Seminaries and Institutes
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 133–135 (Unit 29)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 133–135 (Unit 29)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson ng Estudyante

Ang sumusunod ay buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 133–135 (unit 29). Ang buod na ito ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo para sa unit 29 ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 133:1–35)

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng mga turo ng Panginoon hinggil sa Kanyang Ikalawang Pagparito, nalaman nila na sa Kanyang Ikalawang Pagparito, Siya ay darating nang may kahatulan laban sa masasama. Natukoy rin ng mga estudyante ang mga paraan na maihahanda natin ang ating mga sarili at ang iba pa para sa Ikalawang Pagparito. Kasama sa paghahandang ito ang pagsisisi at hindi pagbalik sa dating mga kasalanan.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 133:35–74)

Sa lesson na ito, nagpatuloy ang mga estudyante sa pag-aaral ng mga turo ng Panginoon tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Nalaman nila na bilang mga tagapaglingkod ng Diyos, matutulungan nila ang iba na maghanda para sa Ikalawang Pagparito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa kanila. Natuklasan din ng mga estudyante na naghanda ang Panginoon ng mga dakilang pagpapala para sa mga taong naghintay sa Kanya at ang mga nagsisi at pinabanal ang kanilang sarili ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 134)

Sa pag-aaral ng mga estudyante sa pahayag na ito tungkol sa mga paniniwala ng Simbahan hinggil sa mga pamahalaan at mga batas, natukoy nila ang mga sumusunod na katotohanan: Ang mga pamahalaan ay itinatag ng Diyos para sa kapakanan ng tao, at mananagot sa Diyos ang mga pamahalaan sa pagprotekta sa mga karapatan ng bawat tao, kabilang ang kalayaang panrelihiyon. Nalaman din nila na dapat nating suportahan at itaguyod ang pamahalaan ng bansa kung saan tayo nakatira at pananagutin tayo ng Diyos sa paglabag ng Kanyang mga batas at ng mga batas ng tao.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 135)

Bilang bahagi ng lesson na ito, nalaman ng mga estudyante ang mga pangyayaring nauugnay sa pagkamartir o pagpaslang kina Joseph at Hyrum Smith at pinag-aralan ang isang pahayag na isinulat tungkol sa kanilang kamatayan. Sa paggawa nito, natuklasan ng mga estudyante na tinatakan nina Joseph at Hyrum Smith ang kanilang patotoo sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ng kanilang buhay.

Pambungad

Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang ilan sa nagawa ni Propetang Joseph Smith para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang mga estudyante ay magkakaroon rin din ng pagkakataon na magbahagi ng kanilang patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa Panunumbalik ng ebanghelyo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 135:1–7

Ang pagkakamartir kina Joseph at Hyrum Smith ay ipinahayag

Bago magklase, magdispley ng larawan ni Joseph Smith (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 87; tingnan din sa LDS.org). Maaari mong ipakanta sa klase ang “Purihin ang Propeta” (Mga Himno, blg. 21) para sa debosyonal. Bago magdebosyonal, ipaliwanag na isinulat ni W. W. Phelps ang mga salita ng himnong ito bilang pag-alaala kay Joseph Smith hindi pa nagtatagal matapos siyang paslangin.

Joseph Smith

Simulan ang lesson sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Napag-usapan na ba ninyo ng isang taong hindi miyembro ng Simbahan ang tungkol kay Propetang Joseph Smith? Kung oo, ano ang pinag-usapan ninyo? (Kung wala pang nakaranas nito, itanong sa mga estudyante kung ano ang nais nilang sabihin sa mga tao tungkol kay Joseph Smith.)

Ipaalala sa mga estudyante na ang Doktrina at mga Tipan 135 ay naglalaman ng pahayag tungkol sa pagkakamartir kina Joseph at Hyrum Smith. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang pangungusap ng Doktrina at mga Tipan 135:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa.

  • Ano ang mensahe ng talatang ito? (Dapat maipahayag ng mga estudyante na si Joseph Smith ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na nabuhay rito.)

  • Ano ang ginawa ni Propetang Joseph Smith para sa ating kaligtasan at kadakilaan? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 135:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga pariralang naglalarawan ng mga ginawa ni Joseph Smith para sa ating kaligtasan. Sabihin sa mga estudyante na maghanap pa ng mga bagay na nagawa ni Joseph Smith para maidagdag sa mga aytem na nakalista sa pisara.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph F. Smith. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung sino ang naimpluwensyahan ng ginawa ni Propetang Joseph Smith.

Pangulong Joseph F. Smith

“Ang gawaing ginampanan ni Joseph Smith ay hindi lamang para sa buhay na ito, subalit ito rin ay nauugnay sa buhay na darating pa lamang, at sa buhay na natapos na. Sa madaling salita, ito ay nauugnay sa mga taong nabuhay noon, sa mga taong nabubuhay sa kasalukuyan at sa mga taong mabubuhay pa sa paglisan natin sa mundong ito. Hindi ito isang bagay na nauugnay lamang sa tao habang siya ay nasa laman, kundi sa buong pamilya ng sangkatauhan mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan” (Gospel Doctrine, Ika-5 ed. [1939], 481).

Patingnan ang paglalarawan tungkol kay Joseph Smith sa pagpapalabas ng Aklat ni Mormon at ng Doktrina at mga Tipan sa talata 3. Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan pa ang kahalagahan ng gawaing ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 135:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilan kung bakit inilabas ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan.

  • Ayon sa talata 6, bakit inilabas ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan ay inilabas para sa kaligtasan ng sanlibutan.)

  • Sa paanong mga paraan nakatulong ang mga aklat na ito sa kaligtasan ng sanlibutan?

  • Ayon sa talata 6, bakit ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan ang pinakamahahalagang aklat na maaaring magkaroon kayo?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang ginawa nila sa Aklat ni Mormon at sa Doktrina at mga Tipan sa kanilang buhay.

  • Ano ang magagawa natin para maipakita ang ating pasasalamat para sa sakripisyong ginawa nina Joseph at Hyrum Smith upang mailabas ang mga aklat na ito?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang partikular na paraan na maipapakita nila ang kanilang pasasalamat para sa mga sakripisyong ginawa upang mailabas ang mga aklat na ito.

Patingnan ang listahang isinulat sa pisara kanina sa lesson. Magpatotoo na sa pagtulong na maipanumbalik ang mga banal na kasulatan, totoong doktrina, awtoridad at mga susi ng priesthood, mga ordenansa, at ang organisasyon ng Simbahan ni Jesucristo, tinulungan ni Joseph Smith ang lahat ng anak ng Diyos na matamasa nang lubos ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala.

Ipaliwanag na maaaring mamali ang pagkaunawa ng ilang tao sa nadarama o paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol kay Propetang Joseph Smith. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano itinuturing ng mga miyembro ng Simbahan si Joseph Smith kaugnay ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Kung maaari, bigyan mo ang bawat isang estudyante ng kopya ng pahayag na ito.

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Hindi namin sinasamba ang Propeta. Sinasamba namin ang Diyos Amang Walang Hanggan at ang nabuhay na muli na Panginoong Jesucristo. Ngunit kinikilala namin ang Propeta; ipinapahayag namin siya; iginagalang namin siya; pinagpipitaganan namin siya bilang kasangkapan sa mga kamay ng Maykapal sa pagpapanumbalik sa lupa ng mga sinaunang katotohanan ng banal na ebanghelyo, pati na ang priesthood na sa pamamagitan nito ang awtoridad ng Diyos ay nagagamit sa mga gawain ng Kanyang Simbahan at para sa pagpapala ng Kanyang mga tao” (“Joseph Smith Jr.—Prophet of God, Mighty Servant,” Ensign, Dis. 2005, 4).

  • Sa inyong sariling mga salita, paano ninyo ipapaliwanag ang mga nadarama ng mga miyembro ng Simbahan tungkol kay Propetang Joseph Smith?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang epekto ng paglilingkod ni Propetang Joseph Smith sa kanilang buhay at sa buhay ng milyun-milyong tao sa buong mundo. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na sagutin ito sa kanilang scripture study journal:

Sa anong mga partikular na paraan maiiba ang inyong buhay kung wala ang ministeryo ni Propetang Joseph Smith?

Paano naimpluwensyahan ni Propetang Joseph Smith ang inyong kaalaman tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa pakikipag-ugnayan ninyo sa Kanila?

Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang nalalabing oras sa klase sa pagbabahagi ng kanilang nadarama at patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Sabihin sa kanila na maaari nilang gamitin ang kanilang mga sagot mula sa naunang isinulat nila sa pagpapahayag ng kanilang nadarama at patotoo.

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa Panunumbalik. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga pagkakataon sa susunod na ilang araw na ibahagi sa iba ang kanilang patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa ginampanan niya sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Maaari mo rin silang hikayatin na itala nila sa kanilang journal ang kanilang patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa Panunumbalik ng ebanghelyo.

Paalala: Ang mabigyan ang mga estudyante ng sapat na oras para maibahagi ang kanilang patotoo sa pagtatapos ng lesson na ito ay mas mahalaga kaysa sa pagtapos ng sumusunod na aktibidad. Kung nagamit sa pagpapatotoo ng mga estudyante ang oras sa klase, maaari mong gamitin ang aktibidad na ito sa ibang araw kapag mas marami ang oras ninyo.

Bigyan ang mga estudyante ng listahan ng 25 scripture mastery reference para sa Doktrina at mga Tipan at Kasaysayan ng Simbahan. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung alin sa mga scripture mastery passage ang magagamit nila para ituro sa isang tao ang tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng maikling lesson o mensahe gamit ang ilan sa mga scripture mastery passage na natukoy nila. Maaari nilang isulat ang kanilang mga lesson o mensahe sa isang pirasong papel o sa kanilang scripture study journal. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ituro ang kanilang lesson o basahin ang kanilang mensahe sa klase bilang bahagi ng class devotional sa susunod na mga araw.

Susunod na Unit (Ang Paglalakbay Patungo sa Kanluran)

Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na iniutos sa kanila ng propeta na mag-impake ng ilang gamit nila at maglakbay nang daan-daang milya sakay ng isang bagon o magtulak ng handcart patungo sa isang di-kilala at malayong lugar. Ipaliwanag na sa susunod na unit, malalaman nila ang tungkol sa paglalakbay ng mga Banal patungo sa kanluran. Malalaman din nila kung paano patuloy na pinamahalaan ng Panginoon ang Simbahan, kabilang ang pagtawag sa susunod na lider matapos ang pagkamatay ni Propetang Joseph Smith.