Lesson 88
Doktrina at mga Tipan 84:62–120
Pambungad
Noong Setyembre 1832, matapos ipahayag ang mga katotohanan tungkol sa priesthood at ang kahalagahan ng pakikinig sa Kanyang salita, binigyang-diin ng Panginoon ang iniutos Niya sa mga Apostol at sa iba pang mga maytaglay ng priesthood na ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo. Ang paghahayag na ito ay nagbibigay-diin sa pangangaral ng ebanghelyo at nagbibigay ng mga tagubilin na kahalintulad sa mga tagubiling ibinigay ni Jesucristo sa mga Apostol pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Ipinaliwanag din ng Panginoon kung paano isasakatuparan ang gawaing ito, pati na kung paano susuportahan at tutulungan sa kanilang mga pagsisikap ang mga gumagawa sa Kanyang gawain.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 84:62–76
Ang Panginoon ay nagbigay ng kautusan sa mga Banal na magpatotoo tungkol sa mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang kakilala nila na tumanggap kamakailan ng mission call o kaaalis lang para magmisyon. Sabihin sa mga estudyante na sabihin sa klase kung saan magmimisyon ang mga missionary na ito. Maaari kang gumamit ng globe o mapa para tulungan ang mga estudyante na makita kung saang lugar pinapunta ng Panginoon ang mga missionary na ito.
Ipaliwanag na bawat tao ay kailangang magkaroon ng pagkakataong matutuhan ang ebanghelyo. Banggitin ang kasalukuyang populasyon ng mundo (tinatayang 7 bilyong katao) at ipaliwanag na magiging imposible para sa Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at sa Pitumpu, na mga inatasang lahat na ipahayag ang ebanghelyo sa lahat ng bansa, na mangaral sa lahat ng dako at magturo sa lahat ng tao.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:62. Sabihin sa klase na alamin ang iniutos ng Panginoon sa mga taong may responsibilidad na ipangaral ang ebanghelyo.
-
Ayon sa talata 62, saan dapat ipangaral ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ang ebanghelyo?
-
Bukod pa sa mga lider na maytaglay ng priesthood, sino pa ang may responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo sa buong mundo? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na bagama’t karamihan sa pagmimisyon nang full-time ay ginagawa ng mga binata, dalaga, at mga senior, responsibilidad ng lahat ng Banal sa mga Huling Araw na dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball:
“Malinaw na nakasaad sa mga banal na kasulatan na may responsibilidad ang lahat ng miyembro ng Simbahan sa paggawa ng gawaing misyonero. …
“Malinaw ring itinuro ng mga propeta ng dispensasyong ito ang konsepto na responsibilidad ng lahat ng miyembro ang gawaing misyonero. Itinuro ni Pangulong David O. McKay ang alituntuning ito sa mga salitang nanghihikayat, ‘Lahat ng miyembro ay missionary!’ (Tingnan sa Conference Report, Abril 1959, p. 122.)” (“It Becometh Every Man,” Ensign, Okt. 1977, 3).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:64. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung ano ang matatanggap ng mga naniwala at nagpabinyag. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot.
-
Bakit mahalagang tanggapin ng mga tao ang ebanghelyo, magpabinyag, at tumanggap ng Espiritu Santo? (Kailangang magpabinyag tayo at tumanggap ng Espiritu Santo upang makapasok sa kaharian ng Diyos.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:65–73 at alamin ang mga ipinangako ng Panginoon sa mga taong naniwala sa Kanyang mga tagapaglingkod at nabinyagan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang nalaman nila.
-
Sa inyong palagay, bakit magiging mahalaga ang mga kaloob na ito sa mga nangangaral at sa mga naniniwala sa ebanghelyo?
-
Anong babala ang ibinigay ng Panginoon sa talata 73?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:74–76. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung ano ang mangyayari sa mga taong hindi naniwala sa ebanghelyo at hindi nabinyagan.
-
Ano ang mangyayari sa mga taong hindi naniwala at nabinyagan?
-
Batay sa natutuhan ninyo sa Doktrina at mga Tipan 84, paano ninyo ibubuod ang kahalagahan ng pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucrito sa ibang tao?
Doktrina at mga Tipan 84:77–120
Tinagubilinan ng Panginoon ang mga tinawag na mangaral ng Kanyang ebanghelyo
-
Ano ang maaaring dahilan ng pag-aatubili ng isang tao na maglingkod sa Panginoon bilang missionary? (Kabilang sa mga sagot ang takot na lisanin ang tahanan at pamilya, pagsasakripisyo ng panahon at mga oportunidad, problemang pinansiyal, ang hamon na kausapin ang mga hindi kilala tungkol sa ebanghelyo, at pag-aalala tungkol sa pag-aaral ng bagong wika.)
Ipaliwanag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 84:77–88 na tiniyak ng Panginoon sa mga missionary na ilalaan Niya ang kanilang mga pangangailangan. Ipinangako rin Niya sa kanila ang iba pang mga pagpapala kung kanilang gagawin ang kanilang responsibilidad na ipangaral ang ebanghelyo.
Isulat sa pisara ang sumusunod na chart, at pagkatapos ay ipakopya at ipasulat ito sa mga estudyante sa kanilang notebook o scripture study journal:
Paglilingkod ng Missionary | |
---|---|
Mga Responsibilidad |
Mga Pagpapala |
Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:80, 85, 87–88 at alamin ang mga responsibilidad at pagpapala ng paglilingkod ng missionary. (Maaari mong isulat sa pisara ang scripture reference na ito.) Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na magbasa nang may kapartner, na aalamin ng isang estudyante ang mga responsibilidad at tutukuyin naman ng kanyang kapartner ang mga pagpapala. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang nalaman sa mga angkop na column sa kanilang chart.
Matapos ang sapat na oras, itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa mga responsibilidad ng paglilingkod ng missionary? (Maaari mong ipaliwanag na “[pinagsa]sabihan [ng mga missionary] ang sanlibutan” (D at T 84:87) sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga tao ng mga doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa pag-anyaya sa kanila na magsisi at mamuhay ayon sa mga doktrinang iyon.)
-
Paano tayo pagpapalain ng Panginoon kapag ibinahagi natin ang ebanghelyo sa mga tao? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estududyante, ngunit dapat makita sa mga sagot nila ang sumusunod na alituntunin: Palalakasin tayo ng Panginoon at sasamahan tayo kapag ibinahagi natin ang ebanghelyo sa mga tao. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Paano makaiimpluwensya ang mga pangakong nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 84:80, 85, at 88 sa hangarin at kakayahan ng isang tao na magbahagi ng ebanghelyo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
“Hindi natin kailangang madama na tayo ay nag-iisa o hindi minamahal sa paglilingkod sa Panginoon, dahil hindi iyan totoo. Madarama natin ang pag-ibig ng Diyos. Nangako ang Tagapagligtas ng mga anghel na mapapasaating kaliwa at sa ating kanan, upang dalhin tayo. (Tingnan sa D at T 84:88.) Lagi Siyang tumutupad sa pangako” (“Mga Bundok na Aakyatin,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 26).
Magpatotoo na palalakasin at sasamahan tayo ng Panginoon kapag ibinahagi natin ang ebanghelyo sa mga tao. Maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan mula sa iyong buhay na naglalarawan sa alituntuning ito.
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Gagawin ko ang aking responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo sa pamamagitan ng …
Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag sa kanilang notebook o scripture study journal. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang isinulat.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 84:89–97 na ipinapaliwanag na ipinahayag ng Panginoon na ang mga taong tumatanggap sa Kanyang mga missionary ay tumatanggap din sa Kanya at sila ay pagpapalain. Sa kabilang banda, ang hindi tumatanggap sa mga tagapaglingkod ng Diyos at sa Kanyang salita ay mawawalan ng mga pagpapala at susumpain.
Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 84:98–102 ay naglalaman ng mga salita ng isang awit ng kagalakan at papuri na may kaugnayan sa pagtubos ng Sion. Ang pariralang “pagtubos ng Sion” ay tumutukoy sa mga kalagayang matatamasa ng mga pinagtipanang tao ng Diyos dahil pinili nilang lumapit sa Kanya at tumanggap ng lahat ng ordenansa at mga pagpapala ng ebanghelyo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:98. Ipaliwanag na ang awit tungkol sa pagtubos ng Sion ay aawitin matapos ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, kung saan ang lahat ng taong mananatili sa mundo ay makikilala Siya.
Magpakita ng larawan ng isang magkompanyon na missionary. (Kung naglingkod ka bilang missionary, maaari mong ipakita sa mga estudyante ang isang retrato mo na kasama ang kompanyon mo noon na nagpalakas sa iyo.)
-
Sa palagay ninyo, bakit iniutos ng Panginoon na maglingkod ang mga missionary nang may kompanyon?
-
Ano ang ilan sa iba pang mga tungkulin sa Simbahan kung saan naglilingkod tayo kasama ang iba pang tao? (Maaari kabilang sa mga sagot ang mga presidency, magkompanyon sa home teaching at visiting teaching, at mga komite.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:106. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iniutos ng Panginoon na gagawin ng mga miyembro ng Simbahan para mapalakas ang isa’t isa.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na gagawin ng mga miyembro ng Simbahan para mapalakas ang isa’t isa? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Palalakasin ng malalakas sa Espiritu ang mahihina.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “malakas sa Espiritu”? Kailan kayo napalakas ng isang tao na malakas sa Espiritu na kasama ninyo sa tungkulin o isang gawain? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan. Kung may ipinakita kang retrato ng iyong sarili at ng kompanyon mong misyonero, maaari mong ipaliwanag kung paano ka napalakas ng kompanyon mong ito.)
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang kasalukuyang kalagayan ng kanilang espirituwalidad. Hikayatin ang mga nag-aakalang mahina ang espirituwalidad nila na mag-isip ng isang taong kilala nila na malakas ang espirituwalidad at hanapin ang mga pagkakataong matuto mula sa taong ito. Hikayatin ang mga nag-aakalang malakas ang espirituwalidad nila na maghanap ng mga paraan para mahikayat at mapalakas ang iba.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:109–110 at alamin ang iba pang mga bagay na magagawa ng mga miyembro ng Simbahan para mapalakas ang isa’t isa.
-
Sa mga talatang ito, ano ang sinasagisag ng iba’t ibang bahagi ng katawan? (Mga miyembro ng Simbahan.) Ano ang maaaring ituro sa atin ng analohiyang ito tungkol sa pagpapalakas sa isa’t isa? (Kailangan nating alalahanin ang kahalagahan ng bawat miyembro ng Simbahan.)
Patotohanan na mahal ng Panginoon ang bawat isa sa atin at binigyan ang bawat isa sa atin ng iba’t ibang talento na magagamit natin upang paglingkuran ang ibang tao.
Ipaliwanag na matapos magbigay ng ilang tagubilin kay Bishop Newel K. Whitney at sa iba pang mga lider na maytaglay ng priesthood (tingnan sa D at T 84:111–117), may ipinangako ang Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod na magsisihayo nang may pananampalataya. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:118–119. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon.
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang ipinangako ng Panginoon na makikita ng Kanyang matatapat na tagapaglingkod? Paano ninyo nakitang ginamit ng Panginoon ang mga kapangyarihan ng langit sa ating panahon?
Patotohanan na bagama’t may mga tao sa mundo na hindi makikita ang kapangyarihan ng Panginoon, darating ang araw na makikita Siya ng lahat at malalaman na Siya nga.