Seminaries and Institutes
Lesson 102: Doktrina at mga Tipan 98:23–48


Lesson 102

Doktrina at mga Tipan 98:23–48

Pambungad

Natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 98 noong Agosto 6, 1833, mga dalawang linggo matapos naging marahas ang pag-uusig sa mga Banal sa Missouri. Ang paghahayag na ito ay nagbigay ng gabay sa mga Banal na trinato nang masama. Dito ay itinuro ng Panginoon sa mga Banal kung paano sila tutugon sa kanilang mga kaaway.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 98:23–32

Inihayag ng Panginoon kung paano tutugon ang mga Banal sa pag-uusig

Bago magklase, gumawa ng tatlong column sa pisara at lagyan ng mga sumusunod na pamagat: Ang Batas ng Panginoon sa Paghihiganti (D at T 98:23–32); Ang Batas ng Panginoon sa Digmaan (D at T 98:33–38); at Ang Batas ng Panginoon sa Pagpapatawad (D at T 98:39–48).

Sabihin sa mga estudyante na ilarawan ang ilang maaaring gawin ng mga tao na nasaktan ng isang tao. Ipaliwanag na sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 98, ang Panginoon ay nagturo ng mga alituntunin na makatutulong sa atin na malaman kung paano tutugon o kung ano ang gagawin kapag nasaktan tayo ng salita o ginawa ng ibang tao. Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga alituntuning ito sa buong lesson sa araw na ito.

Ipaalala sa mga estudyante na ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 98 ay ibinigay noong 1833, hindi pa nagtatagal matapos naging marahas ang pag-uusig sa mga Banal sa Missouri. Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang mga detalye mula sa nakaraang lesson tungkol sa masamang pagtrato na naranasan ng mga Banal.

Sabihin sa mga estudyante na kopyahin sa kanilang notebook o scripture study journal ang chart na nasa pisara. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:23–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa paghihiganti. Sabihin sa kanila na pansinin ang paulit-ulit na payo ng Panginoon sa mga talatang ito.

  • Anong paulit-ulit na parirala ang nagtuturo tungkol sa paghihiganti? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga pariralang “hindi mag-aalimura” at “matiyagang babatahin” sa mga talata 23–27.)

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga Banal kung matiyaga nilang babatahin ang pag-uusig at hindi maghihiganti?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga salita ng Panginoon sa mga talata 23–27? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung matiyaga nating babatahin ang masamang pagtrato sa atin at hindi maghihiganti, gagantimpalaan tayo ng Panginoon. Ipasulat sa isang estudyante ang katotohanang ito sa ilalim ng pamagat na Ang Batas ng Panginoon sa Paghihiganti.)

Ipaliwanag na nang magtipon ang mga mandurumog sa Jackson County, Missouri, noong Sabado, Hulyo 20, 1833, higit pa sa pagsira ng ari-arian ang gusto nilang gawin. Gusto rin nilang saktan ang mga miyembro ng Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pangyayari sa kasaysayan at sabihin sa klase na pakinggan kung paano tumugon sa pag-uusig sina Bishop Edward Partridge at Charles Allen, isang 27-taong-gulang na convert mula sa Pennsylvania.

B.H. Roberts

“Nahuli ng mga mandurumog sina Bishop Edward Partridge at Charles Allen, at kinaladkad sila sa gitna ng mga galit na galit na tao, na uminsulto at nanakit sa kanila habang nasa daan patungo sa pampublikong lugar. Dito ay dalawang alternatibo ang ibinigay sa kanila; itatwa ang kanilang paniniwala sa Aklat ni Mormon o lisanin ang bayan. Hindi nila itatatwa ang Aklat ni Mormon, ni papayag na lisanin ang bayan. Si Bishop Partridge, na pinahintulutang magsalita, ay nagsabing kailangang dumanas ng pag-uusig ang mga banal sa lahat ng panahon sa buong mundo, at siya ay handang magdusa para sa kapakanan ni Cristo, tulad ng ginawa ng mga banal noong mga unang panahon; na wala siyang ginawang anuman na nakasakit sa sinuman, at kung sasaktan siya nila, sasaktan nila ang isang taong walang kasalanan. Ang kanyang tinig ay hindi marinig dahil sa mga nagkakagulong tao, marami sa mga ito ang sumisigaw ng: ‘Tawagin mo ang iyong Diyos para iligtas ka … !’ Ang dalawang miyembrong ito, sina Partridge at Allen, ay hinubaran, at binuhusan ng alkitran na may halong lime, o pearl-ash, o may kaunting asido na sumusunog ng laman, at maraming balahibo ang ibinuhos sa kanila. Tiniis nila ang malupit na pang-aalipusta at pananakit na ito nang may pagpapakumbaba kaya’t natigilan ang mga tao, at tila namangha sa nasaksihan nila. Ang dalawa ay pinahintulutang umalis nang payapa” (B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, 1:333; tingnan din sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual], 2003, 133).

  • Ano ang nagpahanga sa inyo sa pagtugon nina Charles Allen at Bishop Partridge sa pag-uusig?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 98:28–32 na ipinapaliwanag na pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na kung babagabagin o sasaktan sila ng kaaway nang tatlong beses nang hindi siya napaparusahan ng Diyos, babalaan nila ang kaaway sa pangalan ng Panginoon na huwag na silang bagabagin pa. Kung patuloy pa rin silang babagabagin ng kaaway pagkatapos ng babalang ito, ang mga Banal ay bibigyang-katwiran sa “[pagganti sa kanya] alinsunod sa kanyang mga gawa.” Gayunman, ipinayo rin sa mga Banal na kung patatawarin nila ang kanilang mga kaaway bagama’t mabibigyang-katwiran sila sa paghihiganti, sila ay gagantimpalaan para sa kanilang kabutihan.

Doktrina at mga Tipan 98:32–38

Ipinaliwanag ng Panginoon kung kailan mabibigyang-katwiran ang pakikidigma

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung may alam sila tungkol sa sinabi ng Panginoon tungkol sa digmaan. Maaari mong itanong ang sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang batas ng Panginoon sa digmaan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:32–34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga sinaunang propeta tungkol sa digmaan.

  • Ayon sa talata 33, ano ang batas na ibinigay sa mga sinaunang propeta? (Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa ilalim ng pamagat na Ang Batas ng Panginoon sa Digmaan. Ipaliwanag na ibinigay ng Panginoon ang batas na ito sa mga taong nabuhay sa iba-ibang panahon at sa iba-ibang kultura. Bagama’t ang alituntunin ng batas ay totoo, tayo ay nasa ilalim ngayon ng mga batas ng mga bansa kung saan tayo naninirahan.)

  • Ano ang ginagawa ng mga sinaunang propeta kung may magdeklara ng digmaan laban sa kanila? (Idagdag ang sagot sa pisara sa ilalim ng pamagat na Ang Batas ng Panginoon sa Digmaan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:35–38 at sabihin sa klase na alamin ang ipinagawa ng Panginoon sa mga sinaunang propeta kung hindi tinanggap ang alok nila na kapayapaan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa batas ng Panginoon sa digmaan? (Maaaring magmungkahi ang mga estudyante ng iba-ibang alituntunin, ngunit tiyaking mabigyang-diin ang sumusunod: Ang digmaan ay mabibigyang-katwiran ayon sa mga kalagayang iniutos ng Panginoon. Isulat ang alituntuning ito sa pisara sa ilalim ng pamagat na Ang Batas ng Panginoon sa Digmaan.)

Ipaliwanag na karamihan sa atin ay hindi kailangang magpasiya kung makikidigma tayo sa ibang bansa. Gayunman, makatutulong sa atin ang mga turong ito para malaman natin ang gagawin natin sa ating personal na pakikipag-ugnayan—halimbawa, kapag may di-pagkakaunawaan sa atin at sa ibang tao.

  • Batay sa nalaman natin tungkol sa payo ng Panginoon tungkol sa digmaan, ano ang dapat nating gawin kapag nagkaroon tayo ng di-pagkakaunawaan sa iba? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Hangarin nating magkaroon ng mapayapang solusyon sa hindi natin pagkakaunawaan.)

  • Anong mga pagpapala ang maaaring dumating kapag hinangad natin ang mapayapang solusyon?

Doktrina at mga Tipan 98:39–48

Itinuro ng Panginoon sa mga Banal kung paano sila tutugon sa kanilang mga kaaway

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento:

Bishop Keith B. McMullin

“Sa Holland noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ginamit ng pamilya Casper ten Boom ang kanilang tahanan bilang kanlungan para sa mga yaong pinaghahanap ng mga Nazi. Ito ang paraan nila para maipamuhay ang kanilang pananampalataya bilang Kristiyano. Apat na miyembro ng pamilya ang namatay sa pagbibigay ng kanlungang ito. Si Corrie ten Boom at ang kanyang kapatid na si Betsie, ay nakulong nang ilang buwan sa nakakatakot at kasumpa-sumpang concentration camp na Ravensbrück. Namatay roon si Betsie—nakaligtas naman si Corrie.

“Sa Ravensbrück, natutuhan nina Corrie at Betsie na tinutulungan tayo ng Diyos na magpatawad. Pagkatapos ng digmaan, determinado si Corrie na ibahagi ang mensaheng ito. Sa isang pagkakataon, katatapos lang niyang magsalita sa isang grupo ng mga tao sa Germany na nagdaranas ng pamiminsala ng digmaan. Ang mensahe niya ay ‘Nagpapatawad ang Diyos.’ Sa panahong iyon nakatulong ang katapatan ni Corrie ten Boom.

“Isang lalaki ang lumapit sa kanya. Nakilala niya ito bilang isa sa pinakamalulupit na guwardya sa kampo. ‘Binanggit mo ang Ravensbrück sa iyong mensahe,’ sabi niya. ‘Guwardya ako roon. … Ngunit mula noon,… naging Kristiyano na ako.’ Ipinaliwanag niya na hinangad niya ang pagpapatawad ng Diyos sa mga kalupitang kanyang nagawa. Iniabot niya ang kanyang kamay at nagtanong, ‘Mapapatawad mo ba ako?’

“Sabi ni Corrie ten Boom:

“‘Maaaring sandali lang siyang nakatayo roon—nakaunat ang mga kamay—ngunit para sa akin parang inabot ito ng maraming oras habang pinagpapasiyahan ko ang pinakamahirap na bagay na gagawin ko.

“‘… Ang mensaheng nagpapatawad ang Diyos ay may … kundisyon: na patawarin natin ang mga yaong nakasakit sa atin. …

“… ‘Tulungan po ninyo ako!’ Tahimik akong nanalangin. ‘Maiaabot ko po ang aking kamay. Magagawa ko iyan. Tulungan po ninyo akong magawa ito nang taos sa puso ko.’

“‘… Walang sigla at wala sa loob na iniabot ko ang aking kamay sa taong iyon. Nang gawin ko ito, isang di kapani-paniwalang bagay ang nangyari. Ang init ay nagsimulang dumaloy sa aking balikat, pababa sa aking braso, at tumuloy sa aming magkahawak na kamay. At ang nakapagpapagaling na init na ito ay tila lumaganap sa buo kong pagkatao, at nagpaluha sa aking mga mata.

“‘Pinatatawad na kita, kapatid!’ ang sabi ko. ‘Nang buong-puso.’

“Matagal-tagal ding magkahawak ang aming mga kamay, ang dating guwardya at bilanggo. Noon ko lamang nadama ang napakatinding pagmamahal ng Diyos.’ [Corrie ten Boom, Tramp for the Lord (1974), 54–55.]” (Keith B. McMullin, “Ang Landas ng Ating Tungkulin,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 13).

Matapos magbasa ng estudyante, itanong ang sumusunod:

  • Ano ang hinangaan ninyo sa kuwentong ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:39–40 at sabihin sa klase na alamin ang batas ng Panginoon sa pagpapatawad.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang dapat nating gawin kapag humingi ng kapatawaran ang isang tao?

  • Ayon sa talata 40, ilang beses tayo dapat magpatawad ng isang taong nagsisi at humingi ng ating kapatawaran? (Ipinahihiwatig ng pariralang “hanggang sa pitong ulit ng pitumpu” na dapat tayong magpatawad ng ating kapwa nang maraming beses kapag sila ay nagsisi at humingi ng kapatawaran sa atin matapos tayong gawan ng mali o saktan. Bagama’t inutos sa atin na magpatawad, hindi ito nangangahulugan na dapat nating pahintulutan ang iba na patuloy tayong saktan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:41–43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga katotohanan na itinuro ng Panginoon sa mga Banal hinggil sa kanilang mga kaaway na hindi magsisisi. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Bakit mahalagang maunawaan ng mga Banal sa Missouri ang mga katotohanang ito?

  • Paano ninyo ibubuod ang batas ng Panginoon sa pagpapatawad? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na kautusan: Iniutos ng Panginoon sa atin na patawarin natin ang ating mga kaaway. Isulat ang kautusang ito sa pisara sa ilalim ng pamagat na Ang Batas ng Panginoon sa Pagpapatawad.)

  • Sa inyong palagay, bakit iniutos sa atin na magpatawad sa ating kapwa kahit hindi sila humihingi ng kapatawaran?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 98:44–48 na ipinapaliwanag na ipinangako ng Panginoon na kung ang mga kaaway ng mga Banal ay magsisisi, matatakasan nila ang Kanyang paghihiganti. (Paalala: Sa talata 44, ang ibig sabihin ng pariralang “hindi ninyo siya patatawarin” ay dapat lubos na mananagot ang maysala para sa kanilang ginawa, at hindi ibig sabihin na patuloy na maghihinanakit at mapopoot ang mga Banal.)

Magtapos sa paghihikayat sa mga estudyante na sundin ang batas ng Panginoon sa pagpapatawad sa pamamagitan ng pagsisikap na patawarin ang sinuman na nakasakit sa kanila o sa mahal nila sa buhay.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 98. Sinagip nina Mary Elizabeth Rollins at Caroline Rollins ang mga pahina ng Aklat ng mga Kautusan

Ikinuwento ni Elder Steven E. Snow ng Panguluhan ng Pitumpu ang tungkol kina Mary Elizabeth at Caroline Rollins:

Elder Steven E. Snow

“Matapos lumipat kasama ang kanilang ina sa Independence, Missouri, noong taglagas ng 1831, nalaman ng batang magkapatid na sina Mary Elizabeth at Caroline Rollins ang paghihirap at pag-uusig na naranasan doon ng mga Banal. Isang gabi inatake ng mga galit na mandurumog ang kanilang tahanan; sa isa pang pagkakataon, nasaksihan nila ang pag-atake sa katatayong palimbagan sa itaas na palapag ng tahanan ni William W. Phelps.

“Sa pag-atakeng iyon sa palimbagan [noong Hulyo 20, 1833], sapilitang pinalabas ng mga mandurumog ang pamilya Phelps mula sa kanilang tahanan at inihagis ang kanilang mga kagamitan sa kalsada. Pagkatapos ay sinimulan ng mga mandurumog ang pagwasak sa palimbagan na nasa itaas na palapag at inihagis ang mga hiwa-hiwalay pang manuskrito mula sa gusali. May ilang naglabas ng malalaking piraso ng papel at sumigaw ng, ‘Narito ang mga Kautusan ng mga Mormon!’ [“Mary Elizabeth Rollins Lightner,” The Utah Genealogical and Historical Magazine, Hulyo 1926, 196]. Sa panahong iyon, maraming sagradong paghahayag na ang natanggap ni Propetang Joseph Smith, ang ilan ay noon pang 1823, nang magpakita ang anghel na si Moroni sa batang propeta. Napakaraming paghahayag ang itinala mismo ni Joseph, ngunit walang teksto ang naihanda at naipamahagi para sa kapakanan ng mga miyembro ng Simbahan. Nang may labis na pananabik, inasam ng mga Banal sa Missouri ang paglalathala ng mga paghahayag na ito bilang ‘Aklat ng mga Kautusan.’ Ginagawa na ito sa palimbagan nang umatake ang mga mandurumog. Inilarawan ni Mary Elizabeth, na noo’y 15 taong gulang, ang nangyari:

“‘Ang aking kapatid na si Caroline [edad 13] at ako ay nasa isang sulok ng bakod at minamasdan sila; nang banggitin nila ang tungkol sa mga kautusan, nagpasiya akong kunin ang ilan sa mga ito. Sinabi ng kapatid ko na kung pupunta ako para kunin ang anuman sa mga iyon, sasama siya, ngunit sinabing “papatayin nila tayo’” [“Mary Elizabeth Rollins Lightner,” 196].

“Habang abala ang mga mandurumog sa kabilang dulo ng bahay, tumakbo ang dalawang bata at hinakot ang mahahalagang papel. Nakita sila ng mga mandurumog at inutusang tumigil. Naalala ni Mary Elizabeth: ‘Tumakbo kami nang mabilis. Hinabol kami ng dalawa sa kanila. Nang makita namin ang siwang sa bakod, pumasok kami sa malaking taniman ng mais, inilatag ang mga papel sa lupa at dinaganan ng aming katawan. Ang tanim na mga mais ay mula sa lima hanggang anim na talampakan at makakapal; masigasig nila kaming hinanap, at napakalapit sa amin ngunit hindi kami nakita’ [“Mary Elizabeth Rollins Lightner,” 196]” (“Treasuring the Doctrine and Covenants,” Ensign, Ene. 2009, 50).

Doktrina at mga Tipan 98:23–27. “Hindi ninyo aalimurain ang inyong kaaway, at matiyaga itong babatahin”

Bagama’t matiyaga nating babatahin o titiisin at hindi gaganti, hindi ito nangangahulugan na dapat nating pahintulutan ang iba na patuloy tayong abusuhin o saktan. Nakasaad sa Handbook 2: Administering the Church na “hindi mapahihintulutan ang anumang uri ng pang-aabuso. Ang mga yaong nang-aabuso o malupit sa kanilang asawa, mga anak, o iba pang mga miyembro ng pamilya, o sa sinuman ay lumalabag sa batas ng Diyos at tao” (Handbook 2: Administering the Church [2010], 21.4.2).