Seminary
Lesson 61: Ang Tampok na Lugar ng Sion


Lesson 61

Ang Tampok na Lugar ng Sion

Pambungad

Noong tag-init ng 1831, ilan sa mga Banal na nagtipon sa Ohio ay nagsimulang maglakbay upang manirahan sa lugar ng Jackson County, Missouri. Sa paghahayag kay Propetang Joseph Smith noong Hulyo 20, 1831, tinukoy ng Panginoon ang Independence, Missouri, bilang ang “tampok na lugar” o sentro ng Sion (D at T 57:3). Kinailangang simulan na ng mga Banal na bumili ng lupa sa lugar, at dapat din nilang sundin ang mga kautusan ng Panginoon sa paghahanda para sa pagtatayo ng Sion. Gayunpaman, sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng mga pagtatalo sa mga Banal at marami sa mga mamamayan ng Jackson County, Missouri, na humantong sa karahasan laban sa mga Banal. Napilitang lisanin ng mga Banal ang Jackson County noong Nobyembre at Disyembre 1833.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Tinukoy ng Panginoon ang Independence, Missouri, bilang ang tampok na lugar o sentro ng Sion

Bago magklase isulat ang salitang Kirtland, Ohio sa isang karatula at ilagay ito sa isang bahagi ng silid. Sa kabilang bahagi ng silid, magdispley ng isang karatula na may nakasulat na Independence, Missouri. O, kung gusto mo, maaari kang magdrowing sa pisara ng isang simpleng mapa ng midwestern United States, na malinaw na may marka ang Kirtland, Ohio, at Independence, Missouri (tingnan sa Mga Mapa at Talatuntunan ng mga Pangalan ng Lugar, Mapa 6, “Ang Pakanlurang Pagkilos ng Simbahan”). Tukuyin ang mapa habang nagtuturo ka.

Larawan
mapa, northeastern US

Sabihin na isipin kunwari na nagkakamping sila at nalaman nila may parating na bagyo.

  • Ano ang ilang paraan para makahanap kayo ng lugar na magpoprotekta sa inyo sa bagyo? Paano makatutulong ang isang tolda sa sitwasyong ito?

Ipaliwanag na inilarawan ni Propetang Isaias ang Sion na isang napakalaking tolda. Sinabi niya, “Palakihin ang dako ng iyong tolda, at maladlad ang mga tabing ng iyong mga tahanan; huwag kang magurong: habaan mo ang iyong mga lubid, at patibayin mo ang iyong mga tulos” (Isaias 54:2). Bilang katuparan ng propesiyang ito, patuloy na ginagabayan ng Panginoon ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol sa pagtatayo ng mga istaka ng Sion sa iba’t ibang dako ng mundo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:41–43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mabubuti na nagtipon sa Sion.

  • Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mabubuti na nagtipon sa Sion?

Ipaliwanag na noong Hulyo 1831, inihayag ng Panginoon na ang lupain ng Missouri ang ipinangakong lupain para sa Sion at ang Independence, Missouri, ang “tampok na lugar” o sentro ng lunsod ng Sion (tingnan sa D at T 57:1–3).

Sabihin sa isang estudyante na tumayo o maupo sa tabi ng karatulang Independence, Missouri. Sabihin sa isang estudyante na magdrowing sa pisara ng isang tolda. (Kung malaki ang silid-aralan, maaari kang magdala ng tolda sa klase at sabihin sa isa o dalawang estudyante na itayo ito para ilarawan ang pagsisimula ng mga Banal sa pagtatayo ng lunsod ng kanlungan.)

  • Nakapagtayo ka na ba ng tolda nang hindi tama o sumubok na magtayo ng tolda nang hindi kumpleto ang mga bahagi nito? Ano ang nangyari?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 105:5 at alamin kung paano dapat itayo ang “tolda” ng Sion para matanggap ito ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang Sion ay dapat itayo ayon sa mga alituntunin ng batas ng kahariang selestiyal. Ipaliwanag na matapos ihayag ng Panginoon ang lokasyon ng lupain ng Sion noong 1831, nagbigay Siya ng maraming paghahayag sa sumunod na dalawang taon na nagpapaliwanag sa mga alituntuning pagbabatayan ng mga Banal sa pagtatayo ng Sion.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference:

Doktrina at mga Tipan 82:14–19

Doktrina at mga Tipan 97:10–16

Doktrina at mga Tipan 97:21–22, 25–27

Doktrina at mga Tipan 133:4–9

Hatiin sa apat na grupo ang mga estudyante, at mag-assign sa bawat grupo ng isa sa mga reference na nakalista sa pisara. Sabihin sa mga grupo na basahin ang scripture passage na naka-assign sa kanila, at alamin ang mga alituntunin ng kabutihan o mga kautusan na kailangang sundin ng mga Banal para matagumpay na maitayo ang Sion.

Matapos pag-aralan ng mga estudyante ang mga scripture passage na naka-assign sa kanila, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang mga sagot nila. (Dapat kasama sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod: ipamuhay ang batas ng paglalaan at hangarin ang kapakanan ng iba [D at T 82:17–19]; magtayo ng templo at tumanggap ng tagubilin doon [D at T 97:10–14]; maging dalisay ang puso [D at T 97:16, 21]; sundin ang mga kautusan [D at T 97:25–26]; at maging banal at “lumabas … sa Babilonia,” na ibig sabihin ay talikuran ang kamunduhan [D at T 133:4–5].)

  • Sa paanong paraan nakatulong ang pagsunod sa mga alituntuning ito ng kabutihan sa mga Banal na maitayo ang Sion at maprotektahan mula sa mga espirituwal na unos? Paano tayo maaaring maprotektahan ng pagsunod sa mga alituntuning ito sa panahong ito?

Maaari mong sabihin sa ilang estudyante na dalhin ang kanilang banal na kasulatan at tumayo o umupo sa tabi ng karatulang Kirtland, Ohio, at sabihin sa isa o dalawa sa mga estudynateng ito na pumunta sa karatulang Independence, Missouri at tumayo o umupo sa tabi nito. Ipaliwanag na matapos ihayag ng Panginoon ang lokasyon ng Sion noong Hulyo 1831, marami sa mga Banal ang naglakbay nang halos 900 milya patungo sa Independence, Missouri, para manirahan doon at itayo ang Sion. Ang iba ay nanatili sa Kirtland at sa ibang lugar sa silangan. Isang stake ang inorganisa sa Kirtland noong Pebrero 17, 1834.

Ituro ang larawan ng tolda (o ang tolda na dinala mo sa klase). Ipaliwanag na sa sama-samang pagtutulungan ng mga Banal sa pagtatayo ng Sion, ang mga pagpapala ng Sion na pumoprotekta ay ipinagkaloob sa kanilang lahat, maging sa mga hindi nanirahan sa Independence, Missouri. Nagtulungan ang mga Banal sa pag-aambag ng pondo at resources para mailatag ang pundasyon ng lunsod ng Sion. Sabihin sa mga estudyante na ilarawan sa isipan ang ekstensyon ng tolda ng Sion na sumaklaw sa mga Banal sa Kirtland.

Nagkaroon ng pagtatalu-talo sa mga Banal at sa iba pang mga mamamayan sa Missouri

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga pangyayaring naganap sa Ohio at Missouri sa pagitan ng 1831 at 1833, ipabasa nang malakas sa isang estudyante na malapit sa karatulang Kirtland ang sumusunod na paliwanag kung paano sinuportahan ng mga Banal sa Kirtland stake ng Sion ang pagtatayo ng tampok na lugar o sentro ng Sion sa Missouri. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang ginawa ng ilan sa mga Banal sa Kirtland para makatulong sa pagtatayo ng Sion.

Kirtland, Ohio: Sa sunud-sunod na pagpupulong na idinaos noong Nobyembre 1831, tinipon ni Joseph Smith at ng iba pang mga pinuno ng Simbahan ang mga paghahayag na natanggap hanggang sa panahong iyan at iplinanong ilimbag ito bilang aklat. Sina Oliver Cowdery at John Whitmer ang may responsibilidad na dalhin ang mga paghahayag sa Missouri upang mailimbag ang mga ito ni William W. Phelps bilang Book of Commandments [Aklat ng mga Kautusan]. Noong 1831 hanggang 1832, si Joseph ay patuloy na nakatanggap ng mga paghahayag at patuloy na isinalin ang Biblia. Noong tagsibol ng 1832, naglakbay si Joseph patungo sa Missouri para dumalaw sa mga Banal sa Sion, para balaan sila na si Satanas ay naghahangad na “ilayo ang kanilang mga puso mula sa katotohanan” (D at T 78:10), at para pag-ugnayin ang mga gawain ng mga bishops’ storehouse sa Kirtland at Independence. Ilang miyembro ng Simbahan sa Ohio ang nag-ambag ng pera para tumulong sa pagbili ng lupain at mga suplay sa Missouri. Marami sa mga Banal ang patuloy na lumipat sa Sion, at sa katapusan ng 1832 mga one third ng mga miyembro ng Simbahan ang naninirahan na sa Jackson County.

  • Paano tinulungan ni Joseph Smith at ng iba pang mga Banal sa Kirtland ang mga Banal sa Missouri na magsimula sa pagtatayo ng Sion?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang impormasyon tungkol sa pagsisikap ng mga Banal na maitayo ang lunsod ng Sion. Sabihin sa klase na alamin ang tama at hindi tamang nagawa ng mga Banal nang simulan nila ang pagtatayo ng Sion.

Independence, Missouri: Inilarawan ni Parley P. Pratt ang paninirahan ng mga Banal sa Sion sa pagsasabing “kapayapaan at kasaganaan ang ibinunga ng kanilang mga pagsisikap, at ang ilang ay naging masaganang kabukiran” (Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. [1938], 93). Ang mga pinuno ng Simbahan sa Missouri ay nagsikap na matugunan ang mga pangangailangan ng mga Banal na dumarating doon. Kabilang dito ang pagbili ng lupain at pagtatayo ng isang tindahan at palimbagan. Sa pagsapit ng Hulyo 1833, umabot ang populasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw nang halos 1,200. Ngunit nagkaroon pa rin ng mga problema ang mga pinuno at mga Banal. Nakahadlang sa ilang miyembro ang kanilang pagkamakasarili at kasakiman sa pagsunod sa batas ng lubos na paglalaan.

Bukod pa sa mga problema ng mga Banal na dulot ng mismong pagsuway nila, sila at ang mga orihinal na naninirahan sa lugar ay hindi nagkaunawaan. Lalong nag-alala ang mga taga Missouri sa mabilis na pagdami ng mga “Mormon” at ng kanilang impluwensya sa lokal na ekonomiya at pulitika. Ang mga pinuno ng relihiyon sa lugar ay hindi sang-ayon sa mga paniniwala ng mga Banal. Isang pinuno ng relihiyon ang nagpalaganap ng mga kasinungalingan tungkol sa mga miyembro ng Simbahan at inudyukan ang mga mamamayan na kumilos nang marahas laban sa kanila. At noong Hulyo 1833, inilathala ni W. W. Phelps ang isang artikulong may pamagat na “Free People of Color,” na nagbabala sa mga missionary tungkol sa pag-proselyte sa mga alipin. Inakala ng mga mamamayan ng Missouri, na sumusuporta sa pagkakaroon ng alipin, na inaanyayahan ng mga Banal ang mga pinalayang alipin na pumunta sa Missouri. Nakaragdag ito sa mahirap nang kalagayan sa estado. Noong Hulyo 20, 1833, inihagis ng mga mandurumog ang makina ng imprenta sa kalsada, winasak ang palimbagan, sinira ang karamihan sa mga hiwa-hiwalay pang papel ng Aklat ng mga Kautusan, binuhusan ng alkitran at balahibo si Bishop Partridge at ang convert na si Charles Allen, at sinindak ang buong bayan. Nagpatuloy ang karahasan at napilitang lisanin ng mga Banal ang Jackson County noong Nobyembre at Disyembre ng taong iyon.

  • Sa inyong palagay, ano ang madarama ninyo kung isa kayo sa mabubuting Banal at umaasa sa pangangalaga ng Panginoon pero pinuwersang lisanin ang Jackson County?

  • Kung may magtanong sa inyo kung bakit hindi naitayo ng mga Banal noon ang lunsod ng Sion, ano ang sasabihin ninyo? (Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 101:6–7; 103:2–4; 105:3–4, 9.)

Kung hindi mo pa nasasabi sa mga estudyante na bumalik sila sa kanilang upuan, sabihin na ito sa kanila ngayon.

Ano ang hinaharap ng Sion?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 97:21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon ang Sion. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita na nagtuturo ng sumusunod na katotohanan: Sion ang may dalisay na puso. Patingnan ang nakalistang mga alituntunin at pag-uugali sa pisara at itanong ang mga sumusunod:

  • Sa paanong paraan nakatutulong sa mga tao ang mabubuting alituntuning ito para maging dalisay ang kanilang puso?

  • Ano ang ating gagampanan sa pagtatayo ng Sion ngayon? (Maaari tayong mamuhay nang matwid at hikayatin ang iba na mamuhay nang matwid. Kapag ipinamuhay at ibinahagi natin ang ebanghelyo, lumalawak ang mga hangganan ng Sion, napapatibay ang mga istaka nito, at pinangangalagaan ng Diyos ang mga Banal.)

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang mga alituntunin ng kabutihan na nakalista sa pisara. Hikayatin sila na sumulat ng isang mithiin sa kanilang notebook o scripture study journal na mas tapat na maipamuhay ang isa sa mga alituntuning ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Ang Sion ay dapat itayo ayon sa mga alituntunin ng kabutihan

Nagsalita si Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kailangan sa pagtatayo ng Sion ayon sa mga alituntunin ng batas ng kahariang selestiyal:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Karamihan sa gagawin sa pagtatatag ng Sion ay nasa pagsisikap [ng bawat isa sa atin] na maging ‘dalisay [ang] puso’ (D at T 97:21). ‘Ang Sion ay hindi maitatayo kung hindi ito ayon sa mga alituntunin ng batas ng kahariang selestiyal,’ sabi ng Panginoon; ‘kung hindi, hindi ko siya matatanggap sa akin’ (D at T 105:5). Ang batas ng kahariang selestiyal, siyempre pa, ang siyang batas ng ebanghelyo at mga tipan, na kabilang ang ating palagiang pag-alaala sa Tagapagligtas at pangakong pagsunod, sakripisyo, dedikasyon, at katapatan.

“[Pinagsabihan] ng Tagapagligtas ang ilan sa mga unang Banal sa kanilang ‘mahalay … na mga pagnanasa’ (D at T 101:6; tingnan din sa D at T 88:121). Ito ang mga taong nabuhay noong wala pang telebisyon, pelikula, Internet, at iPod. Sa mundo ngayon na puno ng mahahalay na imahe at musika, malaya pa ba tayo sa mahahalay na pagnanasa at mga kasamaang hatid nito? Sa halip na manamit nang malaswa o maglunoy sa hayagang imoralidad ng pornograpiya, dapat tayong magutom at mauhaw sa kabutihan. Para makatungo sa Sion, hindi sapat na mas masama ang iba kaysa sa iyo o sa akin. Hindi lang tayo dapat magpakabait kundi maging mga banal na lalaki at babae. Sabi nga ni Elder Neal A. Maxwell, para sa ating kabutihan manirahan tayo sa Sion at isuko natin ang ating bahay-bakasyunan sa Babilonia (tingnan sa Neal A. Maxwell, A Wonderful Flood of Light [1990], 47)” (“Sa Sion ay Magsitungo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 38–39).

Inisa-isa ni Bishop Keith B. McMullin ng Presiding Bishopric ang ilan sa mga alituntunin kung saan dapat itayo ang Sion:

Larawan
Bishop Keith B. McMullin

“Kabilang sa tipan ng paglalaan ang pagsasakripisyo; nakapaloob dito ang pagmamahal, paggawa, at pag-asa sa sariling kakayahan [self-reliance]; at ito’y kailangan sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos. ‘Ang Sion ay hindi maitatayo,’ sabi ng Panginoon, ‘kung hindi ito ayon sa mga alituntunin ng batas ng kahariang selestiyal’ [D at T 105:5.] Ang tipan ng paglalaan ang sentro ng batas na ito. Balang-araw ay lubos nating [ipamumuhay] ito. Kasama sa tipang ito ang ‘pag-uukol ng oras, talento, at mga pag-aari upang kalingain ang mga nangangailangan—sa espirituwal o temporal—at sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon.’ [Tingnan sa Ensign, Ago. 1984, 4; Tambuli, Dis. 1984, 7.]

“Ang mga alituntuning ito ng pagmamahal, paggawa, pag-asa sa sariling kakayahan, at paglalaan ay bigay ng Diyos. Ang [mga sumusunod] sa mga ito at iniaayon ang kanilang sarili ay nagiging dalisay ang puso. Ang matwid na pagkakaisa ay katangian ng kanilang samahan. Ang kanilang kapayapaan at pagkakaisa ay nagiging [sagisag] sa mga bansa. Sabi ni Propetang Joseph Smith:

“‘Ang pagtatayo ng Sion ay gawain na [humihikayat] sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon; ito’y paksang binigyang-diin ng mga propeta, saserdote at hari nang may kakaibang galak; … narito ito upang ating mamasdan, pagmalasakitan, at tulungang maisulong ang kaluwalhatian [ng Sion] sa mga huling araw … ang gawain na nakatakdang lumipol sa kapangyarihan ng kadiliman, [magpanibago] ng daigdig, [magdala] ng kaluwalhatian ng Diyos, at ng kaligtasan sa pamilya ng sangkatauhan.’ [Teachings of the Prophet Joseph Smith, sel. Joseph Fielding Smith (1976), 231–32; idinagdag ang pagbibigay-diin.]” (“Sa Sion ay Magsitungo!” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 96).

Bakit nabigo ang mga Banal noon na magtayo ng banal na lunsod?

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Sa pamamahala ni Propetang Joseph Smith, tinangkang itatag ng mga unang miyembro ng Simbahan ang sentro ng Sion sa Missouri, ngunit hindi sila naging marapat na itayo ang banal na lungsod. Ipinaliwanag ng Panginoon ang isa sa mga dahilan ng kanilang kabiguan:

“‘Sila ay hindi natutong maging masunurin sa mga bagay na aking hiningi sa kanilang mga kamay, sa halip sila ay puno ng lahat ng uri ng kasamaan, at hindi namamahagi ng kanilang yaman, na nararapat sa mga banal, sa mga maralita at nagdurusa sa kanila;’

“‘At hindi nagkakaisa ayon sa pagkakaisang hinihingi ng batas ng kahariang selestiyal’ (D at T 105:3–4).

“‘May mga pagsasalungatan, at mga pagtatalu-talo, at mga inggitan, at mga alitan, at mahalay at mapag-imbot na mga pagnanasa sa kanila; samakatwid sa pamamagitan ng mga bagay na ito ay dinumihan nila ang kanilang mga mana’ (D at T 101:6).

“Sa halip na marahas na [husgahan] ang mga unang Banal na ito, dapat nating suriin ang ating sarili kung mas mabait tayo.

“Ang Sion ay Sion dahil sa pagkatao, mga katangian, at katapatan ng mga mamamayan nito. Tandaan, ‘tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila’ (Moises 7:18). Kung itatatag natin ang Sion sa ating mga tahanan, branch, ward, at stake, ipamuhay natin ang pamantayang ito. Kailangan ay (1) may isang puso’t isang isipan; (2) maging banal na mga tao, nang mag-isa at magkakasama; at (3) pangalagaan ang nangangailangan sa paraang mapapalis natin ang karalitaan nating lahat. Huwag nating hintayin ang pagdating ng Sion para mangyari ang mga bagay na ito—darating lamang ang Sion kapag nangyari ito” (“Sa Sion ay Magsitungo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 38).

Ang pagbuo ng mga stake ay katulad ng pagtatayo ng mga lunsod ng Sion

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie na ang mga stake ang lugar ng pagtitipon ng mga Banal na naninirahan sa iba’t ibang dako ng mundo:

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

“Ang stake ay may mga hangganan. Ang pagbuo ng isang stake ay katulad ng pagtatayo ng Lunsod ng Kabanalan. Lahat ng stake sa mundo ay lugar ng pagtitipon para sa mga nawawalang tupa ng Israel na nakatira sa lugar nito. …

“Bawat isa sa atin ay makapagtatayo ng Sion sa ating sariling buhay sa pamamagitan ng pagiging dalisay ang puso. At ang pangako ay ‘Mapapalad ang mga may malinis na puso: sapagka’t makikita nila ang Dios.’ (Mat. 5:8.) Mapapalawak ng bawat isa sa atin ang mga hangganan ng Sion sa pamamagitan ng pagtitipon ng ating mga kaibigan at kapitbahay sa kawan ng Israel” (“Come: Let Israel Build Zion,” Ensign, Mayo 1977, 118).

Bumalik si Joseph Smith sa Kirtland mula sa Missouri

Isinulat ni Joseph Smith ang sumusunod tungkol sa kanyang paglalakbay pabalik sa Kirtland matapos dalawin ang mga Banal sa Missouri:

Larawan
Propetang Joseph Smith

“Noong ika-6 ng Mayo [1832] nagpaalam na ako sa mga kapatid sa Independence, at, kasama sina Brother Rigdon at Brother Whitney, ay nagsimulang maglakbay pabalik sa Kirtland, sakay ng karwahe patungo sa St. Louis, at mula rito patungo sa Vincennes, Indiana; at buhat doon patungo sa New Albany, malapit sa talon ng ilog ng Ohio. Bago kami dumating sa huling lugar na nabanggit ko, natakot ang mga kabayo, at habang mabilis ang pagtakbo nito, tinangka ni Bishop Whitney na tumalon sa karwahe, pero dahil nasabit ang kanyang amerikana, naipit ang kanyang paa sa gulong, at nabali ang kanyang binti at paa; ako naman ay nakatalon nang hindi nasaktan. Nanatili kami sa bahay-tuluyan ni Mr. Porter, sa Greenville, sa loob ng apat na linggo, samantalang dumiretso na si Elder Rigdon patungo sa Kirtland. Sa buong panahong ito, hindi nawalan ng sapat na pagkain o tulog si Brother Whitney, at si Dr. Porter, ang kapatid ng aming kasero, na nag-asikaso sa kanya, ay nagsabing nakakalungkot naman at hindi kami nakapagpapunta ng ilang ‘Mormon’ doon, dahil maaaring maayos nila ang mga nabaling buto o anupamang bagay. Sinamahan ko si Brother Whitney at inasikaso siya hanggang sa makaya na niyang kumilos. Habang nasa lugar na ito madalas akong maglakad sa kakahuyan kung saan nakakita ako ng ilang puntod; isang araw nang tumayo ako mula sa hapag-kainan, ako ay dumiretso sa pintuan at nagsimulang magsuka nang magsuka. Maraming dugo at nakalalasong sangkap ang isinuka ko, at dahil sa sobrang sakit at pagsusuka, pansamantalang nalinsad ang aking panga. Inilagay ko ang aking mga kamay sa panga ko para maibalik ito sa dati, at kaagad kong pinuntahan si Brother Whitney (na nakahiga sa kama); ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa ulo ko at binasbasan ako sa pangalan ng Panginoon, at kaagad akong gumaling, kahit napakatindi ng epekto ng lason, na sanhi para malagas ang marami kong buhok. Nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit para sa pagpapagaling Niya sa akin sa kritikal na sandaling ito, sa pangalan ni Jesucristo. Amen.

“Hindi pa nakakatayo si Brother Whitney mula sa kanyang higaan sa halos apat na linggo, nang pumasok ako sa kanyang silid, matapos maglakad sa kakahuyan, at sinabi sa kanya na kung papayag siyang umuwi bukas nang umaga ay sasakay kami sa bagon papunta sa ilog, mga apat na milya ang layo, at may isang ferry-boat doon na kaagad magtatawid sa amin sa kabilang pampang, at doon ay may isang kabayo na magdadala sa amin diretso sa daungan, doon ay may isang bangka, na naghihintay, at maglalayag na kami sa ilog bago mag-alas diyes, at maginhawang makapaglalakbay pauwi. Siya ay nagkalakas-loob at sinabi sa akin na uuwi siya. Umalis na kami kinabukasan, at nakita ang lahat ng bagay na sinabi ko sa kanya, dahil mabilis kaming nakapaglayag sa ilog bago mag-alas diyes, at dumaong sa Wellsville, sumakay ng karwahe papunta sa Chardon, at mula rito ay sumakay ng bagon papunta sa Kirtland, nakauwi kami nang mga Hunyo na” (sa History of the Church, 1:271–72). (Tingnan din sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 116.)

Pagkapoot at Karahasan sa Jackson County

“Bago matapos ang Abril [1833], muling [nagkaroon] ng mga pag-uusig. Sa simula pa lang ay nagbabala ang mga mamamayan doon na hindi nila nagugustuhan ang pagdagsa ng napakaraming Banal sa mga Huling Araw, na kinatatakutan nilang dadaig sa kanila sa mga halalan. Karamihan sa mga Banal ay mula sa mga estado sa hilaga at karaniwang laban sa pang-aalipin sa mga taong mula sa lahing Aprikano, na noon ay pinapayagan ng batas sa Missouri. …

“Isang pabatid, na kung minsan ay tinatawag na lihim na saligang batas, ang inilibot ng mga kaaway upang kumuha ng lagda ng mga taong nakahandang pumuksa sa ‘[salot na] Mormon.’ Ang ganitong pagkasuklam ay humantong sa pagpupulong ng mga mandurumog, na may bilang na mga 400 kalalakihan, noong ika-20 ng Hulyo 1833 sa hukuman sa Independence upang pag-ugnayin ang kanilang mga pagkilos. Mga kahilingang nakasulat ang iniharap sa mga pinuno ng Simbahan na nag-uutos sa kanilang lisanin ang Jackson County; itigil ang paglilimbag ng kanilang pahayagan, ang Evening and the Morning Star; at huwag nang magpapunta pa ng mga miyembro ng Simbahan sa Jackson County. Nang malaman ng mga mandurumog na hindi pumapayag ang mga pinuno ng Simbahan sa mga labag sa batas na kahilingang ito, nilusob nila ang tanggapan ng pahayagan, na siya ring tahanan ng patnugot nito, si William W. Phelps. Ninakaw ng mga lumusob ang palimbagan at winasak ang gusali. …

“Muling dumating ang mga mandurumog noong ika-23 ng Hulyo [1833], at inialok ng mga pinuno ng Simbahan ang kanilang sarili [bilang kapalit] kung hindi nila sasaktan ang mga tao. Ngunit [nagbanta] ang mga mandurumog na sasaktan ang lahat ng miyembro ng Simbahan at pinilit ang mga kapatid na pumayag na lilisanin ng lahat ng Banal sa mga Huling Araw ang lupain. Dahil labag sa batas ang ginawa ng mga mandurumog at salungat sa mga saligang batas ng Estados Unidos at ng estado ng Missouri, hiniling ng mga pinuno ng Simbahan ang tulong ng gobernador ng estado, si Daniel Dunklin. Sila ay pinayuhan niya ng kanilang mga karapatan sa batas at tinagubilinan silang kumuha ng manananggol. …

“Noong malapit nang matapos ang 1833, tumawid ng Ilog Missouri ang karamihan sa mga Banal patungong hilaga sa Clay County at nakahanap ng pansamantalang kanlungan doon” (Ang Ating Pamana: Isang Maikling Kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw [1997, 1998], 47–48, 50–51).

Print