Lesson 129
Doktrina at mga Tipan 123
Pambungad
Habang nakakulong si Propetang Joseph Smith sa Liberty Jail mula Disyembre 1, 1838 hanggang Abril 6, 1839, gumawa siya ng mga liham ng kapanatagan at pagpapayo para sa mga Banal. Ang Doktrina at mga Tipan 123 ay sinipi sa isang liham na may petsang Marso 20, 1839, na isinulat niya para sa mga Banal. Sa siping ito, sinabi ng Propeta sa mga Banal na magtipon at maglathala ng mga tala tungkol sa naranasan nilang pag-uusig at pagdurusa at tulungan ang mga nalinlang ng mga maling doktrina.
Paalala: Ang susunod na lesson (“Ang Pagtatatag ng Nauvoo,” lesson 130) ay nagbibigay ng pagkakataon sa dalawang estudyante na magturo ng mga bahagi ng lesson. Maaari ka nang pumili ng dalawang estudyante ngayon at bigyan sila ng mga kopya ng mga bahaging ituturo nila sa lesson 130 upang makapaghanda sila.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 123:1–6
Pinayuhan ni Joseph Smith ang mga Banal na nararapat silang magtipon at maglathala ng mga tala tungkol sa dinanas nilang pag-uusig at pagdurusa
Magsimula sa pagbabasa ng sumusunod na pahayag:
“Ito ay maaaring magpatunay na ako, si Delia Reed, ay lumipat sa Missouri sa taong 1836. Ang aking asawa ay kaagad na namatay pagkarating namin doon at iniwan ako na may pitong maliliit na anak. … Nang nagsimulang magkaroon ng kaguluhan sa pagitan ng mga naninirahan at ng mga Mormon, ako, kasama ang iba pa sa aming pamayanan, ay napilitang lisanin ang estado. … Napilitan akong iwan ang halos lahat ng aking mga ari-arian [at] ang aking pamilya ay nagkahiwa-hiwalay, at kinailangan kong manlimos araw-araw sa mga taong hindi ko mga kakilala” (Delia Reed, sa Mormon Redress Petitions: Documents of the 1833–1838 Missouri Conflict, ed. Clark V. Johnson [1992], 523; ang pagbabantas, paggamit ng malalaking titik, at pagbabaybay ay iniayon sa pamantayan).
Ipaliwanag na ito ay isang opisyal na pahayag na ibinigay ni Sister Reed sa isang opisyal ng hukuman. Pagkatapos ay ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 123:1.
-
Mula sa nalaman ninyo sa talatang ito, ano ang maaaring isang dahilan ni Sister Reed sa pagbigay ng pahayag na ito?
Ipaalala sa mga estudyante na mula noong Disyembre 1838 hanggang Abril 1839 si Propetang Joseph Smith at ilan sa mga lider ng Simbahan ay nakakulong sa isang piitan sa Liberty, Missouri. Kasabay niyon, ang mga Banal ay itinaboy mula sa estado ng Missouri sa mga buwan ng matinding taglamig dahil sa ipinatupad na extermination order ni Gobernador Lilburn Boggs. Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 123 ay sinipi mula sa liham na isinulat ni Propetang Joseph Smith noong Marso 1839 sa Liberty Jail na nagpapayo sa mga Banal sa mahirap na panahong ito.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 123:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinayo ni Joseph Smith na gawin ng mga inuusig na mga Banal. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga talatang ito, maaaring kailangan mong ipaliwanag na sa talata 5 ang pariralang “napakatampalasan at napakasama” ay tumutukoy sa pinagsama-sama na masasamang kasinungalingan at ang pariralang “nakamamatay na pagsasamantala” ay tumutukoy sa kasamaan at kalupitang ginawa.
-
Ano ang ipinayo ng Propeta na gawin ng mga Banal sa mga talatang ito?
Marami sa mga Banal ang sumunod sa payo ng Propeta at nagtipon ng mga tala tungkol sa mga pag-uusig na dinanas nila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 123:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilan kung bakit sinabihan ang mga Banal na magtipon ng mga tala tungkol sa mga pag-uusig at pagdurusa na dinanas nila. Maaari mo ring ipaalala sa kanila na ipinangako noon ng Panginoon na ililigtas ang mga inuusig na Banal at “babangon at lalabas mula sa kanyang pinagtataguang lugar, at sa kanyang matinding galit ay gagambalain ang bansa” (D at T 101:89).
-
Ayon sa Doktrina at mga Tipan 123:6, bakit iniutos ng Ama sa Langit na magtipon ang mga Banal ng mga tala tungkol sa mga pag-uusig na dinanas nila?
-
Ano ang itinuturo ng talatang ito na dapat nating gawin bago tuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako?
Sabihin sa mga estudyante na sumulat ng alituntunin na nagpapahayag ng kaugnayan ng ating mga pagsisikap at ng mga pangako ng Panginoon. Ipabahagi sa ilang estudyante ang alituntuning natukoy nila. Ang sumusunod ay isang paraan na maaaring maipahayag ng mga estudyante ang alituntuning ito: Tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako matapos nating gawin ang ipinagagawa sa atin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.
-
Sa inyong palagay, bakit inaasahan ng Panginoon na gawin natin ang ipinagagawa sa atin bago Niya tuparin ang Kanyang mga pangako?
-
Kailan ninyo napatunayan ang alituntuning ito sa inyong sariling buhay o sa buhay ng kakilala ninyo?
Doktrina at mga Tipan 123:7–17
Pinayuhan ni Joseph Smith ang mga Banal na tulungan ang mga nalilinlang ng mga kasinungalingan
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay pinagawan sila ng ulat tungkol sa Simbahan para sa isang klase nila sa eskwelahan. Bilang bahagi ng requirement, kailangan nilang maglakip ng kahit tatlo lang na pinagkuhanang materyal.
-
Anong mga materyal ang maaari ninyong ganitin sa inyong report?
-
Bakit mahalagang malaman ang ginamit ninyong mga materyal sa pagsulat tungkol sa Simbahan?
-
Paano ninyo malalaman kung aling mga materyal ang naglalarawan nang tama sa Simbahan?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 123:7–10 na ipinapaliwanag na noong itala ni Joseph Smith ang mga talatang ito, maraming kasinungalingan ang lumalaganap tungkol sa Simbahan. Sinabihan ang mga Banal na “mahalagang tungkulin” (D at T 123:7) nila na sagutin ang mga kasinungalingang ito at magtipon at maglathala ng mga tala tungkol sa mga pag-uusig at pagdurusa na dinanas nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 123:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga karagdagang dahilan kung bakit iniutos sa mga Banal na magtipon at maglathala ng mga tala tungkol sa mga pag-uusig at pagdurusa na dinanas nila. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang nalaman.
-
Ayon sa talata 12, paano nagiging bulag sa katotohanan ang karamihan sa mga may dalisay na puso?
-
Sa palagay ninyo, paano kaya naaapektuhan ng mga kasinungalingan tungkol sa Simbahan ang mga hindi kabilang sa ating pananampalataya?
-
Ayon sa talata 12, bakit maraming tao ang napagkakaitan ng katotohanan? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Marami ang napagkakaitan ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.)
-
Paano kaya maaaring makatulong sa mga tao ang paglalathala ng katotohanan tungkol sa mga pag-uusig at pagdurusa na dinanas ng mga Banal sa panahong iyon upang malaman nila ang katotohanan?
Ipaalala sa mga estudyante na maraming tao ngayon na “binubulag ng pandaraya ng mga tao” at napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan (D at T 123:12). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang bagay na humahadlang sa mga tao na malaman ang katotohanan tungkol sa Simbahan sa ating panahon.
“Napakaraming tao ang mahina ang pang-unawa sa Simbahan dahil karamihan sa impormasyonng naririnig nila tungkol sa atin ay mula sa mga balita ng media na madalas ay bunga ng kontrobersiya. Ang sobrang pagtutuon sa kontrobersiya ay may negatibong epekto sa pananaw ng mga tao tungkol sa kung ano talaga Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (“Pagbabahagi ng Ebanghelyo Gamit ang Internet” Liahona, Hulyo 2008, B4).
-
Ayon kay Elder Ballard, ano ang bagay na humahadlang sa mga tao na malaman ang katotohanan tungkol sa Simbahan sa ating panahon?
Ipaliwanag na katulad ng mga Banal noong 1839, iniutos sa atin na tulungan ang iba na magkaroon ng tamang pagkaunawa sa Simbahan—sa mga miyembro, lider, paniniwala, kasaysayan, mga turo, at gawain nito.
-
Ano ang magagawa ninyo para matulungan ang iba na magkaroon ng tamang pagkaunawa sa Simbahan? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard. Sabihin sa klase na pakinggan ang isang paraan na matutulungan natin ang iba na magkaroon ng tamang pagkaunawa sa Simbahan.
“Palaging may mga usapan tungkol sa Simbahan. Ang mga usapang iyon ay magpapatuloy gustuhin man natin o hindi na lumahok dito. Ngunit hindi tayo maaaring manahimik na lang sa tabi, samantalang sinisikap ng iba, kabilang na ang mga pumupuna sa atin, na bigyan ng kahulugan ang itinuturo ng Simbahan. Kahit libu-libo o milyun-milyon pa ang nakikilahok sa mga usapan, karamihan sa mga ito ay maliliit lamang na grupo. Ngunit lahat ng usapan ay may epekto sa mga nakikilahok dito. Sa bawat usapang ito, ang mga paniniwala tungkol sa Simbahan ay naipahahatid. …
“Ngayon, nakikiusap ako, na sumali kayo sa usapan sa Internet para ibahagi ang ebanghelyo at ipaliwanag ang mensahe ng Panunumbalik sa simple at malinaw na mga salita. … Siyempre pa, kailangang nauunawaan na ninyo ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Mahalagang makapagbigay kayo ng malinaw at tamang pagsaksi sa mga katotohanan ng ebanghelyo” (“Pagbabahagi ng Ebanghelyo Gamit ang Internet,” B3, B4).
Idagdag ang mungkahi ni Elder Ballard sa mga nakalista na sa pisara.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga paraan na matutulungan nila ang iba na malaman ang katotohanang nakalista sa pisara. Sabihin sa kanila na pumili ng isa na sa palagay nila ay magagamit nila. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mungkahing pinili nila at paano nila pinaplanong gamitin ito sa pagtulong sa iba na magkaroon ng tamang pagkaunawa sa Simbahan. Hikayatin ang lahat ng estudyante na isagawa ang mungkahing pinili nila para matulungan ang iba na mahanap ang katotohanan.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na tinulungan nila ang iba na magkaroon ng tamang pagkaunawa tungkol sa Simbahan. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa klase.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 123:13–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi sa mga Banal tungkol sa mga ginagawa nila para mailahad nang tama sa iba ang katotohanan.
-
Ayon sa talata 15, bakit sinabihan ang mga Banal na huwag ituring ang kanilang mga ginagawa na “maliit na bagay”?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa payo ng Panginoon sa talata 15 tungkol sa maliliit na desisyong ginagawa natin ngayon? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Ang mga desisyon nating sundin ang tila maliliit na kautusan ng Panginoon ay may malaking impluwensya sa ating buhay sa hinaharap.)
-
Paano magkakaroon ng malaking impluwensya ang maliit o simpleng desisyon na makipag-usap sa isang tao tungkol sa ebanghelyo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 123:17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano nauugnay ang talatang ito sa katotohanang isinulat kanina sa pisara: Tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako matapos nating gawin ang ipinagagawa sa atin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga ideya sa klase.
-
Sa inyong palagay, bakit mahalaga na ating malugod “na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya”?
-
Ayon sa talata 17, ano ang katiyakang ibinigay sa atin kung gagawin natin ang lahat upang masunod ang mga kautusan ng Panginoon? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung gagawin natin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya upang masunod ang mga kautusan ng Panginoon, makatitiyak tayo na gagamitin ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan para matulungan tayo ayon sa Kanyang kalooban at panahon.)
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng makakatiyak tayo na gagamitin ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan upang tulungan tayo kung “ating malugod na [ga]gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya”? Ano ang ilang bagay na magagawa ninyo para magkaroon ng ganyang katiyakan sa buhay ninyo?
Ibahagi ang iyong patotoo na makatitiyak tayo na kapag ginawa natin ang lahat ng makakaya natin para masunod ang mga utos ng Diyos, tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako.