Lesson 140
Doktrina at mga Tipan 132:1–2, 34–66
Pambungad
Noong ginagawa ni Propetang Joseph Smith ang mga inspiradong rebisyon ng Biblia noong 1831, hiniling niya sa Panginoon na ipaunawa sa kanya ang tungkol sa mga sinaunang patriyarka na hindi lamang iisa ang asawa. Nang panahong iyon nakatanggap ang propeta ng paghahayag bilang sagot sa kanyang mga pagtatanong. Sa mga sumunod na taon, iniutos ng Panginoon sa Propeta at sa iba pang mga Banal sa mga Huling Araw na ipamuhay ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa. Noong Hulyo 1843, habang nasa Nauvoo, Illinois pa ang himpilan ng Simbahan, itinala ng Propeta ang paghahayag na natanggap niya. Ang Doktrina at mga Tipan 132 ay tumatalakay sa mga turo ng Panginoon hinggil sa pag-aasawa nang higit sa isa, kabilang na ang payo kina Joseph at Emma Smith.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 132:1–2, 34–48
Inihayag ng Panginoon ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa
Magsimula sa pagpapaliwanag na noong ginagawa ni Joseph Smith ang inspiradong salin ng Lumang Tipan noong 1831, nabasa niya ang tungkol sa mga sinaunang propeta na nag-aasawa nang higit sa isa (na tinatawag ding poligamya o polygamy). Sa gawaing ito, ang isang lalaki ay may asawa pang iba maliban sa kanyang asawa na buhay pa. Pinag-aralan ng Propeta ang mga banal na kasulatan, pinagnilayan ang kanyang nalaman, at kalaunan ay nagtanong sa panalangin sa Ama sa Langit tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa.
Isulat ang Genesis 16:1–3 sa pisara. Ipaliwanag na ang mga talatang ito ay naglalarawan sa mga ginawa nina Sarai at Abram, na kalaunan ay nakilala bilang Sara at Abraham. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at mag-isip ng anumang tanong nila tungkol sa pangyayaring ito sa buhay nina Abram at Sarai.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 132:1, at alamin ang itinanong ni Propetang Joseph Smith sa pag-aaral niya ng mga scripture passage sa Lumang Tipan hinggil sa pag-aasawa nang higit sa isa. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Maaari mong ipaliwanag na ang salitang kalunya ay katagang ginagamit upang ilarawan ang kababaihan sa Lumang Tipan na, sa panahon at kultura nila noon, ay legal na ikinasal sa isang lalaki ngunit mas mababa ang katayuan kaysa sa isang asawa. Ang mga kalunya ay hindi bahagi ng pag-aasawa nang higit sa isa sa ating dispensasyon.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Bakit iniutos ng Panginoon sa mabubuting kalalakihan at kababaihan na sundin ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa sa ilang partikular na panahon?
Ipaliwanag na sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 132, mahahanap ng mga estudyante ang mga sagot sa tanong na nasa pisara at sa iba pang mga tanong nila hinggil sa pag-aasawa nang higit sa isa. Sabihin sa kanila na isulat ang mga doktrina at alituntuning nalaman nila sa kanilang pag-aaral ngayon.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 132:34–36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung bakit nagsimulang gawin nina Abraham at Sara ang pag-aasawa nang higit sa isa.
-
Ayon sa talata 34, bakit binigyan ni Sara ng isa pang asawa si Abraham? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang pag-aasawa nang higit sa isa ay sinasang-ayunan lamang ng Panginoon kapag iniutos Niya ito.)
-
Ano ang naisakatuparan ng pagsunod nina Sara at Abraham? (Ang mga pangako ng Panginoon kay Abraham, kabilang na ang pangako na magkakaroon si Abraham ng angkan na kasindami ng mga bituin [tingnan sa Genesis 15:5].)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntuning isinulat mo sa pisara, imungkahi na isulat nila ang Jacob 2:27, 30 sa kanilang mga banal na kasulatan sa tabi ng Doktrina at mga Tipan 132:34. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito. Bigyang-diin na ang monogamya (kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae) ang pamantayan ng Diyos para sa kasal maliban kung ipag-utos Niya na iba ang gawin.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:37–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga parirala na naglalarawan ng mga pagkakataon na iniutos ng Panginoon ang pag-aasawa nang higit sa isa. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 132:39, 41–43 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon na kapag ginagawa ng mga tao ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa ayon sa Kanyang kautusan, hindi sila nagkasala ng pakikiapid o adultery. Gayunpaman, kung sinuman ang mag-asawa nang higit sa isa sa anumang kalagayan na hindi iniuutos ng Panginoon, siya ay nagkasala ng pakikiapid. (Pansinin na ang salitang wawasakin sa talata 41 ay nagsasaad na yaong lalabag sa kanilang mga sagradong tipan ay mahihiwalay mula sa Diyos at sa Kanyang mga pinagtipanang tao [ihambing sa Mga Gawa 3:22–23; 1 Nephi 22:20].)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:40 at alamin ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya.
-
Ayon sa talata 40, ano ang gagawin ng Panginoon? (Ipapanumbalik ang lahat ng bagay. Ipaliwanag na ang “lahat ng bagay” ay tumutukoy sa mga batas at mga ordenansa ng ebanghelyo na inihayag sa mga nagdaang dispensasyon. Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang kautusang sundin ang batas ng pag-aasawa nang higit sa isa sa mga huling araw ay bahagi ng panunumbalik ng lahat ng bagay. [Tingnan din sa Mga Gawa 3:20–21.])
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:45, 48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iginawad ng Panginoon kay Joseph Smith upang maipanumbalik ang lahat ng bagay.
-
Ano ang iginawad ng Panginoon kay Joseph Smith upang maipanumbalik ang lahat ng bagay? (Ang mga susi at kapangyarihan ng priesthood.)
-
Ano ang nalaman natin mula sa talata 45 at 48 tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa? (Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Mapapahintulutan lamang ang pag-aasawa nang higit sa isa sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood na ibinigay sa Pangulo ng Simbahan.)
Ipaliwanag na sa mga unang araw ng dispensasyong ito, bilang bahagi ng panunumbalik ng lahat ng bagay, iniutos ng Panginoon sa ilang naunang mga Banal na mag-asawa nang higit sa isa sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood na hawak ni Propetang Joseph Smith at ng mga sumunod na Pangulo ng Simbahan—Brigham Young, John Taylor, at Wilford Woodruff. Noong 1890, si Pangulong Woodruff, na nanunungkulang taglay ang mga susi ring iyon ng priesthood, ay tumanggap ng paghahayag na itigil ang pag-aasawa nang higit sa isa (tingnan sa Opisyal na Pahayag 1).
Doktrina at mga Tipan 132:49–66
Pinayuhan ng Panginoon sina Joseph at Emma Smith hinggil sa pag-aasawa nang higit sa isa
Ipaliwanag na nag-atubili si Propetang Joseph Smith na pasimulan ang pag-aasawa nang higit sa isa. Sinabi niya na hindi niya ito sinimulang gawin hanggang sa balaan siya na siya ay wawasakin kung hindi siya susunod (tingnan sa “Plural Marriage,” Historical Record, Mayo 1887, 222). Dahil kulang ang mga makasaysayang dokumento, hindi natin alam ang tungkol sa mga unang pagtatangka ni Joseph Smith na sundin ang utos. Gayunman, noong 1841 sinimulang sundin ng Propeta ang utos at itinuro ito sa ilang miyembro ng Simbahan, at sa sumunod na tatlong taon nagkaroon pa siya ng karagdagang mga asawa ayon sa utos ng Panginoon. Ang pagsunod ni Propetang Joseph Smith sa utos ng Panginoon na mag-asawa nang higit sa isa ay pagsubok sa pananampalataya nila ng kanyang asawang si Emma, na pinakamamahal niya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:49–50. Sabihin sa klase na alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kay Joseph Smith.
-
Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon kay Joseph Smith?
-
Ayon sa talata 50, bakit ipinangako ng Panginoon ang mga pagpapalang ito kay Joseph Smith?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:52. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang payong ibinigay ng Panginoon kay Emma Smith.
-
Ayon sa talata 52, ano ang ipinayo kay Emma na tanggapin? (“Lahat ng yaong ibinigay sa aking tagapaglingkod na si Joseph” ay tumutukoy sa mga yaong ibinuklod kay Joseph Smith.)
Ipaliwanag na bukod pa sa pag-uutos kay Emma na tanggapin ang mga taong nabuklod sa kanyang asawa, iniutos sa kanya ng Panginoon na sumunod sa Kanyang batas at patawarin si Joseph sa kanyang mga pagkakasala. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 132:56 para malaman kung ano ang ipinangako ng Panginoon kay Emma Smith.
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon kay Emma kung susundin niya ang Kanyang mga utos?
Ipaliwanag na noong 1841, sinimulang ituro ni Joseph Smith sa iba pang matatapat na kalalakihan at kababaihan ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa. Nahirapan din sila noong una na maunawaan at tanggapin ang alituntuning ito. Halimbawa, nang unang nalaman ni Brigham Young ang utos tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa, sinabi niya na gugustuhin pa niyang mamatay kaysa magkaroon ng maraming asawa (tingnan sa Susa Young Gates and Leah D. Widtsoe, The Life Story of Brigham Young [1930], 321). Bagama’t ang mga tapat na miyembrong ito ng Simbahan ay atubili at balisa sa utos na ito noong una, nakatanggap sila ng kani-kanyang pagpapatibay sa pamamagitan ng Espiritu Santo at tinanggap ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa. Si Vilate Kimball, unang asawa ni Elder Heber C. Kimball, ay tinanggap nang lubos ang doktrina ng pag-aasawa nang higit sa isa at ‘hindi nag-alinlangan na ang utos na mag-asawa nang higit sa isa ay mula sa Diyos, sapagkat inihayag ito ng Panginoon sa kanya bilang sagot sa panalangin” (Helen Mar Kimball, sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball [1967], 325; tingnan din sa mga pahina 326–28).
Ang pag-aasawa nang higit sa isa ay nagdulot ng mga karagdagang hamon. Dahil hindi pa ipinaalam noong una ang gawaing ito, kumalat ang usap-usapan na nagdaragdag ng mga asawa ang mga lider ng Simbahan. Binaluktot ng mga usap-usapang ito ang katotohanan, siniraan ang pangalan ng Propeta at ng iba pang mga lider ng Simbahan, at nagpalubha sa pag-uusig laban sa mga Banal.
Basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 132:63, simula sa pariralang “sapagkat sila ay ibinigay sa kanya.” Bago ka magbasa, ipaliwanag na ang talatang ito ay tumutulong sa atin na maunawaan ang isang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith at sa iba pa na mag-asawa nang higit sa isa. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang partikular na layuning iyon.
-
Anong kautusan ang tinukoy ng Panginoon sa talata 63? (Ang kautusan na magpakarami at kalatan ang lupa.) Ano ang ibig sabihin ng magpakarami at kalatan ang lupa? (Magkaroon ng mga anak.)
Ituro ang sumusunod na parirala sa talata 63: “sapagkat dito ang gawain ng aking Ama ay nagpatuloy.”
-
Paano naging bahagi ng pagpapatuloy ng gawain ng Ama sa Langit ang pagkakaroon ng mga anak ng mga magulang?
Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kapag isinilang ang isang [anak] sa isang mag-asawa, tinutupad nila ang bahagi ng plano ng ating Ama sa Langit na magdala ng mga [anak] sa lupa. Sabi ng Panginoon, ‘Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao’ [Moises 1:39]. Bago maging imortal, kailangan munang maging mortal. (“Mga Anak,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 28).
-
Batay sa natutuhan ninyo sa Doktrina at mga Tipan 63, ano ang isang dahilan kung bakit may mga pagkakataon na pinasisimulan ng Panginoon ang pag-aasawa nang higit sa isa? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: May mga pagkakataon na pinasisimulan ng Panginoon ang pag-aasawa nang higit sa isa upang bigyan ng mga karagdagang oportunidad ang Kanyang mga tao na magpalaki ng mga matwid na anak para sa Kanya. Maaari mong ipabasa muli ang Jacob 2:30.)
Patingnan ang tanong na isinulat mo sa pisara sa simula ng lesson: Bakit iniutos ng Panginoon sa mabubuting kalalakihan at kababaihan na sundin ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa sa ilang partikular na panahon? Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibuod para sa klase ang natutuhan nila mula sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 132 at Jacob 2:27, 30 na nakatutulong sa kanila na sagutin ang tanong na ito.
Tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa kanyang pagtanggap at pagsunod sa paghahayag mula sa Diyos.