Lesson 80
Doktrina at mga Tipan 76:50–80
Pambungad
Habang ginagawa ang pagsasalin ng Biblia noong Pebrero 16, 1832, gumawa si Joseph Smith ng mga inspiradong pagbabago sa Juan 5:29 hinggil sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid at hindi matwid. Matapos makita ang mga pangitain tungkol sa kaluwalhatian ng Ama at ng Anak, ang pagbagsak ni Lucifer, at mga anak na lalaki ng kapahamakan, ipinakita kina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang mga pangitain tungkol sa mga magiging bahagi ng pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid: ang mananahan sa mga kahariang selestiyal at terestriyal.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 76:50–70
Inihayag ng Panginoon ang mga kailangang gawin para matanggap ang kadakilaan at ang mga pagpapala nito sa kahariang selestiyal
Magdala sa klase ng isang piraso ng tinapay at ng mga sangkap sa paggawa ng tinapay. (O, maaari kang magdala ng ibang uri ng pagkain na nangangailangan ng maraming sangkap.) Isulat sa pisara ang Resipe para sa Tinapay. Sabihin sa mga estudyante na magbanggit ng mga sangkap para sa paggawa ng tinapay, at idispley ang item kapag nabanggit ito ng mga estudyante. (Kung wala kang dalang mga sangkap, maaari mong ilista ang mga ito sa pisara kapag nabanggit nila.) Sabihin sa mga estudyante na ang proseso sa paggawa ng tinapay ay makatutulong sa kanila na maunawaan ang mga katotohanang matutukoy nila sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 76:50–80.
Tulungan ang mga estudyante na marebyu ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 76 sa pagtatanong ng sumusunod:
-
Ano ang ginagawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon bago nila natanggap ang pangitaing nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76? (Isinasalin at pinagninilayan ang Juan 5:29. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong para maalala ang kontekstong ito, ipabasa sa kanila ang huling pangungusap ng pambungad ng bahaging ito.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 5:29. Ipaliwanag na pinagninilayan nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang paglalarawan ni Juan tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ng mga taong gumawa ng mabuti at ng mga taong gumawa ng masama nang matanggap nila ang pangitaing nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:50. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang ipinakita kina Joseph Smith at Sidney Rigdon matapos ang pangitain tungkol sa mga anak na lalaki ng kapahamakan. (Maaari mong ipaliwanag na sa talatang ito, ang ibig sabihin ng salitang matwid ay mabuti.)
-
Ayon sa talata 50, sino ang nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon matapos makita ang pangitain tungkol sa mga anak na lalaki ng kapahamakan? (Ang mga babangon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid.)
Ipaliwanag na inilalarawan sa Doktrina at mga Tipan 76:50–80 ang mga taong mabubuhay na muli sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang Doktrina at mga Tipan 76:70 at alamin ang unang pangkat ng mga tao na mabubuhay na muli sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Isulat sa pisara ang Resipe para Maging Tao na Pang-selestiyal. Ipaliwanag na bilang bahagi ng pangitaing ito, inihayag ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang deskripsyon ng mga taong magmamana ng kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:51–53 at alamin ang mga kailangang gawin (mga sangkap) para maging tao na pang-selestiyal. Sabihin sa mga estudyante na kapag nalaman nila ang isang kailangang gawin, pumunta sila sa pisara at isulat ang nalaman nila.
Matapos isulat ng mga estudyante sa pisara ang mga kailangang gawin, maaari mo silang tulungan na mas maunawaan ang ilang salita o parirala sa mga talatang ito.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “tumanggap ng patotoo ni Jesus”? (D at T 76:51). (Maaaring kabilang sa mga sagot ang pagkakaroon ng pananampalataya sa banal na misyon ng Tagapagligtas at pagsunod sa Kanyang ebanghelyo.)
-
Paano “pinangibabawan ng pananampalataya” ang isang tao? (D at T 76:53). (Ang ibig sabihin ng “pinangibabawan ng pananampalataya” ay napaglabanan ang mga tukso at kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagtitiis sa lahat ng pagsubok.)
-
Ano ang ibig sabihin ng “ibinuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako”? (D at T 76:53). (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang Banal na Espiritu ng Pangako ay ang Espiritu Santo. Tayo ay ibinubuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako kapag ang Espiritu Santo ay sumasaksi sa Ama sa Langit na ang mga ordenansang natanggap natin ay naisagawa nang maayos at matapat tayo sa mga tipang ating ginawa. Pagtitibayin din sa atin ng Espiritu Santo na ang ating katapatan sa mga ordenansa at mga tipan ay katanggap-tanggap sa Diyos.)
Maikling ibuod ang Doktrina at mga Tipan 76:54–68 na ipinapaliwanag na nakatala sa scripture passage na ito ang marami sa mga pagpapala na tatanggapin ng mga dinakilang tao ng kahariang selestiyal. Kung may oras pa, maaari mong sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 76:54–68. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pagpapalang ito. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang anumang pagpapala na pinakamahalaga sa kanila.
-
Alin sa mga pagpapala ang pinakamahalaga sa inyo? Bakit?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:69–70. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iba pang kailangang gawin para makapasok ang isang tao sa kahariang selestiyal.
-
Kahit sinisikap nating magkaroon ng lahat ng kailangang sangkap sa ating buhay, ano ang sinasabi ng mga talatang ito na kailangan pa rin natin upang maging karapat-dapat na mamana ang kahariang selestiyal? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina sa ilalim ng Resipe para Maging Tao na Pang-selestiyal: Tayo ay magiging ganap o perpekto lamang sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)
Ipaliwanag na bagama’t ang pinakamahusay nating pagsisikap na sundin ang lahat ng mga kautusan ay hindi nagpapaganap o nagpapaperpekto sa atin, ang pagsisikap natin ay talagang tumutulong sa atin na maging karapat-dapat na matanggap ang biyaya ng Tagapagligtas at malinis ng Kanyang “ganap na pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kanyang … dugo” (D at T 76:69). Ang katotohanang ito ay maghihikayat sa atin na sundin ang mga kautusan at tanggapin ang mga ordenansa ng kaligtasan para matanggap natin ang mga walang hanggang pagpapalang ito. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang sumusunod na tanong at isulat ang kanilang sagot sa kanilang notebook o scripture study journal:
-
Paano tayo matutulungan ng doktrina sa talata 69 na mapaglabanan ang panghihina ng ating loob habang nagsisikap tayo na matamo ang kadakilaan sa kahariang selestiyal?
Pagkatapos ng sapat na oras, tumawag ng ilang estudyante para magbahagi ng kanilang sagot. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa ginagawa ng Tagapagligtas para matulungan tayo na maging ganap o perpekto.
Doktrina at mga Tipan 76:71–80
Ipinakita kina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang pangitain tungkol sa kahariang terestriyal
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:71. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang kasunod na ipinakita kina Joseph Smith at Sidney Rigdon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ayon sa talatang ito, paano ikinumpara ang kaluwalhatian ng kahariang terestriyal sa kaluwalhatian ng kahariang selestiyal?
Ipaliwanag na gumamit ang mga banal na kasulatan ng magkakaibang katindihan ng liwanag na nagmumula sa buwan at sa araw upang isagisag ang pagkakaiba ng mga kaluwalhatian ng kahariang terestriyal at kahariang selestiyal. Bagama’t ang mga mananahan sa kahariang selestiyal at kahariang terestriyal ay kapwa kabilang sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid, ang mga magkakaroon ng katawang selestiyal ay mabubuhay na muli nang may higit na kaluwalhatian at mga pagpapala kaysa mga yaong magkakaroon ng katawang terestriyal.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:72–80 at alamin kung ano ang pagkakaiba ng mga mananahan sa kahariang terestriyal sa mga mananahan sa kahariang selestiyal. Kapag natapos na ang sapat na oras ng pagbabasa ng mga estudyante, sabihin sa kanila na ilarawan ang mga pagkakaibang nakita nila.
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang ilan sa mga karaniwang deskripsyon ng mga magmamana ng kahariang terestriyal? (Kabilang sa mga sagot ang sumusunod: sila na mga “namatay nang walang batas” [talata 72]; sila na mga “hindi tumanggap ng patotoo ni Jesus sa laman, subalit pagkaraan ay tinanggap ito” [talata 73–74]; “mararangal na tao sa lupa, na nabulag ng panlilinlang ng mga tao” [talata 75]; at “sila [na] mga hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus” [talata 79].)
Upang matulungan ang mga estudyante na lalo pang maunawaan ang tungkol sa mga namatay nang walang batas o mga tumanggap ng ebanghelyo pagkatapos nilang mamatay (tingnan sa mga talata 72–74), ipaliwanag na ang Panginoon ay nagbigay ng karagdagang kaalaman tungkol sa mga taong ito nang ihayag Niya kay Joseph Smith ang lugar na patutunguhan ng kanyang kapatid na si Alvin na namatay na hindi pa nabinyagan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 137:7–9. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Anong karagdagang paliwanag ang ibinigay ng Panginoon hinggil sa mga taong tatanggapin ang ebanghelyo kung sila ay pinahintulutang mabuhay?
-
Ayon sa Doktrina at mga Tipan 137:9, sino ang hahatol sa atin alinsunod sa ating mga gawa at mga naisin ng ating puso?
Basahin ang sumusunod na pahayag: “Alalahanin na tanging Diyos lamang, na nakababatid sa niloloob ng isang tao, ang makagagawa ng huling paghatol sa mga tao” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 128–29). Bigyang-diin na dahil ang Panginoon lamang ang nakakaalam ng niloloob ng ating puso, hindi natin dapat hatulan kung saang kaharian mapupunta ang ibang tao.
-
Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “nabulag ng panlilinlang ng mga tao”? (D at T 76:75). (May mga taong bulag sa kahalagahan ng ebanghelyo ni Jesucristo dahil sa mga impluwensya ng mundo.) Paano nabulag ang ilang tao ng panlilinlang ng mga tao?
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pariralang “hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus” (D at T 76:79), ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ano ang ibig sabihin ng maging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus? …
“Ang matibay na pundasyon ng katatagan alang-alang sa kabutihan ay pagsunod sa buong batas ng buong ebanghelyo. …
“Ang maging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus ay ang maniwala kay Cristo at sa kanyang ebanghelyo nang may di-natitinag na pananalig. …
“Ngunit hindi lamang ito. Higit pa ito sa paniniwala at kaalaman. Dapat tayong maging mga tagatupad ng salita at hindi tagapakinig lamang. Higit pa ito sa pagsasabi lamang; hindi lamang ito paghahayag ng pagiging Banal na Anak ng Tagapagligtas. Ito ay pagsunod at pag-ayon at personal na kabutihan. …
“Ang maging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus ay … ‘magtitiis hanggang wakas.’ (2 Ne. 31:20.) Ito ay ang ipamuhay ang ating relihiyon, gawin ang ating ipinangangaral, sundin ang mga kautusan” (“Be Valiant in the Fight of Faith,” Ensign, Nob. 1974, 35).
-
Isipin ang isang tao na kilala ninyo na maituturing na matatag sa pagpapatotoo kay Jesucristo. Anong mga ugali o kilos ang nagpapakita ng kanilang katatagan?
-
Ano ang nakatulong sa inyo na maging matatag sa inyong pagpapatotoo kay Jesucristo?
-
Kung tayo ay matatag sa pagpapatotoo kay Jesucristo, ano ang makakamtan natin? (Sa pagsagot ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay matatag sa pagpapatotoo kay Jesucristo, makakamtan natin ang kahariang selestiyal ng Diyos. Idagdag ang katotohanang ito sa Resipe para Maging Tao na Pang-selestiyal sa pisara.)
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang bagay na magagawa nila para maging mas matatag sa kanilang pagpapatotoo kay Jesucristo. Magpatotoo na bawat isa sa kanila ay may potensyal na makamtan ang kahariang selestiyal.