Seminaries and Institutes
Lesson 69: Doktrina at mga Tipan 64:1–19


Lesson 69

Doktrina at mga Tipan 64:1–19

Pambungad

Noong Agosto 27, 1831, kababalik lang ni Propetang Joseph Smith at ilang elder sa Ohio mula sa kanilang paglalakbay para ilaan ang lupain at lugar na pagtatayuan ng templo sa Sion, o Independence, Missouri. Sa panahon ng paglalakbay papunta sa Missouri at pauwi mula rito, nagtalo sa isa’t isa ang ilan sa mga elder at nagkasakitan ng damdamin, ngunit karamihan sa kanila ay nagpatawad sa isa’t isa. Noong Setyembre 11, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 64. Saklaw ng lesson na ito ang Doktrina at mga Tipan 64:1–19, kung saan ipinahayag ng Panginoon ang kanyang kahandaang patawarin ang Kanyang mga tagapaglingkod. Iniutos din Niya sa mga miyembro ng Simbahan na patawarin ang isa’t isa.

Paalala: Ang lesson 70 ay nagbibigay sa dalawang estudyante ng pagkakataon na makapagturo. Kung hindi mo pa ito nagagawa, maaari ka nang pumili ng dalawang estudyante ngayon at bigyan sila ng mga kopya ng mga bahaging ituturo nila sa lesson 70 upang makapaghanda sila.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 64:1–7

Tiniyak ng Panginoon sa mga elder ang Kanyang kahandaang magpatawad

Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

Kailan nasaktan ang inyong damdamin dahil sa sinabi o ginawa ng ibang tao?

Paano kayo tumugon o ano ang ginawa ninyo sa gayong sitwasyon?

Simulan ang klase sa pag-anyaya sa mga estudyante na isiping mabuti ang mga tanong na nasa pisara.

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 64, itinuro sa atin ng Panginoon kung paano tutugon o kung ano ang gagawin kapag nasaktan ng iba ang ating damdamin. Natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 64 noong Setyembre 11, 1831, mga dalawang linggo pagkatapos niyang makabalik at ang pangkat ng mga elder sa Ohio mula sa Independence, Missouri. Nakaranas ang mga elder at iba pang mga miyembro ng Simbahan ng paghihirap dahil sa di-pagkakaintindihan at pagtatalu-talo sa ilang miyembro ng pangkat. Sa paghahayag na ito, sinabi ng Panginoon, “Mayroon sa inyo na nagkasala” (D at T 64:3).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:1–4 at sabihin sa klase na tukuyin ang mga parirala na naglalarawan kung paano tutugon ang Panginoon sa mga nagkasala. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga pariralang natukoy nila.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na itutugon Niya sa mga miyembro ng Simbahan na nagkasala?

  • Ano ang itinuturo ng mga tugon na ito tungkol sa Panginoon? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Ang Panginoon ay mahabagin, mapagpatawad, at maawain. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Bakit maaaring makabuluhan ang katotohanang ito sa mga miyembro ng Simbahan na nakaranas ng paghihirap dahil sa pagtatalu-talo at sama ng loob sa isa’t isa? Bakit mahalaga sa inyo ang katotohanang ito tungkol sa Tagapagligtas?

Ipaliwanag na sa panahong ito, ilang miyembro ng Simbahan, kabilang na ang ilan sa mga elder na naglakbay kasama ni Joseph Smith, ay naghangad ng masama laban kay Joseph Smith. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Panginoon tungkol kay Joseph Smith. Bago magbasa ang estudyante, ipaliwanag na ang maghangad ng masama sa isang tao, tulad ng nakatala sa talata 6, ay ang maghanap ng mali sa isang tao.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon tungkol kay Joseph Smith? (Si Joseph Smith ang may hawak ng mga susi ng kaharian ng Panginoon at ang tagapaglingkod ng Panginoon. May mga taong naghanap ng mali laban kay Joseph.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:7 at alamin ang sinabi pa ng Panginoon tungkol kay Joseph Smith.

  • Ano ang matututuhan natin sa talatang ito tungkol kay Joseph Smith? (Si Joseph Smith ay nagkasala, ngunit nakahanda ang Panginoon na siya ay patawarin. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang scripture passage na ito, maaari mong ipaliwanag na katulad ng halos lahat ng tao, si Joseph Smith ay may mga kahinaan at kailangang hingin ang kapatawaran ng Panginoon para sa kanyang mga kasalanan. Gayunpaman, hindi siya nakagawa ng mabibigat na kasalanan.)

  • Ano ang matututuhan natin sa talatang ito tungkol sa dapat nating gawin para matanggap ang kapatawaran ng Panginoon?

Doktrina at mga Tipan 64:8–19

Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod na patawarin ang isa’t isa

Kung maaari, magdispley ng larawan ng isang makamandag na ahas na makikita sa inyong lugar o larawan ng isang sugat na dulot ng tuklaw ng isang makamandag na ahas.

  • Bukod pa sa pisikal na sakit na mararamdaman, ano sa palagay ninyo ang pakiramdam ninyo kung natuklaw kayo ng makamandag na ahas?

Ipaliwanag na ang isang tao sa sitwasyong ito ay maaaring (1) tugisin ang ahas at patayin ito dahil sa galit o sa takot, o (2) gawin kaagad ang nararapat para maalis ang lason sa kanyang katawan.

  • Alin sa dalawang paraang ito ang sa palagay ninyo ay mas mabuting gawin? Bakit?

Ipaliwanag na ang pipiliing gawin ng isang tao pagkatapos matuklaw ng ahas ay maaaring ihalintulad sa pipiliin nating gawin kapag nasaktan tayo dahil sa mga salita o kilos ng ibang tao. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga naranasan ng ilan sa mga disipulo ng Panginoon dahil hindi nila pinatawad ang isa’t isa. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talata 8? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag hindi natin pinatawad ang isa’t isa, nagdudulot tayo ng pighati at hirap sa ating sarili. Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang alituntuning ito sa sarili nilang mga salita sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Paano mahihirapan (o masasaktan) ang isang tao dahil hindi niya pinatawad ang iba? Paano ito natutulad sa mangyayari sa isang taong tumugis sa ahas na nakatuklaw sa kanya?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:9. Sabihin sa klase na tukuyin ang isa pang mangyayari kapag hindi tayo nagpatawad sa iba.

  • Ayon sa talata 9, ano ang isa pang mangyayari kapag hindi tayo nagpatawad sa iba? (Kung hindi natin patatawarin ang iba, nahatulan na tayo sa harapan ng Panginoon. Isulat sa pisara ang doktrinang ito.)

Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David E. Sorensen ng Pitumpu:

Elder David E. Sorensen

“Maaaring napakahirap patawarin ang pananakit sa atin ng isang tao, ngunit kapag nagpatawad tayo, mas gaganda ang buhay natin sa hinaharap. Hindi na makokontrol ng pagkakamali ng sinuman ang ating buhay. Kapag pinatawad natin ang iba, malaya tayong makakapili kung paano tayo mamumuhay. Ang pagpapatawad ay nangangahulugang hindi na madidiktahan ng mga problema ng nakaraan ang ating tadhana, at makakatuon tayo sa hinaharap nang may pagmamahal ng Diyos sa ating mga puso” (“Ang Kapatawaran ay Papalitan ang Kapaitan ng Pagmamahal,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 12).

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy at ipamuhay ang kautusan ng Panginoon na patawarin ang lahat ng tao, basahin ang mga sumusunod na halimbawa at itanong ang mga sumusunod:

  1. Isang dalagita ang nasaktan at nahiya matapos malaman na ilan sa kanyang mga kaibigan ay nagkakalat ng tsismis tungkol sa kanya. Kalaunan, humingi ng tawad ang ilan sa mga kaibigang ito, ngunit ang iba ay hindi. Pinatawad ng dalagita ang mga humingi ng tawad pero may sama ng loob sa iba.

    Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 64:10–11. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano nauugnay ang mga talatang ito sa halimbawang binasa mo.

    • Anong kautusan ang ibinigay ng Panginoon sa talata 10? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na kautusan: Iniutos sa atin ng Panginoon na patawarin ang lahat ng tao.)

    • Paano nauugnay sa dalagita sa halimbawa ang kautusang ito? Sa inyong palagay, bakit mahalagang patawarin ang lahat ng tao, humingi man sila ng tawad o hindi para sa maling ginawa nila?

  2. Sinuway ng isang binatilyo ang isang kautusan. Nanalangin siya para humingi ng kapatawaran at sinabi ang problema sa kanyang bishop. Gayunpaman, kahit tiniyak ng bishop sa binatilyo na lubos na siyang nagsisi, nadarama pa rin ng binatilyo na hindi siya karapat-dapat dahil sa mga nagawa niyang kasalanan noon.

    • Paano nauugnay sa binatilyo sa halimbawa ang kautusang patawarin ang lahat ng tao? Bakit kailangan nating patawarin ang ating sarili?

  3. Isang dalagita ang malungkot at naguguluhan dahil sa ginawa ng kanyang ama. Inabandona sila ng kanyang ama. Bago siya umalis, bihira siyang magpakita ng pagmamahal sa pamilya at malupit siya kadalasan. Hindi niya maunawaan kung bakit ganito ang ginawa ng kanyang ama, at galit siya sa kanya. Alam niya na dapat niyang patawarin ang kanyang ama pero sa palagay niya ay hindi niya kayang magpatawad.

    • Paano makatutulong ang payo ng Panginoon sa talata 11 sa dalagitang ito para mapatawad niya ang kanyang ama? Paano makatutulong sa atin na ipaubaya sa Diyos ang paghatol sa mga taong nakasakit sa atin?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung may sinumang tao na kailangan nilang patawarin. Aminin na kung minsan ay talagang mahirap magpatawad. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang magagawa nila kung nahihirapan silang magpatawad ng iba.

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Isinasamo ko sa inyo na humingi sa Panginoon ng lakas para makapagpatawad. … Maaaring hindi ito maging madali, at maaaring hindi ito agad mangyari. Ngunit kung hihingin ninyo ito nang taos-puso at lilinangin ito, ito ay darating” (“Of You It Is Required to Forgive,” Ensign, Hunyo 1991, 5).

  • Ano ang ipinayo ni Pangulong Hinckley na gawin natin kung nahihirapan tayong magpatawad ng iba? Sa palagay ninyo, paano nakatutulong sa atin ang paghingi ng lakas upang makapagpatawad tayo?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 64:12–14 na ipinapaliwanag na itinuro ng Panginoon na ang ating pasiyang patawarin ang iba ay hindi nangangahulugang hindi na sila mananagot sa ginawa nila. Mananagot pa rin sila sa Panginoon para sa mga maling ginawa nila. Sa Doktrina at mga Tipan 64:15–17 nakita natin na pinatawad ng Panginoon ang dalawa sa Kanyang mga tagapaglingkod na sina Isaac Morley at Edward Partridge, dahil pinagsisihan nila ang kanilang mga kasalanan.

Magdispley ng larawan ni Jesucristo. Ituro ang unang katotohanan na isinulat mo sa pisara sa simula ng lesson: Ang Panginoon ay mahabagin, mapagpatawad, at maawain. Magpatotoo na kapag nagpatawad tayo, tayo ay nagiging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila ipamumuhay ang mga alituntunin ng pagpapatawad na natutuhan nila ngayon. Bigyan sila ng oras na maisulat ang dapat nilang gawin para maipamuhay ang mga katotohanang ito at maisulat ang anumang impresyon na natanggap nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 64:8. Nagdudulot tayo ng pighati at hirap sa ating sarili kapag hindi natin pinatatawad ang iba

Ikinuwento ni Elder David E. Sorensen ng Pitumpu ang tungkol sa dalawang lalaki na nasaktan ang kanilang sarili at ang marami pang iba dahil hindi sila nagpatawad:

Elder David E. Sorensen

“Lumaki ako sa isang maliit na bukiring bayan kung saan tubig ang pinakamahalagang kabuhayan ng komunidad. Naaalala ko ang mga tao sa aming bayan na laging hinihintay, inaalala at ipinagdarasal ang ulan, ang karapatan sa patubig, at ang tubig sa kabuuan. …

“Dahil sa pag-aalala at hirap ng aming klima, kung minsa’y maiinit ang ulo ng mga tao. Paminsan-minsan, nagtatalo ang magkakapitbahay kapag sobra ang tubig na kinukuha ng isang magbubukid mula sa irigasyon. Doon nagsimula ang away ng dalawang lalaking nakatira malapit sa aming pastulan sa bundok, na tatawagin kong Chet at Walt. Nagsimulang pag-awayan ng dalawang magkapitbahay na ito ang tubig mula sa irigasyong ginagamit nilang dalawa. Sa simula’y parang balewala lang ito, ngunit paglipas ng mga taon ang di nila pagkakasundo ay nauwi sa pagkapoot at pagtatalo—hanggang sa magbantaan na sila.

“Isang umaga ng Hulyo muling kinulang sa tubig ang dalawang lalaki. Bawat isa’y nagtungo sa dike para tingnan kung ano ang nangyari, na kapwa iniisip na ninakaw ng isa ang kanyang tubig. Sabay silang dumating sa may prinsa. Nagpalitan sila ng masasamang salita na humantong sa away. Malaking lalaki si Walt at napakalakas. Si Chet ay maliit, maliksi ang katawan, at matapang. Sa init ng labanan, ginamit na sandata ng dalawa ang dala nilang mga pala. Di sinasadyang natamaan ng pala ni Walt ang isang mata ni Chet, na bumulag sa matang iyon.

“Mga buwan at taon ang lumipas, subalit si Chet ay hindi makapagpatawad ni makalimot. Kumukulo ang dugo niya sa pagkabulag niya, at tumindi ang kanyang pagkamuhi. Isang araw, nagtungo si Chet sa kanyang kamalig, kinuha ang baril mula sa suksukan nito, at nangabayo pababa sa prinsa. Hinarangan niya ang prinsa at pinalihis ang tubig palayo sa bukid ni Walt, batid na darating si Walt upang tingnan kung ano ang nangyari. Tapos ay nagtago siya sa palumpong at naghintay. Nang dumating si Walt, binaril ito ni Chet. Tapos ay sumakay siya sa kabayo, umuwi, at tinawag ang sheriff upang ipaalam na pinatay niya si Walt.

“Pinasasama ang tatay ko sa huradong didinig sa kasong pagpatay ni Chet. Tumangging sumama ang tatay dahil matagal na niyang kaibigan ang dalawang ito at ang mga pamilya nito. Nilitis si Chet at nahatulang mabilanggo habambuhay sa salang pagpatay.

“Makaraan ang maraming taon, lumapit ang maybahay ni Chet sa tatay ko at hiniling ditong pirmahan ang petisyon sa gobernador na pawalan ang kanyang asawa na ngayo’y masama na ang kalagayan makaraan ang maraming taon sa bilangguan. Pinirmahan ng tatay ang petisyon. Ilang gabi ang nagdaan, dalawang anak na lalaki ni Walt ang kumatok sa aming pintuan. Galit na galit sila. Sinabi nilang dahil pumirma sa petisyon ang tatay ko, maraming sumunod dito. Pinakiusapan nila ang tatay na bawiin ang pangalan niya sa petisyon. Tumanggi siya. Naniniwala siyang malala na ang lagay ni Chet. Matagal na niyang pinagdusahan sa bilangguan ang mabigat na krimen dahil lamang sa silakbo ng damdamin. Nais niyang tiyakin na magkakaroon ng disenteng libing si Chet at makakatabi nito ang kanyang pamilya.

“Galit na tumugon agad ang mga anak ni Walt at sinabing, ‘Kung pawawalan siya sa bilangguan, sisiguruhin naming mapapahamak siya at ang kanyang pamilya.’

“Kalauna’y pinawalan si Chet at hinayaang makauwi at mamatay sa piling ng kanyang pamilya. Sa kabutihang-palad, wala nang gulo pang nangyari sa dalawang pamilya. Madalas malungkot ang tatay ko sa nangyari kina Chet at Walt, na magkapitbahay at magkaibigan mula pa sa pagkabata, na nagpatangay sa kanilang galit at hinayaang wasakin nito ang kanilang buhay. Napakalungkot na ang panandaliang init ng ulo ay nahayaang lumala—na kalauna’y kumitil sa buhay ng dalawang lalaki—dahil lang sa hindi nila mapatawad ang isa’t isa sa kaunting bahagi ng tubig mula sa irigasyon. …

“… Kapag sinaktan tayo o ang mga taong mahal natin, halos nakapanlulumo ang pasakit na iyan. Para bang ang pasakit o kawalang katarungang iyon ang siyang pinakamahalaga sa mundo, at ang dapat nating gawin ay maghiganti lamang. Ngunit si Cristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ay tinuruan tayo ng mas magandang paraan. Maaaring napakahirap patawarin ang pananakit sa atin ng isang tao, ngunit kapag nagpatawad tayo, mas gaganda ang buhay natin sa hinaharap. Hindi na makokontrol ng pagkakamali ng sinuman ang ating buhay. Kapag pinatawad natin ang iba, malaya tayong makakapili kung paano tayo mamumuhay. Ang pagpapatawad ay nangangahulugang hindi na madidiktahan ng mga problema ng nakaraan ang ating tadhana, at makakatuon tayo sa hinaharap nang may pagmamahal ng Diyos sa ating mga puso” (“Ang Kapatawaran ay Papalitan ang Kapaitan ng Pagmamahal,” Liahona, Mayo 2003, 10–11, 12).

Doktrina at mga Tipan 64:12–14. “Inyo [siyang] ihaharap sa simbahan”

Ang mga itinuro ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 64:12–14 ay nagpapakita na ang ating pagpapatawad sa iba ay hindi nangangahulugang hindi na sila mananagot sa ginawa nila. Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

“Kung kayo ay isang inosenteng biktima na nagawan ng mabigat na kasalanan, huwag magtanim ng poot, at galit sa tila kawalan ng katarungan. Patawarin ang nagkasala kahit pa inosente kayo. Kailangan ninyong pagsikapan nang husto na magawa ito. Pinakamahirap ang ganitong pagpapatawad, pero ito ang tiyak na daan tungo sa kapayapaan at paghilom. Kung kailangan ang disiplina sa mabigat na kasalanang nagawa sa inyo, ipaubaya ito sa Simbahan at sa mga awtoridad ng pamahalaan. Huwag ninyong pahirapan ang inyong sarili sa pag-iisip na makaganti. Dahan-dahan ang pagbibigay ng katarungan ng Panginoon pero talagang makatarungan. Sa plano ng Panginoon, walang makakaligtas sa mga bunga ng hindi napagbayarang paglabag sa Kanyang mga batas. Sa kanyang panahon at paraan ay buong kabayaran ang hihingin para sa mga hindi napagsisihang kasalanan” (“Katahimikan ng Budhi at Kapayapaan ng Isipan,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 16–17).

Ganito rin ang ipinaliwanag ni Elder David E. Sorensen ng Pitumpu:

Elder David E. Sorensen

“Gusto kong liwanagin na hindi dapat ipagkamaling pagpapaubaya sa kasamaan ang pagpapatawad sa mga kasalanan. Katunayan, sa Pagsasalin ni Joseph Smith, sinabi ng Panginoon, ‘Huwag hahatol nang di makatarungan.’ [Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 7:1 (sa Mga Pinili sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia]. Iniutos sa atin ng Tagapagligtas na talikuran at labanan ang lahat ng anyo ng kasamaan, at kahit dapat nating patawarin ang taong nanakit sa atin, magsikap pa rin tayong huwag nang maulit ang pananakit na iyon. Ang isang babaeng inabuso ay hindi dapat maghiganti, ngunit dapat din siyang gumawa ng mga hakbang para hadlangan ang susunod pang pang-aabuso. Ang isang negosyanteng dinaya sa isang transaksyon ay hindi dapat kamuhian ang taong hindi naging matapat, ngunit makagagawa siya ng mga tamang hakbang para lunasan ang pagkakamali. Sa pagpapatawad ay hindi natin kailangang tanggapin o pagbigyan ang kasamaan. Hindi natin kailangang balewalain ang pagkakamaling nakikita natin sa ating paligid o sa sarili nating buhay. Ngunit habang nilalabanan natin ang mga pagkakasala, hindi natin dapat pahintulutang kontrolin ng pagkamuhi o galit ang ating mga isipan o kilos” (“Ang Kapatawaran ay Papalitan ang Kapaitan ng Pagmamahal,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 12).