Lesson 19
Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–75; Doktrina at mga Tipan 13
Pambungad
Noong Mayo 15, 1829, nagpunta sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa kakahuyan malapit sa bukirin ni Joseph sa Harmony, Pennsylvania, upang magtanong sa Panginoon matapos isalin ang isang talata sa Aklat ni Mormon na nagbigay-diin sa kahalagahan ng ordenansa ng binyag. Habang sila ay nagdarasal, nagpakita sa kanila si Juan Bautista bilang isang nilalang na nabuhay na mag-uli. Iginawad niya sa kanila ang Aaronic Priesthood, sinabihan sila na binyagan ang isa’t isa sa kalapit na Ilog ng Susquehanna, at pagkatapos ay sinabihan sila na ordenan ang isa’t isa sa Aaronic Priesthood. Ang mga sinabi ni Juan kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 13. Kasunod ng kanilang binyag, napuspos ng Espiritu Santo sina Joseph Smith at Oliver Cowdery at nakaranas ng mga dakilang pagpapala.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–72; Doktrina at mga Tipan 13
Iginawad ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong bago magklase o gawin itong handout at ibigay sa mga estudyante (huwag ilagay ang mga sagot). Sa pagdating ng mga estudyante sa klase, sabihin sa kanila na sagutin ang mga tanong sa kapirasong papel o sa kanilang handout. Kung kailangan, imungkahi na gamitin nila ang index sa triple combination (tingnan sa “Priesthood, Aaronic”) o sa Gabay sa mga banal na Kasulatan (tingnan sa “Pagkasaserdoteng Aaron”) para makita ang mga tamang sagot. Maaari ding hintayin mo munang maisulat ng mga esudyante ang kanilang mga sagot bago mo simulan ang debosyonal.
(Mga sagot: (1) Joseph Smith—Kasaysayan o Doktrina at mga Tipan 13; (2) Mayo 15, 1829 [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:72]; (3) Juan Bautista [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:72]; (4) Sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:68, 71]; (5) Sinabi sa kanila ni Juan Bautista kalaunan na matatanggap nila ang Melchizedek Priesthood mula sa mga Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:72].)
Pagkatapos ng debosyonal, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa unang tanong. Matapos nilang masagot nang tama ang tanong na ito, pagpartner-partnerin ang mga estudyante at tingnan kung tama ang kanilang mga sagot sa iba pang mga tanong. Sabihin sa kanila na gamitin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–72 at ang paglalarawan ni Oliver Cowdery na kasunod ng Joseph Smith—Kasaysayan. Maaari kang lumibot sa silid para tulungan ang mga estudyante na makita ang mga tamang sagot.
Pagkatapos ng sapat na oras, rebyuhin ninyo ng mga estudyante ang mga sagot. Habang sama-sama ninyong tinatalakay ang mga sagot na ito, tulungan ang mga estudyante na matukoy at maunawaan ang mga sumusunod na doktrina: Ipinanumbalik ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood sa mundo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:72). Ang priesthood ay iginagawad sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:68, 71). Gayundin, sa pagrebyu mo ng mga sagot ng mga estudyante, ipaliwanag na natanggap nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang Melchizedek Priesthood mula kina Pedro, Santiago, at Juan kalaunan noong Mayo 1829 (tingnan sa Larry C. Porter, “The Restoration of the Aaronic and Melchizedek Priesthoods,” Ensign, Dis. 1996, 30–47).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:68. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ginagawa nina Joseph Smith at Oliver Cowdery na naghikayat sa kanila na itanong sa Panginoon ang tungkol sa pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan.
-
Ayon sa talatang ito, ano ang naghikayat kina Joseph at Oliver na magtanong tungkol sa pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan? (Habang isinasalin nila ang Aklat ni Mormon ay nabasa nila ang mga turo tungkol sa pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan.)
Ipaliwanag na napakahalaga ng panunumbalik ng Aaronic Priesthood kaya isinama ang mga sinabi ni Juan Bautista sa Doktrina at mga Tipan bilang bahagi 13. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano nasagot ng panunumbalik ng Aaronic Priesthood ang panalangin nina Joseph Smith at Oliver Cowdery na malaman pa ang tungkol sa pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan.
-
Paano nasagot ng panunumbalik ng Aaronic Priesthood ang panalangin nina Joseph Smith at Oliver Cowdery na malaman pa ang tungkol sa pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan?
Sa pisara, magdrowing ng simpleng larawan ng pinto na may susian.
-
Para saan ginagamit ang pinto? (Habang tinatalakay ng mga estudyante ang tanong na ito, tulungan silang makita na nakalagay ang pinto sa isang bukana papasok sa isang lugar. Bukod pa riyan, ang pinto ay maaaring pumigil sa ating sa paglabas o pagpasok sa isang lugar.)
Magpakita sa mga estudyante ng mga susi (o magdrowing ng simpleng larawan ng susi sa pisara) at itanong ang sumusunod:
-
Ano ang kinalaman ng susi sa gamit ng pinto? (Ang susi ang nagsasara o nagbubukas ng pinto. Kapag gumamit tayo ng susi para mabuksan ang pinto, nakakapasok tayo at nakikita natin ang nasa loob.)
Ipaliwanag na ginagamit ng Panginoon ang mga susi bilang sagisag sa awtoridad ng priesthood, na nagbubukas at nagbibigay ng daan para magkaroon tayo ng walang-hanggang pagkakataon at pagpapala. Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Doktrina at mga Tipan 13:1 at alamin ang mga susi na kaakibat ng Aaronic Priesthood. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga susing ito sa kanilang banal na kasulatan kapag nakita nila ang mga ito.
-
Anong mga susi ang hawak ng Aaronic Priesthood ayon kay Juan Bautista? (Ang Aaronic Priesthood ay may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Maaari mong sabihin sa isang estudyante na isulat ang pahayag na ito sa ilalim ng larawan ng pinto sa pisara.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga susing ito ng Aaronic Priesthood at ang mga pagpapalang dulot nito sa mga miyembro ng Simbahan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. (Maaari kang gumawa ng maliit na kopya ng pahayag na ito para mailagay ng bawat estudyante sa kanyang banal na kasulatan.)
“Ano ang ibig sabihin na hawak ng Aaronic Priesthood [ang susi] ng ‘ebanghelyo ng pagsisisi at ng pagbibinyag, at ng kapatawaran ng mga kasalanan’? Ang kahulugan ay matatagpuan sa ordenansa ng binyag at sa sakramento. Ang binyag ay para sa kapatawaran ng kasalanan, at ang sakramento ay pagpapanibago ng mga tipan at mga pagpapala ng binyag. Dapat na pareho itong gawin matapos ang pagsisisi. …
“Wala ni isa sa [atin] ang nabuhay nang walang kasalanan simula nang [tayo] ay mabinyagan. Kung wala ang ilang probisyon para sa karagdagang paglilinis matapos ang ating binyag, bawat isa sa atin ay hindi magiging karapat-dapat sa mga bagay na espirituwal. …
“Tayo ay inuutusang magsisi sa ating mga kasalanan at lumapit sa Panginoon nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu at tumanggap ng sakramento bilang pagtupad sa mga tipan nito. Kapag pinapanibago natin ang ating mga tipan sa binyag sa ganitong paraan, pinapanibago ng Panginoon ang nakalilinis na epekto ng ating binyag. …
“Hindi tayo lumalabis sa pagsasabi ng kahalagahan ng Aaronic Priesthood dito. Lahat ng mahahalagang hakbang na ito na nauukol para sa kapatawaran ng kasalanan ay isinasagawa sa pamamagitan ng nakapagliligtas na ordenansa ng binyag at ng nagpapanibagong ordenansa ng sakramento. Ang mga ordenansang ito ay isinasagawa ng mga maytaglay ng Aaronic Priesthood sa ilalim ng pamamahala ng bishopric, na gumagamit ng mga susi ng ebanghelyo ng pagsisisi at ng pagbibinyag at ng kapatawaran ng mga kasalanan” (“The Aaronic Priesthood and the Sacrament,” Ensign, Nob. 1998, 37–38).
-
Paano nakatutulong sa atin ang mga susi ng Aaronic Priesthood na matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
-
Ayon kay Elder Oaks, sino ang namamahala sa mga susi ng ebanghelyo ng pagsisisi at binyag sa bawat ward?
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang susi ng paglilingkod ng mga anghel, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Elder Oaks:
“Noong ako ay bata pa na maytaglay ng Aaronic Priesthood, hindi ko inisip na makakakita ako ng anghel, at inisip ko kung ano kaya ang kaugnayan ng gayong pagpapakita sa Aaronic Priesthood.
“Ngunit ang paglilingkod ng mga anghel ay maaari ding hindi nakikita. Ang mga mensahe mula sa mga anghel ay maaaring ibigay sa pamamagitan ng tinig o ng kaisipan o damdamin lamang na ipinarating sa isipan” (“The Aaronic Priesthood and the Sacrament,” 39).
Sabihin sa isang estudyante na pumunta sa harapan ng klase at ipakita ang mga larawang Binatang Binibinyagan (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 103; tingnan din sa LDS.org) at ang Pagbabasbas ng Sacrament (blg. 107), kung mayroon.
-
Paano nakaaapekto ang pag-unawa sa mga susi ng Aaronic Priesthood sa inyong iniisip o ginagawa habang naghahanda, nangangasiwa, o tumatanggap kayo ng sakramento bawat linggo?
Sabihin sa mga kabataang babae sa klase na ibahagi ang nadarama nila tungkol sa Aaronic Priesthood at ang mga pagpapalang dulot nito sa kanilang buhay. Maaari mo ring ibahagi kung bakit mahalaga sa iyo na naipanumbalik ang Aaronic Priesthood.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:73–75
Sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay nakaranas ng mga dakilang pagpapala matapos silang mabinyagan
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:73. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salita at parirala na naglalarawan sa naranasan nina Joseph at Oliver matapos silang mabinyagan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita at pariralang ito sa kanilang banal na kasulatan.
-
Ano ang nadama nina Joseph at Oliver matapos silang mabinyagan?
Dahil hindi pa natatanggap nina Joseph at Oliver ang kaloob na Espiritu Santo, ang nadama nila sa pagkakataong ito ay ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Matatanggap nina Joseph at Oliver ang Melchizedek Priesthood upang maigawad ang kaloob na Espiritu Santo kalaunan (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:70; tingnan din sa Bible Dictionary o Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Espiritu Santo,” scriptures.lds.org).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:74. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang partikular na pagpapalang tinanggap nina Joseph at Oliver sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang kanilang nalaman, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Ang Espiritu Santo ay tumutulong sa atin na maunawaan ang kahulugan at layunin ng mga banal na kasulatan.
-
Sa palagay ninyo, bakit kailangan natin ang Espiritu Santo para matulungan tayo na maunawaan ang mga banal na kasulatan?
-
Kailan kayo natulungan ng Espiritu Santo na maunawaan ang “tunay na kahulugan at layunin” ng mga banal na kasulatan?
Sabihin sa ilang estudyante na mag-ukol ng ilang minuto sa pagsusulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng kanilang gagawin upang madama nila ang paggabay ng Espiritu Santo habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan.