Seminaries and Institutes
Lesson 134: Doktrina at mga Tipan 127; 128:1–11


Lesson 134

Doktrina at mga Tipan 127; 128:1–11

Pambungad

Ang Doktrina at mga Tipan 127 ay naglalaman ng isang liham mula kay Propetang Joseph Smith na may petsang Setyembre 1, 1842, na nag-utos sa mga Banal na mag-ingat ng mga talaan ng mga pagbibinyag na ginagawa nila para sa mga patay. Mga isang linggo kalaunan, sumulat si Joseph ng isa pang liham hinggil sa paksang pagbibinyag para sa mga patay. Ang Doktrina at mga Tipan 128 ay naglalaman ng liham na ito, na nagtuturo kung bakit dapat nating itala ang mga nakapagliligtas na ordenansa.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 127:1–4

Si Joseph Smith ay nagpupuri sa pag-uusig at pagdurusa

Simulan ang klase sa pamamagitan ng pagdispley ng isang malaki at malinaw na lalagyan na may label na mortalidad at ng isang pitsel ng tubig na may label na mga pagdurusa o paghihirap. Itanong sa mga estudyante kung anong pagdurusa o paghihirap ang naranasan nila o nakitang naranasan ng iba. Sa bawat pagdurusa o paghihirap na babanggitin nila, magbuhos ng tubig sa malinaw na lalagyan mula sa pitsel.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 127:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang pagdurusa o paghihirap na dinanas ni Joseph Smith sa Nauvoo noong 1842. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na noong Mayo 1842, si Lilburn W. Boggs, dating gobernador ng Missouri na nag-isyu ng extermination order laban sa mga Banal, ay binaril at nasugatan ng isang di kilalang mamamatay-tao. Pinagbintangan ng mga awtoridad ng Missouri si Joseph Smith na umupa ng taong papatay kay Boggs at tinangka nilang ibalik ang Propeta sa Missouri para litisin. Si Joseph Smith ay ilang taon nang umalis sa Missouri at naninirahan na sa Nauvoo, Illinois nang panahong iyon. Batid na mapapatay siya kung babalik siya sa Missouri, pansamantalang iniwasan ng Propeta ang mga opisyal ng Missouri upang hindi siya madakip nang labag sa batas. Noong Enero 1843 opisyal na napagdesisyunan na ang pagdakip kay Joseph Smith at pagpapabalik sa kanya sa Missouri ay labag sa batas.

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 127 ay isang liham na isinulat ni Joseph Smith sa mga miyembro ng Simbahan habang nagpapalipat-lipat siya ng lugar upang hindi madakip ng mga opisyal ng Missouri nang labag sa batas. Ang liham na ito ay binasa sa mga Banal sa Nauvoo ilang araw kalaunan.

Magpakita sa mga estudyante ng dalawang bola na halos magkasinglaki, na lumulutang ang isa at ang isa naman ay hindi. (Halimbawa, maaari kayong gumamit ng plastik na bola ng golf at karaniwang bola ng golf.) Ilagay ang dalawang bola sa lalagyan ng tubig, at itanong ang sumusunod:

  • Paano nailalarawan ng dalawang bolang ito ang magkakaibang paraan ng pagtugon ng mga tao sa pagdurusa o paghihirap?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 127:2. Sabihin sa klase na alamin kung paano tinugon ni Joseph ang mga paghihirap.

  • Anong bola ang pinakamainam na naglalarawan ng pagtugon ni Joseph Smith sa paghihirap? Bakit?

  • Paano nalaman ni Joseph na makakayanan niya ang mga pagdurusa o paghihirap at panganib?

  • Ayon sa isinulat ni Joseph sa mga Banal, ano ang makatutulong sa atin na matiis ang pagdurusa o paghihirap? (Matapos sumagot ang mga estudyante, ibuod ang kanilang mga pahayag sa pamamagitan ng pagsulat sa pisara ng sumusunod na alituntunin: Ang pagtitiwala sa Ama sa Langit ay makatutulong sa atin na matiis ang pagdurusa o paghihirap.)

Sabihin sa mga estudyante na umisip ng taong kilala nila (o napag-alaman) na nakayang tiisin ang pagdurusa o paghihirap dahil nagtiwala ito sa Ama sa Langit. Sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag kung sino ang naisip nila at paano nakatulong sa taong ito ang pagtitiwala sa Ama sa Langit para matiiis ang pagdurusa o paghihirap.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 127:3–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Propeta sa mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin at ibahagi ang mga parirala na makahulugan sa kanila.

  • Ayon sa talata 3, bakit kailangang magsaya ang mga Banal sa oras ng pagdurusa o paghihirap?

  • Sa talata 4, ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga nagtitiis ng pag-uusig?

  • Paano makatutulong sa inyo ang pagtitiwala sa Ama sa Langit na matiis ang mahihirap na panahon sa inyong buhay?

Doktrina at mga Tipan 127:5–12

Pinayuhan ni Propetang Joseph Smith ang mga Banal na mag-ingat ng mga talaan ng mga pagbibinyag nila para sa mga patay

Ipaalala sa mga estudyante na noong mga isa at kalahating taon bago gawin ni Joseph Smith ang liham na ito, sinabi ng Panginoon sa mga Banal na ang ordenansa ng binyag para sa mga patay ay dapat isagawa sa templo (tingnan sa D at T 124:30). Gayunman, tinulutan ng Panginoon ang mga Banal na magbinyag para sa mga patay sa kalapit na ilog at mga batis sa loob ng maikling panahon. Sinabi sa kanila ng Panginoon na kapag nagawa na ang templo, ang ordenansa ng pagbibinyag para sa mga patay ay katanggap-tanggap lamang kung gagawin sa templo. Sinimulan ng mga Banal ang pagbibinyag para sa mga patay sa Nauvoo Temple noong Nobyembre 1841.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang huling pagkakataon na nakibahagi sila sa pagbibinyag para sa mga patay. Sabihin sa kanila na ilarawan ang karanasan, at banggitin din kung may nakaupo malapit sa bautismuhan sa oras ng pagbibinyag.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 127:5–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung sino ang dapat na naroon kapag nagbibinyag para sa mga patay. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ayon sa talata 7, bakit mahalaga na masaksihan ng tagapagtala ang mga pagbibinyag?

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Ang mga ordenansa sa templo na ginagawa natin sa lupa ay …

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag batay sa mga talata 5–9. (Dapat makumpleto ng mga estudyante ang pahayag na ito na may pagkakatulad sa sumusunod na katotohanan: Ang mga ordenansa sa templo na ginagawa natin sa lupa ay mabubuklod o may bisa sa langit.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang mga ordenansa sa templo ay mabubuklod sa langit?

  • Paano nakatutulong ang katotohanang ito sa inyo na magawa ang inyong responsibilidad na magsagawa ng mga ordenansa sa templo para sa “inyong mga patay”?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 127:10–12 na ipinapaliwanag na gusto ni Joseph Smith na mas marami pang maituro sa mga Banal tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay, ngunit hindi niya magawa ito dahil kailangan niyang magtago. Nangako siya na susulatan pa ang mga Banal tungkol sa mga pagbibinyag para sa mga patay at iba pang mahahalagang paksa.

Doktrina at mga Tipan 128:1–11

Ipinaliwanag ni Joseph Smith kung bakit nag-iingat tayo ng mga talaan para sa mga ordenansa ng kaligtasan

Mga isang linggo matapos niyang isulat ang liham sa Doktrina at mga Tipan 127, sumulat si Joseph ng isa pang liham hinggil sa mga pagbibinyag para sa mga patay. Ang liham ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 128.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 128:1–5 na ipinapaliwanag na itinuro ni Joseph na kailangang magtalaga ng mga lokal na tagapagtala na sasaksi at magtatala ng ordenansa ng pagbibinyag para sa mga patay. Itinuro rin niya na isang pangkalahatang tagapagtala ang dapat italaga upang siyang magtitipon ng mga lokal na talaan sa isang pangkalahatang talaan ng simbahan.

Magpakita ng passport (o larawan ng passport). Itanong kung anong uri ng mga pribilehiyo mayroon ang isang taong may passport.

  • Bakit hindi kayo makakapasok sa ibang bansa kapag passport ng iba ang ginamit ninyo?

  • Ano ang maaaring mangyari kung sinubukan mong makapasok sa ibang bansa, ngunit ang impormasyon sa loob ng iyong passport ay hindi kumpleto?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:6–7. Sabihin sa klase na alamin kung anong mga talaan ang gagamitin upang malaman kung karapat-dapat tayong papasukin sa kinaroroonan ng Diyos. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Ipaliwanag na nagbanggit sina Juan at Joseph Smith ng maraming talaan: “ang mga aklat ay nabuksan” at “isa pang aklat, … na siyang aklat ng buhay.”

  • Ayon sa talata 7, ano ang mga unang aklat na binanggit ni Juan? (Mga talaang iniingatan sa lupa.)

  • Ano ang aklat ng buhay? (Ang talaang iniingatan sa langit.)

  • Ano ang nakatala sa mga aklat na ito? (Ang ating mga ginawa.)

  • Anong mga gawain ang dapat itala sa mga aklat upang makapasok sa kinaroroonan ng Diyos?

Pagkatapos maibahagi ng mga estudyante ang naisip nila tungkol sa tanong na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“Ang mga ordenansa at mga tipan ay nagiging kredensyal natin sa pagpasok sa kinaroroonan ng [Diyos]” (“Covenants,” Ensign, Mayo 1987, 24).

  • Ayon sa pahayag ni Pangulong Packer, ano ang mangyayari sa araw ng paghuhukom kung makikita sa talaan ng isang tao na hindi siya nakatanggap kailanman ng ordenansa ng binyag?

Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Kung ano man ang inyong ibuklod sa lupa ay mabubuklod sa langit. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith ang pahayag na ito sa mga Banal. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang natuklasan nila, palitan ang salitang ibuklod ng salitang itala at palitan ang salitang mabubuklod ng salitang maitatala sa pisara.

  • Ano ang matututuhan natin sa talata 8 tungkol sa pagtatala ng mga ordenansang tinatanggap natin? (Maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “propria persona” ay tumutukoy sa mga taong nabinyagan para sa kanilang sarili at ang pariralang “kanilang sariling mga kinatawan” ay tumutukoy sa mga yaong bininyagan bilang proxy.)

Isulat sa pisara ang sumusunod: Kapag ang isang ordenansa ay isinagawa sa pamamagitan ng at nang tama, ang ordenansa ay mabubuklod o may bisa sa lupa at sa langit.

  • Ayon sa talata 8, ano ang dapat gawin upang mabuklod o magkabisa ang mga ordenansa sa lupa at sa langit? (Sa pagsagot ng mga estudyante, ipakumpleto sa isang estudyante ang katotohanan sa pisara tulad ng sumusunod: Kapag ang isang ordenansa ay isinagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood at itinatala nang tama, ang ordenansa ay mabubuklod o may bisa sa lupa at sa langit.)

  • Anong pag-asa ang ibinibigay ng alituntuning ito sa lahat ng pumanaw nang walang kaalaman sa ebanghelyo?

  • Anong responsibilidad ang dapat nating gawin para magawa ang alituntuning ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:9. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang sinabi ni Joseph Smith tungkol sa alituntuning ito.

  • Ano ang ginagawa ng Panginoon sa bawat dispensasyon ng priesthood? (Ang Panginoon ay nagbibigay ng awtoridad sa kahit isa sa Kanyang mga tagapaglingkod na humawak at gumamit ng mga susi ng pagbubuklod ng priesthood.)

  • Ayon sa talata 9, ano ang nangyayari kapag ang isang ordenansa ay isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood at itinatala nang tama? (Ito ay nagiging batas sa lupa at sa langit at hindi maaaring mapawalang-saysay maliban na lang kung ang taong tumanggap nito ay hindi namumuhay nang karapat-dapat.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 128:10–11 na ipinapaliwanag na tulad ng pagbigay ng Tagapagligtas kay Pedro ng mga susi ng pagbubuklod ng priesthood, ibinigay Niyang muli ang mga susi sa ating panahon.

Tapusin ang lesson sa pagsulat ng mga sumusunod na tanong sa pisara at sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga ito sa kanilang mga notebook o scripture study journal:

Paano nagkakaugnay ang pagbibinyag para sa mga patay at ang mga susi ng pagbubuklod sa isa’t isa?

Ano ang bagay na nainspirasyunan kayong gawin dahil sa natutuhan ninyo ngayon?

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang isinulat. Maaari mo ring ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa pagpapabinyag para sa mga patay.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Pagiging kabilang ng mga naunang mga lider ng Simbahan sa Masons

Kahit nilisan na ni Propetang Joseph Smith at ng maraming miyembro ng Simbahan ang Missouri noong 1839, patuloy pa ring inusig ng mga taga Missouri ang Propeta habang sinisikap niyang itayo ang lunsod ng Nauvoo, Illinois. Noong mga unang buwan ng 1842, sumapi si Joseph Smith at ilan pang mamamayan ng Nauvoo sa isang kapatiran na tinatawag na Masons. Maaaring ginawa nila ito upang makapagbuo at magpalakas ng ugnayan sa ibang mga lider ng estado at bansa na kabilang sa kapatirang Masons na maaaring makatulong sa pagprotekta sa mga Banal laban sa patuloy na pagbabanta ng kanilang mga taga-usig mula sa Missouri. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 264.)

Doktrina at mga Tipan 127:5. “Pagbibinyag para sa inyong mga patay”

Ipinaliwanag ni Elder W. Grant Bangerter ng Pitumpu na tayo ay nagbibinyag para sa mga patay sa pisikal ngunit buhay pa rin sa espiritu:

Elder W. Grant Bangerter

“Nawa’y palagi nating tandaan na nagsasagawa tayo ng mga ordenansa sa templo para sa mga tao at hindi dahil sa mga pangalan. Ang mga tinatawag natin na ‘mga patay’ ay buhay sa espiritu at naroroon sa templo” (“What Temples Are For,” Ensign, Mayo 1982, 72).