Seminaries and Institutes
Home-Study Lesson: Paghalili sa Panguluhan, Pag-alis sa Nauvoo, at ang Paglalakbay Patungo sa Kanluran (Unit 30)


Home-Study Lesson

Paghalili sa Panguluhan, Pag-alis sa Nauvoo, at ang Paglalakbay Patungo sa Kanluran (Unit 30)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson ng Estudyante

Ang sumusunod ay buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral ng unit 30. Ang buod na ito ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo para sa unit 30 ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Paghalili sa Panguluhan)

Nalaman ng mga estudyante ang mga sumusunod na alituntunin tungkol sa paghalili sa panguluhan: Hawak ng mga Apostol ang lahat ng mga susi ng priesthood na kinakailangan para mapamunuan ang Simbahan. Kapag pumanaw ang Pangulo ng Simbahan, nabubuwag ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ang nagiging namumunong korum sa pamumuno ng senior na Apostol. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, makatatanggap tayo ng patotoo na ang mga yaong namumuno sa Simbahan ay tinawag ng Diyos.

Day 2 (Paglisan sa Nauvoo; Ang Paglalakbay Patawid ng Iowa; Doktrina at mga Tipan 136:1–18)

Sa pag-aaral tungkol sa mga pagsisikap ng mga Banal na matapos ang Nauvoo Temple bago sila sapilitang paalisin sa Illinois, nalaman ng mga estudyante na ang pagtanggap ng mga ordenansa sa templo ay sulit sa lahat ng ating mabubuting paggawa at sakripisyo. Nalaman din nila na iniuutos ng Panginoon sa atin na mamuhay ayon sa mga tipang ginawa natin.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 136:19–42)

Sa pag-aaral ng mga estudyante sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 136, nalaman nila na kung tayo ay masaya, dapat nating papurihan at pasalamatan ang Ama sa Langit at kung tayo ay malungkot, dapat tayong manalangin na magalak ang ating kaluluwa. Natuklasan nila na maihahanda tayo ng ating mga pagsubok na matanggap ang kaluwalhatian na inilaan ng Diyos para sa atin at kung magpapakumbaba tayo ng ating sarili at tatawag sa Diyos, tayo ay bibigyang-liwanag ng Espiritu. Nalaman din nila na kung tayo ay masigasig sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon, ang kahatulan ng Panginoon ay hindi darating sa atin, ang ating pananampalataya ay magiging malakas, at hindi mananaig sa atin ang ating mga kaaway.

Day 4 (Mga Handcart Pioneer, 1856–60)

Nalaman ng mga estudyante ang tungkol sa mga pagsubok ng mga handcart pioneer at natuklasan nila na kung magtitiis tayo para sa ebanghelyo, tayo ay mapababanal. Nalaman nila na bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat nating tulungan ang mga nangangailangan. Nalaman din nila na kapag tiniis natin ang pagdurusa nang buong katapatan, makikilala natin ang Diyos.

Pambungad

Sa lesson na ito, mauunawaan ng mga estudyante na nananampalataya sila kapag sinusunod nila ang payo at tagubilin ng mga lider natin sa Simbahan. Malalaman din nila na pagpapalain sila ng Panginoon kapag tinulungan nila ang mga nangangailangan at maghahanda Siya ng paraan para sa kanila.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 136:1–18

Pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na iorganisa ang kanilang mga sarili at maghandang ipagpatuloy ang paglalakbay pakanluran

Piringan ang isang estudyante at ipuwesto siya sa isang panig ng silid. Pagkatapos ay ayusing muli ang ilang bagay sa silid, mag-ingay para masabi ng estudyante na inaayos ang mga bagay na ito. Sabihin sa estudyanteng nakapiring na pumili ng isang kaklase na magbibigay sa kanya ng direksyon para matulungan siya na makarating sa kabilang panig ng silid. Kapag nakapili na ang estudyante ng isang kaklase, itanong:

  • Bakit mo pinili ang taong ito?

  • Paano nakaiimpluwensya ang pagtitiwala natin sa isang tao sa pagsunod natin sa mga sasabihin niya?

Sabihin sa umaalalay na magbigay ng direksyon para ligtas na makapunta sa kabilang panig ng silid ang nakapiring na estudyante. Pagkatapos ay pabalikin na sa kanilang mga upuan ang dalawang estudyante.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata tungkol sa paglalakbay ng mga Banal mula sa Nauvoo. Sabihin sa klase na pakinggan kung paanong ang karanasan ng mga Banal ay maaaring katulad ng karanasan ng estudyante na inakay papunta sa kabilang panig ng silid.

Sa mga pagbabanta ng karahasan mula sa mga mandurumog sa lugar, nagsimulang lisanin ng mga Banal ang Nauvoo noong Pebrero 1846, at naglakbay patungo sa kanluran patawid sa estado ng Iowa. “Ang paglisan sa Nauvoo ay pagpapakita ng pananampalataya para sa mga Banal. Lumisan sila nang talagang hindi nalalaman kung saan sila pupunta o kung kailan sila makakarating sa isang lugar na titirhan nila. Ang alam lang nila ay malapit na silang palayasin sa Illinois ng kanilang mga kaaway at ang kanilang mga lider ay tumanggap ng paghahayag na maghanap ng makakanlungan saanman sa Rocky Mountains” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 309).

  • Paano natutulad ang karanasan ng mga Banal sa karanasan ng estudyante na inakay papunta sa kabilang panig ng silid?

  • Ano ang matututuhan natin sa karanasan ng mga Banal sa paglisan sa Nauvoo? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang maipahayag ang sumusunod na alituntunin: Sumasampalataya tayo kapag sinusunod natin ang payo at tagubilin ng mga lider natin sa Simbahan. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Mapa 6 (“Ang Pakanlurang Pagkilos ng Simbahan”) sa Mga Mapa at Talatuntunan ng mga Pangalan ng Lugar sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at hanapin ang Nauvoo at Winter Quarters. Ipaliwanag na dahil sa sobrang pag-ulan at hindi sapat na suplay, ang mga Banal na lumisan sa Nauvoo noong Pebrero 1846 ay inabot ng apat na buwan sa paglalakbay ng 300 milya patawid sa Iowa. Bumagal sa paglalakbay ang grupong ito dahil sa mga kalagayang ito at dahil hindi nila nakasama ang mahigit 500 malalakas na kalalakihang Banal sa mga Huling Araw. Ang kalalakihang ito, na nakilala bilang Mormon Battalion, ay sinunod ang panawagan ni Pangulong Brigham Young na pumasok sa United States Army para kumita ng pera upang matulungan ang mga maralitang miyembro ng Simbahan na makapaglakbay patungo sa kanluran. Ang sakripisyong ito ay nakatulong sa maraming paraan, ngunit naiwan ding walang mga asawa at mga ama ang maraming pamilya na naglakbay. Isinaalang-alang ang pangyayaring ito, nagpasiya ang mga lider ng Simbahan na huwag nang magpatuloy sa paglalakbay pakanluran patungo sa Rocky Mountains hanggang sa tagsibol ng 1847. Ipinayo nila sa mga Banal na huwag na munang maglakbay dahil sa taglamig. Ang isa sa pinakamalalaking lugar ng paninirahan, ang Winter Quarters, ay matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Missouri River, sa estado ng Nebraska sa kasalukuyang panahon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paglalarawan sa Winter Quarters at sa iba pang mga pansamantalang lugar ng paninirahan:

Marami sa mga Banal ang nakatira sa mga bahay na yari sa troso at sa mga kubol na yari sa dahon ng punong willow at putik. Maraming tao ang walang sapat na masilungan sa malamig na panahon. Ang mga sakit gaya ng malaria, pneumonia, tuberculosis, cholera, at scurvy ay nagdulot ng paghihirap at kamatayan sa marami. Mahigit 700 katao ang namatay sa mga kampo sa pagtatapos ng unang taglamig. (Tingnan sa Ang Ating Pamana: Isang Maikling Kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw [1996], 87–88; Church History in the Fulness of Times Student Manual, 319–20).

  • Kung kasama kayo ng mga Banal sa Winter Quarters, ano ang madarama ninyo, nalalamang maglalakbay pa kayo ng daang-daang milya?

Maaari mong ipaliwanag na kahit sa panahong ito ng pagdurusa at kamatayan, pinagpala ang mabubuting Banal dahil sa mga tipang ginawa nila. Maaari mo ring ipaliwanag na nangako ang Panginoon ng mga dakilang pagpapala sa mga yaong namatay sa paglilingkod sa Kanya (tingnan sa Alma 40:11–12; 60:13; D at T 42:46).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan 136, at alamin kung saan ibinigay ang paghahayag na ito at sino ang tumanggap nito. Ipabahagi sa kanila ang nalaman nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 136:1.

  • Sa inyong palagay paano kaya nakatulong sa mga Banal na malaman na patuloy na inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa kanila?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 136:2–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga Banal para maghanda sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay patungo sa kanluran.

  • Paano ioorganisa ang mga grupo?

  • Sa inyong palagay, bakit makatutulong na iorganisa nang grupu-grupo ang mga Banal at may mga itinalagang lider sa bawat grupo? Paano ito natutulad sa paraan kung paano iorganisa ang Simbahan ngayon? (Matapos sagutin ng mga estudyante ang mga tanong na ito, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Inoorganisa ng Panginoon ang Kanyang mga Banal nang grupu-grupo upang bawat tao ay magabayan at mapangalagaan.)

Ipaliwanag na dahil sa karamdaman at kamatayan sa Winter Quarters at sa mga kalapit na kampo, maraming pamilya at mga indibidwal ang nangailangan ng tulong pinansyal para patuloy sila na makapaglakbay pakanluran.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 136:6–11 nang magkasama at hanapin ang mga paraan na makakalinga ng mga Banal ang mga nangangailangan. (Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang nalaman nila.) Bago basahin ng mga estudyante ang mga talatang ito, ipaliwanag na hindi sabay-sabay umalis ng Winter Quarters ang mga Banal. Ang pariralang “sa mga yaong maiiwan” sa talata 6 ay tumutukoy sa mga Banal na pansamantalang maiiwan sa Winter Quarters at sa mga kalapit na kampo.

  • Anong mga salita at mga parirala sa mga talata 6–11 ang naglalarawan kung paano pangangalagaan ng mga Banal ang mga nangangailangan?

  • Anong salita sa talata 7 ang tumutukoy sa mga tao na maghahanda ng daan para sa iba? (Mga pioneer.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na kahulugan. (Ito ay sinipi mula sa Oxford English Dictionary, Ika-2 ed. [1989], “pioneer.”)

Pioneer: Isang taong nauuna upang ihanda o buksan ang daan na susundan ng iba.

  • Ayon sa talata 11, ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga yaong tutulong sa mga nangangailangan at maghahanda ng daan para sa kanila? Ano ang matututuhan natin dito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Pagpapalain tayo ng Panginoon kapag tinutulungan natin ang ibang nangangailangan at inihahanda ang daan para sa kanila.)

  • Sino ang naghanda ng daan upang matamasa ninyo ang mga pagpapala ng ebanghelyo?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong. Pagkatapos ay tawagin ang ilan para ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot.

  • Ano ang gagawin ninyo para maging pioneer—para tulungan ang mga nangangailangan at ihanda ang daan upang matamasa nila ang mga pagpapala ng ebanghelyo?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay ninyo at sa paghikayat sa mga estudyante na ipamuhay ang mga katotohanang iyon.

Susunod na Unit (Ang Digmaan sa Utah at ang Masaker sa Mountain Meadows, ang Paglabas ng Mahalagang Perlas, Opisyal na Pahayag 1, at Doktrina at mga Tipan 138)

Upang matulungan ang mga estudyante na makapaghanda sa pag-aaral nila sa susunod na linggo, maaari mong sabihin sa kanila na pag-isipan ang sumusunod: Ano ang ilan sa mga bunga ng pagtatangkang itago ang kasalanan? Sa susunod na unit, malalaman ng mga estudyante ang nakalulunos na pangyayari na tinawag na Masaker sa Mountain Meadows na naganap nang tangkain ng ilang miyembro ng Simbahan na itago ang kanilang mga kasalanan. Malalaman din nila ang tungkol sa pag-unlad ng Simbahan nang manirahan ang mga Banal sa Salt Lake Valley.