Seminary
Lesson 62: Doktrina at mga Tipan 57


Lesson 62

Doktrina at mga Tipan 57

Pambungad

Noong Hunyo 1831, iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith at sa iba pang mga elder na magdaos ng isang pagpupulong ng Simbahan sa Missouri (tingnan sa D at T 52:2). Sumunod sa iniutos, si Joseph Smith at ang iba pa ay naglakbay humigit-kumulang 900 milya mula sa Ohio papunta sa Missouri. Matapos dumating ang Propeta sa Missouri, natanggap niya ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 57. Sa bahaging ito inihayag ng Panginoon ang lokasyon ng lunsod ng Sion bilang pagtupad sa Kanyang ipinangako noon sa mga Banal (tingnan sa D at T 52). Tinagubilinan din ng Panginoon ang ilang tao hinggil sa kanilang mga tungkulin sa pagtatayo ng Sion.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 57:1–6

Inihayag ng Panginoon ang lokasyon ng lunsod ng Sion

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na may kinasabikan silang isang bagay, tulad ng pagdiriwang sa pista opisyal o kaarawan, pagmimisyon, pagpunta sa templo, pagtanggap ng regalo, o pagbisita sa isang mahal sa buhay. Itanong sa mga estudyante kung ano ang nadama nila nang dumating na ang kaganapang kinasasabikan nila.

  • Bakit napakahalaga ng kaganapang ito sa inyo?

  • Paano nakita sa ginawa ninyo ang inyong kasabikan sa kaganapang ito?

Ipaalala sa mga estudyante na sa pamamagitan ng mga paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, nalaman ng mga Banal na itatayo ang Sion sa isang lugar sa Missouri (tingnan sa D at T 52:2, 5, 42). Ipaliwanag na matapos tawagin ng Panginoon ang ilan sa mga Banal noon na maglakbay mula sa Ohio patungo sa Missouri, maraming miyembro ng Simbahan ang nasabik na malaman ang eksaktong lokasyon ng lunsod ng Sion.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kasigasigan ng mga Banal sa pagtatayo ng Sion, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento tungkol kay Sister Polly Knight. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano nakita sa ginawa ni Sister Knight ang kanyang pag-asam na maitayo ang Sion.

“Si Sister Knight, ina ni Newel at miyembro ng Colesville branch, ay hindi inalintana ang sariling buhay makarating lamang sa Sion. Mahina na ang katawan ni Polly, ngunit napakatindi ng hangarin niya na makita ang lupang pangako kaya tumanggi siyang magpaiwan sa Ohio. … Isinulat ng kanyang anak, ‘Ang gusto niya lang o pinakanais niya ay maitapak ang kanyang mga paa sa lupain ng Sion, at mailibing ang kanyang katawan sa lupaing iyon.’ … Kalaunan ay sinabi niya na ‘ipinagkaloob ng Panginoon ang hangarin ng kanyang puso, at nakarating at nakatapak sa lupaing iyon’ [Scraps of Biography: Tenth Book of the Faith-Promoting Series (1883), 70; tingnan din sa History of the Church, 1:199]. Pumanaw si Polly makaraan ang isang linggo matapos makarating sa lupain ng Sion at siya ang unang Banal sa mga Huling Araw na inilibing sa Missouri” (Church History in the Fulness of Times, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 105).

Ipaalala sa mga estudyante na tatlong pangkat ang tinawag na maglakbay nang halos 900 milya patungo sa Missouri: ang Propeta at isang maliit na pangkat ng mga elder (tingnan sa D at T 52, 53); isang pangkat ng mga missionary na tinawag na mangaral habang naglalakbay (tingnan sa D at T 52); at ang mga Banal mula sa Colesville sa pamumuno ni Newel Knight (tingnan sa D at T 54).

Ipaliwanag na pagdating sa Missouri, nagtanong ang Propeta sa Panginoon para alamin pa kung saan itatayo ang lunsod ng Sion at kailan ito itatayo. Ang tugon ng Panginoon ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 57. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 57:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang lugar na sinabi ng Panginoon na pagtatayuan ng lunsod ng Sion.

  • Saan itatayo ang lunsod ng Sion? (Independence, Jackson County, Missouri.)

  • Saan itatayo ang templo sa lupain ng Sion? (Sa Independence, Missouri, ang tampok na lugar o sentro ng Sion.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 57:3 at alamin ang sinabi ng Panginoon na dapat itayo sa Independence, Missouri, ang tampok na lugar o sentro ng Sion.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na dapat itayo sa Independence, Missouri, o sa tampok na lugar o sentro ng Sion? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang templo ay nasa tampok na lugar o sentro ng Sion.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 57:4–6 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon sa mga Banal na bumili ng lupain sa Jackson County, Missouri at sa lugar sa paligid nito, na makatutulong sa kanila na maitatag ang Sion at maitayo ang templo.

Doktrina at mga Tipan 57:7–16

Tinagubilinan ng Panginoon ang ilang tao hinggil sa kanilang mga tungkulin sa pagtatayo ng Sion

Sabihin sa dalawang estudyante na isadula ang sumusunod na sitwasyon sa harapan ng klase (maaaring kausapin mo na ang dalawang estudyante bago magsimula ang klase at bigyan sila ng oras na makapaghanda):

Tatanungin ng isang estudyante ang isa pang estudyante kung bakit hindi siya nagpupunta sa mga miting o aktibidad ng Simbahan nitong nakalipas na mga araw. Sasagutin naman ng tinanong na estudyante na hindi niya nararamdamang kailangan siya. Ang estudyante ay hindi lider sa korum o klase ng mga kabataan at hindi nadaramang makagagawa siya ng kaibhan sa iba pa sa grupo.

Pagkatapos masabi ng pangalawang estudyante ang mga alalahaning ito, sabihin sa klase kung ano ang isasagot nila para matulungan ang estudyanteng ito. Pagkatapos nilang maibahagi ang mga ideya nila, sabihin sa kanila na maghanap ng isang alituntunin na makatutulong sa binatilyo o dalagitang ito habang pinag-aaralan nila ang natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 57.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: D at T 57:7; D at T 57:8–10; D at T 57:11–12; D at T 57:13.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at mag-assign sa bawat magkapartner ng isa sa mga reference na nakalista sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang scripture passage na naka-assign sa kanila at hanapin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito.

  • Sino ang inatasan ng Panginoon na tumulong sa pagtatayo ng Sion?

  • Ano ang ipinagawa sa taong ito?

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot. Ipaliwanag na bawat tao na pinayuhang manirahan sa Missouri ay may mga kaloob at talento na kailangan para maitayo ang Sion.

  • Ano ang itinuro sa atin ng payo ng Panginoon tungkol sa paraan ng pagtatayo Niya ng Kanyang kaharian? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang maipahayag ang sumusunod na alituntunin: Dapat nating gamitin ang mga talento ng bawat isa sa atin sa pagtulong sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon kapag inatasan Niya tayong gawin ito. Isulat sa pisara ang alituntuning ito. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan malapit sa mga talata 8–13.)

  • Paano makatutulong sa binatilyo o dalagita sa dula-dulaan ang pag-unawa sa katotohanang ito?

Upang matulungan ang mga estudyante na lalo pang maunawaan ang katotohanang ito at kung paano ito nauugnay sa kanila, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na sagutin ito sa kanilang notebook o scripture study journal:

Ano ang inyong mga talento?

Paano magiging pagpapala sa inyong pamilya at sa Simbahan ang inyong mga talento?

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga sagot nila.

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mga tao na kilala nila na nagtayo ng Simbahan sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang sariling mga kakayahan o talento, espirituwal na kaloob, o kasanayan na taglay nila. Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo na bawat isa sa iyong mga estudyante ay may mahalagang gagampanan sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon. Hikayatin silang gamitin ang kanilang sariling talento para mapagpala ang kanilang pamilya at ang Simbahan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 57:3. “Ang dako para sa templo”

Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball ang isang bagay na magagawa natin para manatiling nakatuon sa templo at matulungan ang ating mga anak na tumuon dito habang sila ay bata pa:

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

“Makabubuti kung … ang mga magulang ay maglalagay sa bawat silid ng kanilang bahay ng larawan ng templo upang ang kanilang anak na lalaki o babae, sa pagiging sanggol pa lamang niya, ay matitingnan ang larawan araw-araw hanggang sa maging bahagi na ito ng kanyang buhay. Kapag nasa edad na siya at kailangan niyang gumawa ng napakahalagang desisyon [hinggil sa pagpapakasal sa templo], ay nagawa na ang desisyong ito noon pa man” (The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball [1982], 301).

Inihayag ni Pangulong Howard W. Hunter ang kahalagahan ng templo para sa mga miyembro ng Simbahan:

Larawan
Pangulong Howard W. Hunter

“Maging mga tao tayong mapagdalo at mapagmahal sa templo. … Gawin nating pangunahing mithiin sa mundo at pinakadakilang karanasan natin sa buhay ang templo, kasama ang pagsamba at pakikipagtipan at pagpapakasal sa templo” (“A Temple-Motivated People,” Ensign, Peb. 1995, 5).

Print