Seminaries and Institutes
Lesson 148: Ang Paglalakbay Patawid ng Iowa; Doktrina at mga Tipan 136:1–18


Lesson 148

Ang Paglalakbay Patawid ng Iowa; Doktrina at mga Tipan 136:1–18

Pambungad

Noong Pebrero 1846, nagsimulang umalis ang mga Banal sa Nauvoo at naglakbay pakanluran sa teritoryo ng Iowa. Natanggap ni Brigham Young ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 136 sa Winter Quarters, Nebraska, noong Enero 1847. Tatalakayin sa lesson na ito ang Doktrina at mga Tipan 136:1–18, na kinapapalooban ng payo ng Panginoon na tulungan ng mga Banal na iorganisa ang kanilang mga sarili at maghanda na patuloy na maglakbay pakanluran.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Nagtungo ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Iowa at nagtatag ng himpilan sa Winter Quarters

Piringan ang isang estudyante at ipuwesto siya sa isang panig ng silid. Pagkatapos ay ayusing muli ang ilang bagay sa silid, mag-ingay para masabi ng estudyante na inaayos ang mga bagay na ito. Sabihin sa estudyanteng nakapiring na pumili ng isang kaklase na magbibigay sa kanya ng direksyon para matulungan siya na makarating sa kabilang panig ng silid. Kapag nakapili na ang estudyante ng isang kaklase, itanong:

  • Bakit mo pinili ang taong ito?

  • Paano nakaiimpluwensya ang tiwala natin sa isang tao sa pagsunod natin sa kanilang mga direksyon?

Sabihin sa umaalalay na magbigay ng direksyon para ligtas na makapunta sa kabilang panig ng silid ang nakapiring na estudyante. Pagkatapos ay pabalikin na sa kanilang mga upuan ang dalawang estudyante.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata tungkol sa paglalakbay ng mga Banal mula sa Nauvoo. Sabihin sa klase na pakinggan kung paanong ang karanasan ng mga Banal ay maaaring katulad ng karanasan ng estudyante na inakay papunta sa kabilang panig ng silid.

Sa mga pagbabanta ng karahasan mula sa mga mandurumog sa lugar, nagsimulang lisanin ng mga Banal ang Nauvoo noong Pebrero 1846, at naglakbay patungo sa kanluran patawid sa estado ng Iowa. “Ang paglisan sa Nauvoo ay pagpapakita ng pananampalataya para sa mga Banal. Lumisan sila nang talagang hindi nalalaman kung saan sila pupunta o kung kailan sila makakarating sa isang lugar na titirhan nila. Ang alam lang nila ay malapit na silang palayasin sa Illinois ng kanilang mga kaaway at ang kanilang mga lider ay tumanggap ng paghahayag na maghanap ng makakanlungan saanman sa Rocky Mountains” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 309).

  • Paano natutulad ang karanasan ng mga Banal sa karanasan ng estudyante na inakay papunta sa kabilang panig ng silid? (Pareho silang nagtiwala sa pangitain at direksyon ng taong pinagkatiwalaan nila na tutulong sa kanila na makarating sa kanilang mga destinasyon.)

  • Ano ang matututuhan natin sa karanasan ng mga Banal sa paglisan sa Nauvoo? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Nagpapakita tayo ng pananampalataya kapag sinusunod natin ang payo at direksyon ng ating mga lider sa Simbahan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na salaysay tungkol kay William Clayton. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga halimbawa ng pananampalataya ni Brother Clayton.

“Tinawag si William Clayton na sumama sa unang [grupo] na umalis sa Nauvoo at iniwan ang kanyang asawa, si Diantha, sa mga magulang nito, isang buwan bago nito isilang ang kanilang unang anak. Ang pagbagtas sa mapuputik na daan at pamamahinga sa malalamig na mga tolda ay nagpahina sa kanyang katatagan habang inaalala niya ang kapakanan ni Diantha. Pagkalipas ng dalawang buwan, hindi pa rin niya batid kung nanganak ito nang maayos ngunit sa wakas ay nakatanggap siya ng masayang balita na isang ‘[malusog] na batang lalaki’ ang isinilang. Agad pagkarinig sa balitang ito, umupo si William at sumulat ng isang awitin na hindi lamang nagkaroon ng natatanging kahulugan sa kanya, kundi magiging himno ng inspirasyon at pasasalamat para sa mga kasapi ng Simbahan sa [maraming] salinlahi. Ang awit ay ang ‘Mga Banal, Halina’” (Ang Ating Pamana: Isang Maikling Kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw [1996], 86–87).

Anyayahan ang klase na awitin nang sama-sama ang unang tatlong berso ng “Mga Banal, Halina” (Mga Himno, blg. 23). (O kausapin ang isang estudyante o grupo ng mga estudyante nang mas maaga at anyayahan sila na maghandang awitin ang unang tatlong berso ng himno.) Bago awitin ang himno, sabihin sa mga estudyante na alamin o pakinggan ang mga parirala na naglalarawan ng pananampalataya ng mga Banal kay Jesucristo at pagtitiwala sa kanilang mga lider.

Matapos maawit ang unang tatlong berso, itanong:

  • Paano inilalarawan ng himnong ito ang pananampalataya ng mga Banal kay Jesucristo at pagtitiwala sa kanilang mga lider?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na tala tungkol kina Orson at Catherine Spencer. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga halimbawa ng pananampalataya at pagtitiwala ng mga Spencer.

“Matapos lisanin ang Nauvoo, [si Catherine], na may sakit at mahina ang katawan, ay lalong lumalala ang karamdaman dahil sa maraming hirap na dinanas. Lumiham ang nalulungkot na asawa sa mga magulang ng kanyang kabiyak, at nakiusap na patirahin muna ito sa kanilang tahanan hanggang sa makahanap ng matitirahan ang mga Banal. Ito ang dumating na sagot, ‘Talikuran niya ang kanyang kahiya-hiyang relihiyon at makababalik siya, ngunit kung hindi niya gagawin ito, hindi siya maaaring bumalik.’

“Nang basahin kay Catherine ang liham, ipinakuha niya sa kanyang asawa ang Biblia at binuklat iyon sa aklat ni Ruth at binasa ang unang kabanata, panlabing-anim at panlabimpitong talata: ‘Huwag mong ipamanhik na kita’y iwan, at bumalik na humiwalay sa iyo; sapagka’t kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil, ay titigil ako. Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios’” (Memoirs of John R. Young: Utah Pioneer 1847 [1920], 17–18). Hindi nagtagal ay pumanaw si Catherine Spencer.

Sabihin sa mga estudyante na awitin ang pang-apat na berso ng “Mga Banal, Halina.” Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano nauugnay kay Catherine Spencer ang mga titik sa berso. Matapos nilang maawit ang berso, itanong:

  • Paano nauugnay ang mga titik ng bersong ito kay Catherine Spencer?

Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiing manampalataya kay Jesucristo at sundin nang mas mabuti ang payo at direksyon ng kanilang mga lider sa Simbahan.

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Mapa 6 (“Ang Pakanlurang Pagkilos ng Simbahan”) sa Mga Mapa at Talatuntunan ng mga Pangalan ng Lugar sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at hanapin ang Nauvoo at Winter Quarters. Ipaliwanag na dahil sa sobrang pag-ulan at hindi sapat na suplay, ang mga Banal na lumisan sa Nauvoo noong Pebrero 1846 ay inabot ng apat na buwan sa paglalakbay ng 300 milya patawid sa Iowa. Bumagal sa paglalakbay ang grupong ito dahil sa mga kalagayang ito at dahil hindi nila nakasama ang mahigit 500 malalakas na kalalakihang Banal sa mga Huling Araw. Ang kalalakihang ito, na nakilala bilang Mormon Battalion, ay sinunod ang panawagan ni Pangulong Brigham Young na pumasok sa United States Army para kumita ng pera upang matulungan ang mga maralitang miyembro ng Simbahan na makapaglakbay patungo sa kanluran. Ang sakripisyong ito ay nakatulong sa maraming paraan, ngunit naiwan ding walang mga asawa at mga ama ang maraming pamilya na naglakbay. Isinaalang-alang ang pangyayaring ito, nagpasiya ang mga lider ng Simbahan na huwag nang magpatuloy sa paglalakbay pakanluran patungo sa Rocky Mountains hanggang sa tagsibol ng 1847. Ipinayo nila sa mga Banal na huwag na munang maglakbay dahil sa taglamig. Ang isa sa pinakamalalaking lugar ng paninirahan, ang Winter Quarters, ay matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Missouri River, sa estado ng Nebraska sa kasalukuyang panahon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paglalarawan sa Winter Quarters at sa iba pang mga pansamantalang lugar ng paninirahan:

Marami sa mga Banal ang nakatira sa mga bahay na yari sa troso at sa mga kubol na yari sa dahon ng punong willow at putik. Maraming tao ang walang sapat na masilungan sa malamig na panahon. Ang mga sakit gaya ng malaria, pneumonia, tuberculosis, cholera, at scurvy ay nagdulot ng paghihirap at kamatayan sa marami. Mahigit pitong daang katao ang namatay sa kampo sa katapusan ng unang taglamig. (Tingnan sa Ang Ating Pamana, 87; Church History in the Fulness of Times Student Manual, 319–20.)

  • Kung kayo ay kasama ng mga Banal sa Winter Quarters, ano kaya ang madarama ninyo nang matanto ninyo na kailangan pa ninyong maglakbay nang daan-daang milya?

Doktrina at mga Tipan 136:1–18

Pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na iorganisa ang kanilang mga sarili at maghandang ipagpatuloy ang paglalakbay pakanluran

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 136, at alamin ang lugar kung saan ibinigay ang paghahayag na ito at sino ang tumanggap nito. Ipabahagi sa kanila ang nalaman nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 136:1.

  • Sa inyong palagay paano kaya nakatulong sa mga Banal na malaman na patuloy na inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa kanila? (Maaaring kasama sa mga sagot na ang paghahayag na ito ay nakatulong sa kanila na malaman na alam ng Panginoon ang nangyayari sa kanila, na patuloy Niya silang tutulungan sa kanilang paglalakbay pakanluran, at nangusap Siya sa pamamagitan ni Pangulong Brigham Young tulad ng nangusap Siya sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 136:2–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga Banal para maghanda sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay patungo sa kanluran.

  • Paano ioorganisa ang mga grupo?

  • Sa inyong palagay, bakit makatutulong na iorganisa nang grupu-grupo ang mga Banal at may mga itinalagang lider sa bawat grupo? Paano ito natutulad sa paraan kung paano iorganisa ang Simbahan ngayon? (Matapos sagutin ng mga estudyante ang mga tanong na ito, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Inoorganisa ng Panginoon ang Kanyang mga Banal nang grupu-grupo upang bawat tao ay magabayan at mapangalagaan.)

  • Ano ang iminumungkahi ng talata 4 tungkol sa kung paano makatatanggap ng lakas ang mga Banal?

Ipaliwanag na dahil sa karamdaman at kamatayan sa Winter Quarters at sa mga kalapit na kampo, maraming pamilya at mga indibidwal ang nangailangan ng tulong pinansyal para patuloy sila na makapaglakbay pakanluran.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 136:6–11 nang magkasama at hanapin ang mga paraan na makakalinga ng mga Banal ang mga nangangailangan. Bago basahin ng mga estudyante ang mga talatang ito, ipaliwanag na hindi sabay-sabay umalis ng Winter Quarters ang mga Banal. Ang pariralang “sa mga yaong maiiwan” sa talata 6 ay tumutukoy sa mga Banal na pansamantalang maiiwan sa Winter Quarters at sa mga kalapit na kampo.

  • Anong mga salita at mga parirala sa mga talata 6–11 ang naglalarawan kung paano pangangalagaan ng mga Banal ang mga nangangailangan?

  • Anong salita sa talata 7 ang tumutukoy sa mga tao na maghahanda ng daan para sa iba? (Mga pioneer.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na kahulugan. (Ito ay sinipi mula sa Oxford English Dictionary, Ika-2 ed. [1989], “pioneer.”)

Pioneer: Isang taong nauuna upang ihanda o buksan ang daan na susundan ng iba.

  • Ayon sa talata 11, ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga yaong tutulong sa mga nangangailangan at maghahanda ng daan para sa kanila? Ano ang matututuhan natin dito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Pagpapalain tayo ng Panginoon kapag tinutulungan natin ang ibang nangangailangan at inihahanda ang daan para sa kanila.)

Sabihin sa mga estudyante na talakayin sa kanilang kapartner ang sumusunod na tanong:

  • Sino ang naghanda ng daan upang matamasa ninyo ang mga pagpapala ng ebanghelyo?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong. Pagkatapos ay tawagin ang ilan para ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot.

  • Ano ang gagawin ninyo para maging pioneer—para tulungan ang mga nangangailangan at ihanda ang daan upang matamasa nila ang mga pagpapala ng ebanghelyo?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 136:12–18 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod na ituro ang paghahayag na ito sa mga Banal.

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay ninyo at sa paghikayat sa mga estudyante na ipamuhay ang mga katotohanang iyon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 136:7, 9. Paghahanda ng daan para sa iba

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson:

Pangulong Thomas S. Monson

“Ang kahulugan ng pioneer sa diksiyunaryo ay ‘isang taong nauuna upang ihanda o buksan ang daan na susundan ng iba’ [Oxford English Dictionary, 2nd ed. (1989), “pioneer”]. Maaari ba tayong magkaroon ng katapangan at katatagan ng layunin na siyang katangian ng mga pioneer noong naunang henerasyon? Maaari ba kayo at ako, sa totoong buhay, na maging mga pioneer?

“Alam kong maaari. Talagang kailangan ng mundo ng mga pioneer ngayon!” (“Kailangan ng Mundo ng mga Pioneer Ngayon,” Liahona, Hulyo 2013, 5).

Isinalaysay ni Elder Parley P. Pratt ang ginawa ng mga Banal upang maihanda ang daan para sa mga taong susunod:

Parley P. Pratt

“Nang mapagsama-sama at maisayos na ang lahat, umalis na ang mga grupo. Nang dumating na kami sa bahagi ng Grand River nagpahinga kami mula sa mahabang paglalakbay sa gitna ng walang tigil na pag-ulan, putik, at pusali. Binakuran at tinaniman namin ang isang daan-daang acre na pampublikong sakahan at nagsimulang magtayo ng panirahanan, para sa kapakanan ng mga mananatili roon at ng mga susunod sa amin mula sa Nauvoo. Tinawag namin ang lugar na ‘Garden Grove’” (Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. [1938], 342).

Doktrina at mga Tipan 136:8. Ang Mormon Battalion

Noong Mayo 1846, si Jesse C. Little, kinatawan ng Simbahan, ay nakipagkita sa mga opisyal ng pamahalaan ng Estados Unidos sa Washington, D.C. Itinanong ng Simbahan kung maaari bang magbigay ng serbisyo ang mga Banal sa mga Huling Araw kapalit ng pinansyal na tulong para sa paglipat ng mga Banal sa Kanluran. Ang United States Congress ay kadedeklara lamang noon ng digmaan laban sa Mexico, at tinalakay ni Pangulong James Polk kay Jesse C. Little ang ideya na magpalista ang mga kalalakihang Banal sa mga Huling Araw sa United States Army at gamitin ang kanilang mga sahod upang matulungan ang mga Banal sa kanilang paglalakbay. Habang tinatawid ng mga Banal ang Iowa, inalok ng mga recruiter mula sa United States Army ang mga miyembro ng Simbahan na maglingkod sa Mexican-American War. Noong una ay tumanggi ang mga Banal, ngunit hinikayat sila ni Pangulong Brigham Young na makibahagi upang makalikom ng pera para makuha ang mahihirap na naiwan sa Nauvoo at matulungan ang mga Banal sa paglalakbay pakanluran. Dahil sa payo ni Pangulong Young, mahigit 500 kalalakihan ang nagpalista sa United States Army. Ang grupong ito ay tinawag na Batalyong Mormon [Mormon Battalion]. Sinamahan ng mga kababaihan at mga bata ang batalyon habang nagmamartsa ito nang mahigit 2,000 milya papuntang southern California, kung saan sila magsisilbi bilang mga swelduhang kawal.

Noong Hulyo 4, 1846, itinala ni Daniel B. Rawson: “Nakadama ako ng galit sa Pamahalaan na hinayaan akong kunin at sapilitang ilayo mula sa aking pamilya. Nasambit ko ang magaspang na mga salita na ‘Gusto ko silang makitang mabulok sa Impiyerno.’ Hindi ako magpapalista. Nang papunta na kami sa Bluffs nakasalubong namin sina Pangulong Brigham Young, Heber C. Kimball at W. Richards na pabalik, na nagtatawag ng mga recruit. Sinabi nila na ang kaligtasan ng Israel ay nakasalalay sa pagtatatag ng hukbo. Nang marinig ko ito nagbago ang isip ko. Nadama ko na ito ay aking tungkulin” (sa Norma Baldwin Ricketts, The Mormon Battalion [1996], 13).