Seminaries and Institutes
Lesson 70: Doktrina at mga Tipan 64:20–43


Lesson 70

Doktrina at mga Tipan 64:20–43

Pambungad

Natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 64 noong Setyembre 11, 1831. Ang Doktrina at mga Tipan 64:20–43 ay naglalaman ng mga turo ng Panginoon tungkol sa mga sakripisyong hinihingi Niya sa mga Banal at tungkol sa pagtatatag ng Sion sa mga huling araw.

Paalala: Ang lesson na ito ay nagbibigay sa dalawang estudyante ng pagkakataon na makapagturo. Maaga pa ay bigyan na ang mga estudyanteng ito ng mga kopya ng materyal para may sapat silang oras na makapaghanda. Bilang alternatibo, maaaring ikaw mismo ang magturo ng buong lesson.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 64:20–25

Itinuro ng Panginoon na hinihingi Niya ang ating mga puso

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na gumawa sila ng mga sakripisyo upang masunod ang mga kautusan ng Panginoon. (Upang matulungan silang makapag-isip, maaari kang magbahagi ng isang halimbawa tulad ng hindi pagsali sa isang palaro o aktibidad na katulad nito sa araw ng Sabbath.) Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan kung paano sila napagpala sa paggawa ng ganitong mga sakripisyo.

Ipaliwanag na sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 64:20–43, lalo pang matututuhan ng mga estudyante ang tungkol sa mga sakripisyong hinihingi ng Panginoon sa atin. Idispley ang sumusunod na chart. (Maaari mong isulat sa pisara ang chart bago magklase.)

Isaac Morley (D at T 64:20)

Frederick G. Williams (D at T 64:21)

Utos

Tugon/Ginawa

Resulta

Ipaliwanag na nagmamay-ari si Isaac Morley ng malaking sakahan sa Kirtland, Ohio. Bukas-palad niyang inanyayahan ang maraming miyembro ng Simbahan, kabilang si Joseph Smith at pamilya nito, na manirahan sa lupain. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iniutos ng Panginoon kay Isaac Morley na gagawin niya sa sakahan.

  • Ano ang inutos ng Panginoon kay Isaac Morley na gagawin niya sa kanyang sakahan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa chart ang Ipagbili ang kanyang sakahan para maipakita ang utos ng Panginoon kay Isaac Morley.)

Ipaliwanag na iniutos ng Panginoon kay Isaac Morley na gumawa ng malaking sakripisyo. Ang malaking bahagi sa perang napagbentahan ng kanyang sakahan ay gagamitin sa pagbili ng lupain para sa iba pang mga miyembro ng Simbahan sa Independence, Missouri.

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon kay Isaac Morley kung ipagbibili niya ang kanyang sakahan? (Ipinangako ng Panginoon na kung ipagbibili ni Isaac Morley ang kanyang sakahan, siya ay “hindi matutukso nang higit pa sa kanyang makakayanan.”)

  • Ano ang itinuturo sa atin ng pangakong ito tungkol sa pag-iwas sa tukso? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang kalooban ng Panginoon para sa atin, hindi tayo matutukso nang higit pa sa makakayanan natin.)

Ipaliwanag na sinunod ni Isaac Morley ang utos ng Panginoon na ipagbili ang kanyang sakahan. Isa siya sa mga Banal na nanirahan sa Independence, Missouri, kung saan sinikap niyang maitatag ang Sion. Naglingkod siya nang matapat sa Panginoon sa buong buhay niya. Sa chart sa pisara, isulat ang Sumunod siya bilang tugon ni Isaac. Isulat ang Pinagpala siya bilang resulta ng kanyang ginawa.

  • Ano ang ilang halimbawa kung paano natin maiiwasan ang tukso sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan at pamantayan ng Panginoon? (Maaari mong ibahagi ang ilang halimbawa mula sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan.)

Ituro na isa pang lalaki, si Frederick G. Williams, ang nagmamay-ari din ng isang malaking sakahan sa Kirtland. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:21 at alamin ang iniutos ng Panginoon kay Frederick G. Williams.

  • Ano ang inutos ng Panginoon kay Frederick G. Williams na gagawin niya sa kanyang sakahan? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, isulat ang Huwag ipagbili ang kanyang sakahan sa angkop na lugar sa chart.)

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na talata, na ipinapaliwanag kung ano ang ginawa ni Frederick G. Williams sa kanyang sakahan:

Bagama’t hindi iniutos kay Frederick G. Williams na ipagbili ang kanyang sakahan, ipinakita pa rin niya na handa siyang magsakripisyo. Sinabi niya kay Joseph Smith na maaaring gamitin ang kanyang sakahan para may matirhan at makain ang mga miyembro na nangangailangan. Kalaunan, inilaan ni Frederick ang kanyang buong sakahan sa Simbahan nang walang tinanggap na anumang kabayaran. Dahil sa pagsasakripisyo ni Frederick G. Williams at ng iba pang matatapat na miyembro sa Ohio, napanatili ng Panginoon ang “matatag na muog sa lupain ng Kirtland, sa loob ng limang taon” (D at T 64:21). Sa mga taon na ito, naitayo ng mga Banal ang Kirtland Temple, na pinagmulan ng malalaking pagpapala sa mga Banal, kabilang si Brother Williams.

Sa chart sa pisara, kumpletuhin ang column para kay Frederick G. Williams sa pagsulat ng Sumunod siya at Napagpala siya sa angkop na mga lugar.

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagsunod at sakripisyo mula sa mga halimbawa nina Isaac Morley at Frederick G. Williams? (Ibuod ang mga sagot ng mga estudyante sa pagsulat sa pisara ng sumusunod na alituntunin: Napagpapala tayo kapag sinunod natin ang Panginoon at ginawa ang mga sakripisyo na hinihingi Niya sa atin.)

Ipaliwanag na ang mga sakripisyong ginawa nina Isaac Morley at Frederick G. Williams hinggil sa kanilang mga sakahan ay naglalarawan sa isa pang sakripisyo na hiningi ng Panginoon sa kanila at hinihingi Niya sa atin ngayon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:22. Sabihin sa klase na alamin ang sakripisyong hinihingi ng Panginoon sa atin.

  • Ayon sa talata 22, ano ang hinihingi ng Panginoon sa atin? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Hinihingi ng Panginoon ang ating mga puso. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng hinihingi ng Panginoon ang ating mga puso?

  • Paano ipinakita nina Isaac Morley at Frederick G. Williams na handa silang ibigay ang kanilang puso sa Panginoon? Sino ang iba pang mga halimbawa ng mga tao na ibinigay ang kanilang puso sa Panginoon? (Maaari mong sabihin na maaaring magbigay ang mga estudyante ng mga halimbawa mula sa banal na kasulatan o mula sa buhay ng mga taong kilala nila.)

  • Paano natin maipapakita sa Panginoon na handa tayong ibigay ang ating puso sa Kanya?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:23–25 at sabihin sa klase na tukuyin ang isang kautusan na masusunod natin para maipakita na ibinigay natin ang ating puso sa Panginoon.

  • Ano ang iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao? (Magbayad ng ikapu. Maaari mong ipaliwanag na nang ibigay ng Panginoon ang paghahayag na ito, ginamit ng mga Banal ang salitang ikapu para tukuyin ang lahat ng kontribusyon sa Simbahan. Makalipas ang mga pitong taon, inihayag ng Panginoon na ang ikapu ay ang “ikasampung bahagi ng lahat ng [ating] tinubo taun-taon” [D at T 119:4].) Paano nakikita sa pagbabayad ng ikapu na ibinigay natin ang ating puso sa Panginoon?

  • Ayon sa talata 23, ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga magbabayad ng ikapu?

Ipaliwanag na bagama’t ang pagpapalang binanggit sa talata 23 ay angkop sa hinaharap, pinagpapala na rin tayo ngayon ng Panginoon dahil sa pagbabayad ng ikapu. Maaaring sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan nila noong pagpalain sila o ang kanilang pamilya dahil sa pagbabayad ng ikapu.

Doktrina at mga Tipan 64:26–43

Nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin para sa pagtatatag ng Sion

handout iconPara maibigay ang buod ng Doktrina at mga Tipan 64:26–43, ipaliwanag na sa mga talatang ito mababasa natin ang mga tagubilin ng Panginoon para sa pagtatatag ng Sion. Ang natitirang bahagi ng lesson na ito ay nilayong ituro ng mga estudyante. Papuntahin ang unang student teacher sa harapan ng klase para magturo.

Student Teacher 1—Doktrina at mga Tipan 64:26–33

Simulan sa pagtatanong ng sumusunod:

  • Kailan kayo sinabihang tapusin ang isang mahirap o malaking gawain? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari ka ring magbahagi ng halimbawa.)

Ipaliwanag na noong Agosto 1831, ang Panginoon ay nagbigay ng napakahirap na gawain na pangangalap ng pera para mabili ang lahat ng lupaing kinakailangan sa pagtatayo ng lunsod ng Sion sa Jackson County, Missouri. Alam ng mga Banal na kapag nabili nila ang lupain, kailangan nilang magtrabahong mabuti para maitayo ang lunsod at ang templo roon. Ang Doktrina at mga Tipan 64:26–30 ay naglalaman ng utos ng Panginoon sa dalawa sa Kanyang mga tagapaglingkod na sina Newel K. Whitney at Sidney Gilbert. Iniutos Niya sa kanila na gamitin ang kanilang tindahan sa Kirtland, Ohio, para makatulong sa paglalaan ng mga pangangailangan ng mga Banal. Isa itong halimbawa kung paano hinihingi sa mga Banal na magsakripisyo at mag-ambag sa pagtatayo ng Sion.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:31–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga parirala na maaaring naghikayat sa mga Banal na nagsisikap na magawa ang mahirap na gawain ng pagtatayo ng Sion.

  • Anong mga parirala ang maaaring naghikayat sa mga Banal na ito? (Sa pagbabagi ng mga estudyante ng mga parirala, tanungin kung paano nila maiuugnay ang mga pariralang iyon sa kanilang sarili.)

Matapos matalakay ng mga estudyante ang mga talatang ito, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung masigasig tayo sa paggawa ng mabuti, makagagawa tayo ng mga dakilang bagay. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa alituntuning ito. Maaari ka ring magbahagi ng karanasan na nakatulong sa iyo na malaman ang katotohanan ng alituntuning ito.

Student Teacher 2—Doktrina at mga Tipan 64:34–43

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na sinunod nila ang kanilang magulang, lider ng Simbahan, titser, o coach, pero mabigat naman sa kanilang loob. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salitang naglalarawan sa saloobing dapat mayroon tayo kapag sumunod tayo sa Panginoon.

  • Anong mga salita ang nagtuturo ng tamang saloobin sa pagsunod?

Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ng sumusunod na alituntunin: Dapat nating sundin ang Panginoon nang may puso at may pagkukusang isipan.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng sundin ang Panginoon nang may “puso at may pagkukusang isipan”?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na sinunod nila ang Panginoon sa nang may puso at may pagkukusang isipan.

  • Paano ito naiiba sa mga pagkakataong hindi kayo kusang sumunod? (Maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan.)

Ipaliwanag na ayon sa talata 34, ang mga sumusunod sa Panginoon sa kanilang puso at isipan ay magtatamasa ng mga pagpapala ng Sion sa mga huling araw. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:41–43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang impormasyon tungkol sa pagtatatag ng Sion sa ating panahon. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga talatang ito, ipaliwanag na sa mga huling araw, ang Sion ay itatatag sa lahat ng bansa kung saan susundin ng mga tao ang Panginoon nang may puso at may pagkukusang isipan.

Magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa Panginoon sa inyong puso at isipan. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga paraan na masusunod nila ang Panginoon nang mas taos-puso at may kusang pagsunod. Hikayatin sila na pansinin ang kaibhang nagagawa ng ganitong uri ng pagsunod sa kanilang buhay.

Paalala: Matapos maituro ng mga estudyanteng ito ang kanilang bahagi sa lesson, pasalamatan sila sa kanilang ginawa. Sabihin sa klase na sulit ang mga ipinangakong pagpapala para sa pagsunod at mga sakripisyo na hinihingi ng Panginoon sa atin. Sabihin sa isang estudyante na ibuod ang natutuhan ng klase ngayon at ipaliwanag kung paano siya kikilos ayon sa mga alituntuning iyon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 64:20. Iniutos kay Isaac Morley na ipagbili ang kanyang sakahan

Sa panahong ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 64, si Isaac Morley ay nasa Missouri, pero nagbigay siya ng power of attorney sa kanyang bayaw na si Titus Billings. Ito rin ang dahilan kung bakit nakatanggap din si Titus Billings ng tagubilin na ipagbili ang sakahan (tingnan sa D at T 63:39). Ibinenta ni Titus Billings ang tinatayang 80 acres ng sakahan ni Isaac Morley kina Richie at Hercules Carrell noong Oktubre 1831. (Para makita ang lokasyon ng sakahan ni Isaac Morley, tingnan sa Mga Mapa at Talatuntunan ng mga Pangalan ng Lugar, Mapa 4, “Kirtland, Ohio, 1830–38.”)