Seminaries and Institutes
Lesson 66: Doktrina at mga Tipan 60–62


Lesson 66

Doktrina at mga Tipan 60–62

Pambungad

Noong Agosto 8, 1831, si Joseph Smith at ang ilang elder ay naghandang lisanin ang Independence, Missouri, at bumalik sa Ohio. Iniutos ng Panginoon sa mga elder na ipangaral ang ebanghelyo habang naglalakbay sila—tagubilin na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 60. Sa pangatlong araw ng kanilang paglalakbay, nakaranas ng panganib ang pangkat sa Ilog ng Missouri. Sa sumunod na dalawang araw, Agosto 12 at 13, tumanggap ng dalawang paghahayag si Propetang Joseph Smith mula sa Panginoon. Ang mga paghahayag na iyon ay nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 61 at 62. Nakapaloob sa mga ito ang mga salitang nagbibigay ng tagubilin, babala, kapanatagan, at panghihikayat.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 60

Iniutos ng Panginoon sa mga elder na ipangaral ang ebanghelyo habang naglalakbay sila mula sa Missouri papunta sa Ohio

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: May pagkakataon ba na nag-alangan kayong sabihin sa iba ang inyong mga paniniwala o nag-atubili kayo na ibahagi ang inyong patotoo sa ebanghelyo?

Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na isiping mabuti ang tanong na nasa pisara. Habang nag-iisip ang mga estudyante, maaari mong ibahagi ang sarili mong sagot sa tanong na ito na ikinukuwento ang isang karanasan sa iyong buhay.

Ipaliwanag na isang pangkat ng mga elder ang naglakbay mula sa Ohio para makibahagi sa paglalaan ng lupain at ng pagtatayuan ng templo sa Independence, Missouri. Iniutos ng Panginoon sa kanila na ipangaral ang ebanghelyo sa iba habang naglalakbay sila patungo sa Missouri (tingnan sa D at T 52:9–10). Ang Doktrina at mga Tipan 60 ay naglalaman ng mga salita ng Panginoon sa ilan sa mga elder na ito habang naghahanda silang bumalik sa Ohio. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 60:1–2 at alamin kung bakit hindi nalugod ang Panginoon sa ilan sa mga elder na ito.

  • Bakit hindi nalugod ang Panginoon sa ilan sa mga elder na ito? (Sinabi Niya, “Hindi nila binubuksan ang kanilang mga bibig, kundi kanilang itinatago ang talino na aking ibinigay sa kanila.” Sa madaling salita, hindi nila ibinahagi ang kanilang patotoo sa ebanghelyo.)

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 60:2, bakit hindi ibinahagi ng ilan sa mga elder ang kanilang mga patotoo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 60:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang maaaring mangyari kung hindi natin ibabahagi ang ating patotoo.

  • Ano ang maaaring mangyari kung hindi natin ibabahagi ang ating patotoo? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Maaaring mawala ang ating patotoo kung hindi natin ibabahagi ang mga ito.)

  • Sa inyong palagay, bakit kailangang ibahagi natin ang ating patotoo upang manatili ito sa atin? Kailan ninyo nadama na mas lumakas ang inyong patotoo dahil ibinahagi ninyo ito?

Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo kapag nagkaroon sila ng mga pagkakataon na magawa ito. Ibuod ang natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 60 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon sa mga elder na ito na ipahayag ang ebanghelyo habang naglalakbay sila pabalik sa Ohio.

Doktrina at mga Tipan 61

Nagbigay ng tagubilin ang Panginoon kay Joseph Smith at sa iba pang mga elder sa kanilang paglalakbay patungo sa Ohio

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na inalala nila ang kanilang kaligtasan at nadamang pinrotektahan sila ng Panginoon. Ipaliwanag na noong Agosto 11, 1831, si Propetang Joseph Smith at ang sampung elder ay nanganib nang maglakbay sila sakay ng bangka sa malakas na agos ng Ilog ng Missouri. Naalala ni Joseph Smith na sa pangatlong araw ng paglalakbay, “ang mga panganib na karaniwan na sa mga tubig sa kanlurang bahagi ng bansa, ay naranasan; at matapos kaming magkampo sa pampang ng ilog, … nakita ni Brother [William W.] Phelps, sa malinaw na pangitain na nangyari sa umaga, ang mangwawasak sa kahindik-hindik na kapangyarihan nito, na kumikilos sa ibabaw ng mga tubig; narinig ng iba ang ingay, ngunit hindi nakita ang pangitain” (sa History of the Church, 1:203). Bago ang pangitaing ito, “nagkaroon ng pagtatalo at alitan sa mga kapatid” (B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, 1:262–63). Nang gabing iyon, pinag-usapan ng mga kapatid ang mga problema nila at karamihan sa kanila ay napatawad ang isa’t isa. Kinaumagahan, nanalangin si Joseph Smith at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 61.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 61:2, 20, 36–37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salita at mga parirala na maaaring magbigay ng kapanatagan sa mga elder na ito.

  • Anong mga salita o parirala ang nakita ninyo na maaaring magbigay ng kapanatagan sa mga elder na ito? (Kapag sumagot ang mga estudyante, maaari mong sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano maaaring magbigay ng kapanatagan ang mga salita o mga pariralang nabanggit nila.)

Ipaliwanag na sa paghahayag na ito, itinuro ng Panginoon na “maraming kapahamakan” ang mangyayari sa mga tubig sa mga huling araw (tingnan sa D at T 61:5, 14–19). Nangusap din ang Panginoon tungkol sa Kanyang kapangyarihan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 61:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa Kanyang kapangyarihan.

  • Paano inilarawan ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan sa talatang ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Taglay ng Panginoon ang lahat ng kapangyarihan.)

Maaari mong ipaliwanag na dahil sa pangitain ni William W. Phelps tungkol sa mangwawasak sa ibabaw ng mga tubig, inakala ng ilan na si Satanas ay may kapangyarihan sa mga tubig. Gayunpaman, tiniyak sa Doktrina at mga Tipan 61:1 na taglay ng Panginoon ang lahat ng kapangyarihan—kabilang na ang kapangyarihan sa mga tubig.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 61:6, 10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga parirala na nakatulong sa mga elder na lalo pang pasalamatan at kilalanin ang kapangyarihan ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila, at pagkatapos ay idagdag sa pahayag na nasa pisara para mabasa nang ganito: Taglay ng Panginoon ang lahat ng kapangyarihan, at mapapangalagaan Niya tayo.

  • Ano ang mga naranasan ninyo na nagpalakas ng inyong patotoo sa kapangyarihan ng Panginoon at sa kapangyarihan Niya na protektahan tayo mula sa panganib?

Maaari mong ibuod ang natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 61 na ipinapaliwanag na nagbigay pa ng mga karagdagang tagubilin ang Panginoon para magabayan ang mga elder na ito pabalik sa Ohio.

Doktrina at mga Tipan 62

Pinuri ng Panginoon ang katapatan ng isang pangkat ng mga elder na naglakbay patungo sa Independence, Missouri

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

Anong kulay ng damit ang dapat kong isuot ngayon?

Magsisimba ba ako sa Linggo?

Dapat ba akong magmisyon? Kung oo, kailan?

Kung sasabihin ni Inay na ihahanda niya ang paborito kong pagkain, ano ang pipiliin ko?

Sino ang idideyt ko? Saan kami kakain sa deyt namin?

Itanong sa mga estudyante kung alin sa mga tanong na ito ang maaaring pinakamahalaga sa Panginoon.

Ipaliwanag na noong tagubilinan ng Panginoon ang mga elder na maglalakbay mula sa Missouri patungo sa Ohio, tinulungan Niya silang maunawaan na ang ilan sa mga desisyong kailangan nilang gawin ay mas mahalaga sa Kanya kaysa sa iba. Hikayatin ang mga estudyante na hanapin sa Doktrina at mga Tipan 62 ang mga alituntunin na gagabay sa kanila sa paggawa ng mga desisyon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 62:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga parirala na nagpapakita na ang pagsisikap ng mga elder na ipangaral ang ebanghelyo ay mahalaga sa Panginoon.

  • Anong mga parirala ang nahanap ninyo? Paano ipinapakita sa mga pariralang ito ang nadarama ng Panginoon sa mga pagsisikap ng mga missionary na ito?

Para matulungan ang mga estudyante na makapag-isip ng mga halimbawa ng mga bagay na mahalaga sa Panginoon at mga bagay na hindi mahalaga, kopyahin ang sumusunod na chart sa pisara o gawin itong handout. Huwag isama ang impormasyon na nasa mga panaklong. Depende sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante, ipagawa ang aktibidad na ito sa bawat isa o nang may kapartner. O maaaring magtulung-tulong ang buong klase sa pagkumpleto ng aktibidad na ito.

Mahalaga sa Panginoon

Hindi mahalaga sa Panginoon

D at T 60:5

(Kaagad maglakbay ang mga elder patungo sa St. Louis)

(Kung gumawa man o bumili ang mga elder ng sasakyang-dagat na gagamitin sa paglalakbay)

D at T 61:21–22

(Magmadali ang mga elder sa paglalakbay at gampanan ang kanilang misyon)

(Kung naglakbay sila sa pamamagitan ng tubig o sa pamamagitan ng lupa)

D at T 62:5–7

(Maging matapat ang mga elder, patotohanan ang ebanghelyo, at tulungan ang mga Banal na matipon)

(Kung naglakbay ang mga elder nang magkakasama o dala-dalawa; kung sumakay man sa kabayo o sa mola o sa karwahe ang mga elder)

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang chart, itanong ang mga sumusunod:

  • Anong mga pagkakaiba ang napansin ninyo sa mga bagay na mahalaga sa Panginoon at sa mga bahay na hindi mahalaga?

  • Paano kayo gagabayan ng halimbawang ito kapag gumagawa kayo ng mga desisyon?

Ipaliwanag na itinuro sa Doktrina at mga Tipan 62:8 ang isang alituntunin na gagabay sa atin kapag gumagawa tayo ng mga desisyon. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang talatang ito at alamin ang alituntuning iyon. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Maaaring iba-ibang salita ang gamitin nila, ngunit dapat nilang maipahayag ang sumusunod na alituntunin: Kapag gumagawa tayo ng mga desisyon, dapat tayong magtiwala sa ating pasiya at sa paggabay ng Espiritu. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa sarili nilang mga salita sa kanilang banal na kasulatan.

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang magtiwala sa ating pasiya gayon din sa paggabay ng Espiritu kapag gumagawa tayo ng mga desisyon?

  • Kailan kayo gumawa ng isang desisyon ayon sa sarili ninyong pasiya at sa paggabay din ng Espiritu? Paano kayo napagpala sa paggawa nito?

Patotohanan ang mga katotohanang natalakay ninyo sa lesson. Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano nila ipamumuhay ang mga katotohanang natutuhan nila mula sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 60–62. Maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang gagawin nila para maipamuhay ang isa sa mga katotohanang ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 61:5–19. Paano isinumpa ang mga tubig?

Ang mga salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 61:5–19 ay hindi nagbabawal sa mga Banal sa mga Huling Araw na maglakbay o lumangoy sa tubig. Sa paglalarawan sa pagsumpa sa mga tubig sa mga huling araw, maaaring tinutukoy ng Panginoon ang mga talata sa aklat ng Apocalipsis kung saan inilarawan ni Apostol Juan ang pagkawasak na magaganap sa mga tubig bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo (tingnan sa Apocalipsis 8:8–11; 16:2–6). Sa Doktrina at mga Tipan 61, partikular na binanggit ng Panginoon ang panganib sa “mga tubig na ito,” ibig sabihin ng Ilog ng Missouri (tingnan sa D at T 61:5, 18). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang ilang pinsala na dulot ng Ilog ng Missouri:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Hinggil sa mga tubig ng Missouri River at Mississippi River, taun-taon ay nakikita natin ang malaking pinsalang nagaganap dito at nagmumula sa mga ito. Halos taun-taon, milyun-milyong dolyar ang nawawala dahil sa ilog na ito na umaapaw sa mga pampang nito. Maraming buhay ang kinitil ng mga pagbahang ito sa buong lupain, at maging sa tila tahimik o payapang ilog na ito ay nagmumula ang mga bagyo na nagdudulot ng pagkawasak. Tunay na ang salita ng Panginoon ay natupad, at natutupad hinggil sa mga tubig na iyon” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:224).

Doktrina at mga Tipan 62. Mga pangyayari sa kasaysayan

Habang si Joseph Smith at ang iba pa ay naglalakbay pasilangan patungo sa Ohio, nakasalubong sila ng apat na elder na naglalakbay pakanluran patungo sa Independence, Missouri. Isa sa mga elder na ito, si John Murdock, ay nagkasakit habang nangangaral ng ebanghelyo sa kanilang paglalakbay patungo sa Ohio. Si John at ang kompanyon niya na si Hyrum Smith ay pansamatalang tumuloy sa Chariton, Missouri, habang hinihintay ang paggaling ni John. Doon ay nakita nila ang dalawa pang elder, sina David Whitmer at Harvey Whitlock, na matapat sa pagsunod sa kautusang ipangaral ang ebanghelyo habang naglalakbay patungo sa Missouri. Nagkita ang apat na elder na ito at si Joseph Smith sa Chariton at natanggap ang mga tagubilin ng Panginoon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 62, pinagsama-sama nila ang kanilang pera at bumili ng kabayo, na nagpadali sa paglalakbay ni John Murdock patungo sa Sion.