Lesson 34
Doktrina at mga Tipan 28
Pambungad
Noong 1830, nagkaproblema si Propetang Joseph Smith dahil hindi maunawaan ng mga miyembro ng Simbahan ang pamamaraan ng paghahayag sa Simbahan. Ayon kay Hiram Page nakatanggap siya ng paghahayag para sa Simbahan sa pamamagitan ng isang espesyal na bato, at ilang miyembro ng Simbahan, kabilang na si Oliver Cowdery, ang naniwala sa kanya. Bago maganap ang pagpupulong noong Setyembre 26, 1830, inihayag ng Panginoon ang mga katotohanan na nakatulong para maunawaan ni Oliver Cowdery at ng iba ang pamamaraan ng paghahayag sa Simbahan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 28:1–7
Ipinahayag ng Panginoon na ang Pangulo ng Simbahan ang tanging tao na makatatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan
Isulat ang panggagaya sa pisara.
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga bagay na hindi tunay o panggagaya lamang? (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari kang magdipsley ng aytem na ginaya lang, tulad ng kinopyang artwork, pera-perahan, o plastik na prutas.)
-
Bakit maaaring nakakasama na mapagkamalang tunay ang isang ginaya lang?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na babala ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang diyablo ang ama ng kasinungalingan, at laging gusto niyang biguin ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga tusong panggagaya” (“Dalawang Linya ng Pakikipag-ugnayan,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 84).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang panggagaya ni Satanas para linlangin ang ilang unang miyembro ng Simbahan.
-
Ano ang panggagayang ginawa ni Satanas para linlangin ang mga miyembro ng Simbahan? (Kung hindi binanggit ng mga estudyante ang pagkakatulad ng bato ni Hiram at ng Urim at Tummim na ginamit ni Joseph Smith, ipaliwanag ang pagkakatulad na ito.)
Ipaliwanag na pinaniwalaan ng ilang miyembro ng Simbahan ang mga huwad na paghahayag na sinabi ni Satanas kay Hiram Page. Sa pag-aaral at pagtalakay ng mga estudyante ng paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 28, hikayatin silang alamin ang mga katotohanang makatutulong sa kanila na makaiwas na mailigaw ng mga panlilinlang ni Satanas. Sabihin sa mga estudyante na isusulat mo ang mga katotohanang ito sa pisara kapag natuklasan nila ang mga ito sa buong lesson. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang mga katotohanang ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 28:1–4 at sabihin sa klase na alamin kung paano naiiba ang mga responsibilidad ni Oliver Cowdery sa Simbahan sa mga responsibidad ni Joseph Smith.
-
Paano naiiba ang mga responsibilidad ni Oliver Cowdery sa mga responsibilidad ni Joseph Smith? (Si Joseph ay may responsibilidad na tumanggap ng mga kautusan at paghahayag para sa Simbahan. Si Oliver ay may responsibilidad na magturo sa pamamagitan ng Mang-aaliw tungkol sa mga kautusan at paghahayag na tinangggap ni Joseph.)
-
Anong mahalagang katotohanan tungkol sa Pangulo ng Simbahan ang matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 28:2? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang Pangulo ng Simbahan ang tanging tao na makatatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan. Isulat ang pahayag na ito sa pisara.)
-
Paano makatutulong sa atin ang katotohanang ito para maiwasan ang panlilinlang?
Habang tinatalakay ng mga estudyante ang mga tanong na ito, maaari mong tiyakin sa kanila na lagi nating mapagkakatiwalaan ang mga turo at payo ng Pangulo ng Simbahan dahil hindi hahayaan ng Panginoon na iligaw tayo ng Pangulo [ng Simbahan]. (Pansinin na ang pangakong ito ay makikita sa pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff. Ang pahayag na iyan ay kasama sa Doktrina at mga Tipan, sa suplementong materyal kasunod ng Opisyal na Pahayag 1.)
Ipaliwanag na bago ihayag ng Panginoon ang mga katotohanang nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 28, may ginawa si Oliver Cowdery na nagpapakita na hindi pa niya ganap na nauunawaan ang mga pagkakaiba ng kanyang mga responsibilidad sa Simbahan at ng mga responsibilidad ni Joseph Smith bilang Pangulo ng Simbahan. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na tala:
Kasalukuyang nakatira noon sa Harmony, Pennsylvania si Joseph Smith nang makatanggap siya ng liham mula kay Oliver Cowdery, na nasa Fayette, New York, mga 100 milya (160 kilometro) ang layo. Sinabi ni Oliver na may natuklasan siyang pagkakamali sa paghahayag na tinatawag na natin ngayon na Doktrina at mga Tipan 20. Isinulat ni Oliver: “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ng Diyos na burahin mo ang mga salitang iyon.” Nagpunta si Joseph sa Fayette at nalaman niya na sumang-ayon ang pamilya Whitmer kay Oliver tungkol sa ipinapalagay na pagkakamali sa paghahayag. Isinulat ni Joseph, “Hindi naging madali para sa akin na sikaping mahinahon na mapaliwanagan ang sinuman sa kanila tungkol sa bagay na iyon.” Sa huli, “nagawa [ng Propeta] na maipaunawa hindi lamang sa pamilya Whitmer, kundi … pati na rin kay Oliver Cowdery na nagkamali sila” (Histories, Volume 1: 1832–1844, vol. 1 of the Histories series of The Joseph Smith Papers [2012], 426; tingnan din sa mga pahina 424–25).
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 28:6–7 at alamin ang tagubilin ng Panginoon kay Oliver Cowdery.
-
Ano ang itinuro ng Panginoon kay Oliver Cowdery? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Sa Simbahan ni Jesucristo, ang mga indibidwal ay hindi tatanggap ng paghahayag para sa taong namumuno sa kanila.)
-
Paano nauugnay ang katotohanang ito sa talang kababasa lamang natin?
-
Paano makatutulong ang katotohanang ito sa inyo?
Doktrina at mga Tipan 28:8–10
Tinawag ng Panginoon si Oliver Cowdery upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga Lamanita
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 28:8–10 at sabihin sa klase na alamin ang ipinagawa ng Panginoon kay Oliver Cowdery.
-
Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Oliver? (Ipangaral ang ebanghelyo sa mga Lamanita.)
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa personal na paghahayag mula sa Doktrina at mga Tipan 28:8? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Maaari tayong makatanggap ng paghahayag para sa ating kapakinabangan at upang matulungan tayo sa mga tungkulin at gawaing ibinigay sa atin.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Tayo ay may karapatan sa personal na paghahayag. Gayunman, kung hindi tayo itatalaga sa ilang katungkulan sa pamumuno, hindi tayo tatanggap ng mga paghahayag tungkol sa dapat gawin ng iba. …
“Ang di-pangkaraniwang espirituwal na karanasan ay hindi dapat ituring na personal na tawag na pamahalaan ang iba. Naniniwala ako na ang mga espesyal at sagradong karanasan ay pribado at dapat sarilinin” (“Revelation in a Changing World,” Ensign, Nob. 1989, 14–15).
Bago magklase, isulat ang mga sumusunod na responsibilidad at mga tungkulin sa magkakahiwalay na piraso ng papel: magulang, General Authority, bishop, missionary, Sunday School teacher, Mia Maid president, home teacher, visiting teacher. Ilagay ang mga piraso ng papel sa isang sisidlan.
Sabihin sa mga estudyante na pumili ng mga papel mula sa lalagyan at basahin ang mga ito sa klase, nang isa-isa. Habang binabasa ang bawat nakasulat sa papel, sabihin sa mga estudyante na magmungkahi ng uri ng mga paghahayag na matatanggap ng mga indibiduwal para matulungan sila na magawa ang responsibilidad o tungkuling iyon.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan kung saan nakatanggap sila ng paghahayag tungkol sa isang gawain o responsibilidad. Maaari ka ring magbahagi ng karanasan tungkol sa paghahayag na ibinigay sa iyo para matulungan ka sa iyong tungkulin o gawain. Paalalahanan ang mga estudyante na may mga karanasan na napakasagrado o napakapersonal para ibahagi.
Hikayatin ang mga estudyante na manalangin na makatanggap ng paghahayag na tutulong sa kanilang personal na buhay at sa mga tungkulin at gawain sa Simbahan. Hikayatin din sila na manalangin na mabigyan ang mga lider ng Simbahan ng magandang kalusugan at kaligtasan at ng inspirasyon na kailangan nila para magawa ang kanilang mga responsibilidad.
Doktrina at mga Tipan 28:11–16
Tinagubilinan ng Panginoon si Oliver Cowdery na itama si Hiram Page at tumulong na maisaayos ang Simbahan
Ipaalala sa mga estudyante ang mga huwad na paghahayag na sinabi ni Hiram Page sa ilang miyembro ng Simbahan. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 28:11–14 para malaman ang ipinagawa ng Panginoon kay Oliver Cowdery para malutas ang problemang ito.
-
Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Oliver para makatulong sa paglutas ng problema kay Hiram Page?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mga responsibilidad ng mga lider ng Simbahan? (Maaaring iba-ibang alituntunin ang matukoy ng mga estudyante, ngunit tiyaking bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Responsibilidad ng mga lider ng Simbahan na ituwid ang mga taong inililigaw ang iba. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Ano ang matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 28:13 tungkol sa paraan ng pamamahala ng Panginoon sa Kanyang Simbahan? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Sa Simbahan ni Jesucristo, ang lahat ng bagay ay dapat isagawa nang may kaayusan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Ipaliwanag na isang paraan ng pagsasagawa natin ng mga bagay “nang may kaayusan, at sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon” ay ang hayagang pagsuporta sa mga tao sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan.
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang hayagang sinasang-ayunan o sinusuportahan ang mga indibidwal sa kanilang mga tungkulin?
Upang matulungan ang klase na maunawaan kung paano nagbibigay ng kaayusan at proteksyon ang pagkalahatang pagsang-ayon, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Packer:
“Dumarating ang paghahayag sa Simbahan sa mga taong tinawag nang wasto, sinang-ayunan, inordenan, o itinalaga. Ang bishop, halimbawa, ay hindi tatanggap ng anumang paghahayag hinggil sa isang kalapit na ward, dahil hindi iyon saklaw ng kanyang nasasakupan.
“Paminsan-minsan may isang magsasabi na tumanggap siya ng awtoridad na magturo at magbasbas nang hindi natatawag at naitatalaga. …
“Kaya nga ang proseso ng pagsang-ayon sa mga yaong natawag sa katungkulan ay pinoprotektahan nang husto sa Simbahan—nang malaman ng lahat kung sino ang may awtoridad na magturo at magbasbas” (“Revelation in a Changing World,” 15).
-
Ayon kay Pangulong Packer, bakit hayagan nating sinasang-ayunan ang mga tumatanggap ng mga tungkulin sa Simbahan?
-
Matapos nating itaas ang ating mga kamay para maipakita na sasang-ayunan natin ang mga tao sa kanilang mga tungkulin, ano ang dapat nating gawin para talagang masang-ayunan o masuportahan natin sila?
Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang mga alituntunin na natutuhan nila sa lesson ngayon, ipabasa nang malakas ang sumusunod na mga sitwasyon at sabihin sa kanila kung paano nila tutugunin ang bawat isa:
-
Tumanggap kayo ng mensahe mula sa internet na nagsasabing ito raw ay bagong paghahayag. Naglalaman ito ng mga turo na hindi nakaayon sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta.
-
Napansin ninyo na isang miyembro ng inyong ward ang nagbigay ng mensahe na salungat sa doktrina habang nagpapatotoo siya sa sacrament meeting. Nag-aalala kayo na kung aakalain ng iba na totoo ang mensahe, malamang na magkaroon ito ng masamang epekto sa kanila. Sino ang dapat magtuwid sa miyembro na mali ang mga sinabi?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 28:15–16 at sabihin sa klase na alamin ang huling ipinayo ng Panginoon kay Oliver Cowdery sa paghahayag na ito.
Ipaliwanag na matapos matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na ito, nagdaos siya ng kumperensya at inilagay sa kaayusan ang Simbahan. Sa kumperensya, “Si Brother Page, gayundin ang mga miyembro ng Simbahan na naroon, ay iwinaksi na ang nasabing bato at lahat ng bagay na may kaugnayan dito” (Histories, Volume 1: 1832–1844, 452). Maaari mong tapusin ang lesson na ito sa pagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay ninyo at ang mahalagang maitutulong nito upang hindi tayo mailigaw.