Lesson 74
Doktrina at mga Tipan 68
Pambungad
Noong Nobyembre 1, 1831, pinulong ni Propetang Joseph Smith ang isang pangkat ng mga Elder sa Hiram, Ohio, para sa isang espesyal na pagpupulong. Pinag-usapan nila ang paglalathala ng Aklat ng mga Kautusan, isang tinipon na mga paghahayag na natanggap ng Propeta. Apat sa mga elder na naroon sa pulong ang humiling kay Joseph Smith na magtanong sa Panginoon tungkol sa Kanyang kalooban para sa kanila. Bilang tugon sa kahilingang ito, natanggap ng Propeta ang isang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 68. Kabilang sa paghahayag ang mga payo sa mga tinawag na mangaral ng ebanghelyo, mga tagubilin tungkol sa tungkulin ng bishop, at ang kautusan na ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 68:1–12
Pinayuhan ng Tagapagligtas ang mga tinawag na mangaral ng ebanghelyo
Kung ikaw o ang isang taong malapit sa iyo ay naglingkod sa misyon para sa Simbahan, simulan ang klase sa pagbabahagi ng nadarama ng mga tao habang naghahanda sila na lisanin ang tahanan at maging full-time missionary. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang maaaring inaalala ng isang tao tungkol sa pagmimisyon?
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit kinakabahan kung minsan ang mga tao sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa kanilang mga kapamilya at kaibigan?
Ipaliwanag na sa isang pagpupulong na ginanap noong Nobyembre 1, 1831, apat na elder na maglilingkod bilang mga missionary ang lumapit kay Joseph Smith at humiling na malaman nila ang kalooban ng Panginoon hinggil sa kanila. Bilang tugon, inihayag ng Panginoon ang isang huwaran para sa pangangaral ng ebanghelyo. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 68:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga nilalaman ng huwarang iyon. Bago sila magbasa, ituro na ang mga talata 2 at 3 ay naglalaman ng salitang halimbawa. Ang halimbawa ay isang huwaran.
-
Ano ang nakikita ninyo sa mga talatang ito tungkol sa paraan kung paano natin ipangangaral ang ebanghelyo?
-
Sa mga talata 3–5, ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tagapaglingkod?
-
Ano ang magagawa ng mga inspiradong salita ng mga missionary para sa mga taong tatanggap sa mga ito? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay pinakikilos ng Espiritu Santo, ang kanilang mga salita ay aakay sa mga tao tungo sa kaligtasan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Ano ang magagawa natin upang maanyayahan ang impluwensya ng Espiritu Santo kapag nagbabahagi tayo ng ebanghelyo?
Ipaliwanag na bagama’t ang mga inordenan na mangaral ng ebanghelyo ay makatutulong sa mga tao na magkaroon ng patooo sa katotohanan, tanging ang Pangulo ng Simbahan ang may karapatang tumanggap at ipahayag ang kalooban ng Panginoon para sa buong Simbahan. Sa kanyang pamamahala, ang iba pang mga miyembro sa Unang Panguluhan at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay may awtoridad din na ipahayag ang kalooban ng Diyos para sa atin.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 68:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang karagdagang pagpapalakas ng loob na ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod.
-
Anong mga katotohanan ang nakita ninyo sa talatang ito na maaaring magbigay ng kapanatagan sa isang missionary?
-
Bakit mahalagang malaman ninyo na sasamahan ng Panginoon ang Kanyang matatapat na tagapaglingkod?
Ipaliwanag na inilahad sa talata 6 ang pangunahing responsibilidad ng mga tagapaglingkod ng Panginoon: magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang misyon sa nakaraan, kasalukuyan, at sa hinaharap. Pagkatapos ay ibuod ang Doktrina at mga Tipan 68:7–12 na ipinapaliwanag na tumatawag ang Panginoon ng matatapat na elder ng Simbahan upang ipangaral ang ebanghelyo at binyagan ang mga maniniwala.
Maaari kang magbahagi ng isang karanasan kung saan ginabayan ka ng Espiritu na malaman kung paano ibahagi ang ebanghelyo sa iba.
Doktrina at mga Tipan 68:13–24
Inihayag ng Panginoon na ang Unang Panguluhan ang dapat mamahala sa pagtawag ng mga obispo o bishop
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay tinanong sila ng kaibigan nila na iba ang relihiyon, “Paano pinili ang inyong bishop?”
-
Paano ninyo sasagutin ito?
Ipaliwanag na si Edward Partridge ang unang bishop na tinawag sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo (noong Pebrero 4, 1831; tingnan sa D at T 41:9). Bago natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 68 (noong Nobyembre 1831), si Bishop Partridge lamang ang bishop sa Simbahan. Iba pang mga bishop ang tinawag matapos matanggap ng Propeta ang paghahayag na ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 68:14–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano pinipili ang mga obispo o bishop.
Paalala: Ang mga talata 15–20 ay naglalaman ng mga tagubilin hinggil sa literal na inapo ni Aaron na maaaring matawag bilang Presiding Bishop. Ang pariralang “literal na inapo ni Aaron” ay tumutukoy sa mga inapo ng kapatid ni Moises na si Aaron sa Lumang Tipan. Ang inapong iyon ay may karapatan sa katungkulan ng Presiding Bishop kung siya ay tinawag at inaprubahan ng Unang Panguluhan. Ang mga talata 16–20 ay tumutukoy lamang sa Presiding Bishop, hindi sa mga bishop ng mga ward (tingnan sa Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 3:92–93). Sa naunang naisulat sa Simbahan madalas tukuyin si Bishop Partridge bilang Presiding Bishop. Ang mga responsibilidad ng Presiding Bishop ay nilinaw at nabago sa sumunod na ilang taon. Sa pamamahala ni Pangulong Brigham Young, ang mga responsibilidad ng Presiding Bishop ay nilinaw nang lubusan noong 1847 sa Winter Quarters, kay Bishop Newel K. Whitney na tumanggap sa katungkulang iyon.
Maaari mong ipaliwanag na sa mga unang araw ng Simbahan, ang mga miyembro ng Unang Panguluhan ang nag-oordena at nagse-set-apart sa lahat ng bishop. Sa Simbahan ngayon, ganito pa rin ang ginagawa sa Presiding Bishop. Gayunpaman, ang pagtawag, pag-oordena, at pag-set-apart ng mga bishop ay pinangangasiwaan ng mga stake president sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan. Ang isang stake president, kasama ang kanyang mga tagapayo o counselor sa stake presidency, ay mananalangin at hihingi ng paghahayag para malaman kung kailan tatawag ng bagong bishop at kung sino ang tatawagin. Ipinapadala niya ang kanyang rekomendasyon sa Unang panguluhan para sa kanilang pagsang-ayon. Kapag sinang-ayunan ng Unang Panguluhan ang pagtawag, binibigyan nila ng awtoridad ang stake president na iorden at i-set-apart ang bagong bishop. (Para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa Handbook 2: Administering the Church [2010], 19.6.)
-
Bakit mahalagang malaman ninyo na inaprubahan ng Unang Panguluhan ang pagtawag sa inyong bishop?
Doktrina at mga Tipan 68:25–35
Iniutos sa mga magulang na ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang katotohanan na magiging mga magulang sila sa paglipas ng ilang taon. Ipaliwanag na binigyan ng Panginoon ang mga ina at mga ama ng malalaking responsibilidad—dapat nilang ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak sa salita at halimbawa (tingnan sa D at T 29:46–50 at “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na nasa apendiks sa katapusan ng manwal na ito). Ipasulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang tatlong alituntunin na gusto nilang ituro sa kanilang mga anak.
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na basahin sa isa’t isa ang isinulat nila. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 68:25–27 nang magkasama at hanapin ang mga bagay na maidaragdag nila sa isinulat nila.
-
Ano ang iniutos ng Panginoon sa mga magulang na ituro sa kanilang mga anak? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Iniutos ng Panginoon sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo, pagbibinyag, at ang kaloob na Espiritu Santo. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga parirala sa talata 25 na nagtuturo ng doktrinang ito.)
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalagang maunawaan ng maliliit na bata ang pagsisisi? Pananampalataya kay Cristo? Pagbibinyag? Ang kaloob na Espiritu Santo?
Sabihin sa mga estudyante na isulat ang isang pagkakataon na nakita nilang itinuturo ng mga magulang ang mga alituntunin at mga ordenansang binanggit sa Doktrina at mga Tipan 68:25. Pagkatapos nilang magsulat, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila.
Sabihin sa mga estudyante na gagawin pa rin nila ang susunod na aktibidad nang magkakapartner. Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 68:28–31, ang Panginoon ay nagbigay ng karagdagang payo sa mga magulang. Magbigay ng kopya ng sumusunod na impormasyon sa bawat magkapartner. Hikayatin ang magkakapartner na basahin ang bawat isa sa scripture passage at talakayin nang magkasama ang sagot sa mga tanong. Ipaliwanag na kapag natapos na sila, ibabahagi nila sa klase ang nalaman nila.
Matapos makumpleto ng mga estudyante ang aktibidad na ito, sabihin sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila. (Maaari mong sabihin sa isang estudyante na isulat niya sa pisara ang mga sagot ng kanyang mga kaklase.) Isang alituntunin na maaari mong bigyang-diin mula sa mga talata 31 at 32 ay dapat nating alisin ang katamaran at kasakiman sa ating buhay. (Habang tinatalakay ng mga estudyante ang alituntuning ito, maaari mong ipaliwanag na hindi natin kailangang makamtan ang lahat ng bagay na mayroon ang ating mga kaibigan upang maging masaya.)
-
Sa inyong palagay, bakit mahalaga sa mga magulang na ituro at ipamuhay ang mga pamantayan ng ebanghelyo?
-
Ano ang maaaring gawin ng mga kabataang lalaki at babae para matulungan ang kanilang pamilya na “magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon”?
Kung isa kang magulang, maaari mong ipahayag ang iyong pasasalamat para sa mga ginagawa ng iyong mga anak upang matulungan ka na masunod ang mga kautusan ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 68. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na magsulat ng isang mithiin na tutulong sa kanila na maghanda na maging mabubuting magulang. O hikayatin sila na magsulat ng isang mithiin na tulungan ang kanilang mga magulang sa kanilang mga responsibilidad. Kung may oras pa, maaari mong tawagin ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga mithiin nila.