alituntunin na matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 42:48 tungkol sa paggaling mula sa ating mga karamdaman. Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay may pananampalataya kay Jesucristo, mapagagaling tayo ayon sa Kanyang kalooban. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita o parirala sa talata 48 na nagtuturo ng alituntuning ito.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang ating pananampalataya ay dapat nakatuon kay Jesucristo sa halip na sa mga resultang hinahangad natin, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang dahilan kung bakit mahalagang nakatuon ang ating pananampalataya kay Jesucristo.

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Bilang mga anak ng Diyos, batid ang Kanyang dakilang pag-ibig at sukdulang kaalaman kung ano ang mainam para sa ating walang hanggang kapakanan, nagtitiwala tayo sa Kanya. Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtitiwala. Nadama ko ang pagtitiwalang iyan sa mensaheng ibinigay ng pinsan ko sa burol ng isang babaeng tinedyer na namatay sa malubhang karamdaman. Sinambit niya ang mga salitang ito, na ikinamangha ko noong una at nagpasigla sa akin kalaunan: ‘Alam ko na kalooban ng Panginoon na mamatay siya. Naalagaan siya nang husto. Nabigyan siya ng mga basbas ng priesthood. Nasa temple prayer roll ang pangalan niya. Daan-daan ang nanalangin na manumbalik ang kanyang kalusugan. At alam ko na sapat ang pananampalataya ng pamilyang ito na gagaling siya maliban kung kalooban ng Panginoon na iuwi na siya ngayon.’ Nadama ko ang pagtitiwalang iyon sa mga salita ng ama ng isa pang natatanging babaeng tinedyer na namatay [sa kanser] kamakailan. Ipinahayag niya, ‘Ang pananampalataya ng aming pamilya ay na kay Jesucristo, at hindi batay sa mga kahihinatnan.’ Ang mga turong iyon ay akma sa akin. Ginagawa natin ang lahat para gumaling ang isang mahal sa buhay, pagkatapos ay nagtitiwala tayo sa Panginoon sa kahihinatnan niyon” (“Pagpapagaling ng Maysakit,” 50).

  • Paano nagpakita ng pananampalataya kay Jesucristo ang mga taong binanggit ni Elder Oaks?

  • Kung minsan nangangailangan ng higit na pananampalataya na makitang pumanaw ang isang mahal sa buhay o nagkasakit nang matagal kaysa makita silang buhay o napagaling. Sa palagay ninyo, bakit ito gayon?

  • Bakit kaya mahalagang manalig kay Jesucristo kahit hindi natin natanggap ang resultang gusto natin?

Itanong sa mga estudyante kung may kilala silang mga tao na namatay kahit na sinunod pa ang bilin ng doktor at naghangad na mapagaling sa pamamagitan ng panalangin at mga basbas ng priesthood. (Maging sensitibo lalo na sa mga nakaranas ng ganitong sitwasyon.) Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:45–47. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salita o mga parirala na maaaring magbigay ng kapanatagan sa taong namatayan ng mahal sa buhay.

  • Sinasabi sa atin ng talata 45 na talagang magdadalamhati tayo sa pagkamatay ng mga mahal natin sa buhay. Anong doktrina ang itinuro sa talata 46 na maaaring magbigay ng kapanatagan sa mga nagdadalamhati sa pagkamatay ng mahal nila sa buhay? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na doktrina: Matamis ang kamatayan sa mga namatay sa Panginoon.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng namatay sa Panginoon?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “matamis” ang kamatayan sa mga namatay sa Panginoon? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na bagama’t ang matapat na tao na namatay ay maaaring naghirap muna sa sakit na naramdaman, ang pangakong ito ay tumutukoy sa kapayapaan at kapahingahan na mararanasan niya sa daigdig ng mga espiritu.)

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung sila ay nabubuhay sa paraan na magiging “matamis” sa kanila ang kamatayan kung mangyayari man ito ngayon. (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang naisip nila sa kanilang notebook o scripture study journal.)

Doktrina at mga Tipan 42:56–73

Ipinangako ng Panginoon na magbibigay pa siya ng karagdagang banal na kasulatan at kaalaman sa mga magtatanong

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 42:56–58 na ipinapaliwanag na ang mga talatang ito ay tumutukoy sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. Sinabi ng Panginoon sa mga Banal na ang Pagsasalin ni Joseph Smith ay dapat maituro sa lahat ng tao. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 42:59–69 na ipinapaliwanag na naglalaman ang mga talatang ito ng mga tagubilin ng Panginoon kay Joseph Smith at sa ibang mga lider ng Simbahan tungkol sa kailan at kanino nila dapat ipangaral ang ebanghelyo. Pinayuhan sila ng Panginoon na ipamuhay ang mga batas na ibinigay sa kanila, at ipinaliwanag Niya na tatanggap sila ng karagdagang tagubilin na makatutulong sa kanila na maitatag ang Simbahan at maihanda ang mga Banal sa magiging buhay nila sa Bagong Jerusalem. Bukod pa riyan, itinuro sa kanila ng Panginoon ang mga alituntunin kung paano sila patuloy na makatatanggap ng banal na paghahayag. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 42:70–73 na ipinapaliwanag na sa ilalim ng batas ng paglalaan, ang mga naglingkod sa Simbahan nang full-time o part-time ay binigyan ng panustos.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 42:61, 68 at alamin ang mga alituntunin tungkol sa pagtanggap ng paghahayag. Maaaring kabilang sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod:

Kung magtatanong tayo, bibigyan tayo ng Panginoon ng kaalaman na magdudulot sa atin ng kapayapaan, kagalakan, at buhay na walang hanggan.

Kung hihingi tayo ng karunungan, ang Panginoon ay magbibigay sa atin nang sagana.

  • Ano ang mga pagpapala ng masigasig na paghingi sa Panginoon ng paghahayag?

Magpatotoo na pinamumunuan at ginagabayan tayo ng ating mga lider ng Simbahan ayon sa alituntunin ng patuloy na paghahayag.

Doktrina at mga Tipan 42:74–87

Ang mga lider ng priesthood ay tumatanggap ng tagubilin tungkol sa dapat gawin sa mga miyembro na nakagawa ng mabigat na kasalanan

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 42:74–87, inilarawan ng Panginoon ang ilang batas na sumasaklaw sa pagdidisiplina ng Simbahan. Partikular na tinagubilinan Niya ang mga lider ng priesthood tungkol sa dapat gawin sa mga nakagawa ng mabibigat na kasalanan, tulad ng mga kasalanang seksuwal, pagnanakaw, pagsisinungaling, o “anumang uri ng kasamaan” (D at T 42:87).

Doktrina at mga Tipan 42:88–93

Tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal tungkol sa dapat gawin sa mga personal na pagkakasala

  • Kailan kayo nakakita ng taong nasaktan sa mga sinabi o ginawa ng isang tao? Naranasan na ba ninyong masaktan o magalit sa mga sinabi o ginawa ng isang tao?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:88–89. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga tagubilin ng Panginoon sa mga dapat gawin kung may nagkasala sa atin.

  • Ano ang dapat nating gawin kapag may nagkasala sa atin? (Makipagkasundo sa kanya nang sarilinan. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang makipagkasundo ay lutasin ang di-pagkakaunawaan at ibalik ang maayos na pagsasamahan.)

  • Sa palagay ninyo, bakit makatutulong ang ganitong paraan?

Isulat ang mga sumusunod na hindi kumpletong pahayag sa isang panig ng pisara:

Ang mga pagkakasalang ginawa nang palihim ay dapat …

Ang mga pagkakasalang ginawa nang lantaran ay dapat …

Sa kabilang panig ng pisara, isulat ang karugtong ng bawat isa sa mga naunang pahayag:

… lutasin nang lantaran.

… lutasin nang palihim.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 42:90–93, at sabihan sila na itugma ang bawat di-kumpletong pahayag sa tamang karugtong nito. (Ang mga pagkakasalang ginawa nang palihim ay dapat lutasin nang palihim. Ang mga pagkakasalang ginawa nang lantaran ay dapat lutasin nang lantaran.)

  • Sa inyong palagay, bakit hindi tama na ituwid nang lantaran ang mga pagkakasala na palihim na ginawa?

  • Bakit nakatutulong kung minsan na ituwid nang lantaran ang mga pagkakasala na lantarang ginawa?

Sabihin sa mga estudyante na umisip ng mga sitwasyon na maaaring magpakita ng tama at ng maling pagsasagawa ng mga katotohanang ito. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga ideya. (Sa pagbabahagi ng mga estudyante, bigyang-diin na ang pagtutuwid ng pagkakasala ayon sa pamamaraan ng Panginoon ay kinapapalooban ng pagsisisi at pagpapatawad.)

  • Sa inyong palagay, paano maaaring mapagpala ng pagtutuwid ng pagkakasala ang pamilya? Ang ward o branch? Ang magkakaklase?

Maaari mong ipaliwanag na kailangan natin ng lakas ng loob na kausapin ang taong nakasakit o nagkasala sa atin. Sabihin sa mga estudyante na humingi ng tulong sa Ama sa Langit na malutas nila nang tama ang hindi nila pagkakaunawaan sa ibang tao.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 42:46–47. Matamis ang kamatayan sa mga namatay sa Panginoon

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang ibig sabihin ng matamis ang kamatayan sa mga namatay sa Panginoon:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Sa ilang miyembro ng Simbahan ang kasabihan na ang mga yaong nangamatay sa Panginoon ay hindi matitikman ang kamatayan ay isang bagay na mahirap maunawaan. Nakita nila ang pagdurusa ng mabubuti at matatapat na kalalakihan at kababaihan nang maraming araw at kung minsan maraming buwan bago sila bawian ng buhay. Ngunit hindi sinasabi rito ng Panginoon na hindi sila makakaranas ng sakit ng katawan, kundi sa halip ay hindi na sila daranas ng pagdurusa at paghihirap ng kaluluwa na daranasin ng masasama, at bagama’t makararanas sila ng sakit sa katawan, ang kamatayan ay magiging matamis sa kanila dahil alam nilang karapat-dapat silang humarap sa Panginoon” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:186). (Tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 85.)

Doktrina at mga Tipan 42:48. “Hindi itinakda sa kamatayan”

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Walang mabuting tao ang kukunin nang hindi pa niya oras” (sa “Funeral Services for Elder Richard L. Evans,” Ensign, Dis. 1971, 10).

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na kung kailangan natin ng pananampalataya para mapagaling, kailangan din natin ng pananampalataya na tanggapin ang kalooban ng Panginoon na hindi tayo mapagagaling:

Larawan
Elder David A. Bednar

“[May] isang alituntuning akma sa bawat tapat na disipulo: ang matatag na pananampalataya sa Tagapagligtas ay mapagpakumbabang pagtanggap sa Kanyang kalooban at [itinakdang mga panahon] sa ating buhay—kahit na ang kalabasan ay hindi ang ating inasahan o ninanais. …

“Ang kabutihan at pananampalataya ay mga kasangkapan sa pag-aalis ng mga balakid—kung ang pag-aalis ng mga balakid ay nagsasakatuparan sa mga layunin ng Diyos at naaayon sa Kanyang kalooban. Ang kabutihan at pananampalataya ay tunay na kasangkapan sa pagpapagaling ng maysakit, bingi, o lumpo—kung ang gayong paggaling ay magsasakatuparan sa mga layunin ng Diyos at naaayon sa Kanyang kalooban. Ngunit, kahit malakas ang pananampalataya, maraming balakid ang hindi naaalis. At hindi lahat ng maysakit at may karamdaman ay mapagagaling. Kung lahat ng oposisyon ay mababawasan, kung lahat ng hirap ay aalisin, ang pangunahing mga layunin ng plano ng Ama ay mabibigo.

“Marami sa mga aral na dapat nating matutuhan sa mortalidad ay matatanggap lamang sa mga bagay na nararanasan natin at pinagdurusahan kung minsan. At umaasa at nagtitiwala ang Diyos na haharapin natin ang pansamantalang paghihirap ng buhay sa tulong Niya upang matutuhan natin ang dapat nating matutuhan at sa huli ay marating ang dapat nating marating sa kawalang-hanggan” (“Upang Tayo’y ‘Hindi … Manliit’ [D at 19:18]” [CES devotional for young adults, Mar. 3, 2013], LDS.org). (Tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 85–86.)

Doktrina at mga Tipan 42:70–73. Pagtanggap “ng katamtamang bahagi para sa lahat ng kanyang paglilingkod”

Sa mga talatang ito, binanggit na nakatatanggap ang bishop at ang kanyang mga tagapayo “ng katamtamang bahagi para sa” kanilang paglilingkod. Sa ating panahon, tumutukoy ito lalo na sa mga General Authority, mission president, at temple president na kailangang iwanan ang kanilang mga ikinabubuhay para maglingkod nang full-time sa Simbahan. Tumatanggap ang mga taong ito ng katamtamang panustos na sapat para masuportahan sila at ang kanilang pamilya sa panahon ng kanilang paglilingkod.

Print