Lesson 6
Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–20
Pambungad
Noong 1838 sinimulan ni Joseph Smith ang pagsulat ng kanyang opisyal na kasaysayan. Inilarawan niya rito ang kanyang pamilya at ang mga lugar na tinirhan nila. Idinetalye rin niya ang kakaibang kaguluhan tungkol sa relihiyon na nangibabaw sa dakong kanluran ng New York noong 1820. Ang sigasig na ito sa relihiyon ay naging dahilan ng kanyang “matamang pagmumuni-muni at malaking pagkabahala” kung aling simbahan ang sasapian (Joseph Smith—Kasaysayan 1:8). Matapos saliksikin ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Santiago 1:5, nagpasiya si Joseph na manalangin sa Diyos para makatanggap ng mga sagot sa kanyang mga tanong. Bilang sagot sa kanyang panalangin, nagpakita sa kanya ang Diyos Ama at ang Kanyang anak na si Jesucristo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–4
Isinulat ni Joseph Smith ang Kasaysayan ng Simbahan
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na karanasan ng dalawang missionary sa Canada, na ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson (ang natitirang bahagi ng tala ay itutuloy mamaya sa lesson):
“Kumatok ang dalawang [missionary] sa bahay ni Mr. Elmer Pollard. … Ipinarinig nila ang kanilang mensahe at itinanong kung puwede siyang sumali sa pagdarasal. Pumayag siya, sa kundisyong siya ang magdarasal.
“Nagulat ang mga misyonero sa panalanging sinambit niya. Sabi niya, ‘Ama sa Langit, basbasan po ninyo ang dalawang sawimpalad at naliligaw na mga misyonerong ito, para makauwi na sila sa kanilang tahanan at hindi mag-aksaya ng oras sa kasasabi sa mga taga-Canada ng [tungkol sa] isang di kapani-paniwalang mensahe na katiting lang ang alam nila.’
“Pagtindig nila mula sa pagkakaluhod, sinabi ni Mr. Pollard sa mga misyonero na huwag nang babalik sa bahay niya. Paglisan nila, pakutyang sinabi nito sa kanila, ‘Huwag ninyong sabihin sa akin na talagang naniniwala kayo na si Joseph Smith ang propeta ng Diyos!’ at pabagsak niyang isinara ang pinto” (“Si Propetang Joseph Smith: Huwarang Guro,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 69).
-
Kung isa kayo sa mga missionary na iyon, ano kaya ang sasabihin ninyo kay Mr. Pollard?
-
Paano malalaman mismo ng isang tao na propeta ng Diyos si Joseph Smith?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilan na ibinigay ni Joseph Smith kung bakit isinulat niya ang kanyang kasaysayan at ang kasaysayan ng Simbahan.
-
Ayon sa talata 1, ano ang kumakalat sa mga tao noong nagsisimula pa lang ang Simbahan? (Maraming maling usap-usapan na ang intensyon ay udyukan ang mga tao na kalabanin ang Simbahan.)
-
Anong dahilan ang ibinigay ni Joseph sa pagsulat ng kanyang kasaysayan? (Para bigyan ang publiko ng isang mapagkakatiwalaan at tumpak na salaysay tungkol sa mga nangyari sa Unang Pangitain at Panunumbalik.)
Ipaliwanag na hanggang ngayon ay may mga tao at grupo pa rin na patuloy na nagkakalat ng maling impormasyon tungkol sa Simbahan na ang layunin ay magpahina ng pananampalataya.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa dahilan ni Joseph Smith sa pagsulat ng kanyang kasaysayan na makatutulong sa atin na hindi malinlang ng mali o mapanlinlang na impormasyon? (Ang mga taong taos-pusong nagnanais ng katotohanan ay dapat masigasig na sinasaliksik ang mga mapagkakatiwalaang mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa Simbahan at sa kasaysayan nito sa halip na tanggapin lamang ang naririnig nila, kabilang na ang anumang impormasyong nakukuha sa internet tungkol dito.)
-
Bakit mahalagang basahin ng mga “mananaliksik ng katotohanan” tungkol sa Panunumbalik ang salaysay ni Joseph Smith? (Ang pagtitiwala sa salaysay ng Propeta ay makatutulong sa mga tao na hindi malinlang ng mali o mapanlinlang na impormasyon.)
-
Paano makatutulong sa isang tao ang pagbabasa ng mismong mga sinabi ni Joseph Smith para malaman kung totoo ang kanyang mga naranasan?
Ibahagi ang sumusunod na babala mula kay Elder Neil L. Andersen:
“Noon pa man ay may mangilan-ngilan nang gustong siraan ang Simbahan at wasakin ang pananampalataya. Gamit nila ngayon ang Internet.
“Ang ilang impormasyon tungkol sa Simbahan, nakakakumbinsi man ito, ay hindi totoo” (“Pagsubok sa Inyong Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 41).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano natin dapat suriin ang mga nababasa natin tungkol sa Simbahan at sa kasaysayan nito. (Maaari kang magbigay ng kopya ng pahayag sa bawat estudyante para tahimik silang makasabay sa pagbasa.)
“Ang mga mambabasang Banal sa mga Huling Araw ay dapat … na … maalam sa pagsusuri ng kanilang binabasa. …
“Ang ating indibiduwal at personal na patotoo ay batay sa patotoo ng Espiritu, hindi sa anupamang pinagsama-sama o tinipon na impormasyon tungkol sa kasaysayan. Kung nakasalig tayo sa patotoo ng Espiritu, anumang pagbabago sa totoong nangyari sa kasaysayan ay hindi magpapatinag ng ating patotoo. Binigyan tayo ng ating Ama sa Langit ng kakayahang mangatwiran, at inaasahan sa atin na gamitin ito nang lubusan. Ngunit binigyan din niya tayo ng Mag-aaliw, na ayon sa kanya ay mag-aakay sa atin sa katotohanan at sa pamamagitan ng kapangyarihan nito ay malalaman natin ang katotohanan ng lahat ng bagay. Iyan ang pinakamagandang gabay para sa mga Banal sa mga Huling Araw na karapat-dapat at handang magtiwala rito” (“Reading Church History” [mensahe sa CES religious educators, Ago. 16, 1985], 7, LDS.org).
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ipinayo ni Elder Oaks na tumimo sa kanila at kung bakit ito makatutulong sa kanila.
Maaari mong ipaliwanag na isinulat ni Joseph Smith ang salaysay na ito tungkol sa Unang Pangitain noong 1838 bilang bahagi ng opisyal na kasaysayan ng Simbahan na ilalathala sa mundo. May siyam na naitalang salaysay tungkol sa Unang Pangitain—apat ang isinulat o idinikta ni Joseph Smith at ang lima ay isinulat ng iba na muling isinalaysay ang kanyang karanasan. (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa apat na salaysay ni Joseph Smith ng Unang Pangitain, tingnan sa Milton V. Backman Jr., “Joseph Smith’s Recitals of the First Vision,” Ensign, Ene. 1985, 8–17.)
Maaari mo ring ipaliwanag na ang maraming salaysay tungkol sa Unang Pangitain ay isinulat sa iba’t ibang panahon at para sa iba’t ibang mambabasa. Sa mga salaysay na ito, binigyang-diin ni Joseph Smith ang iba’t ibang aspeto ng kanyang naranasan sa Unang Pangitain, ngunit ang lahat ng salaysay ay nagkakaisa sa pagpapahayag sa mahalagang katotohanan na totoong nabuksan ang kalangitan kay Joseph Smith at nakita niya ang mga sugo mula sa langit, kabilang na ang Diyos Ama at ang Panginoong Jesucristo. Dahil ang salaysay noong 1838 ay bahagi ng opisyal na kasaysayan at patotoo ni Joseph Smith sa mundo, isinama ito sa Mahalagang Perlas bilang banal na kasulatan.
-
Tulad ni Joseph Smith na binigyang-diin ang iba’t ibang aspeto ng kanyang pangitain sa kanyang maraming salaysay, binigyang-diin din ni Apostol Pablo ang iba’t ibang aspeto ng kanyang pangitain tungkol sa Tagapagligtas sa iba’t ibang mambabasa (tingnan sa Mga Gawa 9:1–9; Mga Gawa 22:5–11; Mga Gawa 26:12–20). Sa palagay ninyo, bakit iba’t ibang bagay ang binigyang-diin nina Joseph Smith at Pablo sa tuwing ilalahad nila ang kanilang mga pangitain?
Ibuod ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:3–4 na ipinapaliwanag na si Joseph ay isinilang sa Vermont ngunit lumipat sa Palmyra, New York, noong siya ay 10 taong gulang.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–13
Sa gitna ng kaguluhan sa relihiyon, si Joseph Smith ay nagpasiyang itanong sa Diyos kung aling simbahan ang tama
Ipaliwanag na nabuhay si Joseph Smith sa panahong nagkakagulo ang mga tao dahil sa relihiyon. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–7. Sabihin sa klase na hanapin ang mga salita o parirala na naglalarawan ng sitwasyong naranasan ni Joseph Smith. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang mga salita at mga pariralang nakita nila. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:8, 10. Sabihin sa klase na alamin ang paglalarawan ni Joseph Smith sa nadama niya sa panahong iyon.
-
Ano ang nadama ni Joseph dahil sa kaguluhan sa relihiyon na nakapalibot sa kanya?
-
Ano ang ilan sa tanong na nahihirapan siyang hanapan ng sagot?
-
Naitanong na rin ba ninyo ang mga bagay na iyon? Ano ang ginawa ninyo para masagot ang mga ito?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:11 at alamin kung ano ang ginawa ni Joseph Smith para malaman ang mga sagot sa kanyang mga tanong.
-
Saan bumaling si Joseph para makahanap ng sagot sa kanyang mga tanong?
-
Anong alituntunin ang itinuro sa Santiago 1:5 na nakatulong kay Joseph Smith na magkaroon ng tiwala na makahahanap siya ng mga sagot sa kanyang mga tanong? (Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang mga sumusunod na alituntunin: Kung magtatanong tayo sa Diyos nang may pananampalataya, sasagutin Niya ang ating mga panalangin. Maaari mong ipaliwanag na sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin sa kanyang sariling panahon at paraan.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:12–13. Sabihin sa klase na alamin kung paano nakaimpluwensiya kay Joseph Smith ang alituntuning itinuro sa Santiago 1:5.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–20
Nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–15.
-
Sa palagay ninyo, bakit tinangkang pigilan ni Satanas si Joseph Smith sa pagdarasal?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang ginawa ni Joseph Smith para madaig ang kapangyarihang humadlang sa kanya. Sabihin din sa kanila na isulat ang mga parirala mula sa patotoo ni Joseph na makabuluhan sa kanila o magagamit nila sa pagtuturo sa iba ng tungkol sa Unang Pangitain.
-
Aling mga parirala sa mga talatang ito ang makabuluhan sa inyo? Bakit?
Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo.
-
Bakit mahalaga na magkaroon ng patotoo na nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo?
-
Paano ninyo nalaman na nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo?
Matapos magbahagi ang ilang estudyante ng kanilang patotoo, ipaliwanag na ang Unang Pangitain ang pangyayaring pinagbatayan ng Panunumbalik. Ang Unang Pangitain ay nagbigay rin ng mga sagot sa mahahalagang tanong tungkol sa doktrina. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–17, at alamin ang mga katotohanang matututuhan natin mula sa salaysay na ito. Maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–16 na makatutulong sa atin na madaig ang tukso? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat na matukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung masigasig nating hahangaring tulungan tayo ng Diyos kapag pinapahina ni Satanas ang ating loob, maililigtas tayo ng Diyos.)
-
Ano ang sinasabi ng mga talatang ito tungkol sa likas na katangian ng Diyos Ama at ni Jesucristo? (Maaaring kabilang sa sagot ang mga sumusunod: Ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay buhay. Ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay magkakahiwalay at magkakaibang nilalang.)
-
Ano ang unang salitang binigkas ng Diyos kay Joseph Smith? (Joseph.) Bakit mahalagang malaman ito? Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula rito? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang sumusunod: Alam ng Ama sa Langit ang ating pangalan. Sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan at madama ang kahalagahan ng mga doktrina at mga alituntuning natukoy nila sa lesson na ito, maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Bakit mahalaga na malaman at maunawaan ang mga katotohanang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Kailan pinagpala ng isa o mahigit pang mga katotohanang ito ang inyong buhay? (Ipaalala sa mga estudyante na may mga karanasan na napakasagrado o napakapersonal para ibahagi.)
Ipaliwanag na nakatanggap din si Joseph Smith ng mga sagot sa kanyang mga tanong noong Unang Pangitain. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:18–20 nang tahimik.
-
Ano ang nalaman ni Joseph sa sagot sa kanyang panalangin?
Ipaalala sa mga estudyante ang kuwento tungkol sa mga missionary na binasa sa simula ng lesson. Ipabasa sa isang estudyante ang natitirang bahagi ng kuwento:
“Nagbalik ang dalawa sa pintuan ni Mr. Pollard. Pinagbuksan sila ng pinto ni Mr. Pollard na galit na nagsabi, ‘Ang alam ko sinabihan ko na kayong huwag nang babalik!’
“Pagkatapos ay sinabi ng junior companion, nang buong katapangan, ‘Mr. Pollard, nang lisanin namin ang pintuan ninyo, sabi ninyo na hindi kami talagang naniniwala na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Gusto kong patotohanan sa inyo, Mr. Pollard, na alam ko na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, na sa pamamagitan ng inspirasyon isinalin niya ang sagradong talaang tinatawag na Aklat ni Mormon, na totoong nakita niya ang Diyos Ama at si Jesus na Kanyang Anak.’ Pagkatapos ay lumisan na ang mga misyonero.
“[Kalaunan ay pinatotohanan ni Mr. Pollard:] ‘Noong gabing iyon, hindi ako makatulog. Pabiling-biling ako sa higaan. Paulit-ulit kong narinig sa aking isipan, “Si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Alam ko ito. … Alam ko ito. … Alam ko ito.” Hindi ako makapaghintay na mag-umaga. Tinawagan ko ang mga misyonero. … Nagbalik sila, at sa pagkakataong ito kasama ko ang aking asawa’t pamilya sa talakayan bilang tapat na naghahanap ng katotohanan. Dahil dito, tinanggap naming lahat ang ebanghelyo ni Jesucristo’” (“Si Propetang Joseph Smith: Huwarang Guro,” 69).
Hikayatin ang mga estudyante na basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan nang sarilinan at hilingin sa Ama sa Langit na tulungan sila na mapalakas ang kanilang patotoo na ang salaysay ni Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain ay totoo. Maaari mo rin silang hikayatin na maghanap ng mga pagkakataon na ibahagi ang mensahe ng Unang Pangitain sa isang tao. Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo mo sa mga katotohanang tinalakay ngayon.