Seminaries and Institutes
Lesson 141:Doktrina at mga Tipan 133:1–35


Lesson 141

Doktrina at mga Tipan 133:1–35

Pambungad

Noong Nobyembre 3, 1831, dalawang araw bago tinagubilinan ng Panginoon si Joseph Smith na ilathala ang Aklat ng mga Kautusan, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 133. Ang paghahayag na ito ay kasama sa 1835 na edisyon ng Doktrina at mga Tipan bilang bahagi 100 at ginawang apendiks ng aklat. Ang orihinal na layunin ng mga gumawa ng mga manuskrito ay ilagay ito sa katapusan ng 1835 na edisyon at maging huling paghahayag na inilathala sa edisyong iyon. Ang paghahayag na ito ay hahatiiin sa dalawang lesson. Tinatalakay sa lesson na ito ang utos ng Panginoon na ihanda ng Kanyang mga tao ang kanilang sarili at ang iba para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Tinatalakay din nito ang mga propesiya tungkol sa mga pangyayaring kaakibat ng Kanyang Ikalawang Pagparito at paghahari sa milenyo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 133:1–3

Inilarawan ng Panginoon ang Kanyang Ikalawang Pagparito

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag. (Ang paghayag ay matatagpuan sa “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 7.)

“Ngayo’y naudyukan akong magsalita tungkol sa halaga ng paghahanda para sa pangyayaring magaganap na napakahalaga sa atin—” (Elder Dallin H. Oaks).

Magsimula sa pagtatanong sa mga estudyante ng mga sumusunod:

  • Naranasan na ba ninyo na nasa paaralan na kayo at saka ninyo lang naisip na nalimutan ninyong maghanda para sa pagsusulit? Kung ganoon, ano ang naramdaman ninyo?

  • Ano ang pakiramdam ninyo kapag alam ninyong naghanda kayong mabuti para sa pagsusulit?

Ituon ang atensyon ng mga estudyante sa pahayag sa pisara. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag. Pagkatapos ay itanong sa klase ang sumusunod na tanong:

  • Sa palagay ninyo, anong pangyayari ang tinutukoy ni Elder Oaks?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang pangyayaring dapat nating paghandaan at bakit natin dapat paghandaan ito. (Bago magbasa ang estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “ipakikita ang kanyang banal na bisig” ay tumutukoy sa pagpapakita ng Panginoon ng Kanyang lakas at kapangyarihan sa mundo.)

  • Anong pangyayari ang tinutukoy ng Panginoon sa mga talatang ito? (Ipakumpleto sa kanila ang paghahayag ni Elder Oaks sa pisara sa pagsulat ng ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon.)

  • Ayon sa talata 2, ano ang mangyayari sa mga hindi makadiyos, o makasalanang tao sa Ikalawang Pagparito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Sa Kanyang Ikalawang Pagparito, si Jesucristo ay darating upang hatulan ang mga makasalanan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang doktrinang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng talata 2.)

Doktrina at mga Tipan 133:4–16

Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng paghahayag na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan 133. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung saan orihinal na nakalagay ang paghahayag na ito sa Doktrina at mga Tipan. Matapos nilang ibahagi ang nalaman nila, sabihin sa mga estudyante na pansinin ang petsa na ibinigay ang paghahayag na ito. Ipaliwanag na ang paghahayag na ito ay hindi kasama sa kronolohiyang pagkakasunud-sunod dahil dati itong apendiks ng Doktrina at mga Tipan. Ang paghahayag na ito at ang bahagi 1 ay inilagay na magkabilang dulo ng Doktrina at mga Tipan.

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang talata 4 at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ng Kanyang mga tao kaugnay ng Kanyang Ikalawang Pagparito.

  • Ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng Kanyang mga tao? (Ihanda ang kanilang sarili, at sama-samang magtipon sa Sion.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: ay tumutulong sa atin na maging handa para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na basahin ang Doktrina at mga Tipan 133:4–16 nang magkasama at hanapin ang mga salita at parirala na nagtuturo sa atin kung paano maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Sabihin sa bawat magkapartner na ibahagi ang kanilang nalaman, at sabihin sa isang estudyante na kumpletuhin ang pahayag sa pisara sa pamamagitan ng pagsulat ng mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng patlang.

handout iconUpang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang ilan sa mga paraan na makapaghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon, gumawa ng kopya ng sumusunod na aktibidad para sa bawat estudyante. Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang aktibidad kasama ang kanilang kapartner at maghandang ibahagi ang kanilang mga ideya sa klase. (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot bago nila ibahagi sa klase.)

Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito

  1. Talakayin sa iyong kapartner kung bakit ang mga sagot na nakalista sa pisara ay tila mahahalagang paraan para makapaghanda sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

  2. Pansinin ang mga parirala tungkol sa Babilonia sa mga talata 5, 7, at 14. Noong panahon ng Lumang Tipan, ang lunsod ng Babilonia ay lugar na puno ng kasamaan. Sa mga talatang ito, ang Babilonia ay ginagamit bilang simbolo ng kamunduhan.

    1. Ano ang ibig sabihin kapag tinagubilinan tayo ng Panginoon na “lumabas kayo sa Babilonia”?

    2. Sa paanong paraan tayo makalalabas mula sa Babilonia? Paano tayo maihahanda ng mga ito para sa Ikalawang Pagparito?

    3. Ano na ang mga nagawa ninyo na nag-alis sa inyo mula sa masasamang impluwensya?

  3. Basahing muli ang Doktrina at mga Tipan 133:15, at alamin ang babalang sinabi ng Panginoon na hindi dapat gawin ng mga naunang Banal sa paglabas nila mula sa Babilonia. Maaari ninyong markahan ang nalaman ninyo at isipin kung paano naaangkop sa buhay ninyo ang babalang ito.

    1. Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “huwag [lumingon]” matapos nating maialis ang ating sarili sa masasamang impluwensya? (Tayo ay “[lumilingon]” kapag tinatangka nating talikuran ang mundo ngunit pagkatapos ay bumabaik tayo sa dating gawi. Sa halip na hayaang magbago ang ating mga puso, inaasam nating balikan ang dati nating pamumuhay.)

    2. Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 15?

    3. Talakayin sa kapartner ninyo kung paano magagawa ng mga kabataang Banal sa mga huling araw na “huwag [lumingon]” habang sinisikap nilang espirituwal na umunlad at mas mapalapit sa Tagapagligtas.

    4. Mag-isip ng mga taong kilala ninyo na laging iniisip ang hinaharap, naghahanda para sa Ikalawang Pagparito. Ano ang nakikita ninyong ginagawa nila?

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga sagot nila. (Upang matulungang makibahagi ang lahat, pasagutan sa ibang magkakapartner ang ibang mga tanong.) Sa pagtalakay ng mga estudyante ng talata 15, dapat nilang matukoy ang alituntuning katulad ng sumusunod: Kung tayo ay babalik sa kasamaan at dating kasalanan, hindi tayo magiging handa sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Patingnang muli ang listahan sa pisara ng mga bagay na magagawa natin para maging handa sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ipaliwanag na nais ng Panginoon na maging handa ang lahat ng tao sa Kanyang pagparito. Sabihin sa mga estudyante na mabilis na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 133:4–15 at tukuyin ang mga talata na nagtuturo sa atin kung paano ipalaganap ang ebanghelyo at anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo.

  • Anong mga talata ang nagtuturo sa atin na kailangan nating ipalaganap ang ebanghelyo at anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang mga talata 8–10.)

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa gawaing misyonero? (Maaaring iba-iba ang gamiting mga salita ng mga estudyante, ngunit kailangang matukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagbabahagi tayo ng ebanghelyo, tinutulungan natin ang iba na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang tinukoy ni Elder Andersen na ating responsibilidad at paano natin magagampanan ang responsibilidad na iyan.

Elder Neil L. Andersen

“Isa sa inyong mahahalagang responsibilidad ang tulungan ang mundo na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. …

“Ang pagmimisyon ninyo ay isang banal na pagkakataon upang maakay ang iba patungo kay Cristo at tumulong sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. …

“… Ang mundo ay lubos na inihahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas dahil sa gawain ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga misyonero” (“Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 49, 50, 51).

  • Sa palagay ninyo, bakit hindi sapat na ang mga sarili lamang natin ang ating ihahanda para sa Ikalawang Pagparito?

  • Sa palagay ninyo, paano makatutulong sa inyo na makapaghanda rin ang pagtulong na maihanda ang iba para sa Ikalawang Pagparito?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga taong tumulong sa kanila na mas mapalapit kay Jesucristo. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paano sila naimpluwensyahan at natulungan ng iba.

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 133:16 at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ng lahat ng mga tao para maging handa na salubungin Siya. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang nakita ninyo sa talata 16 na may kaugnayan sa gawaing misyonero?

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin sa talata 16 na makatutulong sa atin na maging handa sa pagsalubong sa Panginoon kapag dumating na Siya? (Ang isang paraan na maipapahayag ng mga estudyante ang alituntuning ito ay kapag nagsisisi tayo, naghahanda tayo para salubungin ang Panginoon.)

  • Paano tayo natutulungan ng pagsisisi na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag:

Ihahanda ko ang aking sarili para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng …

Tutulungan ko ang iba na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng …

Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang mga alituntuning natutuhan nila ngayon, ipakumpleto sa kanila ang mga pahayag sa pisara sa kanilang notebook o scripture study journal.

Doktrina at mga Tipan 133:17–35

Inilarawan din ng Panginoon ang ilang pangyayaring kaakibat ng Ikalawang Pagparito at ang Kanyang paghahari sa milenyo

Ipaliwanag na matapos ituro ang mga paraan ng paghahanda para sa Kanyang pagparito, iniutos ng Panginoon na maging handa tayo.

Pagpartnering muli ang mga estudyante para magkaroon sila ng mga bagong kapartner. Sabihin sa kalahati ng magkakapartner na magkakasamang basahin ang Doktrina at mga Tipan 133:17–25 at alamin ang mga pangyayaring kaakibat ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Sabihin sa natitirang magkakapartner na gayon din ang gawin sa Doktrina at mga Tipan 133:26–35. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa bawat magkapartner na ibahagi sa klase ang isang bagay na natuklasan nila.

  • Ayon sa talata 17, ano ang dapat nating ginagawa upang makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito? Bakit napakahalaga nito? (Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, maaari mong imungkahi na basahin nila ang Alma 7:9, 14–19. Ipaliwanag na ang pariralang “ginagawa ninyong tuwid ang kanyang mga landas” ay may kaugnayan sa ating responsibilidad na magsisi at ipangaral ang ebanghelyo sa iba upang sila ay makapagsisi, mabinyagan, at makatanggap ng kaloob na Espiritu Santo.)

Magtapos sa pagpapatotoo sa kahalagahan ng pagsisisi bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito. Hikayatin ang mga estudyante na mamuhay nang matwid upang maranasan nila ang katuparan ng mga pangako ng Panginoon sa kanilang buhay.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 133. Mga Pangyayari na humahantong sa Ikalawang Pagparito

Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee na ang Doktrina at mga Tipan 101 at 133 ay naglalaan “nang paunti-unting pagsasalaysay ng mga pangyayaring humahantong sa pagparito ng Tagapagligtas” (“Admonitions for the Priesthood of God,” Ensign, Ene. 1973, 106).

Doktrina at mga Tipan 133:20–22. Ano ang mga gagawing pagpapakita ng Panginoon?

Sa pagbabalik ng Panginoon, Siya ay magpapakita sa ilang partikular na grupo at pagkatapos ay magpapakita nang may dakilang kapangyarihan, karingalan, at kaluwalhatian—sa paraan na makikita Siya ng buong mundo (tingnan sa D at T 88:95; 101:23–25; 133:40–42, 48–51). Nagbanggit ang mga propeta ng apat na beses na pagpapakita ng Panginoon bilang bahagi ng Kanyang Ikalawang Pagparito:

  1. Ang pagpapakita sa templo sa lunsod ng Bagong Jerusalem (tingnan sa D at T 84:1–5; 97:10, 15–16; 133:2).

  2. Ang pagpapakita sa Adan-ondi-Ahman (tingnan sa Daniel 7:9–14; D at T 107:53–57; 116:1).

  3. Ang pagpapakita sa Bundok ng mga Olivo o ng Olivet (tingnan sa Zacarias 14:1–9; D at T 45:48–53; 133:20).

  4. Ang pagpapakita sa buong daigdig (tingnan sa D at T 88:95; 101:23–25; 133:40–42, 48–51). (Tingnan sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 404–5).

Doktrina at mga Tipan 133:26–34. Ano ang alam natin tungkol sa nawawalang sampung lipi ng Israel?

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

Ang mga Nawawalang Lipi ay hindi nawalay sa Panginoon. Sa kanilang paglalakbay pahilaga sila ay ginabayan ng mga propeta at mga lider na binigyang-inspirasyon. May mga propeta silang gaya nina Moises at Lehi, ginabayan ng diwa ng paghahayag, sinunod ang batas ni Moises, at dinala ang mga batas at kahatulan na ibinigay sa kanila ng Panginoon sa nakalipas na mga panahon. Sila ay mga tao na namumukod-tangi pa rin, sapagka’t ang nabuhay na mag-uling Panginoon ay dumalaw at naglingkod sa kanila matapos ang kanyang ministeryo sa mga Nephita sa kontinenteng ito. (3 Ne. 16:1–4; 17:4.) Malinaw na nagturo siya sa kanila sa gayunding paraan at ibinigay sa kanila ang gayunding mga katotohanan na ibinigay niya sa kanyang mga tagasunod sa Jerusalem at sa kontinente ng Amerika; at malinaw na itinala nila ang kanyang mga turo, kung kaya’t naisulat nila ang mga aklat ng mga banal na kasulatan na maikukumpara sa Biblia at Aklat ni Mormon. (2 Ne. 29:12–14.)

“Sa bandang huli ang Mga Nawawalang Lipi ng Israel ay babalik at magtutungo sa mga anak ni Ephraim upang tanggapin ang kanilang mga pagpapala. Ang pagtitipong ito ay magaganap sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sapagka’t hawak niya ang mga susi. … Ang mga susi ay karapatan ng panguluhan, ang kapangyarihang mamahala, at sa pamamagitan ng kapangyarihang ito ay magbabalik ang mga Nawawalang Lipi, kasama ang ‘kanilang mga propeta’ at kanilang mga banal na kasulatan upang ‘[maputungan] ng kaluwalhatian, maging sa Sion, ng mga kamay ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, maging ang mga anak ni Ephraim.’ (D at T 133:26–35.)” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 457–58; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 340–41).