Seminaries and Institutes
Lesson 36: Doktrina at mga Tipan 29:30–50


Lesson 36

Doktrina at mga Tipan 29:30–50

Pambungad

Bago maganap ang kumperensya ng Simbahan noong Setyembre 26, 1830, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag sa harapan ng anim na elder. Sa pamamagitan ng paghahayag na ito, nalaman ng anim na elder na ito ang tungkol sa Pagkahulog ni Adan at Eva at ang pagtubos mula sa Pagkahulog sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 29:30–45

Ipinahayag ng Tagapagligtas na tinubos Niya tayo mula sa Pagkahulog at iniligtas tayo mula sa ating mga kasalanan

Ibahagi sa iyong mga estudyante ang sumusunod na sitwasyon at itanong ang sumusunod:

Isipin kunwari na isa sa mga kaibigan mo ang lumapit sa iyo at medyo dismayado. Nang tanungin mo kung bakit siya dismayado, sinabi niya na hindi niya alam kung may mapapala ba sa pagiging mabait. Ipinaliwanag niya na kahit sinisikap niyang sundin ang mga kautusan, mas maganda pa rin ang buhay ng mga kaibigan niya na namumuhay nang hindi tama. Bukod pa riyan, parang walang nangyayaring masama sa mga kaibigan niya kahit mali ang kanilang mga pinili.

  • Paano kaya ninyo sasagutin ang mga pinoproblema ng kaibigan ninyo?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga doktrina at alituntunin sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 29 na maaaring makatulong sa isasagot nila sa mga pinoproblema ng kanilang kaibigan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:31–32 at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaang mabuti ang mga turo sa mga talatang ito, ipaliwanag ang sumusunod bago magbasa nang malakas ang estudyante:

Sa Paglikha, si Adan, si Eva, ang lupa, at ang lahat ng bagay sa lupa ay nasa espirituwal na kalagayan. Kahit may pisikal na katawan sina Adan at Eva, hindi sila daranas ng kamatayan at makapananahan sa piling ng Diyos magpakailanman. Gayunman, bilang bahagi ng plano ng Ama sa Langit, lahat ng Kanyang mga nilikha ay magiging temporal. Sa madaling salita, sila ay magiging pansamantala at daranas ng kamatayan. Kasunod ng pagkabuhay na mag-uli, babalik sila sa espirituwal na kalagayan—pisikal ngunit imortal din.

Ipabasa sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:34–35. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung ano ang pananaw ng Panginoon sa mga kautusang ibinibigay Niya sa atin.

  • Paano inilarawan ng Panginoon ang Kanyang mga kautusan? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang lahat ng kautusan ng Diyos ay espirituwal. Isulat sa pisara ang doktrinang ito.)

  • Paano ninyo ipapaliwanag ang sinabi ng Panginoon na lahat ng Kanyang kautusan ay espirituwal? Ano ang ilan sa mga espirituwal na pagpapalang dumarating kapag sinusunod natin ang mga kautusan?

Sa pagsagot ng mga estudyante ng mga tanong na ito, maaari mong ipaliwanag na maraming kautusan, tulad ng Word of Wisdom at batas ng ikapu, ang nagdudulot ng mga temporal na pagpapala. Gayunman, humahantong ang mga ito sa mas dakilang mga espirituwal na pagpapala. Ang mga temporal na pagpapala ay natatapos kalaunan ngunit ang mga espirituwal na pagpapala ay tumatagal kailanman.

  • Paano makatutulong sa kaibigan ninyo ang doktrinang nakasulat sa pisara sa sitwasyong tinalakay sa simula ng lesson?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 29:36–39 na ipinapaliwanag na naghimagsik ang diyablo laban sa Diyos sa premortal na daigdig at inilihis ang “ikatlong bahagi ng hukbo ng langit.” Dahil naghimagsik ang diyablo at kanyang mga tagasunod, sila ay itinaboy.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:39 at sabihin sa klase na alamin ang mga dahilan kung bakit itinulot ng Panginoon na tuksuhin tayo ng diyablo.

  • Bakit tinutulutan ng Panginoon na tuksuhin tayo ng diyablo? Bakit mahalagang nakakapili tayo sa pagitan ng mabuti at masama?

Upang maihanda ang mga estudyante sa pagtalakay ng mga katotohanan sa Doktrina at mga Tipan 29:40–45, ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 29:35, binanggit ng Panginoon ang isang utos na ibinigay Niya kay Adan sa Halamanan ng Eden (tingnan din sa D at T 29:40). Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang utos na ito sa Moises 3:16–17.

  • Anong utos ang ibinigay ng Panginoon kay Adan? (Iniutos ng Panginoon kay Adan na huwag kainin ang bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama.) Ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kung lalabagin ni Adan ang utos na ito? (Si Adan ay mamamatay. Mula sa araw ng kanyang paglabag si Adan ay daranas na ng kamatayan ng katawan at espiritu.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:40-41. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang kahulugan ng pariralang “espirituwal na kamatayan.”

  • Ayon sa talatang ito, ano ang espirituwal na kamatayan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang espirituwal na kamatayan ay ang maalis sa presensya ng Diyos.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng pariralang “unang kamatayan” sa talata 41, ipaliwanag na may dalawang espirituwal na kamatayan. Ang una ay bunga ng Pagkahulog at pansamantala lamang. Ang pangalawa ay bunga ng mga kasalanang hindi pinagsisihan at magiging permanente para sa mga taong hindi nagsisi at hindi sumunod.

Ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang isa pang uri ng kamatayan na bunga ng paglabag ni Adan.

  • Ano ang isa pang uri ng kamatayan na bunga ng paglabag ni Adan? (Temporal na kamatayan: sa madaling salita, ang kamatayan ng katawang pisikal. Ang kamatayang ito ay ang paghihiwalay ng espiritu mula sa katawan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga ibinunga ng Pagkahulog para sa buong sangkatauhan, ipabasa sa kanila nang tahimik ang Helaman 14:16. Sabihin sa kanila na alamin kung sino ang nakararanas ng mga ibinunga ng paglabag ni Adan.

  • Sino ang nakararanas ng mga ibinunga ng paglabag ni Adan? (Buong sangkatauhan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 14:17. Sabihin sa klase na alamin ang sinasabi ng talatang ito tungkol sa paano madadaig ang mga ibinunga ng paglabag ni Adan.

  • Paano madadaig ang mga ibinunga ng paglabag ni Adan? Sino ang tatanggap ng mga pagpapalang ito?

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: Alma 33:22; 42:23. Ipaliwanag na ang lahat ng tao ay babalik sa presensya ng Diyos para hatulan, ngunit hindi lahat ng tao ay magiging karapat-dapat na mamuhay sa Kanyang piling magpakailanman. Pagkatapos, sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga scripture passage na inilista mo sa pisara at hanapin ang katibayan ng katotohanang ito. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:43–44. Ituro ang pahayag na ang mga taong “hindi pinaniniwalaan” si Cristo ay “hindi matutubos sa kanilang espirituwal na pagbagsak.” Ipaliwanag na bagama’t ang lahat ng tao ay matutubos mula sa Pagkahulog nina Adan at Eva, ang mga taong tumatangging sumampalataya kay Jesucristo at magsisi ay hindi matutubos sa kanilang sariling espirituwal na pagbagsak.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:42–43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang paraan na maliligtas tayo mula sa mga ibinunga ng ating sariling mga kasalanan.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang kailangan nating gawin upang maligtas mula sa ating sariling mga kasalanan? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang maipahayag ang sumusunod na doktrina: Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, nag-alay ng kapatawaran at buhay na walang hanggan si Jesucristo sa lahat ng mananampalataya sa Kanya at magsisisi sa kanilang mga kasalanan. Isulat sa pisara ang doktrinang ito.)

Magpatotoo na ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa ating kaligayahan. Bagama’t namuhay tayo sa piling ng Diyos bago tayo isinilang, bawat isa sa atin ay kailangang pumarito sa lupa, tumanggap ng katawang mortal, at matutuhan mula sa karanasan na gamitin ang ating kalayaang pumili upang sundin si Jesucristo. Ang ating espirituwal na kalagayan kapag tumanggap tayo ng buhay na walang hanggan ay hihigit pa sa espirituwal na kalagayan na naranasan natin sa daigdig ng mga espiritu bago tayo isinilang. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa buklet na Tapat sa Pananampalataya:

“Ang kawalang-kamatayan ay ang mabuhay magpakailanman bilang nabuhay na mag-uling nilikha. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ay tatanggap ng kaloob na ito. Ang buhay na walang hanggan, o kadakilaan, ay pagmamana ng isang lugar sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal, kung saan makakapiling natin ang Diyos at magpapatuloy bilang mga pamilya (tingnan sa D at T 131:1–4). Tulad ng kawalang-kamatayan, ang kaloob na ito ay naging posible dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Gayunman, kailangan dito ang ating ‘pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo’ (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3)” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 16).

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na mahalagang piliin nila ang mga bagay na makatutulong sa kanila na matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na payo mula kay Pangulong Thomas S. Monson:

Pangulong Thomas S. Monson

“Huwag ipagsapalaran ang inyong buhay na walang hanggan. Kung nagkasala kayo, kung mas maaga ninyong sisimulang bumalik, mas maaga ninyong matatagpuan ang tamis ng kapayapaan at kagalakang kaakibat ng himala ng pagpapatawad.

“… Kayo ay mula sa isang maharlikang lahi. Buhay na walang hanggan sa kaharian ng ating Ama ang inyong mithiin. Ang gayong mithiin ay hindi nakakamtan sa isang maluwalhating pagtatangka kundi ito ay bunga ng habambuhay na kabutihan, matatalinong pasiya, at pagtutuong lagi sa layunin. Tulad ng iba pang makabuluhang bagay, ang gantimpalang buhay na walang hanggan ay nangangailangan ng pagsisikap.

“… Mapuspos nawa tayo ng pasasalamat para sa karapatang pumili, tanggapin nawa natin ang responsibilidad sa pagpili at mag-ingat tayo sa mga bunga ng pagpili” (“Ang Tatlong Prinsipyo ng Pagpili,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 69–70).

Doktrina at mga Tipan 29:46–50

Ipinahayag ng Tagapagligtas na ang maliliit na bata at ang mga walang pang-unawa ay tinubos sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 29:46–50, nalaman natin na ang mga ibubunga ng paglabag sa batas ng Diyos ay iba sa maliliit na bata at sa iba na hindi mananagot sa harapan ng Diyos. Nalaman din natin ang dakilang kapangyarihan at awa ni Jesucristo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:46–47.

  • Ano ang ibig sabihin nito sa maliliit na bata na namatay bago magwalong taong gulang? (Sila ay ligtas sa kahariang selestiyal. Tingnan din sa D at T 137:10. Maaari mong ipaliwanag na ayon sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 17:11 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan] at Doktrina at mga Tipan 68:25, ang maliliit na bata ay nagsisimulang magkaroon ng pananagutan sa harapan ng Panginoon sa edad na walo. Para sa karagdagang mga turo tungkol sa paksang ito, tingnan sa Moroni 8 at Doktrina at mga Tipan 137:10.)

  • Paano dinagdagan ng scripture passage na ito ang inyong pag-unawa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

Tapusin ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 29:49 at pagnilayan ang inaasahan ng Panginon sa bawat isa sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kahulugan sa kanila ng makabalik sa kinaroroonan ng Ama sa Langit at manatili roon nang walang hanggan. Matapos sumagot ang ilang estudyante, hikayatin ang mga estudyante na gumawa ng pagpapasiya na magtutulot sa kanila na manirahan sa kinaroroonan ng Panginoon nang walang hanggan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 29:30–50.

Inilalarawan ng sumusunod na chart ang mga pagbabagong naganap kina Adan at Eva dahil kinain nila ang ipinagbabawal na bunga:

Bago ang Pagkahulog

Pagkatapos ng Pagkahulog

  1. Walang pisikal na kamatayan; nabuhay sana magpakailanman sina Adan at Eva kung hindi sila lumabag (tingnan sa 2 Nephi 2:22).

  2. Walang espirituwal na kamatayan; nabuhay sila sa piling ng Diyos.

  3. Walang pag-unlad tungo sa kadakilaan (tingnan sa 2 Nephi 2:22).

  4. Hindi sana sila nagkaroon ng mga anak (tingnan sa 2 Nephi 2:23).

  5. Sila ay inosente o walang-malay, hindi nalalaman ang mabuti ni masama, ang kagalakan ni kalungkutan (tingnan sa 2 Nephi 2:23).

  1. Lahat ng bagay ay naging mortal at mamamatay (tingnan sa 2 Nephi 9:6).

  2. Pinalayas sina Adan at Eva mula sa piling ng Diyos at namatay sa espirituwal (tingnan sa D at T 29:40–42).

  3. Ang walang hanggang pag-unlad batay sa plano ng Ama sa Langit ay naging posible (tingnan sa Moises 5:11).

  4. Magkakaroon sila ng mga anak (tingnan sa Moises 4:22; 5:11).

  5. Nalaman nila ang mabuti at masama at daranas ng kagalakan at kalungkutan (tingnan sa Moises 5:11).

Doktrina at mga Tipan 29:34–35. Mga bunga ng pagsunod o pagsuway sa mga kautusan ng Diyos

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“Ang likas at espirituwal na mga batas na namamahala sa buhay ay binuo bago pa ang pagkakatatag ng daigdig. … Ang mga ito ay walang hanggan, tulad ng mga ibinunga ng pagsunod o pagsuway sa mga ito. Hindi nakabatay ang mga ito sa mga kinukunsidera ng lipunan o pulitika. Hindi mababago ang mga ito. Walang pamimilit, walang pagtutol, walang batas ang maaaring magpabago sa mga ito” (“For Time and All Eternity,” Ensign, Nob. 1993, 22).

Doktrina at mga Tipan 29:41. “Huling kamatayan, na espirituwal”

Ipinaliwanang ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang ikalawang kamatayan:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang ikalawang kamatayan ay espirituwal; ito ay pagkawala sa piling ng Panginoon magpakailanman. Ito ay katulad ng unang espirituwal na kamatayan, na mararanasan ng lahat ng tao na hindi nagsisisi at hindi tumatanggap sa ebanghelyo. Yaong mga nakaranas ng unang espirituwal na kamatayan o paglisan, na pagkataboy mula sa kinaroroonan ng Diyos, ay may pribilehiyong matubos mula sa kamatayang ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon, sila ay isinilang na muli at sa gayon ay bumalik sa espirituwal na buhay, at sa kanilang patuloy na pagsunod hanggang wakas, sila ay magiging kabahagi ng mga pagpapala ng buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal ng Diyos.

“Ang mga daranas ng ikalawang kamatayan ay ang mga tao na dating nagtaglay ng espirituwal na liwanag at naghimagsik laban dito. Sila ay mananatili sa kanilang mga kasalanan sa kanilang pagkataboy” (Doctrines of Salvation, ed. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:222–23).

Doktrina at mga Tipan 29:46–47. “Ang maliliit na bata ay tinubos”

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa kaligtasan ng maliliit na bata bago sila magkaroon ng pananagutan sa Diyos:

Elder Bruce R. McConkie

“Sa lahat ng maluwalhating katotohanan ng ebanghelyo na ibinigay ng Diyos sa kanyang mga tao bibihira ang doktrina na labis na nakalulugod, labis na nakasisiya sa kaluluwa, na katulad ng doktrinang nagpapahayag na—Ang maliliit na bata ay maliligtas. Sila ay buhay kay Cristo at magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Para sa kanila magpapatuloy ang pamilya at ang kabuuan ng kadakilaan ay makakamit nila. Walang pagpapala ang ipagkakait. Sila ay babangon sa walang kamatayang kaluwalhatian, magiging husto ang pag-iisip, at mabubuhay magpakailanman sa pinakamataas na langit sa kahariang selestiyal—lahat ng ito ay mangyayari sa pamamagitan ng awa at biyaya ng Banal na Mesiyas, at lahat ng ito ay dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo Niya na namatay upang tayo ay mabuhay …

“Ang lahat ba ng maliliit na bata ay awtomatikong maliligtas sa kahariang selestiyal?

“Sa tanong na ito ang sagot ay malakas na oo, na paulit-ulit na maririnig sa punu’t dulo ng langit. Itinuro ito ni Jesus sa kanyang mga disipulo. Sinabi ito ni Mormon nang paulit-ulit. Maraming propeta ang nagsalita tungkol dito, at ito ay mahalaga sa buong plano ng kaligtasan. Kung hindi magkagayon hindi ganap na maisasakatuparan ang pagtubos. At tulad ng inaasahan natin, ang Pangitain ni Joseph Smith ng Kahariang Selestiyal ay naglalaman ng pahayag na ito: ‘At namalas ko rin na ang lahat ng batang namatay bago sila sumapit sa gulang ng pananagutan ay ligtas sa kahariang selestiyal ng langit.’ [D at T 137:10.] …

“Paano at bakit sila ligtas?

“Naligtas sila sa pamamagitan ng pagbabayad-sala at dahil sila ay walang kasalanan. Nagmula sila sa Diyos sa kadalisayan; walang kasalanan o bahid ang naikapit sa kanila sa buhay na ito; at sila ay babalik nang dalisay sa kanilang Tagapaglikha. Ang mga taong maaari nang managot ay dapat maging dalisay sa pamamagitan ng pagsisisi at binyag at pagsunod. Yaong mga hindi mananagot sa kasalanan ay hindi kailanman espirituwal na babagsak at hindi kailangang matubos mula sa isang espirituwal na pagbagsak, na hindi nila kailanman naranasan. Dahil diyan ipinapahayag na ang mga bata ay buhay kay Cristo. ‘Ang maliliit na bata ay tinubos mula pa sa pagkakatatag ng daigdig sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak,’ wika ng Panginoon. (D at T 29:46.) “The Salvation of Little Children,” Ensign, Abr. 1977, 3, 4–5).