Seminaries and Institutes
Lesson 87: Doktrina at mga Tipan 84:43–61


Lesson 87

Doktrina at mga Tipan 84:43–61

Pambungad

Noong Setyembre 22 at 23, 1832, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 84. Sa paghahayag na ito, naghayag ang Panginoon ng mga katotohanan tungkol sa priesthood, tulad ng tinalakay sa nakaraang lesson. Itinuro rin ng Panginoon sa mga Banal ang kahalagahan ng pakikinig sa salita ng Diyos. Pinagsabihan Niya sila dahil binalewala nila ang Aklat ni Mormon at ang iba pang mga kautusan at mga paghahayag.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 84:43–53

Itinuro ng Panginoon ang kahalagahan ng pakikinig sa salita ng Diyos

Ipaalala sa mga estudyante ang mithiin na itinakda nila sa simula ng taon na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano nila naisasakatuparan ang mithiing ito. Matapos itong pag-isipan ng mga estudyante, itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang ilan sa mga hamong nararanasan ninyo sa pagsisikap na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw? (Sa pagsagot ng mga estudyante, sabihin na talaga namang mahirap mag-aral ng mga banal na kasulatan araw-araw.)

  • Bakit pinipili ninyong pag-aralan ang mga banal na kasulatan kahit mahirap itong gawin kung minsan?

Ipaliwanag na sa lesson na ito, malalaman ng mga estudyante ang mga katotohanan mula sa Doktrina at mga Tipan 84 na magbibigay ng inspirasyon sa kanila na ipagpatuloy ang kanilang pagsisikap na pag-aralan ang mga banal na kasulatan.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:43–44 at hanapin ang mga salita at parirala na nagtuturo ng kahalagahan ng pag-aaral at pamumuhay sa mga salita ng Panginoon.

  • Anong mga salita at parirala ang nahanap ninyo na nagtuturo ng kahalagahan ng pag-aaral at pamumuhay sa mga salita ng Panginoon? (Maaaring mabanggit ng mga estudyante ang mga salita at pariralang tulad ng “kautusan,” “makinig na mabuti,” at “mabubuhay sa bawat salita.”)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:45–46. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salita at mga parirala sa scripture passage na ito na katulad ng kahulugan ng “ang salita ng Panginoon.”

  • Anong mga salita at mga parirala ang nahanap ninyo? (Dapat kabilang sa mga sagot ang “katotohanan,” “liwanag,” “ang Espiritu ni Jesucristo,” at “tinig ng Espiritu.”)

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung tayo ay makikinig nang mabuti sa salita ng Diyos, …

Ipabasang muli nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:45–46.

  • Batay sa nalaman ninyo sa mga talata 45–46, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag sa pisara? (Maaaring makapagbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante. Kumpletuhin ang alituntunin na nasa pisara para mailahad nito ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay makikinig nang mabuti sa salita ng Diyos, maliliwanagan tayo sa pamamagitan ng Espiritu ni Cristo.)

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa pariralang “ang Espiritu ni Jesucristo” sa talata 45. Ipaliwanag na ang iba pang parirala na katulad nito ang kahulugan ay “ang Liwanag ni Cristo.” Ang liwanag ni Cristo ay “isang impluwensya para sa kabutihan sa buhay ng lahat ng tao. … [Gayunpaman,] hindi dapat pagkamalang Espiritu Santo ang Liwanag ni Cristo. Ito ay hindi isang personahe, na tulad ng Espiritu Santo” (Tapat sa Pananampalataya [2006], 75). Ang liwanag ni Cristo ay nasa kalooban ng bawat tao at nagbibigay ng “delikadesa, o konsiyensya [o] pagkaalam sa tama at mali.” “Magagabayan tayo nito sa ating pagkilos—maliban kung pipigilin o iwawaksi natin ito” (Boyd K. Packer, “Ang Liwanag ni Cristo,” Liahona, Abr. 2005, 9).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:47–48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano tayo pagpapalain kung makikinig tayo sa Espiritu ni Jesucristo.

  • Ayon sa talata 47, paano tayo pagpapalain kung makikinig tayo sa Espiritu ni Jesucristo? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung makikinig tayo sa Espiritu ni Jesucristo, lalapit tayo sa Ama. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Ayon sa talata 48, ano ang gagawin ng Ama kapag lumapit tayo sa Kanya? (Tuturuan Niya tayo.)

  • Sa talata 48, mababasa natin na hindi lamang tayo tuturuan ng Ama para sa ating kapakanan kundi para din sa kapakanan ng buong sanlibutan. Ano ang ibig sabihin nito sa inyo?

Ipaliwanag na bukod pa sa pagkakaroon ng Liwanag ni Cristo, matatanggap ng mga tao ang paggabay ng Espiritu Santo matapos nilang pumasok sa tipan ng binyag. Sa pamamagitan ng kaloob na ito sila ay makatatanggap ng karagdagang liwanag at magagabayan pabalik sa kinaroroonan ng Ama upang tumanggap ng buhay na walang hanggan.

Sabihin sa isang estudyante na patayin ang mga ilaw sa silid-aralan at bumalik sa kanyang upuan. (Tiyakin na may kaunting liwanag sa silid para makalakad nang ligtas ang estudyante.) Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na kailangan nilang maglakad sa napakadilim na lugar. Tawagin ang ilan na ilarawan ang naranasan nila. Pagkatapos ay buksan ang mga ilaw.

Ipaliwanag na kadalasang binabanggit ang kadiliman sa mga banal na kasulatan para ilarawan ang isang espirituwal na kalagayan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:49–53. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung sino ang sinabi ng Panginoon na nasa espirituwal na kadiliman at kung bakit sila nasa kalagayang iyon.

  • Sino ang nasa kadiliman? Bakit sila nasa kadiliman?

Ipaliwanag na sa mga talatang ito, ang mga inilarawan na nasa kadiliman ay inilarawan din na nasa pagkaalipin ng kasalanan. Ibig sabihin nito, sila ay nabitag sa mga bunga ng kanilang mga kasalanan dahil hindi sila nagsisi.

  • Paano natutulad ang buhay na nasa pagkalipin ng kasalanan sa pagiging naroon sa madilim na lugar?

Doktrina at mga Tipan 84:54–61

Pinagsabihan ng Panginoon ang mga Banal dahil sa pagbabalewala sa Aklat ni Mormon

Ipaliwanag na bukod pa sa pagsasabing ang sanlibutan ay nasa kadiliman, sinabi ng Panginoon na naging madilim ang mga isipan ng mga miyembro ng Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:54–56. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dalawang dahilan kung bakit naging madilim ang mga isipan ng mga miyembro ng Simbahan.

  • Ayon sa talata 54, bakit naging madilim ang mga isipan ng mga miyembro ng Simbahan?

  • Ano ang ibig sabihin ng pinawalang-kabuluhan ang isang bagay? (Balewalain ang isang bagay o hindi ito igalang o hindi pahalagahan.) Paano pinadidilim ng kawalang-paniniwala o pagbabalewala sa isang sagradong bagay ang isipan ng isang tao?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:57. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang bagay na pinawalang-kabuluhan o binalewala ng mga Banal.

  • Ano ang binalewala ng mga Banal? (Ang Aklat ni Mormon at ang “dating mga kautusan” ng Panginoon o mga nakaraang paghahayag, kabilang na ang mga nakapaloob sa Biblia.)

  • Ayon sa natutuhan mo sa mga talata 54–58, ano ang mangyayari sa atin kung babalewalain natin ang salita ng Diyos? (Dapat isagot ng mga estudyante na kung babalewalain natin ang salita ng Diyos, ang ating mga isipan ay magiging madilim at tayo ay parurusahan. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson hinggil sa Aklat ni Mormon:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Nakabatay ba ang walang-hanggang ibubunga sa ginagawa natin sa aklat na ito? Oo, sa ating ikabubuti o kaya’y sa ating ikapapahamak.

“Dapat pag-aralan ng bawat Banal sa mga Huling Araw ang aklat na ito nang habambuhay. Kung hindi ay ipinapahamak niya ang kanyang kaluluwa at binabalewala ang makapagtutugma ng espirituwal at intelektuwal na aspeto sa kanyang buong buhay. May pagkakaiba sa miyembrong nakasalig kay Cristo sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon at nananatiling nakahawak sa gabay na bakal na iyan, at sa taong hindi nakasalig dito” (“The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Ene. 1988, 5).

“Huwag tayong manatili sa ilalim ng kaparusahan, lakip ang pagpapahirap at kahatulan nito, sa pamamagitan ng pagbabalewala sa napakaganda at kahanga-hangang regalong ito na ibinigay sa atin ng Panginoon. Sa halip, kamtin natin ang mga pangako na nakalakip sa pagpapahalaga nito sa ating puso” (“The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 7).

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila pinahahalagahan ang Aklat ni Mormon at kung ano ang maaari nilang gawin para mapag-aralan ito habambuhay.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 84:57.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na kailangang gawin ng mga Banal bukod pa sa pagsisihan ang ginawa nilang pagbabalewala sa Kanyang mga salita? (Tulungan ang mga estudyante na makita na bukod pa sa pag-alaala sa Aklat ni Mormon at sa “dating mga kautusan” na ibinigay ng Panginoon, kailangang gawin ng mga Banal ang nakasulat sa mga ito.)

  • Paano ninyo ibubuod ang nais ng Panginoon na gawin natin sa Aklat ni Mormon? (Maaaring makatukoy ng iba-ibang alituntunin ang mga estudyante, ngunit tiyaking bigyang-diin ang sumusunod: Dapat nating pag-aralan nang buong katapatan ang Aklat ni Mormon at mamuhay ayon sa mga turo nito. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na ibahagi ang kanilang mga sagot sa sumusunod na tanong:

  • Sino ang mabuting halimbawa sa inyo ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon at pamumuhay ayon sa mga turo nito?

Para sa pagtatapos ng lesson na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:60–61. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang karagdagang tagubilin ng Panginoon sa mga tumatanggap ng Kanyang mga salita sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon. Matapos basahin ang mga talata, ituro na ayon sa talata 61, ang mga tumatanggap ng mga salita ng Panginoon sa Aklat ni Mormon ay dapat magpatotoo sa iba tungkol dito.

Anyayahan ang ilang estudyante na magpatotoo kung paano sila pinagpala nang pag-aralan nila ang Aklat ni Mormon at magsikap na ipamuhay ang mga katotohanang itinuturo nito. (Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na makapag-isip ng kanilang mga karanasan bago mo sila tawaging sumagot.)

Ipaalala sa mga estudyante ang kanilang mga mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang notebook o scripture study journal:

Ano ang natutuhan mo ngayon na nagbigay ng inspirasyon sa iyo na ipagpatuloy ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon?

Ano ang magagawa mo para mas masigasig na mapag-aralan ang Aklat ni Mormon at maipamuhay ang mga katotohanang natutuhan mo mula rito?

Paano mo gagamitin ang Aklat ni Mormon para maibahagi ang ebanghelyo sa iba?

Magpatotoo na mas mapapalapit ang mga estudyante sa Ama sa Langit kapag ipinamuhay nila ang mga katotohanang tinalakay ngayon sa klase.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 84:46. “Ang Espiritu ay nagbibigay ng liwanag sa bawat tao”

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa Liwanag ni Cristo at ng Espiritu Santo:

Pangulong Boyd K. Packer

“Magkaiba ang Espiritu Santo at Liwanag ni Cristo. Bagama’t kung minsan ay inilalarawan sila sa magkakaparehong salita sa banal na kasulatan, magkaiba at magkahiwalay sila. Mahalagang malaman ninyo ang tungkol sa dalawang ito. …

“Ang Liwanag ni Cristo ay binigyang kahulugan sa mga banal na kasulatan bilang ‘ang Espiritu [na] nagbibigay ng liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig’ (D at T 84:46; idinagdag ang pagbibigay-diin); ‘ang liwanag na nasa lahat ng bagay, na nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay, na siyang batas kung saan ang lahat ng bagay ay pinamamahalaan’ (D at T 88:13; tingnan din sa Juan 1:4–9; D at T 84:45–47; 88:6; 93:9).

“At ang Liwanag ni Cristo ay inilarawan din sa mga banal na kasulatan bilang ‘ang Espiritu ni Jesucristo’ (D at T 84:45), ang ‘[Espiritu ng] Panginoon’ (II Mga Taga Corinto 3:18; tingnan din sa Mosias 25:24), ‘ang Espiritu ng katotohanan’ (D at T 93:26), ‘ang liwanag ng katotohanan’ (D at T 88:6), ang ‘Espiritu ng Diyos’ (D at T 46:17), at ‘ang Banal na Espiritu’ (D at T 45:57). Ilan sa mga katagang ito ay ginamit din sa pagtukoy sa Espiritu Santo.

“Isinulat ng Unang Panguluhan, ‘May kapangyarihang lumalaganap sa buong mundo na siyang ilaw at buhay ng sanlibutan, “na lumiliwanag sa bawa’t tao, na pumaparito sa sanglibutan,” na nanggagaling mula sa kinaroroonan ng Diyos upang punuin ang kalakhan ng kalawakan, ang liwanag at kapangyarihan na ipinagkakaloob ng Diyos sa iba’t ibang antas sa “kanila na humihingi sa kanya,” alinsunod sa kanilang pananampalataya at pagsunod.’ [“‘Receiving’ the Holy Ghost,” Improvement Era, Mar. 1916, 460.]

“Tinatawag mang Liwanag ni Cristo, delikadesa, o konsiyensya ang liwanag sa kaloobang ito, na pagkaalam sa tama at mali, magagabayan tayo nito sa ating pagkilos—maliban kung pipigilin o iwawaksi natin ito” (“Ang Liwanag ni Cristo,” Liahona, Abril 2005, 9).

Doktrina at mga Tipan 84:54–57. “Magsisi at alalahanin … ang Aklat ni Mormon”

Binantayang mabuti ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga propeta ang pagtitipon at pag-iingat ng Aklat ni Mormon sa lahat ng panahon. Ang mensahe nito ay napakahalaga sa lahat ng tao. Hinikayat ni Pangulong Ezra Taft Benson ang mga Banal sa mga Huling Araw na huwag balewalain ang mensaheng iyon:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Ilan sa mga unang missionary, matapos makauwi sa kanilang tahanan, ay pinagsabihan ng Panginoon sa bahagi 84 ng Doktrina at mga Tipan dahil kanilang binalewala ang Aklat ni Mormon. Dahil dito, naging madilim ang kanilang mga isipan. Sinabi ng Panginoon na dahil sa ganitong uri ng pagtrato sa Aklat ni Mormon, ang buong Simbahan ay nasa ilalim sa kaparusahan, maging ang lahat ng anak ng Sion. At pagkatapos sinabi ng Panginoon, ‘At sila ay mananatili sa ilalim ng kaparusahang ito hanggang sa sila ay magsisi at kanilang alalahanin ang bagong tipan, maging ang Aklat ni Mormon.’ (Tingnan sa D at T 84:54–57.) Nasa ilalim pa rin ba tayo ng kaparusahang iyon?

“… Ang matitinding kaparusahan ay nakabatay sa pagtanggap natin sa Aklat ni Mormon:

“‘Yaong mga tatanggap nito nang may pananampalataya, at gumagawa ng kabutihan, ay makatatanggap ng putong ng buhay na walang hanggan;

“‘Subalit yaong mga magpapatigas ng kanilang mga puso sa kawalan ng pananampalataya, at tatanggihan ito, ito ay babaling sa kanilang sariling kaparusahan—

“‘Sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsabi nito.’ (D at T 20:14–16.)

“Totoo ba ang Aklat ni Mormon? Oo.

“Para kanino ito? Para sa atin.

“Ano ang layunin nito? Ilapit ang mga tao kay Cristo.

“Paano ito gagawin? Sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol kay Cristo at paglalantad ng Kanyang mga kaaway.

“Paano natin gagamitin ito? Kailangang magkaroon tayo ng patotoo tungkol dito, kailangang magturo tayo mula rito, kailangang itaas natin ito bilang isang sagisag at ‘[itimo ito] hanggang sa mga dulo ng mundo.’ [Tingnan sa 2 Nephi 29:2.]

“Ginagawa ba natin ito? Hindi natin ginagawa tulad ng nararapat.

“Nakabatay ba ang walang-hanggang ibubunga sa ginagawa natin sa aklat na ito? Oo, sa ating ikabubuti o kaya’y sa ating ikapapahamak.

“Dapat pag-aralan ng bawat Banal sa mga Huling Araw ang aklat na ito nang habambuhay. Kung hindi ay ipinapahamak niya ang kanyang kaluluwa at binabale-wala ang makapagtutugma ng espirituwal at intelektuwal na aspeto sa kanyang buong buhay” (“The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Ene. 1988, 5).

Doktrina at mga Tipan 84:57–61. Paggamit ng Aklat ni Mormon sa ating pag-aaral at pagtuturo

Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Ang Aklat ni Mormon ay hindi naging, ni hindi pa naging, sentro ng ating personal na pag-aaral, pagtuturo sa pamilya, pangangaral, at gawaing misyonero. Dapat nating pagsisihan ito” (“Cleansing the Inner Vessel,” Ensign, Mayo 1986, 5–6).