Lesson 95
Doktrina at mga Tipan 89
Pambungad
Noong Pebrero 27, 1833, nagtanong si Joseph Smith hinggil sa pagtatabako ng mga maytaglay ng priesthood sa kanilang mga pagpupulong. Bilang tugon, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 89, kilala bilang Salita ng Karunungan o Word of Wisdom. Dito, nagbabala ang Panginoon sa paggamit ng mga nakapipinsalang sangkap at hinikayat ang pagkain ng masusustansyang pagkain. Ipinangako rin ng Panginoon na yaong mga sumusunod sa Word of Wisdom ay pagpapalain kapwa sa pisikal at espirituwal.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 89:1–3
Ipinaalam ng Panginoon ang paghahayag na kilala bilang Word of Wisdom
Isulat ang Ang Word of Wisdom sa itaas na bahagi ng pisara, at itanong ang mga sumusunod:
-
Naipaliwanag na ba ninyo sa isang tao kung bakit hindi kayo umiinom ng alak, tsaa, o kape o naninigarilyo? Ano ang sinabi ninyo? Ano ang tugon ng taong kausap ninyo? (Kung gusto mo, maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito bago magklase. Sa simula ng klase, pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na sagutin ang mga tanong na ito. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na ibahagi sa klase ang ilan sa mga karanasan nila.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 89. Sabihin sa klase na tukuyin ang mga kalagayan na humantong sa pagtanggap ni Joseph Smith ng paghahayag na ito. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 89:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salita at parirala na naglalarawan sa mga layunin ng Panginoon sa pagbibigay ng paghahayag na ito.
-
Ayon sa talata 2–3, bakit ibinigay ang paghahayag na ito? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang “temporal na kaligtasan” ay nauugnay sa ating pisikal na kapakanan at sa epekto nito sa kapakanan ng ating espirtu.)
Ipaliwanag na sa una ay hindi ibinigay ng Panginoon ang Salita ng Karunungan o Word of Wisdon sa mga Banal bilang kautusan (tingnan sa D at T 89:2). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph F. Smith:
“Kung [ang Word of Wisdom] ay ibinigay bilang kautusan, madadala sana sa kahatulan ang lahat ng tao na lulong sa paggamit ng mga nakapipinsalang sangkap na ito; kaya mahabagin ang Panginoon at binigyan sila ng pagkakataong maiwaksi ito, bago Niya ibinigay sa kanila ang batas” (sa Conference Report, Okt. 1913, 14).
Ipaliwanag na dahil dito dapat maging maingat tayo na hindi husgahan ang ilan sa mga unang lider at mga miyembro ng Simbahan na, bagama’t naihayag na ang Word Wisdom, ay gumamit ng mga sangkap na ipinagbabawal ngayon. Sa buong naunang kasaysayan ng Simbahan, hinikayat ng mga lider ang mga Banal na lubos na ipamuhay ang Word of Wisdom. Sa pangkalahatang kumperensya noong taglagas ng 1851, iminungkahi ni Brigham Young na pormal na makipagtipan ang lahat ng Banal na huwag uminom ng tsaa, kape, whiskey o alak, at huwag magtabako. Noong Oktubre 13, 1882, ipinahayag ng Panginoon kay Pangulong John Taylor na ang Word of Wisdom ay ituturing nang isang kautusan. Noong 1919 ang Unang Panguluhan, sa pamumuno ni Pangulong Heber J. Grant, ay isinama ang pagsunod sa Word of Wisdom sa mga kailangan para makatanggap ng temple recommend. Hanggang sa panahong ito, nananatling mahalagang kautusan ang Word of Wisdom, at ang pagsunod natin nito ay kinakailangan para sa binyag, pagpasok sa templo, pagmimisyon, at iba pang karapat-dapat na paglilingkod sa Simbahan.
Sa pisara, sa ibaba lang ng Ang Word of Wisdom, isulat ang pariralang Isang Alituntunin na may Lakip na Pangako mula sa talata 3, katulad ng makikita sa ibaba. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pariralang ito sa kanilang banal na kasulatan. Ang pariralang ito ay magsisilbing outline para sa natitirang bahagi ng lesson.
Doktrina at mga Tipan 89:4–9
Binalaan ng Panginoon ang mga Banal na huwag uminom ng alak, tsaa, o kape, at huwag magtabako
Magpakita sa mga estudyante ng isang pamingwit at ilang pamain, o magdrowing ng mga larawan nito sa pisara.
-
Paano nalilinlang ng mangingisda ang isang isda na kagatin ang kawit o hook?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 89:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang babala ng Panginoon hinggil sa kung sino ang manlilinlang sa mga Banal sa mga huling araw.
-
Ano ang babala ng Panginoon sa mga Banal sa talatang ito?
Isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara sa ilalim ng salitang Alituntunin: Dahil sa masasamang pakana sa mga huling araw, binalaan tayo ng Panginoon na huwag gumamit ng mga nakapipinsalang sangkap. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 89:5–9 at alamin ang mga sangkap na ibinabala ng Panginoon sa mga Banal na huwag ipasok sa kanilang katawan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.
-
Anong mga sangkap ang ibinabala ng Panginoon sa mga Banal na huwag ipasok sa kanilang mga katawan? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ipinahayag ng mga lider ng Simbahan na ang katagang “maiinit na inumin” ay tumutukoy sa tsaa at kape.) Sa paanong paraan nakapipinsala ang mga sangkap na ito?
Ipaliwanag na ang alak at tabako ay may mga angkop at hindi angkop na paggamit (tingnan sa D at T 89:7–8). Sa panahon ngayon may iba pang mga sangkap na maaaring hindi gamitin nang tama at magbunga ng kapinsalaan at adiksyon. Ang mga lider ng Simbahan ay nagbabala laban sa paggamit ng anumang inumin, gamot, kemikal, o mapanganib na gawain na nagdudulot ng “kakaibang kasiyahan” o ng iba pang artipisyal na epekto na makapipinsala sa ating katawan o isipan. Kabilang sa mga ito ang marijuana, bawal na gamot, mga gamot na inireseta o nabibili nang walang reseta na inaabuso ang paggamit, at mga kemikal na ginagamit sa bahay. (Tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 26.)
-
Bakit maaaring subukan ng ilang tao na kumbinsihin kayong gumamit ng mga sangkap na ipinagbabawal ng Panginoon? (Inaakala ng ilang tao na popular ang gumamit ng mga sangkap na ito. Ang iba ay gustong kumita sa pamamagitan ng pagbebenta sa iba ng mga sangkap na nakalululong.)
-
Paano natutulad ang adiksyon sa kawit o hook na ginagamit ng mangingisda para makahuli ng isda? Paano nakapipinsala ang adiksyon sa ating walang hanggang pag-unlad?
Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi kung paano napagpala ang kanilang buhay o ang buhay ng kanilang mga kaibigan o kapamilya ng babala na huwag gumamit ng mga sangkap na nakalululong at nakapipinsala. Maaari ka ring magbahagi ng iyong sariling karanasan. Hikayatin ang mga estudyante na magpasiya na hindi kailanman gagamit ng mga sangkap na labag sa Word of Wisdom.
Doktrina at mga Tipan 89:10–17
Hinikayat ng Diyos ang paggamit ng mga halamang gamot at pagkain ng mga prutas, karne, at mga butil
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 89:10–17 at alamin ang hinihikayat ng Panginoon na kainin natin. Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang nalaman nila.
-
Anong mga pagkain ang sinabi ng Panginoon na kainin natin na kabilang sa Word of Wisdom?
-
Ayon sa talata 11, ano ang dapat na ugaliin natin kapag kinakain natin ang masusustansyang pagkain na ito? (Dapat nating kainin ang mga pagkaing ito nang may mabuting pagpapasiya at pasasalamat. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “nang may mabuting pagpapasiya” ay nang matalino at maingat. Ang sobra o hindi balanseng pagkain maging ng masusustansyang pagkain ay maaaring hindi makabuti.)
-
Batay sa natutuhan natin sa mga talatang ito, anong alituntunin tungkol sa masusustansyang pagkain ang maidaragdag natin sa pisara? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod sa ilalim ng alituntunin tungkol sa nakapipinsalang sangkap: Dapat nating gamitin ang mga halamang gamot at kainin ang prutas, karne, at mga butil nang matalino at nang may pasasalamat.)
Ipaliwanag na ang isang halimbawa ng paggamit ng mga pagkain nang may mabuting pagpapasiya ay matatagpuan sa tagubiling ibinigay ng Panginoon hinggil sa karne sa mga talata 12–13. Ang salitang paunti-unti ay nagmumungkahi na dapat gamitin ang karne nang katamtaman lamang.
Doktrina at mga Tipan 89:18–21
Ang Panginoon ay nangako ng kalusugan, karunungan, at proteksyon sa mga susunod sa Word of Wisdom
Isulat sa pisara ang sumusunod sa ilalim ng salitang Pangako: Kung susundin natin ang Word of Wisdom at ang iba pang mga kautusan ng Panginoon, pagpapalain tayo ng Panginoon ng …
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 89:18–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga pagpapala na maaaring kumumpleto sa pangungusap sa pisara.
-
Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong susunod sa Word of Wisdom? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante para makumpleto ang pangungusap.)
Maaari mong ipaliwanag na ang pangako ng Panginoon tungkol sa kalusugan sa talata 18 ay hindi nangangahulugang gamot ang Word of Wisdom sa mga pabalik-balik o nakapanghihinang karamdaman. Sa halip, tumutulong ito sa mga tao na magkaroon ng mainam na kalusugan at lakas na kayang matamo ng kanilang katawan.
-
Paano makatutulong ang pagsunod sa Word of Wisdon sa pagtatamo natin ng karunungan at kaalaman?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pagsunod sa Word of Wisdom ay nagtutulot sa atin na makasama ang Espiritu Santo, na naghahayag ng karunungan at kaalaman sa matatapat. Bilang bahagi ng talakayanng ito, maaari mong ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Nalaman ko … na ang pangunahing layunin ng Word of Wisdom ay may kinalaman sa paghahayag. …
“Kung halos ayaw makinig ng isang taong ‘lasing’ sa simpleng salita, paano sila makakatugon sa espirituwal na mga paramdam na aantig sa pinakasensitibo nilang damdamin?
“Singhalaga man ng Word of Wisdom ang batas ng kalusugan, mas mahalaga ito sa inyong espirituwalidad kaysa sa inyong katawan” (“Prayers and Answers,” Ensign, Nob. 1979, 20).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 89:20–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga karagdagang pagpapala na dumarating sa pagsunod sa Word of Wisdom.
-
Anong mga karagdagang pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong sumusunod sa Word of Wisdom?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pariralang “ang mapangwasak na anghel ay lalampasan sila” ipatingin sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 89:21, footnote a. Ipaliwanag na ang pangakong ito na proteksyon mula sa Diyos ay maaaring tumukoy sa kaligtasang pisikal gayon din sa espirituwal. Kumpletuhin ang pangungusap sa pisara upang maipahayag ang sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang Word of Wisdom at ang iba pang mga kautusan ng Panginoon, pagpapalain tayo ng Panginoon ng kalusugan, karunungan, lakas, at proteksyon.
-
Kailan ninyo nakitang natupad ang pangako sa mga talata 18–21 sa inyong buhay o sa buhay ng isang taong kilala ninyo?
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi (sa klase o sa kapartner) ang natutuhan o nadama nila tungkol sa Word of Wisdom sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 89 ngayon. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang mga alituntunin at pangako na nakasulat sa pisara at magtakda ng mithiin na ipamuhay ang Word of Wisdom nang mas tapat. Patotohanan ang mga pagpapalang darating sa kanila kapag ipinamuhay nila ang batas na ito.