Seminary
Lesson 157: Opisyal na Pahayag 2


Lesson 157

Opisyal na Pahayag 2

Pambungad

Noong ika-20 siglo, lumaganap ang gawaing misyonero sa buong mundo. Ipinagdasal ng mga lider ng Simbahan na gabayan sila tungkol sa mga restriksyon sa ordenasyon sa priesthood at mga ordenansa sa templo para sa mga miyembro ng Simbahan na may lahing Aprikano. Isang paghahayag ang natanggap ng Pangulo ng Simbahan na si Spencer W. Kimball at pinagtibay sa kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan at sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Salt Lake Temple noong Hunyo 1, 1978. Sa liham na may petsang Hunyo 8, 1978, ipinaalam nila ang paghahayag.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Opisyal na Pahayag 2

Inihayag ng Panginoon na ang priesthood at mga pagpapala sa templo ay maaaring ipagkaloob sa bawat karapat-dapat na miyembro ng Simbahan

Sabihin sa klase na kunwari ay may kaibigan sila na Banal sa mga Huling Araw at nababagabag dahil sa ilang katanungan tungkol sa Simbahan.

  • Ano ang hihikayatin ninyong gawin ng kaibigan ninyo?

Matapos tumugon ang mga estudyante, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Mahal kong mga kaibigan, tayo ay mga taong mahilig magtanong noon pa man dahil alam natin na ang pagtatanong ay humahantong sa katotohanan. …

“… Sa pagtatanong nagsisimula ang patotoo. Maaaring nahihiya ang ilan o nadarama nilang hindi sila karapat-dapat dahil nagdududa sila tungkol sa ebanghelyo, ngunit hindi nila dapat madama iyon. Ang pagtatanong ay hindi tanda ng kahinaan; simula iyon ng pag-unlad.

“Iniutos sa atin ng Diyos na maghanap ng mga sagot sa ating mga tanong (tingnan sa Santiago 1:5–6) at sinasabi sa atin na dapat maghanap ‘nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo’ (Moroni 10:4). Kapag ginawa natin ito, ang katotohanan ng lahat ng bagay ay ipapakita sa atin ‘sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo’ (Moroni 10:5).

“Huwag matakot magtanong. Mag-usisa, ngunit huwag magduda! Laging higpitan ang kapit sa pananampalataya at liwanag na natanggap na ninyo” (“The Reflection in the Water” [Church Educational System devotional, Nob. 1, 2009], LDS.org).

  • Ano ang itinuro sa atin ni Pangulong Uchtdorf na makatutulong sa isang taong may mga tanong tungkol sa Simbahan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento tungkol sa dalawang tao, sina Helvécio at Rudá Martins, na naghangad na matanggap at maunawaan ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtatanong:

Larawan
Elder Helvécio Martins

Elder Helvécio Martins

“Sa isang maaliwalas na gabi noong Abril 1972 … pinag-iisipan ni Helvécio Martins ang paghahanap ng kanyang pamilya sa katotohanan. Marami na silang nasiyasat na relihiyon ng kanyang asawang si Rudá, ngunit hindi mapunan ng alinman dito ang kanilang espirituwal na kahungkagan. ‘Nakipag-usap ako sa Diyos nang gabing iyon, humihingi ng tulong,’ sabi niya” (“Elder Helvécio Martins of the Seventy,” Ensign, Mayo 1990, 106).

Ilang araw kalaunan dumating ang mga missionary sa kanilang tahanan sa Rio de Janeiro, Brazil. Paggunita ni Elder Martins, “Pagkapasok na pagkapasok sa apartment namin ng dalawang kabataang lalaking ito, lahat ng aking kalungkutan at espirituwal na pag-aalala ay kaagad nawala at napalitan ng kapanatagan at kapayapaan na ngayo’y alam ko nang impluwensya ng Banal na Espiritu” (Mark Grover, The Autobiography of Elder Helvécio Martins [1994], 43).

Nang sina Helvécio at Rudá, na may lahing Aprikano, ay nakipag-usap sa mga missionary, itinanong ni Helvécio kung ano ang katayuan ng mga itim na tao sa Simbahan. Nalaman ng pamilya Martins na noong panahong iyon, may patakaran ang Simbahan na hindi dapat bigyan ng priesthood ang mga lalaking may lahing Aprikano. Ito ang naghikayat sa kanila na tanungin pang lalo ang mga missionary.

  • Kung kayo ang nasa katayuan ng pamilya Martins, ano ang mga itatanong ninyo matapos malaman ang restriksyon sa priesthood?

Ipakita ang sumusunod na pahayag, na isang bahagi ng pambungad sa Opisyal Na Pahayag 2. (Maaari kang gumawa ng mga kopya ng pambungad na ito para sa mga estudyante kung wala silang 2013 na edisyon ng mga banal na kasulatan.) Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag, at sabihin sa klase na alamin ang mga sagot sa maaaring itanong ng mga indibiduwal tungkol sa restriksyon sa priesthood.

“Itinuro sa Aklat ni Mormon na ‘pantay-pantay ang lahat sa Diyos,’ kabilang na ang ‘maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae’ (2 Nephi 26:33). Sa buong kasaysayan ng Simbahan, ang mga tao sa bawat lipi at etniko sa maraming bansa ay nabinyagan at namuhay bilang matatapat na miyembro ng Simbahan. Noong nabubuhay pa si Joseph Smith, may ilang itim na miyembro ng Simbahan ang noorden sa priesthood. Sa mga unang taon ng kasaysayan ng Simbahan, itinigil ng mga lider ng Simbahan ang pagkakaloob ng priesthood sa mga lalaking itim na may lahing Aprikano. Ang mga tala ng Simbahan ay walang ibinigay na malinaw na pagkaunawa tungkol sa pinagmulan ng gawaing ito.”

  • Anong mga tanong tungkol sa restriksyon sa priesthood ang masasagot sa pamamagitan ng pahayag na ito?

Ipaliwanag ang linya na nagsasaad ng, “Ang mga tala ng Simbahan ay walang ibinigay na malinaw na pagkaunawa tungkol sa pinagmulan ng gawaing ito.” Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na bagama’t may ilang tao na nagsasabi ng mga dahilan kung bakit may panahong ang mga lalaking may lahing Aprikano ay hindi inorden sa priesthood, maaaring hindi tumpak ang mga dahilang iyon. Ang pahayag na kababasa pa lang ay kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Ipabasa sa isa pang estudyante ang sumusunod na talata na naglalarawan sa ginawa ng pamilya Martins matapos nilang malaman ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo:

Ang pamilyang Martins ay bininyagan noong Hulyo 2, 1972, at matapat na naglingkod sa Simbahan. Nang natanggap ng kanilang panganay na anak na si Marcus ang kanyang patriarchal blessing, nakasaad dito ang pangako na ipapangaral niya ang ebanghelyo. Bagama’t may restriksyon pa sa priesthood nang panahong iyon na humadlang kay Marcus para makapaglingkod ng full-time mission, nagbukas pa rin ng missionary savings account ang kanyang mga magulang. Noong 1975 ibinalita ng Simbahan na isang templo ang itatayo sa São Paulo, Brazil. Para makatulong sa pagkalap ng pondo, ipinagbili ni Sister Martins ang kanyang mga alahas. Matapat na naglingkod si Brother Martins bilang miyembro ng publicity committee para sa templo. Ginawa ng pamilya Martins ang mga sakripisyong ito kahit alam nila na hindi sila magkakaroon ng pagkakataong matanggap ang mga ordenansa ng priesthood sa templo.

  • Sa inyong palagay, bakit handang magpabinyag at maglingkod nang tapat sa Simbahan ang pamilya Martins, kahit apektado sila sa restriksyon sa priesthood nang panahong iyon?

Matapos talakayin ng mga estudyante ang tanong na ito, basahin nang malakas ang sagot ni Brother Martins:

Larawan
Elder Helvécio Martins

“‘Natagpuan na namin ang katotohanan, at walang makapipigil sa amin na ipamuhay iyon.’ … ‘Kapag sinabi sa inyo ng Espiritu ang ebanghelyo ay totoo, paano mo magtatatwa ito?’” (sa “Elder Helvécio Martins ng Pitumpu,” 106).

Ipaliwanag na dahil nakatanggap ng patotoo ang pamilya Martins sa pamamagitan ng Espiritu Santo, nagpatuloy sila, nagtiwala sa Panginoon, sa kabila ng mga bagay na hindi nila maunawaan.

  • Paano magsisilbing halimbawa sa inyo ang pamilya Martins kapag may mga tanong kayo? (Maaari tayong manangan nang mahigpit sa nalalaman na natin at manatiling matatag hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman.)

Ipaliwanag na bukod pa sa pamilya Martins, libu-libong tao na may lahing Aprikano sa iba’t ibang bansa ang nakaalam na ng katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo maraming dekada bago ang paghahayag noong 1978. Ang mga lider ng Simbahan sa Salt Lake City ay nakatanggap ng sunud-sunod na mga liham mula sa mga nagbalik-loob sa Nigeria at Ghana na hindi pa nabinyagan na humihiling na padalhan sila ng mga missionary sa Africa. Sa loob ng maraming taon, pinag-isipan nang may panalangin ng mga lider ng Simbahan ang bagay na iyon ngunit nadamang hindi pa panahon para magpadala ng mga missionary sa Africa, kung saan hindi maaaring mamuno o magsagawa ng mga ordenansa ang mga lokal na miyembro.

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

Ipaalam sa mga estudyante na ang Opisyal Na Pahayag 2 ay naglalaman ng mga opisyal na pabatid ng paghahayag na natanggap ni Pangulong Spencer W. Kimball noong Hunyo 1, 1978. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata simula sa pariralang “Mga Minamahal na Kapatid.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng mga lider ng Simbahan na nasaksihan nila.

  • Ano ang nasaksihan ng mga lider ng Simbahan sa buong mundo?

  • Ano ang nakahikayat sa mga lider ng Simbahan nang masaksihan nilang lumawak ang gawain ng Panginoon? (Isang hangaring maipagkaloob ang lahat ng pagpapala ng ebanghelyo sa lahat ng karapat-dapat na miyembro.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang kasunod na talata (simulan sa “Batid ang mga pangakong”). Sabihin sa klase na alamin kung ano ang ginawa ng mga lider ng Simbahan sa bagay na nadama nilang dapat gawin.

  • Ano ang ginawa ni Pangulong Spencer W. Kimball at ibang mga lider ng Simbahan sa bagay na nadama nilang dapat gawin?

  • Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa mga propeta? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Hinihingi ng mga propeta ang gabay ng Panginoon sa pamamahala sa Simbahan.)

Banggitin ang pariralang “Batid ang mga pangakong ginawa ng mga propeta.”

  • Ano ang itinuturo sa atin ng parirala at ng pangungusap na ito tungkol sa nalalaman ng mga lider ng Simbahan tungkol sa restriksyon sa priesthood? (Alam nila na darating ang panahon na ang lahat ng karapat-dapat na kalalakihan ay magkakaroon ng oportunidad na tumanggap ng priesthood.)

Ipaliwanag na sa loob ng maraming taon bago ang taong 1978, pinag-usapan at ipinagdasal ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa restriksyon sa priesthood. Nadama ng mga lider ng Simbahan na kailangan ang paghahayag upang mabago ang restriksyon, na mahigit isang siglo nang ipinapatupad. Matagal nang bumabagabag sa isipan ni Pangulong Kimball ang katanungang ito, at madalas na nagtutungo siya sa templo nang mag-isa upang ipagdasal ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang susunod na dalawang talata, simula sa “Kanyang dininig ang aming mga panalangin.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinugon ng Panginoon sa mga panalangin ni Pangulong Kimball, ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, at ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.

  • Ano ang sagot ng Panginoon sa mga panalangin ng Kanyang mga propeta?

  • Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa kung paano pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga propeta.)

Ipaliwanag na ang paghahayag na ito ay may malalim na epekto sa mga tao sa buong mundo. Ipabasa sa isang estudyante ang ginawa nina Helvécio Martins at ng kanyang asawang si Rudá nang malaman nila ito:

“Nag-uumapaw sa galak ang puso ko. Nagpunta kami ni Rudá sa isang silid, lumuhod, at nagdasal. Umiyak kami at nagpasalamat sa ating Ama sa Langit para sa pangyayaring pinangarap lamang namin. Dumating na nga ang araw, at ito ay dumating sa aming mortal na buhay” (Autobiography, 69–70). Ang pamilya Martins ay ibinuklod sa templo. Ang anak nilang si Marcus ang unang miyembro ng Simbahan na may lahing Aprikano na nagmisyon matapos ibigay ang paghahayag na tumapos sa restriksyon sa priesthood. Si Helvécio Martins ay naging priesthood leader sa kanilang lugar at kalaunan ay tinawag na maglingkod bilang miyembro ng Pangalawang Korum ng Pitumpu.

Ipaliwanag na matapos ibigay ang paghahayag na tumapos sa restriksyon sa priesthood, kaagad nagpadala ng mga missionary sa Africa. Mula noon maraming templo na ang itinayo sa kontinenteng iyon, at daan-daang libong tao ang tumanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo para sa kanilang sarili at para sa kanilang mga pumanaw na ninuno.

Ipaliwanag na maaaring may mga magtanong sa mga estudyante kung bakit may panahong hindi inorden ng Simbahan sa priesthood ang kalalakihang may lahing Aprikano. Sabihin sa kanila na isiping mabuti kung paano nila sasagutin ang tanong na ito.

Bigyang-diin na nararapat na ipaliwanag sa iba na hindi natin alam kung bakit pinasimulan ang restriksyon sa preisthood. Bilang karagdagan, maibabahagi at mapapatotohanan natin ang mga katotohanang alam natin. (Maaari mong patingnan ang mga katotohanang nakasulat sa pisara.) Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na magbahagi ng kanilang mga damdamin at patotoo. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong patotoo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Opisyal na Pahayag 2. Ang mga pagpapala ng priesthood ay para sa lahat ng anak ng Diyos

Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na bagama’t iginawad ang awtoridad ng priesthood sa kalalakihan, lahat ng mga anak ng Ama sa Langit—lalaki at babae—ay makatatanggap ng mga pagpapala ng priesthood:

Larawan
Elder M. Russell Ballard

“Sa plano ng ating Ama sa Langit na nagkaloob ng priesthood sa kalalakihan, ang mga lalaki ay may kakaibang responsibilidad na pangasiwaan ang priesthood, ngunit hindi sila ang priesthood. Ang kalalakihan at kababaihan ay may mga tungkulin na magkaiba ngunit parehong mahalaga. Hindi man kayang magdalantao ng babae kung walang lalaki, hindi naman lubos na magagamit ng lalaki ang kapangyarihan ng priesthood para magbuo ng walang-hanggang pamilya kung walang babae. Sa madaling salita, sa walang-hanggang pananaw, ang mag-asawa ay parehong may ginagampanan sa kapangyarihang lumikha ng buhay at sa kapangyarihan ng priesthood. At bilang mag-asawa, ang isang lalaki at isang babae ay dapat magsikap na sundin ang ating Ama sa Langit. Ang magagandang katangian ng pagmamahal, pagpapakumbaba, at pagpapasensya ang dapat nilang pagtuunan kapag naghangad sila ng mga pagpapala ng priesthood sa kanilang buhay at para sa kanilang pamilya.

“Lubhang kailangan nating maunawaan na ang Ama sa Langit ay naglaan ng paraan sa lahat ng Kanyang anak na makatanggap ng mga pagpapala at mapalakas ng kapangyarihan ng priesthood” (“Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 19).

Opisyal na Pahayag 2. Iwasang ilakip ang mga haka-haka ng tao sa mga paghahayag ng Diyos

“Noong 1988 na interbyu sa ikasampung anibersaryo ng paghahayag tungkol sa priesthood, ipinaliwanag [ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol] ang [kanyang] saloobin sa mga pagtatangka ng tao na magbigay ng dahilan o paliwanag tungkol sa banal na paghahayag:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“‘Kung magbabasa kayo ng mga banal na kasulatan na iniisip ang tanong na ito, “Bakit iniutos ng Panginoon ito o bakit niya iniutos iyon,” makikita ninyo na sa halos isandaang utos walang ibinigay na anumang dahilan. Hindi pamantayan ng Panginoon ang magbigay ng mga dahilan. Tayong [mga tao] ang maaaring nagbibigay ng mga dahilan sa paghahayag. Tayo ang maaaring nagbibigay ng mga dahilan sa mga kautusan. Kapag ginawa natin iyan, sarili lang nating dahilan iyan. May ilang tao na nagbibigay ng mga dahilan sa pinag-uusapan natin dito, at talagang napapatunayang mali ang mga ito. May aral na matututuhan diyan. … Napagpasiyahan ko na noon pa man na may pananampalataya ako sa kautusan at wala akong pananampalataya sa mga dahilan o paliwanag na ibinibigay dito.’

“Nang tanungin [siya] kung ang tinutukoy ba niya ay ang mga dahilang ibinigay ng mga General Authority, sumagot [siya]:

“‘Ang tinutukoy ko ay ang mga dahilan na ibinibigay ng mga general authority na dinagdagan ng paliwanag … ng ibang tao. Ang lahat ng mga pagpapaliwanag na ito para sa akin ay peligrosong bagay na hindi naman dapat gawin. … Huwag nating gawin ang pagkakamaling nagawa noon, dito at sa ibang lugar, na tinatangkang ipaliwanag ang paghahayag. Ang mga paliwanag na ito ay halos gawa-gawa lamang ng mga tao. Ang mga paghahayag na ito ang sinasang-ayunan natin bilang kalooban ng Panginoon at nariyan ang kaligtasan’ [“Apostles Talk about Reasons for Lifting Ban,” Daily Herald, Provo, Utah, Hunyo 5, 1988, 21 (AP)]” (Dallin H. Oaks, Life’s Lessons Learned [2011], 68–69).

Opisyal na Pahayag 2. Hindi natin alam ang lahat ng sagot, ngunit dapat nating sikaping sundin ang pinakabagong impormasyong ipinaalam sa atin

Ibinigay ni Elder Paul V. Johnson ng Pitumpu ang sumusunod na payo sa mga titser ng ebanghelyo:

Larawan
Elder Paul V. Johnson

“Hindi naman makasasama sa isang estudyante na makitang hindi alam ng titser ang sagot sa lahat ng bagay pero alam niya ang sagot sa mahahalagang tanong at may malakas na patotoo. Nang tanungin ng anghel si Nephi kung alam niya ang pagpapakababa ng Diyos, sumagot si Nephi na, “Alam kong mahal niya ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17). Kahit hindi natin alam ang sagot sa partikular na tanong, maaari nating ipaalala sa ating mga estudyante ang bagay na alam natin.

“Ang isa pang hamon na kinakaharap natin, lalo na kung matagal na tayong nagtuturo, ay ang tendensiyang panghawakan ang mga lumang file at lumang paliwanag. Mas makabubuting alamin natin ang kasalukuyang pananaw ng Simbahan. Isang mainam na paraan para gawin ito ay ang maging pamilyar sa materyal na nasa newsroom sa LDS.org (mormonnewsroom.org). …

“Natanggap ako sa seminary at institute noong tag-init ng 1978. Noong buwan ng Hunyo nang tag-init na iyon, ibinalita ang paghahayag na maaari nang igawad ang priesthood sa lahat ng karapat-dapat na kalalakihan. Noong Agosto nang taong ding iyon, si Elder Bruce R. McConkie, miyembro ng Korum ng Labindalawa, ay nagsalita sa mga nagtatrabaho sa seminary at institute sa isang pagtitipon na katulad nito. Binigyang-diin niya kung paano binago ng paghahayag ang pag-unawa natin ukol sa isyung ito. Sabi niya:

“‘Kalimutan ninyo ang lahat ng sinabi ko, o ang sinabi ni Pangulong Brigham Young o ni Pangulong George Q. Cannon o ninuman na salungat sa kasalukuyang paghahayag. Nagsalita kami noon nang may limitadong pang-unawa at wala ang liwanag at kaalaman na dumating ngayon sa mundo.

“‘Nakukuha natin ang ating katotohanan at liwanag nang taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin. Idinagdag natin ngayon ang bagong pagbuhos ng katalinuhan at liwanag hinggil sa paksang ito, at pinapawi nito ang kadiliman at lahat ng pananaw at lahat ng ideya ng nakaraan. Hindi na mahalaga ang mga iyon ngayon.

“‘Hindi na mahalaga pa ang sinabi ng sinuman tungkol sa … bagay na ito bago sumapit ang unang araw ng Hunyo ng taong ito (1978)’ (“All Are Alike unto God” [CES symposium on the Book of Mormon, Ago. 18, 1978], 2; LDS.org).

“Dapat nating sikaping sundin ang pinakabagong impormasyong ipinaalam sa atin” (“A Pattern for Learning Spiritual Things” [mensahe sa CES religious educators, Ago. 7, 2012], LDS.org).

Opisyal na Pahayag 2. “Ipinaalam ng Panginoon ngayon ang kanyang kalooban”

Inilarawan ng ilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanilang karanasan nang ibigay ang paghahayag noong Hunyo 1, 1978. Halimbawa, si Pangulong Gordon B. Hinckley, na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1978, ay nagpatotoo na:

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Nagkaroon ng isang sagrado at pinabanal na diwa sa silid. Para sa akin, parang isang lagusan ang nagbukas sa pagitan ng luklukan ng langit at ng nakaluhod at nagsusumamong propeta ng Diyos na sinamahan ng kanyang mga Kapatid. … Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay dumating ang katiyakan sa propetang iyon na tama ang bagay na ipinagdasal niya, na dumating na ang tamang panahon, at ngayon ang mga kamangha-manghang mga pagpapala ng priesthood ay dapat igawad sa mga karapat-dapat na tao anuman ang lahi ng mga ito.

“Bawat lalaki sa bilog na iyon, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ay nalamang lahat ang bagay na iyon. …

“… Wala ni isa sa amin na naroon sa kaganapang iyon ay tulad ng dati pagkatapos noon. Nabago rin ang Simbahan mula noon” (“Priesthood Restoration,” Ensign, Okt. 1988, 70).

Pinagtibay din ito ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

“Sa pagkakataong ito [nang ang paghahayag na nasa Opisyal Na Pahayag 2 ay natanggap], dahil sa taimtim na pagsamo at pananampalataya, at dahil dumating na ang oras at panahon, ang Panginoon sa kanyang kabutihan ay ibinuhos ang Espiritu Santo sa Unang Panguluhan at sa Labindalawa sa mahimala at kagila-gilalas na paraan, higit kaysa anumang bagay na naranasan ng sinumang naroon. Ang paghahayag ay dumating sa Pangulo ng Simbahan; dumating din ito sa bawat isang naroon” (“All Are Alike unto God” [mensahe sa CES religious educators, Ago. 18, 1978], 3, LDS.org).

Opisyal na Pahayag 2. Para sa karagdagang impormasyon

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Opisyal na Pahayag 2, pumunta sa Gospel Topics sa LDS.org at hanapin ang “race and the priesthood.”

Print