Home-Study Lesson
Ang Tampok na Lugar ng Sion; Doktrina at mga Tipan 57–59 (Unit 13)
Pambungad
Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang alituntunin ng pagsisisi. Kapag natutuhan ng mga estudyante ang mga alituntuning ito, maiisip nila ang kailangan nilang gawin upang makapagsisi at kung paano mapagpapala ang kanilang buhay ng ipinangakong kapatawaran ng Panginoon. Bagama’t ang ilan sa mga materyal na ito ay tinalakay sa mga daily lesson, ang lesson na ito ay nagbibigay ng pagkakataon na matulungan mo ang iyong mga estudyante na mas maunawaan ang mga alituntunin ng pagsisisi at kung paano ipamumuhay ang mga ito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 58:34–43
Ang Panginoon ay nagbigay ng mga tagubilin hinggil sa Sion at nagturo ng mga alituntunin ng pagsisisi
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang ibig sabihin ng pagsisisi? Paano ko malalaman kung lubos ang aking pagsisisi? Sa simula ng klase, ipasagot sa mga estudyante ang mga sumusunod na tanong.
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na pangalan: Martin Harris, William W. Phelps, at Ziba Peterson.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:38–41, 60. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinayo ng Panginoon sa kalalakihang iyon sa paghahanda nilang itayo ang Sion. Sa pagsagot ng mga estudyante sa mga sumusunod na tanong, isulat ang kanilang mga sagot sa ilalim ng angkop na pangalan na nakasulat sa pisara.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na kasalanan ni Martin Harris? Ano ang sinabi ng Panginoon na gawin niya?
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na kasalanan ni William W. Phelps? Ano ang sinabi ng Panginoon na gawin niya? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang pariralang, “hinahangad mangibabaw” [talata 41] ay hindi nangangahulugang ginagawa natin ang lahat ng makakaya natin o nagsisikap na humusay. Sa halip, ang pariralang ito ay tumutukoy sa hindi matwid at palalong hangarin na maging mas mahusay o mas mahalaga kaysa sa ibang tao.)
-
Ano ang tinatangkang gawin ni Ziba Peterson sa kanyang mga kasalanan?
Bigyang-diin na ang mga kasalanan ng mga lalaking ito ay makahahadlang sa pagtulong nila sa pagtatayo ng Sion.
-
Sa paanong mga paraan nalilimitahan ng ating mga kasalanan ang ating kakayahan na maglingkod sa Panginoon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa pagsisisi.
-
Ayon sa talatang ito, ano ang ipinangako sa atin ng Panginoon kung tayo ay magsisisi ng ating mga kasalanan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung magsisisi tayo ng ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Panginoon at hindi na maaalaala pa ang ating mga kasalanan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salitang nagtuturo ng alituntuning ito sa talata 42.)
-
Alin sa ating mga kasalanan naaangkop ang pangakong ito? (Lahat ng kasalanan.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga salita o parirala na nauugnay sa alituntunin na nakasulat sa pisara.
“Anuman ang naging mga kasalanan natin, gaano man tayo nakasakit sa iba, ang kasalanang iyan ay mabuburang lahat. Para sa akin, marahil ang pinakamagandang mga kataga sa mga banal na kasulatan ay nang sabihin ng Panginoon, ‘Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.’ [D at T 58:42.]
“Iyan ang [pangako] ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng Pagbabayad-sala” (“Ang Pagbabayad-sala,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 77).
-
Paano napagpala ang inyong buhay nang malaman ninyo na mapapatawad ang lahat ng inyong mga kasalanan?
Ipaliwanag na inaakala ng ilang tao na kung naaalaala pa nila ang kanilang mga kasalanan ay hindi pa sila lubos na nagsisi. Tiyakin sa kanila na ang alaala ng kanilang mga kasalanan ay makatutulong sa kanila upang hindi na nila maulit pa ang gayon ding pagkakamali.
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Harold B. Lee. Sabihin sa klase na pakinggan ang itinuro niya tungkol sa katahimikan ng budhi na dulot ng pagsisisi.
“Kung dumating ang panahon na nagawa mo na ang lahat ng makakaya mo para mapagsisihan ang kasalanan mo, sino ka man, saan ka man naroon, at kung nakapagbayad-pinsala at nakapagsauli ka na sa abot ng iyong makakaya; kung ito man ay isang bagay na makakaapekto sa katayuan mo sa Simbahan at nakausap mo na ang tamang mga awtoridad, nanaisin mo ang nagbibigay-katiyakang sagot na iyon kung tinanggap ka ng Panginoon o hindi. Sa iyong taimtim na pagninilay, kung hihilingin mo ang katahimikan ng iyong budhi at nadama mo ito, malalaman mo na tinanggap na ng Panginoon ang iyong pagsisisi” (Stand Ye in Holy Places [1974], 185).
Ipaliwanag na ang pangakong nakasulat sa pisara ay may kundisyon. Matatanggap lamang natin ang pagpapatawad ng Panginoon kung gagawin natin ang lahat ng makakaya natin upang lubos na mapagsisihan ang ating mga kasalanan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang matututuhan nila tungkol sa ibig sabihin ng pagsisisi.
“Ang pagsisisi ay hindi lamang simpleng pag-amin ng kasalanan. Ito ay pagbabago ng puso’t isipan. Kabilang dito ang pagtalikod sa kasalanan at pagbaling sa Diyos para sa kapatawaran. Nagawa ito dahil sa pagmamahal sa Diyos at tapat na hangaring sundin ang Kanyang mga kautusan” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 28).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dalawang bagay na dapat nating gawin upang lubos na makapagsisi ng ating mga kasalanan.
-
Ayon sa talatang ito, ano ang dalawang bagay na dapat nating gawin upang lubos na makapagsisi ng ating mga kasalanan? (Isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Upang makapagsisi, dapat nating aminin o ipagtapat at talikdan ang ating mga kasalanan.)
-
Paano tayo matutulungan ng doktrinang ito na masagot ang tanong na “Paano ko malalaman kung lubos na akong nagsisi?” (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pag-amin o pagtatapat at pagtalikod sa ating mga kasalanan ay kinakailangan sa lubos na pagsisisi.)
-
Ano ang ibig sabihin ng ipagtapat ang ating mga kasalanan?
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang ibig sabihin ng ipagtapat ang ating mga kasalanan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang pagtatapat at pagtalikod sa kasalanan ay malalalim na konsepto. Higit pa ito sa simpleng pagsasabi ng ‘Inaamin ko; Patawad.’ Ang pagtatapat ay isang taos-puso, kung minsan ay mahirap na pag-amin ng kamalian at pagkakasala sa Diyos at sa tao” (“Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 40).
-
Paano tumutulong sa atin ang pagtatapat ng ating mga kasalanan para matalikuran ang ating mga kasalanan at bumaling sa Diyos para humingi ng kapatawaran?
Bilang bahagi ng talakayang ito, maaaring isipin ng mga estudyante kung anong mga kasalanan ang kailangang ipagtapat at kanino ito dapat ipagtapat. Ipaliwanag na kailangang ipagtapat natin sa Ama sa Langit ang lahat ng ating mga kasalanan. Ang mabibigat na kasalanan, tulad ng kasalanang seksuwal (kasama ang paggamit ng pornograpiya), ay kailangan ding ipagtapat sa bishop o branch president.
Patingnan sa mga estudyante ang huling doktrina na isinulat mo sa pisara.
-
Ano ang ibig sabihin ng talikdan ang ating mga kasalanan? (Lubos na talikuran ang ating mga kasalanan at itigil ang paggawa ng mga ito.)
Patotohanan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ang mga alituntunin ng pagsisisi at pagpapatawad na tinalakay ninyo. Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung may mga kasalanan sila na dapat pagsisihan at hikayatin sila na magsisi na isinasabuhay ang mga katotohanang natutuhan nila.
Ipaalala sa mga estudyante na ang Doktrina at mga Tipan 58:42–43 ay isang scripture mastery passage. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nagawa na nila sa pagsasaulo nito.
Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 60–64)
Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 60–64, maaari mong sabihin sa kanila na pag-isipan ang sumusunod: Kung hindi pinatawad ng isang tao ang kanyang kapwa dahil sa maling ginawa nito, sino ang higit na nagkasala? Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano sila tumutugon kapag nasasaktan sila sa ginawa o sinabi ng ibang tao. Maging sa pinakamabigat na pagkakasala, sino ang iniuutos sa atin na patawarin? Ipaliwanag na sa susunod na unit malalaman ng mga estudyante ang itinuro ng Panginoon tungkol sa bagay na ito at kung paano tutugon sa mga nagawang pagkakasala ng iba.