Seminaries and Institutes
Lesson 58: Doktrina at mga Tipan 51–52


Lesson 58

Doktrina at mga Tipan 51–52

Pambungad

Nang magsimula nang magdatingan sa Ohio ang mga Banal mula sa mga estado sa silangan noong Mayo 1831, inihayag ng Panginoon ang Doktrina at mga Tipan 51 kay Joseph Smith para kay Bishop Edward Partridge. Ang mga grupo na dumating mula sa Colesville, New York, ay pinapunta sa Thompson, Ohio, kung saan nila ipamumuhay ang batas ng paglalaan. Sa pagtatapos ng ikaapat na kumperensya ng Simbahan na idinaos noong Hunyo 3–6, 1831, sa Kirtland, iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith at sa iba pang mga elder na maglakbay patungo sa Missouri nang dala-dalawa at mangaral habang nasa daan. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 52, tinawag ng Panginoon ang magiging magkompanyon at binigyan sila ng huwaran para hindi sila malinlang.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 51:1–20

Tinagubilinan ng Panginoon si Edward Partridge na tugunan ang mga temporal na pangangailangan ng mga Banal

Upang matulungan ang mga estudyante na makapag-isip ng isa sa mga resulta ng pagsunod sa batas ng paglalaan, sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong nang magkakapartner o magkakagrupo o kaya ay bilang klase.

  • Anong grupo na may pinakamatibay na pagkakaisa ang kinabilangan ninyo? Paano ninyo malalaman kung nagkakaisa ang isang grupo? Anong mga uri ng gawain o pangyayari ang nakatutulong sa grupo na magkaisa?

Ipaliwanag na ang mga Banal na lumipat mula sa New York ay nagsimulang dumating sa Ohio noong tagsibol ng 1831. Dumating ang isang grupo mula sa Colesville, New York, na nagsakripisyo nang malaki. Ang grupong ito ay tinagubilinang manirahan sa Thompson, Ohio, at ipamuhay ang batas ng paglalaan. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakaisa na maaaring magmula sa isang grupo na nagsakripisyo nang sama-sama para sundin ang kalooban ng Panginoon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 51:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga responsibilidad ni Bishop Edward Partridge.

  • Ano ang ilan sa mga responsibilidad ni Bishop Partridge? (Maaari mong ipaliwanag na sa talata 3, ang pariralang “bawat tao ayon sa kanyang mag-anak” ay hindi nangangahulugang tatanggap nang magkakaparehong tulong ang bawat Banal sa mga Huling Araw. Dapat pag-isipan ng bishop ang bawat sitwasyon ng bawat pamilya at “magtakda sa” kanila kung ano ang kailangan nila. Sila ay pantay-pantay dahil binigyan ng bishop ng pantay-pantay na kunsiderasyon at pangangalaga ang bawat pamilya.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 51:9 at alamin ang ipinaliwanag ng Panginoon na dalawang resulta na dapat mangyari sa pagsunod sa batas ng paglalaan.

  • Ano ang inaasahan ng Panginoon sa Kanyang mga tao? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Inaasahan ng Panginoon sa Kanyang mga tao na matapat silang makikitungo sa iba at magkakaisa.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 51:10–20 na ipinapaliwanag na tinagubilinan ng Panginoon si Bishop Patridge na magtayo ng kamalig na pag-iimbakan ng mga sobrang gamit at pagkain. Ipinaliwanag Niya na Kanyang inilaan ang lupain sa mga Banal “sa maikling panahon” (D at T 51:16). Bagama’t hindi nila alam kung gaano katagal sila mananatili roon, sila ay dapat “[kumilos] … sa lupaing ito sa loob ng ilang taon” (D at T 51:17), bilang matapat, matalino, at matwid na tagapangasiwa sa mga bagay na ibinigay sa kanila. Maaari mong ipaliwanag na sa talata 10, ang salitang simbahan ay tumutukoy sa sangay ng Simbahan (tingnan sa D at T 51:10, footnote a; tingnan din sa D at T 20:81; 45:64).

Doktrina at mga Tipan 52:1–13, 22–36

Iniutos ng Panginoon sa Propeta at iba pang mga elder na maglakbay patungo sa Missouri at ipangaral ang ebanghelyo habang nasa daan

Bago magklase, maghanda ng tatlong clue na magkakaugnay. Halimbawa, ang unang clue ay magtuturo sa mga estudyante na hanapin ang pangalawang clue sa ilalim o sa loob ng isang bagay sa silid-aralan. Ang pangalawang clue ay magtuturo sa mga estudyante na hanapin ang pangatlong clue saan man sa loob ng silid-aralan. Ito ang dapat na nakasulat sa pangatlong clue: “Basahin ang Doktrina at mga Tipan 52:1–6. Humanap ng alituntunin na katulad ng aktibidad na ito.”

Idikit ang unang clue sa pisara, at isulat ang mga sumusunod na instruksyon sa tabi nito: Sundin ang clue na ito para malaman kung paano tumanggap ng patuloy na patnubay mula sa Panginoon.

Matapos mabasa ng mga estudyante ang unang clue, sabihin sa kanila na sundin ang mga instruksyon para mahanap ang pangalawang clue. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang mga instruksyon sa pangalawang clue at hanapin ang pangatlong clue.

Bago sundin ng mga estudyante ang mga instruksyon sa pangatlong clue, ipaliwanag na ang scripture passage na hahanapin nila ay naglalaman ng mga instruksyon na ibinigay kay Joseph Smith at sa ibang mga lider ng priesthood sa kumperensya ng Simbahan na idinaos sa Kirtland, Ohio, noong Hunyo 1831. Ipaalala sa mga estudyante na inihayag na noon ng Panginoon na magtatayo ang mga Banal ng isang lunsod na tatawaging Sion (tingnan sa D at T 28:9), ngunit hindi pa Niya inihahayag ang lokasyon nito.

Sabihin sa mga estudyante na sundin ang mga instruksyon sa pangatlong clue. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 52:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang alituntunin na katulad ng aktibidad na katatapos pa lamang nilang gawin.

  • Ayon sa mga talata 4–5, ano ang maaaring mangyari kapag tapat tayo sa mga tagubilin ng Diyos? (Kapag matapat nating sinusunod ang mga tagubilin ng Diyos, higit pa Niyang ihahayag ang Kanyang kalooban sa atin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Paano natutulad ang aktibidad na ito sa alituntuning ito? (Sa pagsunod ng mga estudyante sa bawat instruksyon, tumatanggap sila ng mga karagdagang instruksyon, na nagtuturo sa kanila sa huli sa sagot na hinahanap nila.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ilang mabuting idinudulot ng pagtanggap ng gabay at katotohanan ng Panginoon nang paunti-unti, sa halip na agaran o minsanan?

Anyayahan ang mga estudyante na nakagawa ng alituntuning ito na ibahagi ang kanilang mga karanasan o magpatotoo sa katotohanan nito. Maaari ka ring magbahagi ng iyong karanasan o patotoo. Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang tanong, alalahanin, o desisyon na kinakaharap nila kung saan nais nilang matulungan at magabayan sila ng Panginoon. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na pag-isipang mabuti at isulat ang anumang tagubilin na ibinigay sa kanila ng Panginoon na masusunod nila nang mas lubos upang makatanggap ng karagdagang gabay mula sa Kanya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 52:7–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga tagubilin na ibinigay ng Panginoon sa ilang mga maytaglay ng priesthood bago sila naglakbay patungo sa Missouri.

  • Ano ang iniutos sa mga maytaglay ng priesthood na ito habang sila ay naglalakbay?

Doktrina at mga Tipan 52:14–21, 36

Naghayag ang Panginoon ng huwaran na makatutulong para hindi tayo malinlang ni Satanas

Ipaalala sa mga estudyante na sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 50, nagbigay ng babala ang Panginoon sa mga elder ng Simbahan tungkol sa mga mapanlinlang na espiritu at nagbigay ng mga tagubilin na makatutulong sa mga Banal na patibayin ang isa’t isa habang sila ay nagtuturo at natututo ng mga katotohanan ng ebanghelyo.

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 52:14–21, naghayag ang Panginoon ng mga karagdagang tagubilin na makatutulong sa pagpapalakas ng mga miyembro ng Simbahan, lalo na sa mga tinawag na mangaral ng ebanghelyo habang naglalakbay sila patungo sa Missouri.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 52:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang parirala na ginamit ng Panginoon para ilarawan ang Kanyang ituturo. (“Isang huwaran sa lahat ng bagay.”)

  • Ano ang huwaran? (Isang halimbawa na maaari nating sundin upang makamtan ang isang tiyak na resulta.)

  • Ano ang dahilan ng Panginoon sa pagbibigay ng huwarang ito?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa bawat magkapartner na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 52:15–19. Ipahanap sa kanila ang mga gawain at katangian na ayon sa Panginoon ay makatutulong sa Kanyang mga tao na hindi malinlang ni Satanas. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Sabihin sa isang estudyante na isulat niya sa pisara ang kanilang mga sagot.

Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong ipaliwanag o sabihin sa kanila na ipaliwanag ang kahulugan ng mga sumusunod na parirala: ang “na ang espiritu ay nagsisisi” (D at T 52:15) ay tumutukoy sa isang tao na nagsisisi; ang “sinusunod … ang aking mga ordenansa” (D at T 52:15) ay tumutukoy sa isang tao na tumanggap ng mga ordenansa ng Panginoon at tumutupad sa mga tipan na kalakip nito; ang “na ang mga salita ay may kaamuan at nagpapatibay” (D at T 52:16) ay tumutukoy sa isang taong mapagpakumbaba ang pananalita at pinasisigla o hinihikayat ang iba; ang “nanginginig sa ilalim ng aking kapangyarihan” (D at T 52:17) ay naglalarawan sa isang tao na nakadarama ng pagpipitagan sa kapangyarihan ng Diyos; at ang “magdadala ng bunga ng papuri” (D at T 52:17) ay tumutukoy sa isang taong nagdudulot ng isang bagay na mabuti (tulad ng “papuri at karunungan”) sa pamamagitan ng pagsunod sa mga paghahayag na ibinigay ng Diyos.

Bigyan ang magkakapartner ng oras na pag-usapan kung paano nila ibubuod ang mga katotohanang itinuro sa Doktrina at mga Tipan 52:14–19. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa kanila na ibahagi ang mga katotohanang natukoy nila. Maaaring magbigay ang mga estudyante ng iba-ibang sagot, ngunit maaari mong bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Upang hindi malinlang ni Satanas, dapat sundin ng isang tao ang mga ordenansa ng Panginoon at ipamuhay ang mga paghahayag na Kanyang ibinigay.

Ipaalala sa mga estudyante na noong ibigay ng Panginoon ang huwarang ito para makaiwas sa panlilinlang, Siya ay nangungusap sa isang grupo ng mga elder na mangangaral ng ebanghelyo sa iba.

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga para sa mga nagtuturo ng ebanghelyo sa iba na sundin ang huwarang inihayag ng Panginoon sa mga talatang ito? (Para makapagturo sila sa pamamagitan ng Espiritu.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 52:36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang karagdagang tagubilin na ibinigay ng Panginoon sa paghahayag na ito. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na ipahayag ng mga elder ng Simbahan?

  • Bakit mapagkakatiwalaan natin ang isang lider o titser na namumuhay ayon sa huwaran na inilahad ng Panginoon sa mga talata 14–19 at nagtuturo lamang kung ano ang itinuturo ng mga propeta at mga apostol?

Maaari mong imungkahi na isipin ng mga estudyante kung paano naipapakita ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang huwarang ito.

Doktrina at mga Tipan 52:37–44

Pinayuhan ng Panginoon ang mga lider na nanatili sa Ohio

Ipaliwanag na bagama’t marami sa mga naunang maytaglay ng priesthood ang tinawag ng Panginoon upang mangaral habang naglalakbay patungo sa Missouri, ilan sa mga elder ang mananatili sa Ohio. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 52:39–40. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga tagubilin na ibinigay ng Panginoon sa mga elder na nanatili sa Ohio.

  • Anong mga responsibilidad ang ibinigay ng Panginoon sa mga elder na nanatili sa Ohio?

  • Sa palagay ninyo, ano ang ibig sabihin ng “alalahanin … ang mga maralita at ang mga nangangailangan”? Bakit hindi sapat na isipin lamang ang isang taong nangangailangan para matupad ang payong ito mula sa Panginoon?

  • Ano ang sinabi ng Panginoon sa mga taong hindi gagawin ang kanilang mga responsibilidad?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa pagiging tunay na disipulo ng Panginoon? (Iba-iba man ang gamiting mga salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Ang mga disipulo ni Jesucristo ay nangangalaga at nagmamalasakit sa mga maralita, nangangailangan, may karamdaman, at nagdadalamhati.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga kakilala nila na maituturing nila na mga disipulo ni Jesucristo. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano pinangangalagaan at pinagmamalasakitan ng taong naisip nila ang mga nangangailangan. Maaari mong ipahayag ang iyong pasasalamat sa mga taong pinangalagaan at tinulungan ka sa mga oras ng iyong pangangailangan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 52:14–19. Isang halimbawa ng huwaran ng katapatan

Inilahad ni Elder Paul E. Koelliker ng Pitumpu ang sumusunod na salaysay, na kinapapalooban ng halimbawa kung paano natin maiimpluwensyahan sa kabutihan ang iba kapag ipinamumuhay natin ang huwaran sa Doktrina at mga Tipan 52:14–19:

Elder Paul E. Koelliker

“Ang mga huwaran ay mga paggagayahan, mga gabay, paulit-ulit na mga hakbang, o mga landas na sinusundan ng isang tao para manatiling nakaayon sa layunin ng Diyos. Kung susundin natin ang mga ito, mananatili tayong mapagpakumbaba, nakamasid, at mahihiwatigan natin ang tinig ng Banal na Espiritu mula sa mga tinig na gumagambala at umaakay sa atin palayo. …

“… Kapag talagang ipinamuhay natin ang ebanghelyo ayon sa huwarang itinuro ng Panginoong Jesucristo, nag-iibayo ang kakayahan nating tulungan ang iba. Ang sumusunod na karanasan ay isang halimbawa kung paano mapagsisikapan ang alituntuning ito.

“Dalawang batang misyonero ang kumatok sa isang pinto, na umaasang makahanap ng isang taong tatanggap sa kanilang mensahe. Bumukas ang pinto, at isang malaking lalaki ang bumati sa kanila nang padabog: ‘Di ba sabi ko huwag na kayong kakatok ulit sa pinto ko. Binalaan ko na kayo na kung bumalik pa kayo, may mangyayaring hindi ninyo magugustuhan. Kaya lubayan na ninyo ako.’ Mabilis nitong isinara ang pinto.

“Habang papalayo ang mga elder, inakbayan ng nakatatanda at mas bihasang misyonero ang nakababatang misyonero para aluin at palakasin ang loob nito. Hindi nila alam na nakamasid sa kanila ang lalaki sa bintana upang matiyak na naunawaan nila ang sinabi niya. Lubos niyang inasahan na makikita niya silang magtatawanan at magbibiruan tungkol sa walang-galang niyang tugon sa tangka nilang pagdalaw. Gayunman, nang makita niya ang kabaitan ng dalawang misyonero sa isa’t isa, biglang lumambot ang puso niya. Muli niyang binuksan ang pinto at pinabalik ang mga misyonero at ipinabahagi ang kanilang mensahe sa kanya” (“Talagang Mahal Niya Tayo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 16, 17).

Doktrina at mga Tipan 52:33–34. “Siya na matapat … ay pangangalagaan at pagpapalain ng maraming bunga”

“Itinala ni Lydia Clisbee Partridge ang mga pangyayari noong matanggap ng kanyang asawang si Edward ang atas na ito sa isang paghahayag. Ang lahat ng kanilang mga anak ay nahawa ng tigdas mula sa ilan sa mga nagsidating na mga miyembro mula New York na nakituloy sa kanilang pamilya. Isinulat niya na ang kanilang ‘pinakamatandang anak na babae ay nagkasakit ng pulmonya, at habang nasa malubha siyang kalagayan, tinawag ang kanyang asawa sa pamamagitan ng paghahayag na pumunta sa Missouri kasama ang iba pa para maghanap ng lugar na pagtitipunan ng mga Banal, at iniisip ng mga hindi naniniwala na walang matinong tao ang aalis sa ganitong kalagayan. At naisip ko na may dahilan ako para isipin na nagsimula na ang mga pagsubok sa akin, at nangyari nga [ang mga iyon], ngunit ang mga pagsubok na ito tulad ng iba pa ay nasundan ng mga pagpapala dahil gumaling ang aming anak.’ (Partridge, Genealogical Record, 6.)” (Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, tomo 1 ng Document series ng The Joseph Smith Papers [2013], 330).