Seminaries and Institutes
Lesson 68: Doktrina at mga Tipan 63:22–66


Lesson 68

Doktrina at mga Tipan 63:22–66

Pambungad

Noong Agosto 30, 1831, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63. Saklaw ng lesson na ito ang Doktrina at mga Tipan 63:22–66, kung saan ang Panginoon ay nangako ng mga pagpapala sa mga Banal na matatapat sa mga huling araw, nagbabala sa mga panganib na dulot ng kapalaluan o pagmamataas, at hinikayat ang Kanyang mga tagapaglingkod na alalahanin ang kasagraduhan ng Kanyang pangalan at magsalita nang may pagpipitagan tungkol sa lahat ng mga sagradong bagay.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 63:22–54

Nangako ang Panginoon ng mga pagpapala sa matatapat sa mga huling araw

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano kaya ang ipinag-aalala ng ilang tao tungkol sa buhay sa mga huling araw?

Sa simula ng lesson, sabihin sa mga estudyante na talakayin ang tanong na ito bilang buong klase o magkakapartner.

Ipaliwanag na sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63, nangusap ang Panginoon tungkol sa pagkawasak na darating sa masasama sa mga huling araw, at matindi rin ang mga ipinangako Niya sa mga Banal. Bukod pa rito, iniutos Niya sa mga Banal sa panahong iyan na bumili ng lupain sa Missouri para sa pagtatayo ng Sion, na ipinangako Niya na magiging lugar ng kanlungan (tingnan sa D at T 45:66–69).

handout iconPara matulungan ang mga estudyante na malaman ang tungkol sa mga propesiya sa Doktrina at mga Tipan 63, gumawa ng isang worksheet na naglalaman ng mga sumusunod na pahayag. Pagpartnerin ang mga estudyante para magtulungan sa pagsagot. Sabihin sa kanila na alamin kung ang bawat pahayag ay tama o mali sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kaugnay na scripture reference. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan sa kanilang banal na kasulatan ang mga katotohanang nalaman nila habang kinukumpleto nila ang worksheet na ito.

  • ____1. Sa mga digmaan sa mga huling araw, lilipulin ng masasamang tao ang isa’t isa. (Tingnan sa D at T 63:32–33.)

  • ____2. Ang mabubuting Banal ay madaling makakatakas sa lahat ng pagkawasak na mangyayari sa mga huling araw. (Tingnan sa D at T 63:34.)

  • ____3. Kapag muling pumarito si Jesucristo, lilipulin Niya ang sinumang masamang tao na nabubuhay pa sa mundo. (Tingnan sa D at T 63:34.)

  • ____4. Sa huli madaraig ng matatapat ang lahat ng hamon at pagsubok sa buhay na ito. (Tingnan sa D at T 63:47–48.)

  • ____5. Ang mabubuting tao na namatay bago ang Ikalawang Pagparito ay mabubuhay na mag-uli kapag pumarito ang Tagapagligtas sa mundo. (Tingnan sa D at T 63:49.)

  • ____6. Ang mabubuting tao na buhay pa sa mundo sa panahong dumating ang Ikalawang Pagparito ay hindi kailanman mamamatay. (Tingnan sa D at T 63:50-51.)

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang worksheet, sabihin sa kanila na ibahagi ang mga sagot nila sa unang dalawang pahayag. (Ang unang pahayag ay tama, at ang pangalawang pahayag ay mali.) Talakayin ang kanilang mga sagot at sabihin sa kanila na basahing muli ang scripture passage na nakalista pagkatapos ng bawat pahayag. Kapag natalakay na ng mga estudyante ang sagot nila sa pahayag 2, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Propetang Joseph Smith:

Propetang Joseph Smith

“Maling isipin na matatakasan ng mga Banal ang lahat ng paghatol, habang nagdurusa ang masasama; sapagkat ang lahat ng laman ay kailangang magdusa, at ‘ang mabubuti ay bahagyang makakatakas,’ … maraming mabubuting magiging biktima ng sakit, salot, at kung anu-ano pa, dahil sa kahinaan ng laman, subalit maliligtas sa Kaharian ng Diyos” (sa History of the Church, 4:11; tingnan din sa Journals, Volume 1: 1832–1839, vol. 1 ng Journals series ng The Joseph Smith Papers [2008], 352–53).

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman na mararanasan din ng mabubuting tao ang lahat ng pagsubok sa mga huling araw?

Itanong sa mga estudyante ang sagot nila sa pahayag 3–6 sa worksheet. (Ang pahayag 3–5 ay tama, at ang pahayag 6 ay mali.) Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:47–48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon. Hikayatin sila na pag-isipan kung paano ipahahayag ang pangako ng Panginoon sa talatang ito sa pahayag na may pasubali o naghahayag ng “sanhi at epekto.”

  • Paano ninyo ipahahayag ang pangako ng Panginoon sa talatang ito sa pahayag na may pasubali o naghahayag ng “sanhi at epekto”? (Dapat maipahayag ng mga estudyante na kung tayo ay matapat at magtitiis, mananaig tayo sa sanlibutan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Sa paanong mga paraan tayo tinutulungan ng Panginoon na “[manaig] sa sanlibutan” sa ating araw-araw na buhay?

  • Sa paanong mga paraan tayo tinutulungan ng Panginoon na “[manaig] sa sanlibutan” pagkatapos nating mamatay?

Upang mabigyang-diin ang mga walang hanggang pagpapala na matatanggap natin na makatutulong sa atin na manaig sa sanlibutan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:49. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pagpapala na ipinangako ng Panginoon sa mabubuti.

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga pagpapalang tatanggapin natin, sa buhay na ito at sa kabilang buhay, kung tayo ay matapat at magtitiis.

Doktrina at mga Tipan 63:55–56

Ipinahayag ng Panginoon na hindi Siya nalulugod sa pagmamataas ni Sidney Rigdon

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga sumusunod na halimbawa. Pagkatapos mabasa ang bawat isang halimbawa, pahintuin ang estudyante at sabihin sa klase na ipaliwanag kung paano maaaring matukso ang isang tao na magmataas o magyabang sa sitwasyong iyon.

  1. Ikaw ay naanyayahang magpatotoo sa harap ng maraming iba pang kabataan sa malaking youth conference.

  2. Ilan sa mga kasama mo sa korum o Young Women class ay nagreklamo tungkol sa mga aktibidad na kasama ka na nagplano.

  3. Mahusay kang mang-aawit, at hinilingan kang kumanta sa sacrament meeting.

Ipaliwanag na nakatanggap si Sidney Rigdon ng isang mahalagang assignment mula sa Panginoon ngunit ginawa niya ito nang may pagmamataas. Iniutos sa kanya ng Panginoon na “magsusulat [siya] ng isang paglalarawan ng lupain ng Sion, at ng isang pahayag ng niloloob ng Diyos, at ito ay ipaaalam sa kanya sa pamamagitan ng Espiritu” (D at T 58:50). Ang nakasulat na paglalarawan na ito ay tutulong sa mga Banal na nakatira malayo sa Independence, Missouri, na malaman kung ano ang hitsura ng lupain (wala pang potograpya [photography] nang panahong iyon). Makatutulong din ito sa mga Banal para mahikayat sila na mag-ambag ng perang pambili ng lupain (tingnan sa D at T 58:51).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:55–56. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang katibayan na naimpluwensyahan si Sidney Rigdon ng kapalaluan habang tinutupad niya ang kanyang gawain na sumulat ng paglalarawan ng Sion.

  • Anong katibayan ng kapalaluan o pagmamataas ang nakita ninyo? (Dapat matukoy ng mga estudyante na “dinadakila [ni Sidney] ang kanyang sarili sa kanyang puso, at hindi tumatanggap ng payo.”)

  • Ano ang ibinunga ng kapalaluan o pagmamataas ni Sidney? (Pinighati niya ang Espiritu, at hindi tinanggap ng Panginoon ang kanyang isinulat. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pinighati ang Espiritu ay namuhay sa paraang hindi mananatili sa atin ang Espiritu Santo.)

  • Ano ang matututuhan natin mula sa talata 55? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Napipighati ang Espiritu kapag palalo o nagmamataas tayo sa paggawa ng gawain ng Panginoon. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Ipabasa muli nang malakas sa ilang estudyante ang bawat isa sa mga halimbawa na nakasulat sa itaas. Pagkatapos mabasa ang bawat halimbawa, sabihin sa klase na ipaliwanag kung paano mahaharap ng isang tao ang sitwasyong iyon nang may pagpapakumbaba sa halip na magmataas o magyabang siya. Pagkatapos ng talakayan, ipaliwanag na binigyan ng Panginoon si Sidney Rigdon ng isa pang pagkakataon na sumulat ng ibang paglalarawan ng Sion (tingnan sa D at T 63:56). Nagsisi si Sidney at sumulat ng ibang paglalarawan ng lupain ng Sion na katanggap-tanggap sa Panginoon.

Doktrina at mga Tipan 63:57–66

Iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga tagapaglingkod na alalahanin ang kasagraduhan ng Kanyang pangalan at magsalita nang may pagpipitagan tungkol sa lahat ng mga sagradong bagay

Basahin o ibuod ang sumusunod na kuwento mula sa buhay ni Pangulong Spencer W. Kimball. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang anumang bagay na nakatawag ng kanilang pansin.

Pangulong Spencer W. Kimball

“Sa St. Mark’s Hospital sa Salt Lake City [si Pangulong Spencer W. Kimball] ay binigyan ng anestisya, nakatulog at inoperahan, at pagkatapos ay inihiga sa kamang de-gulong para ibalik sa kanyang silid. Kahit hindi pa nawawala ang bisa ng anestisya, naramdaman ni Spencer na huminto ang kanyang kama sa may elevator at narinig ang isang attendant ng hospital na nagagalit sa kung anong bagay, at nagsalita ng masasamang salita na hinaluan ng pangalan ng Tagapagligtas. Kahit halos wala pang malay-tao, nakiusap siya: ‘Pakiusap huwag ninyong sabihin iyan. Mahal ko Siya nang higit pa kaysa anumang bagay dito sa mundo. Pakiusap.’ Nagkaroon ng lubos na katahimikan. Pagkatapos ay marahang sinabi ng attendant: ‘Hindi ko po dapat sinabi iyon. Pasensya na po’” (Edward L. Kimball and Andrew E. Kimball Jr., Spencer W. Kimball: Twelfth President of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints [1977], 264).

  • Ano ang nakatawag ng pansin ninyo sa kuwentong ito?

  • Paano naiiba ang pagpipitagan ni Pangulong Kimball sa pangalan ng Panginoon sa paraan ng maraming tao sa mundo ngayon sa paggamit ng pangalan ng Panginoon?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 63:59–64. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salita at mga parirala na makatutulong sa kanila na maunawaan kung paano nais ng Panginoon na gamitin natin ang Kanyang pangalan at kung paano Niya nais na magsalita tayo tungkol sa mga sagradong bagay.

  • Ano ang nalaman ninyo kung paano natin dapat gamitin ang pangalan ng Panginoon? (Kapag natukoy ng mga estudyante ang mga salita at mga parirala mula sa talata 64, sabihin sa kanila na ibuod ang unang bahagi ng talata. Dapat nilang maipahayag ang sumusunod na alituntunin: Ang pangalan ni Jesucristo ay sagrado at dapat sambitin nang may pag-iingat. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Sabihin sa isang estudyante na siya ang tagasulat sa pisara ng mga sagot nila. Sabihin sa klase na magbanggit ng ilang sitwasyon na magagamit natin nang tama ang pangalan ni Jesucristo, at ipalista ito sa tagasulat sa pisara. Maaaring banggitin ng mga estudyante na ginagamit natin ang pangalan ng Tagapagligtas sa mga panalangin, pagbibigay ng mga mensahe, patotoo, lesson sa ebanghelyo, at mga ordenansa ng priesthood. Maaari din nating mabanggit ang tungkol sa Tagapagligtas sa araw-araw na pag-uusap, ngunit dapat natin itong gawin nang may pagpipitagan.

  • Sa inyong palagay, bakit kailangan nating banggitin ang pangalan ng Tagapagligtas nang may pagpipitagan?

  • Paano nakaragdag sa pag-unawa ninyo ang Doktrina at mga Tipan 63:62 tungkol sa ibig sabihin ng huwag gamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ng Panginoon? Paano naaangkop ang talatang ito sa mga ordenansa ng priesthood?

  • Kapag sinasambit natin ang pangalan ng Tagapagligtas, ano ang maaari nating gawin para maalaala natin na ito ay sagrado at dapat sambitin nang may pag-iingat?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mga katotohanang tinalakay ninyo ay hindi lamang naaangkop sa pangalan ng Tagapagligtas.

  • Ano ang ilan pang ibang salita o paksa na “nagmumula sa kaitaasan” at sagrado? Paano tayo makatitiyak na sinasambit natin ang mga ito “nang may pag-iingat”?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Wala nang mas sagrado o mahalagang salita sa lahat ng ating wika kaysa sa mga pangalan ng Ama sa Langit at ng kanyang Anak, na si Jesucristo” (“Reverent and Clean,” Ensign, Mayo 1986, 50).

  • Bakit sagrado sa inyo ang mga pangalan ng Diyos Ama at ni Jesucristo?

Patotohanan ang Ama sa Langit at si Jesucristo, at ipaliwanag kung bakit sagrado ang mga pangalan nila sa iyo. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng paraan kung paano nila magagamit ang mga pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo nang mas mapitagan, at hikayatin silang gawin ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 63:25–27. “Gayunman, ako, ang Panginoon, ay ibinibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar”

Sa Lucas 20:19–26, mababasa natin kung paano tinangka ng mga punong saserdote at eskriba na hulihin si Jesus sa Kanyang pananalita sa pamamagitan ng pagtatanong sa Kanya kung marapat bang magbayad ng buwis ang mga Judio sa Romanong emperador na si Cesar. Alam nila na kung sinabi Niyang oo, itataboy Siya ng mga Judio dahil galit sila sa mga Romano, na sumakop sa kanila. Kung hindi ang sagot ni Jesus, isusumbong nila Siya sa mga Romano, na dadakip sa Kanya dahil sa pagtataksil sa pamahalaang Romano. Ipinakita sa kanila ni Jesus ang isang denario na may larawan doon ni Cesar at sinabing “Kung gayo’y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at ang sa Dios ang sa Dios” (talata 25).

Sa panahon ni Propetang Joseph Smith, ang pagbanggit ng Panginoon sa kuwentong iyon ay nakatulong para maturuan ang mga Banal na bagama’t ang buong mundo ay pag-aari ng Panginoon, kailangan pa ring bumili ng mga Banal ng mga lupain na pagtatayuan ng lunsod ng Sion ayon sa iniutos sa kanila ng Panginoon. Ang pagbiling ito ay kailangan para magkaroon ng legal na pag-aari sa lupain ang mga Banal at maiwasan ang kaguluhan tungkol dito sa hinaharap.

Doktrina at mga Tipan 63:50–51. Ano ang ibig sabihin ng “sa gulang ng tao,” at ano ang ibig sabihin ng “mababago sa isang kisap-mata” ang mga tao?

Ipinahayag ng propetang si Isaias na sa panahon ng Milenyo, “hindi na magkakaroon mula ngayon ng sanggol na mamamatay, o ng matanda man na hindi nalubos ang kaniyang mga kaarawan; sapagka’t ang bata ay mamamatay na may isang daang taong gulang” (Isaias 65:20).

Pangulong Joseph Fielding Smith

Itinuro din ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Ang mga tao sa mundo ay mortal pa rin, ngunit isang pagbabago ang mangyayari sa kanila at magkakaroon sila ng kapangyarihan sa sakit, karamdaman at kamatayan. Ang kamatayan ay halos lubos na maglalaho sa mundo, dahil ang tao ay mabubuhay gaya sa gulang ng isang puno o isang daang taon (Tingnan sa [D at T] 63:50–51), at pagkatapos ay mamamatay sa gulang ng tao, ngunit ang kamatayang ito ay darating sa isang kisap-mata at pagdaka ang mortal ay magiging imortal. Walang mga puntod, at ang mabubuti ay dadalhin tungo sa isang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:461).