Lesson 56
Doktrina at mga Tipan 49
Pambungad
Si Leman Copley, isang miyembro ng Simbahan, ay nagnais na ipangaral ng mga missionary ang ebanghelyo sa mga miyembro ng kanyang dating relihiyon, ang mga Shaker. Gayunman, patuloy niyang ginawa ang mga maling paniniwala ng relihiyong iyon. Dahil nabalisa na patuloy pa rin si Leman sa kanyang mga paniniwala, nagtanong si Joseph Smith sa Panginoon noong Mayo 7, 1831, at natanggap ang paghahayag na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 49.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 49:1–4
Tinawag ng Panginoon sina Sidney Rigdon, Parley P. Pratt, at Leman Copley na mangaral sa mga Shaker
Bago magklase, gumawa ng pambitag para sa unggoy o idrowing ang kalakip na larawan sa pisara. Sa paggawa ng pambitag para sa unggoy, kumuha ng kahon na may takip. Takpang maigi ang kahon, at butasan ang isang bahagi ng kahon na kasyang maipasok ang nakabukas na palad pero hindi ang kamao ng isang estudyante. Maglagay ng isang pirasong prutas o bola sa loob ng kahon.
Itanong sa mga estudyante kung marunong silang manghuli ng unggoy. (Kung alam nila ang sumusunod na pamamaraan, sabihin sa kanila na ipaliwanag ito sa buong klase. Kung nakagawa ka ng pambitag, maaari mo ring sabihin sa isang estudyante na ipakita kung paano mabitag.) Imungkahi na ang isang paraan para mabitag ang unggoy ay maglagay ng kaakit-akit na bagay sa lalagyan na may butas na sapat ang laki para maipasok ng unggoy ang kamay nito. Kapag nakuha ng unggoy ang bagay, hindi niya mailalabas ang kanyang kamao dahil sa hawak-hawak na malaking bagay na hindi kasya sa butas. Dahil sa kagustuhan nitong makuha ang bagay, may mga unggoy na magpapahuli na lang.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 49 at hanapin ang mga paraan na nakakatulad ng pambitag sa unggoy ang inilarawang sitwasyon. Matapos maipaliwanag ng mga estudyante na nahirapan si Leman Copley na talikuran ang ilang paniniwala ng mga Shaker, sabihin sa mga estudyante na isulat ang ilan sa paniniwala ng mga Shaker.
Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat ang kanilang mga sagot sa pisara, tulad ng nakikita sa ibaba. Huwag isama ang column na may heading na “Ang Doktrina ng Panginoon.” Idadagdag mo ang column na iyan kalaunan sa lesson.
Mga Paniniwala ng mga Shaker |
Ang Doktrina ng Panginoon |
---|---|
| |
| |
| |
| |
|
Kung gustong malaman ng mga estudyante ang tungkol sa pangalang Shaker, ipaliwanag na ang mga miyembro ng United Society of Believers in Christ’s Second Appearing (Nagkakaisang Samahan ng mga Naniniwala sa Ikalawang Pagpapakita ni Cristo) ay karaniwang tinatawag na mga Shaker dahil sa kanilang pamamaraan ng pagsamba, na pagyanig ng kanilang katawan habang sila ay kumakanta, sumasayaw, at pumapalakpak sa indayog ng musika.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 49:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang inihayag ng Panginoon tungkol sa mga Shaker.
-
Paano inilarawan ng Panginoon ang mga Shaker? (Tingnan sa talata 2.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “nagnanais na malaman ang bahagi ng katotohanan, subalit hindi lahat”? (Tinanggap nila ang ilan sa mga turo ng Diyos ngunit binalewala o tinanggihan ang iba.)
-
Sa anong paraan maaaring magkaroon ng katulad na pag-uugali ang mga miyembro ng Simbahan?
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pangungusap: Kasama sa pagiging matwid sa harapan ng Panginoon ay …
Itanong sa mga estudyante kung paano nila kukumpletuhin ang alituntuning ito batay sa mga salita ng Panginoon sa talata 2. Sa pagsagot ng mga estudyante, kumpletuhin ang alituntunin sa pisara: Kasama sa pagiging matwid sa harapan ng Panginoon ay ang pagnanais na tanggapin ang lahat ng katotohanang Kanyang inihayag. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng talata 2. Ipaliwanag na kung matapat nating hahangarin na malaman ang katotohanan, magkakaroon din tayo ng hangaring mamuhay ayon sa katotohanan.
-
Bakit kailangan ni Leman Copley ang payo sa talata 2? Paano makatutulong sa atin ang alituntuning ito?
-
Anong mga pagpapala ang hindi makakamtan ng isang tao kung pipiliin niyang tanggapin ang isang bahagi lamang ng katotohanan?
Patingnan ang pambitag sa unggoy. Sabihin sa mga estudyante na maglista ng ilang pambitag na maaaring maging dahilan para hindi tanggapin ng mga tao ang mga turo ng Diyos—mga kilos at pag-uugali na ayaw baguhin ng mga tao at humadalang sa pagiging matwid nila sa harapan ng Panginoon. (Maaaring ilan sa mga halimbawa nito ay pagbibigay-katwiran sa masamang bisyo, pakikinig sa musikang naglalayo sa Espiritu, pagsali sa mga aktibidad sa araw ng Linggo na hindi angkop sa araw ng Sabbath, pagpili sa mga turo at pilosopiya ng mundo sa halip na mga turo ng Diyos, at hindi pagtanggap sa kautusang patawarin ang iba.)
-
Ano ang ilang ibinubunga ng hindi pagtalikod sa gayong mga kilos at pag-uugali? Paano ito maitutulad sa pambitag?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang talikuran upang matanggap ang lahat ng pagpapala ng Ama sa Langit para sa kanila. Maaari mong sabihin sa kanila na magtakda ng mithiin na talikuran ang mga bagay na humahadlang sa kanila sa pagiging matwid sa harapan ng Panginoon.
Doktrina at mga Tipan 49:5–28
Iwinasto ng Panginoon ang maling doktrina ng mga Shaker at iniutos sa Kanyang mga tagapaglingkod na anyayahan silang magsisi at magpabinyag
Ipaalala sa mga estudyante na iniutos ng Panginoon kina Leman Copley, Sidney Rigdon, at Parley P. Pratt na ipangaral ang ebanghelyo sa mga Shaker (tingnan sa D at T 49:1–4). Ipaliwanag na bago matanggap ang utos na ito, si Leman Copley ay “sabik na mapapuntahan sa ilang elder ang dati niyang mga kamiyembro [ang mga Shaker] at ituro ang ebanghelyo” (Histories, Volume 2: Assigned Histories, 1831–1847, vol. 2 of the Histories series of The Joseph Smith Papers [2012], 37). Nang magpunta ang mga elder sa mga Shaker, binasa nila nang malakas ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 49 sa kanila.
Sa pisara, isulat ang pangalawang column ng chart na binanggit kanina sa lesson na ito.
Hatiin ang klase sa limang grupo. Mag-assign sa bawat grupo ng isa sa mga scripture passage na isinulat mo sa pisara. (Kung maliit ang iyong klase, hatiin ang mga scripture passage sa mga estudyante at talakaying lahat ang mga ito bilang klase.) Sabihin sa mga estudyante na basahin ang naka-assign na mga scripture passage sa kanila at alamin ang mga doktrina at alituntunin na nagwasto sa maling mga paniniwala ng mga Shaker.
Kung may oras pa para pag-aralan ng mga estudyante ang mga scripture passage na ito, sabihin sa kanila na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang mga kagrupo at maghandang ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.
-
Anong mga doktrina at alituntunin ang kailangang maunawaan ng mga Shaker at ni Leman Copley?
-
Paano ipinapaliwanag ng mga naka-assign na scripture passage sa inyo ang mga katotohanang ito?
Kapag may sapat na oras pa para basahin at talakayin ng mga grupo ang mga naka-assign na scripture passage, ipasagot sa isang estudyante mula sa bawat grupo ang mga tanong na ito para sa buong klase. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang mga scripture passage na nagtuturo ng mga katotohanang natukoy nila.
Dapat matukoy ng mga estudyante ang mga sumusunod na doktrina at alituntunin. (Pansinin na ang mga katotohanang ito ay may mga bilang na tugma sa listahan ng mga maling paniniwala sa pisara.) Sa pagbanggit ng mga estudyante ng mga katotohanang ito, maaari kang magbigay ng karagdagang tanong upang mapalawak pa ang talakayan.
-
Sa Doktrina at mga Tipan 49:7, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Wala ni isa mang nakakaalam maliban lang sa Diyos kung kailan magaganap ang Ikalawang Pagparito.
-
Sa Doktrina at mga Tipan 49:22–25, ang isang alituntunin na maaaring matukoy ng mga estudyante ay ang sumusunod: Kung alam natin ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito, hindi tayo malilinlang ng mga maling salaysay.
-
Ano ang ilan sa mga palatandaan na binanggit sa mga talata 23–25? (Maaari mong ipaliwanag na ang pangalang Jacob sa talata 24 ay tumutukoy sa sambahayan ni Israel.) Sa paanong mga paraan ninyo nakita ang mga palatandaang ito sa ating panahon?
-
-
Sa Doktrina at mga Tipan 49:11–14, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga tagapaglingkod na sabihin sa mga tao na maniwala sa Kanya, magsisi, magpabinyag, at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo.
-
Bakit kayo nagpapasalamat na nabinyagan kayo at natanggap ninyo ang kaloob na Espiritu Santo? Bakit inaasam ninyo na matulungan ang ibang tao na matanggap ang mga ordenansang ito?
-
-
Sa Doktrina at mga Tipan 49:15–17, dapat matukoy ng mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na doktrina: Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos, at iniutos sa mga mag-asawa na magkaisa at magkaroon ng mga anak. Maaaring kailangan mong ipaliwanag ang pariralang “upang matupad ng mundo ang layunin ng kanyang pagkakalikha; at nang ito ay mapuno ng tao.” Itinuturo sa talatang ito na isang layunin ng paglikha sa mundo ay maglaan ng lugar kung saan ang mga anak ng Diyos ay mamumuhay bilang pamilya.
-
Anong mga layunin ang tinutupad ng pagpapakasal ng isang lalaki at isang babae sa plano ng Ama sa Langit?
-
Bakit salungat sa plano ng Ama sa Langit ang “[pag]babawal ng pagkakasal”?
-
Ayon sa talata 16, sinasang-ayunan ng Diyos ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae. Ano ang ilang paraan na kinukutya o sinisira ng mga tao ang tradisyunal na kasal?
-
Ano ang maaaring gawin ngayon ng mga kabataang lalaki at babae para mapaghandaan ang selestiyal na kasal?
-
-
Sa Doktrina at mga Tipan 49:18–21, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Inilaan ng Panginoon ang mga hayop sa mundo para gamitin natin.
-
Anong babala ang makikita sa talata 21? Sa palagay ninyo, bakit hindi natutuwa ang Panginoon sa mga taong pumapatay ng mga hayop nang hindi kailangan?
-
Ipaliwanag na hindi sinunod ng mga Shaker at ni Leman Copley ang payo ng Panginoon. Hindi tinanggap ng mga Shaker ang mensahe ng mga missionary, at bumalik si Leman Copley sa kanyang dating mga paniniwala at umalis sa Simbahan.
Tapusin ang lesson sa pagpapabasa nang malakas sa isang estudyante ng Doktrina at mga Tipan 49:26–28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga payo at pangako ng Panginoon.
Sabihin sa mga estudyante na basahing muli nang tahimik ang mga talatang ito at isipin kung paano naaangkop ang mga payo at pangako ng Panginoon sa bawat isa sa kanila. Magpatotoo tungkol sa mga pagpapalang matatanggap natin kapag sinisikap nating malaman ang mga turo ng Panginoon at sinusunod ang mga ito.