Seminaries and Institutes
Lesson 130: Ang Pagtatatag ng Nauvoo


Lesson 130

Ang Pagtatatag ng Nauvoo

Pambungad

Matapos mapaalis ang mga Banal mula sa Missouri, nagawa nila na maging isang lunsod ng Nauvoo, isang lugar ng kagandahan, ang dating latian sa gilid ng Ilog ng Mississippi. Ang Nauvoo, Illinois, ang naging headquarters ng Simbahan mula 1839 hanggang 1846. Ang Relief Society ay binuo roon, at mula sa Nauvoo headquarters ang gawaing misyonero ay lumaganap pa sa buong mundo.

handout iconPaalala: Ang lesson na ito ay nagbibigay ng pagkakataon sa dalawang estudyante na magturo. Pumili ng dalawang estudyante ilang araw bago ang lesson na ito, at bigyan sila ng mga kopya ng mga bahaging ituturo nila para may panahon silang makapaghanda.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Itinatag ng mga Banal ang lunsod ng Nauvoo

mapa, Missouri at Illinois

Ipaalala sa mga estudyante na pinaalis ang mga Banal sa Missouri noong taglamig ng 1838–39 habang nakakulong si Joseph Smith sa Liberty Jail.

  • Sa inyong palagay, ano kaya ang naramdaman ng mga Banal nang paalisin sila mula sa Missouri? (Maaaring kasama sa sagot na hindi alam ng mga Banal kung saan sila dapat pumunta.)

Ipaliwanag na kasunod ng pagpapaalis sa mga Banal sa Missouri, nakahanap sila ng kanlungan sa Quincy, Illinois, at iba pang maliliit na komunidad. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Quincy sa Mapa 6 (“Ang Pakanlurang Pagkilos ng Simbahan”) sa Mga Mapa at Talatuntunan ng mga Pangalan ng Lugar sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Noong Abril 15, 1839, si Joseph Smith at ang mga kasama niyang bilanggo ay sinabihang ililipat sa ibang lugar. Habang papunta sa kanilang bagong lokasyon, hinayaan silang makatakas ng kanilang mga bantay na inaming hindi na makatarungang ikulong pa sila nang mas matagal. Makaraan ang halos isang linggo, nakasamang muli ni Joseph Smith ang kanyang pamilya sa Quincy. Sa ilalim ng pamamahala ni Joseph Smith, bumili ang Simbahan ng lupain sa magkabilang bahagi ng Ilog ng Mississippi sa hilaga ng Quincy. Ang kanlurang bahagi ng ilog ay bahagi ng Teritoryo ng Iowa, at ang silangang bahagi ay sakop ng estado ng Illinois. Itinatag ng mga Banal ang bagong headquarters ng Simbahan sa bandang Illinois sa lugar na tinatawag na Commerce, na kanilang pinangalanang Nauvoo.

Papuntahin ang unang student teacher sa harapan ng klase at maikling turuan ang klase tungkol sa pagtatatag ng Nauvoo.

Student Teacher 1: Binago ng mga Banal ang Commerce, Illinois, at ginawang Nauvoo—isang magandang lugar

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang ilang sitwasyon sa buhay ninyo ngayon na mahirap o hindi kanais-nais? Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan ang tanong na ito.

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang ilang ideya kung paano nila haharapin ang mga hindi kanais-nais na kalagayan sa buhay nila habang pinag-aaralan nila ang tungkol sa mga Banal na nagtatag ng Nauvoo.

Ipaliwanag na pinalitan ng mga miyembro ng Simbahan ang pangalan ng maliit na pamayanan na tinatawag na Commerce at tinawag itong Nauvoo, salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay maganda.

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod diskripsyon ng lugar nang unang datnan ito ng mga Banal noong 1839. Sabihin sa klase na makinig at pag-isipan kung ano kaya ang masasabi nila sa lugar.

Nang dumating ang mga Banal sa lugar na tatawagin nilang Nauvoo, halos lahat ng dako ng lupain ay pinamumugaran ng mga lamok. Ang mga lamok ay may dalang sakit na tinatawag na malaria, na nagdudulot ng matinding lagnat at pangangatog na maaaring maging sanhi ng pagkamatay. Marami sa mga Banal ang dinapuan nito at nagkasakit. Ilan sa kanila ay malala ang karamdaman kung kaya’t gumagapang na lamang sila sa kagustuhang tulungan ang isa’t isa. Ang ilan sa kanila ay namatay. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 217–18.)

  • Masasabi ba ninyo na magandang lugar ito? Sa palagay ninyo, bakit piniling tawagin ni Propetang Joseph Smith na magandang lugar ang latiang ito?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na mga talata na nagpapaliwanag kung paano nila hinarap ang mga hamon sa kanilang magiging bagong tahanan.

Dinapuan din si Joseph Smith ng malarya, ngunit pagkaraan ng ilang araw na pagkakaratay sa sakit, bumangon siya noong Hulyo 22, 1839, at napuspos ng Espiritu ng Diyos. Binasbasan niya ang marami sa mga maysakit malapit sa kanyang tahanan. Sa isang pagkakataon, nilapitan ni Joseph ang tolda ng isang miyembro ng Simbahan na nagngangalang Henry G. Sherwood, na malapit nang mamatay. Nang iutos sa kanya ng Propeta na bumangon at lumabas ng tolda, sumunod si Brother Sherwood at gumaling.

Tinawid ni Joseph ang ilog sa bahagi ng Iowa at patuloy na nagbasbas ng mga maysakit. Habang naghahanda si Joseph sa pagbalik sa bahagi ng Illinois, isang lalaki na hindi miyembro ng Simbahan ang nagtanong sa Propeta kung maaari ba niyang puntahan at basbasan ang kanyang kambal na mga anak na mga dalawang milya ang layo. “Sinabi ni Joseph na hindi siya makakapunta, subalit binigyan niya si Wilford Woodruff ng pulang sedang panyo at sinabi sa kanya na basbasan sila, na nangangako na kapag ipinahid niya ito sa kanilang mga mukha ay gagaling sila” (Church History in the Fulness of Times, 219). Sinunod ni Wilford ang tagubiling ito, at gumaling ang mga bata. Tinawag ni Wilford ang araw na iyon na “araw ng kapangyarihan ng Diyos” (Wilford Woodruff Journals, Hulyo 22, 1839, sinipi sa Church History in the Fulness of Times, 218).

Sa kabila ng pananampalataya at kapangyarihan ng araw na iyon, patuloy pa rin ang pagkakasakit ng mga Banal sa sumunod na ilang buwan. Gayunpaman, patuloy nilang pinagmalasakitan ang isa’t isa at sinimulang itayo ang kanilang bagong tahanan. Naghukay sila ng kanal para pag-agusan ng tubig mula sa mga latian papuntang ilog, upang mas mapakinabangan ang lupain at mabawasan ang problema sa lamok. Kalaunan ay nagtayo sila ng maraming bahay at iba pang mga gusali, kabilang na ang Nauvoo Temple, na itinuturing ng ilan na isa sa mga pinakamagandang gusali sa bayan.

  • Paano nakatulong sa inyo na magkaroon ng mas malakas na pananampalataya sa Panginoon ang “araw ng kapangyarihan ng Diyos” noong Hulyo 22, 1839?

  • Paano nagawa ng mga Banal na gawing magandang lugar ang Nauvoo?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa kanilang halimbawa?

Matapos talakayin ng mga estudyante ang kasipagang ipinakita ng mga Banal sa pagtatatag ng Nauvoo, itanong ang sumusunod:

  • Ano ang maaaring mangyari kapag hinahangad nating mapabuti ang mga kalagayan sa ating paligid?

Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag hinahangad nating mapabuti ang mga kalagayan sa ating paligid, pinapabuti rin natin ang ating sarili. Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan na naglalarawan ng alituntuning ito. Maaari ka ring magbahagi ng karanasan at magpatotoo tungkol sa alituntuning ito. Sabihin sa klase na maghanap ng mga oportunidad ngayon na mapabuti ang mga kalagayan sa paligid nila.

Student Teacher 2: Ang Relief Society ay itinatag

Paalala: Bago magklase, itanong sa isang miyembro ng Relief Society (tulad ng isang kapamilya o kaibigan) kung ano ang ilang paraan na nabigyan siya ng Relief Society ng oportunidad na makibahagi sa gawain ng Panginoon at napagpala nito ang kanyang buhay. Maaari mong isulat ang nalaman mula sa kanya.

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga kababaihan sa mga banal na kasulatan na hinahangaan nila. Sabihin sa kanila na magkuwento sa kapartner nila ng tungkol sa babaeng ito at bakit nila ito hinahangaan. Matapos na makapag-usap ang bawat magkapartner, ipaliwanag na malaki ang naitulong ng kababaihan sa Nauvoo sa pagsulong sa gawain ng Panginoon.

Ipaliwanag na noong 1842 ilang kababaihan sa Nauvoo ang nagtipon upang talakayin ang mga paraan na makatutulong sila sa pagtatayo ng Nauvoo Temple. Sila ay bumuo ng isang samahan at sumulat ng isang konstitusyon at mga tuntunin para pamahalaan ang kanilang gawain. Inilahad nila ang kanilang konstitusyon at tuntunin kay Propetang Joseph Smith, na nagsabi na ang mga ito ay “pinakamainam sa lahat ng nakita na niya.” Ngunit sinabi niya na ang Panginoon ay “may inilalaang mas mainam para sa kanila kaysa sa nakasulat na konstitusyon.” Inanyayahan niya silang makipagkita sa kanya sa sumunod na linggo, kung kailan kanyang “isasayos ang kababaihan sa ilalim ng priesthood ayon sa pagkakaayos sa priesthood” (Sarah M. Kimball, “Auto-biography,” Woman’s Exponent, Set. 1, 1883, 51; sinipi sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society [2011], 13). Ang organisasyong ito ay ang Relief Society.

Si Emma Smith ang tinawag na maging unang general president ng Relief Society. Itinuro ni Eliza R. Snow, kalihim ng Relief Society sa Nauvoo at kalaunan ay naging pangalawang pangkalahatang pangulo ng Relief Society: “Bagama’t maaaring makabago ang pangalan [na Relief Society], ang institusyon ay mula pa noong unang panahon. Sinabi sa atin [ni Propetang Joseph Smith] na mayroon ding ganitong organisasyon sa simbahan noong unang panahon” (“Female Relief Society,” Deseret News, Abr. 22, 1868, 1; tingnan din sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 8).

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa Relief Society mula sa pahayag ni Eliza R. Snow? (Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang Relief Society ay bahagi ng Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo.)

  • Sa palagay ninyo bakit mahalaga para sa atin na maunawaan ang katotohanang ito?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag tungkol sa mga layunin ng Relief Society:

“Ang Relief Society ay itinatag upang tumulong sa paghahanda sa mga anak na babae ng Diyos sa mga pagpapala ng buhay na walang-hanggan. Ang mga layunin ng Relief Society ay pag-ibayuhin ang pananampalataya at sariling kabutihan, palakasin ang mga pamilya at tahanan, at magbigay ginhawa sa pamamagitan ng paghahanap at pagtulong sa mga nangangailangan” (Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, xi–xii).

Sabihin sa klase ang tungkol sa pag-uusap ninyo ng isang miyembro ng Relief Society, pati na ang saloobin mo tungkol sa iyong nalaman. Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa alituntuning isinulat mo sa pisara.

Ang gawaing misyonero ay lumaganap sa buong mundo

Pasalamatan ang mga estudyanteng nagturo. Para maihanda ang klase sa pag-aaral tungkol sa pag-unlad ng Simbahan sa Nauvoo, itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang ilang bagay na makapapatay ng apoy?

  • Ano ang ilang bagay na makapagpapalaki ng apoy?

  • Ikinumpara ni Joseph Smith ang gawain ng Diyos sa apoy. Sa palagay ba ninyo ang mga pag-uusig na naranasan ng mga Banal sa Missouri ay parang tubig na nag-apula sa gawain ng Diyos o parang pampaningas na nagpalaki rito? Bakit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag na isinulat ni Propetang Joseph Smith sa isang liham para sa patnugot ng isang pahayagan na nagngangalang John Wentworth noong Marso 1, 1842:

Propetang Joseph Smith

“Hindi nakahadlang ang pag-uusig sa pagsulong ng katotohanan, bagkus ay nakadagdag lamang sa pagningas ng apoy. …

“… Ang Pamantayan ng Katotohanan ay naitayo na; walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit, ang mga mandurumog ay maaaring magkaisa, ang mga hukbo ay maaaring magkatipon, ang kasinungalingan ay maaaring manira, subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat bansa, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat lugar, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na” (sa History of the Church, 4:540).

  • Ano ang nalaman natin mula sa pahayag na ito? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba-ibang katotohanan, ngunit bigyang-diin ang sumusunod: Walang makapipigil sa pagsulong ng gawain ng Diyos sa iba’t ibang dako ng mundo. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Ipaliwanag na noong itala ni Joseph Smith ang propesiyang ito, nagsimulang tumawag ang Panginoon ng mga missionary na magtuturo ng ebanghelyo sa iba’t ibang bansa. Dahil dito, libu-libong tao—karamihan mula sa Great Britain—ang nabinyagan. Ang mga bagong miyembro ay nagpalakas sa Simbahan, at marami ang naglakbay upang makasama ang mga Banal sa Nauvoo.

handout iconPara mailarawan ang katotohanan sa pisara, tumawag ng apat na boluntaryo na sasali sa isang dula-dulaan tungkol sa karanasan ni Wilford Woodruff habang nangangaral ng ebanghelyo sa Herefordshire, England, noong 1840. Bigyan ang mga boluntaryo ng mga sumusunod na papel na gagampanan: Wilford Woodruff, Pari, Constable, Tagapagsalaysay. Bigyan ang bawat boluntaryo ng isang kopya ng sumusunod na script na gagamitin sa dula-dulaan:

Wilford Woodruff (kinakausap ang sarili):Hay, salamat. Iyan ang pangalawang sermon na ipinangaral ko ngayon. Pagkatapos ng pulong ngayong gabi palagay ko ay halos isang libong tao ang nakarinig ng mensahe ng Panginoon ngayon.

Pari (nakatayo sa kabilang panig ng silid, kausap ang Constable):Mamang Constable, dapat patigilin ang Mormon na mangangaral na iyan. Labinlimang tao lang ang dumalo sa misa ko ngayon. Labinlima! Palagay ko nahikayat na niya ang iba sa isa sa mga sermon niya. Hindi ako papayag na patuloy na kumonti ang dumadalo sa misa ko habang dumarami ang nakikinig sa Mormon na ito. Gusto kong arestuhin mo siya at patigilin sa gawain niya.

Constable:Gagawin ko kung ano ang magagawa ko.

Tagapagsalaysay:Nang tumayo si Elder Woodruff para magsalita sa pulong ng gabing iyon, pumasok ang constable.

Constable (kausap na ngayon si Wilford Woodruff):Ipagpaumanhin ninyo, sir. Isa akong constable at ipinadala ako ng pari ng parokya ng bayan na may dalang pahintulot na arestuhin ka.

Wilford Woodruff:Sa anong krimen?

Constable:Sa pangangaral sa mga tao.

Wilford Woodruff:Tinitiyak ko sa iyo na may lisensya ako na mangaral ng ebanghelyo sa mga tao tulad din ng paring iyan. Kung maaari sana ay umupo ka muna at pag-usapan natin ito nang mas maigi matapos ang pulong dahil dapat na akong magsimula ngayon. … (magkunwaring nagsasalita sa klase)

Tagapagsalaysay:Kinuha ng constable ang silyang inuupuan ni Elder Woodruff at umupo sa tabi ni Elder Woodruff habang nangangaral ito ng ebanghelyo nang mahigit isang oras. Sabi ni Wilford Woodruff tungkol sa karanasang ito:

Wilford Woodruff:Ang kapangyarihan ng Diyos ay nanahan sa akin, napuspos ng Espiritu ang silid, at nahikayat ang mga tao.

Tagapagsalaysay:Pagkatapos ng pulong, inanyayahan ni Elder Woodruff na magpabinyag ang mga tao.

Wilford Woodruff:Inaanyayahan ko ang lahat ng nagnanais na mapatawad ang kanilang mga kasalanan at nais na sumapi sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon na magpabinyag sa araw na ito.

Constable (tumayo at nakipag-usap kay Wilford Woodruff):Ginoong Woodruff, gusto kong magpabinyag.

Tagapagsalaysay:Nabinyagan ang constable nang araw na iyon, kasama ang apat na mangangaral at dalawa pang tao. Bumalik ang constable sa pari at ipinaliwanag ang sitwasyon.

Constable (kausap ang pari):Kung gusto mong arestuhin si Ginoong Woodruff, ikaw ang dapat gumawa niyon, dahil narinig kong itinuro niya ang tanging totoong mensahe ng ebanghelyo na napakinggan ko sa buong buhay ko.

Tagapagsalaysay:Pagkatapos ay nagpadala ang pari ng dalawang clerk sa pulong para malaman kung ano ang ipinangangaral ni Elder Woodruff. Sila ay naniwala rin na totoo ang mensahe ni Elder Woodruff at nabinyagan. Hindi na nagpadala ang pari ng sinuman sa isa sa mga sermon ni Elder Woodruff.

(Sinipi mula sa Wilford Woodruff, Leaves from My Journal [1881], 80–81.)

Matapos ang dula-dulaan ng mga boluntaryo, itanong sa klase ang mga sumusunod:

  • Paano inilalarawan ng karanasan ni Elder Woodruff ang alituntunin na walang makapipigil sa pagsulong ng gawain ng Diyos?

  • Paano natutupad ngayon ang propesiya ni Joseph Smith hinggil sa pagsulong ng gawain ng Diyos? Ano ang pakiramdam ninyo tungkol sa pakikibahagi sa gawaing ito?

  • Ano ang magagawa ninyo para makatulong na maipalaganap sa lahat ng tao ang gawain ng Diyos? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na sagutin ang tanong na ito sa kanilang notebook o scripture study journal.)

Ipaliwanag na sa susunod na mga lesson, marami pang matututuhan ang mga estudyante tungkol sa mahalagang pangyayaring naganap at ang mga alituntunin na itinuro habang pinanatili ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang headquarters sa Nauvoo mula 1839 hangggang 1846. Patotohanan ang mga alituntuning tinalakay sa lesson ngayon, at hikayatin ang mga estudyante na isagawa ang natutuhan nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Ang paglisan ng mga Banal mula sa Missouri

“Ang mga sumunod na buwan matapos ang pagsuko sa Far West [Missouri] ay sumubok nang husto sa pamunuan ng Simbahan. Ang lahat ng nasa Unang Panguluhan—sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Hyrum Smith—ay nakakulong. Ang bilang ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nabawasan. Si David W. Patten ay napatay sa Digmaan sa Crooked River, si Parley P. Pratt ay nasa piitan, at ang kanyang kapatid na si Orson ay kasama ng isang grupo ng mga Banal sa St. Louis. Sina Thomas B. Marsh, William Smith, at Orson Hyde ay nanlamig na sa Simbahan at samakatwid ay walang naitutulong. Dahil dito, ang responsibilidad ng pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng Simbahan noong taglamig ng 1838–39 at sa buong paglalakbay mula Missouri hanggang Illinois ay nakaatang halos kina Brigham Young at Heber C. Kimball. Si John Taylor ay tinawag bilang apostol noong Disyembre 1838. Sina Wilford Woodruff at George A. Smith ang nadagdag noong sumunod na Abril; kapawa nakatulong nang malaki ang mga lalaking ito sa kritikal na panahong ito” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System student manual, 2003], 211–12).

Noong Enero 26, 1839, nilikha ni Brigham Young ang Committee on Removal upang pangasiwaan ang paglikas.

“Sa buong taglamig at tagsibol inasikaso ng komiteng ito ang pagkain, kasuotan, at paglipat sa mga maralita. Sa pormal na kasunduan nakipagtipan ang halos apat na raang Banal sa mga Huling Araw na ipamahala sa komite ang lahat ng kanilang ari-arian ‘para matustusan ang paglipat ng mga karapat-dapat na mga maralita at hikahos mula sa estadong ito, hanggang sa wala nang matira ni isa na gustong umalis sa estado’ [sa History of the Church, 3:251]. …

“Sa kalagitnaan ng Pebrero, nagsimula ang malakihang paglipat ng mga Banal. Bumili na ng mga bagon at mga hayop, kahit hindi yaong pinakamataas ang kalidad; ipinuwesto ang mga pantustos na pagkain sa mga daraanan ng mga nagsisipaglipat; at pansamantalang gumanda ang panahon. Gayunman, ang paglisan sa Missouri ay hindi madali para sa mga nagsilikas. Maraming tao ang nagbenta ng mahahalagang ari-arian at lupain sa mababang presyo para makakuha ng pantustos sa pag-alis sa estado” (Church History in the Fulness of Times, 212).

Mga karanasan ni Wilford Woodruff bilang missionary sa England

Habang nagmimisyon sa England, nakatanggap si Wilford Woodruff ng impresyon mula sa Espiritu na umalis sa lugar kung saan siya nangangaral at pumunta sa isa pang bahagi ng England. Napunta si Elder Woodruff sa Herefordshire, kung saan niya natagpuan ang napakaraming tao na handang tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo. “Sa pagsisikap ni Wilford Woodruff at ng iba pa, may isanlibo at walong daang tao ang nagbalik-loob at nabinyagan sa mga bayan ng Hereford, Worcester, at Gloucester. … Sa pagninilay tungkol sa pambihirang pangyayaring ito sa kanyang buhay, isinulat ni Wilford Woodruff, ‘Ipinakita ng buong kasaysayan ng misyong ito sa Herefordshire ang kahalagahan ng pakikinig sa marahan at banayad na tinig ng Diyos, at sa mga paghahayag ng Espiritu Santo. Ipinagdasal ng mga taong ito na bigyan sila ng liwanag at katotohanan, at ipinadala ako ng Panginoon sa kanila’ [sa Matthias F. Cowley, ed., Wilford Woodruff (1979), 120]” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System student manual, 2003], 231).

Mga pangyayari sa Nauvoo at mga karatig-lugar na may kinalaman sa doktrina

Ang Panginoon ay naghayag ng “maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9) habang pinanatili ng mga Banal ang headquarters sa Nauvoo mula 1839 hanggang 1846. Ang panahong ito ng patuloy na paghahayag ay naganap nang pagsikapan ng mga Banal na itayo ang Nauvoo Temple, kung saan ipinangako ng Panginoon na ihahayag ang mga ordenansa at kaalaman na “pinanatiling nakatago bago pa ang pagkakatatag ng daigdig” (D at T 124:41). Sa panahong ito, ipinahayag ng Panginoon ang mga ordenansa ng binyag para sa mga patay, endowment sa templo, at ang pagbubuklod ng kasal. Naghayag din Siya ng karagdagang kaalaman tungkol sa katangian ng Panguluhang Diyos (tingnan sa D at T 130:22). Mula 1842 hanggang 1844, isinulat ni Propetang Joseph Smith ang Mga Saligan ng Pananampalataya at inilathala ang aklat ni Abraham, na nagpapaliwanag sa mahihirap na talata sa ibang mga teksto sa banal na kasulatan at naghahayag ng mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo na dating hindi alam o hindi gaanong nauunawaan. Ipinagkaloob din ng Propeta ang mga susi ng kaharian sa Korum ng Labindalawang Apostol nang sa gayon ay maging handa sila na pamunuan ang Simbahan pagkamatay niya.

Nagsalita si Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa mahalagang pangyayaring naganap na may kaugnayan sa pagtatayo ng Nauvoo Temple:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Ang gusaling ito [ang Nauvoo Temple] ay dapat kapalooban ng mga bagay ng kawalang-hanggan. Ito ay dapat na magpatunay sa lahat ng dapat na tumingin dito na ang mga nagsipagtayo nito ay may malakas na pananampalataya at tiyak na kaalaman na hindi nagwawakas sa libingan ang lahat, kundi ang kaluluwa ay walang kamatayan at patuloy na umuunlad. Noong Marso ng taon na siya ay namatay—1844—binigyang-diin ng Propeta ang doktrinang ito sa isang natatanging talumpati na ibinigay niya sa kakahuyan na nasa ibaba lamang ng pinagtatayuan ng templo. Ang teksto ng mensaheng iyan ay naging isang mahalagang doktrinal na pahayag sa teolohiya ng Simbahan. Ito ay kilala bilang King Follett Sermon” (“Nauvoo’s Holy Temple,” Ensign, Set. 1994, 62).

Sa King Follett sermon, na ibinigay sa burol ng isang lalaking nagngangalang King Follett, ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na nabuhay tayo kasama ng Ama sa Langit bago tayo pumarito sa lupa at ang Diyos ay nagtatag ng mga batas upang tayo ay umunlad:

Propetang Joseph Smith

“Ang Diyos mismo, nang makitang naliligiran siya ng mga espiritu at kaluwalhatian, at dahil Siya ay mas matalino, ay nakita na wastong magtatag ng mga batas na nagbibigay sa iba ng pribilehiyong umunlad na katulad niya. Ang kaugnayan natin sa Diyos ay naglalagay sa atin sa isang sitwasyon na madaragdagan ang ating kaalaman. Siya ay may kapangyarihang bumuo ng mga batas para maturuan ang di gaanong matatalino, upang sila ay mapadakilang kasama niya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 244).

Ipinaliwanag din ni Joseph Smith ang ating potensyal bilang mga anak ng Diyos:

Propetang Joseph Smith

“Narito, samakatwid, ang buhay na walang hanggan—ang makilala ang nag-iisang matalino at tunay na Diyos; at kailangan ninyong matutuhan mismo kung paano maging mga diyos, at maging mga hari at saserdote sa Diyos, … sa pamamagitan ng pag-unlad mula sa isang mababang antas tungo sa mas mataas na antas, at mula sa maliit tungo sa malaking kakayahan; biyaya sa biyaya, kadakilaan sa kadakilaan, hanggang sa abutan ninyo ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, at makapanahan sa mga walang hanggang kaligayahan, at maluklok sa kaluwalhatian, tulad ng mga yaong naluklok na sa walang katapusang kapangyarihan. …

“… [Ang mabubuting nangamatay] ay muling babangon upang manahan sa mga walang katapusang kaligayahan sa kaluwalhatiang walang kamatayan, hindi na muling malulungkot, magdurusa, o mamamatay, kundi sila ay magiging mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Jesucristo. Ano iyon? Ang manahin ang gayunding kapangyarihan, kaluwalhatian, at kadakilaan, hanggang sa makarating kayo sa antas ng pagiging diyos, at maakyat ang trono ng walang hanggang kapangyarihan, katulad ng mga yaong nauna na sa atin” (Mga Turo: Joseph Smith, 257–58).

Ang kasaysayan at gawain ng Relief Society

Upang malaman pa kung paano tumulong ang Relief Society sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa, tingnan sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011).