Seminaries and Institutes
Lesson 115: Doktrina at mga Tipan 137


Lesson 115

Doktrina at mga Tipan 137

Pambungad

Noong Enero 21, 1836, nagpulong si Propetang Joseph Smith sa silid sa itaas ng halos tapos nang Kirtland Temple kasama ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, ang mga bishopric mula sa Kirtland at Missouri, kanyang ama, at kanyang tagasulat. Nagtipon ang mga kalalakihang ito para pangasiwaan ang mga ordenansa bilang paghahanda sa paglalaan ng templo. Sa pagkakataong ito nakakita ang Propeta ng isang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal at narinig kung paano hahatulan ng Panginoon ang mga namatay nang walang kaalaman tungkol sa ebanghelyo. Si Warren Parrish, ang tagasulat ni Joseph Smith sa pagkakataong iyon, ay itinala ang pangitain sa journal ng Propeta. Bahagi ng tala tungkol sa pangitain ay isinama kalaunan sa Doktrina at mga Tipan bilang bahagi 137.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 137:1–6

Nakita ni Joseph Smith ang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong. (Maaari mong sabihin sa kanila na isulat ang mga sagot nila sa kanilang notebook o scripture study journal.)

  • Sino ang ilan sa mga pinakamahalagang tao sa inyong buhay? Bakit napakahalaga nila sa inyo?

Matapos ang sapat na oras na makapag-isip ang mga estudyante, tawagin ang ilan sa kanila para ibahagi ang kanilang sagot sa klase.

  • Bakit mahalagang malaman ninyo na magkakaroon ng pagkakataon ang mga taong mahal ninyo na manirahan sa kahariang selestiyal?

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 137 ay naglalaman ng paglalarawan ni Joseph Smith ng pangitain kung saan nakita niya ang kahariang selestiyal. Sa paglalarawang ito, binanggit niya ang mga pangalan ng ilan sa mga taong nakita niya roon. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 137 at alamin ang kasaysayan sa likod ng paghahayag na ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 137:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga salita o parirala na naglalarawan sa kahariang selestiyal. Ipabahagi sa mga estudyante ang natukoy nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 137:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung sino ang nakita ni Joseph Smith sa kahariang selestiyal.

  • Sino ang nakita ni Joseph Smith sa kahariang selestiyal? (Ang Ama sa Langit, si Jesucristo, sina Adan, Abraham, ina at ama ni Joseph, at ang kapatid ni Joseph na si Alvin. Makatutulong na ipaliwanag na sa panahong iyon buhay pa ang ama at ina ni Joseph; sa katunayan kasama niya ang kanyang ama sa silid nang makita niya ang pangitaing ito. Ipinahihiwatig nito na ang nakita sa pangitaing ito ay hindi ang mga taong naroon na sa kahariang selestiyal kundi ang mga yaong mapupunta roon sa huli.)

  • Ayon sa talata 6, bakit namangha si Joseph nang makita niya na ang kanyang kapatid na si Alvin ay mapupunta sa kahariang selestiyal?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung bakit napakahalaga kay Joseph Smith ang karanasang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:

Mahal ni Joseph Smith ang kanyang kuya na si Alvin at hinahangaan niya ito. Mahal din ni Alvin si Joseph, at tinulungan niya si Joseph sa kanyang paghahanda na matanggap ang mga gintong lamina mula sa anghel na si Moroni. Noong Nobyembre 1823, noong si Alvin ay 25 taong gulang at si Joseph ay 17, biglang nagkaroon ng malubhang sakit si Alvin. Nang lumala ang kanyang kalagayan at naging malinaw na malapit na siyang mamatay, pinayuhan niya si Joseph: “Gusto ko na maging mabuti kang bata at gawin ang lahat ng abot-kaya mo upang kunin ang mga talaan. Maging matapat ka sa pagtanggap ng tagubilin at sa pagtupad ng bawat kautusan na ibinibigay sa iyo” (sinipi sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 471; tingnan din sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 41–42).

Ang pagkamatay ni Alvin ay nagdulot ng matinding kalungkutan sa pamilya Smith. Isang pastor na Presbyterian sa Palmyra, New York, ang namuno sa libing ni Alvin. “Dahil hindi miyembro ng kongregasyon ng pastor si Alvin, iginiit ng pastor sa kanyang sermon na hindi maliligtas si Alvin. Nagunita ni William Smith, nakababatang kapatid ni Joseph: ‘Ipinagdiinan … [ng pastor] na napunta sa impiyerno [si Alvin], dahil hindi siya miyembro ng simbahan, pero mabait siyang anak kaya hindi nagustuhan ng aking ama ang sinabi nito’” (sinipi sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 471, 473).

Lapida ni Alvin Smith

Lapida na tanda ng pinaglibingan kay Alvin Smith, ang panganay na kapatid ni Propetang Joseph Smith.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang nadama ni Joseph nang makita niya si Alvin sa kahariang selestiyal.

Doktrina at mga Tipan 137:7–10

Inihayag ng Panginoon kung paano Niya hahatulan ang mga taong namatay nang walang kaalaman tungkol sa ebanghelyo

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Bakit makakapasok si Alvin sa kahariang selestiyal bagama’t hindi pa siya nabinyagan noong siya ay nabubuhay pa?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 137:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang katotohanan na makatutulong na masagot ang tanong sa pisara.

  • Anong katotohanan ang inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith na sumasagot sa tanong na nasa pisara? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Lahat ng taong namatay nang walang kaalaman tungkol sa ebanghelyo, na tatanggapin ito kung nabigyan ng pagkakataon, ay magmamana ng kahariang selestiyal.)

  • Paano maaaring makapanatag ang katotohanang ito sa mga yaong ang mga mahal sa buhay ay namatay nang walang kaalaman sa ebanghelyo?

Ipaliwanag na inihayag ng Panginoon ang katotohanan sa Doktrina at mga Tipan 137:7–8 bago Niya inihayag ang alituntunin ng pagbibinyag para sa mga patay. Pag-aaralan ng mga estudyante ang mga paghahayag tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay sa mga susunod na lesson.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 137:9, at sabihin sa klase na tukuyin kung ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa paraan ng paghatol Niya sa lahat ng tao.

  • Ayon sa talata 9, paano tayo hahatulan ng Panginoon? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat kakitaan ang mga sagot nila ng sumusunod na alituntunin: Hahatulan tayo ng Panginoon alinsunod sa ating mga gawa at pagnanais ng ating mga puso. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Sa inyong palagay, bakit parehong mahalaga ang ating mga naisin at mga gawa?

Basahin nang malakas ang mga sumusunod na halimbawa. Pagkatapos ng bawat halimbawa, ipasagot sa mga estudyante ang tanong na ito:

  • Paano inilalarawan ng halimbawang ito ang kahalagahan ng ating mga naisin at mga gawa?

  1. Nais ng isang miyembro ng Simbahan na maikasal sa templo. Matapos ang tapat na paglilingkod sa Simbahan, ang miyembrong ito ay namatay nang hindi nagkakaroon ng pagkakataong maibuklod sa templo.

  2. Matapat na tinutupad ng isang binatilyo ang kanyang tipan sa binyag at ginagawa ang kanyang mga tungkulin sa Aaronic Priesthood. Gusto niyang magmisyon pero hindi niya ito nagawa dahil sa pisikal na kapansanan.

  3. Masama ang loob ng isang dalagita sa isa pang dalagita. Nagkukunwari siyang mabait pero lihim niyang ninanais na may masamang mangyari sa dalagitang ito.

  4. Nag-iisip nang malaswa ang binatilyong ito at hindi siya humihingi ng tulong sa Panginoon upang mabago niya ang kanyang masasamang kaisipan at damdamin.

Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Nakatitiyak ba tayo na wala tayong magiging kasalanan sa ilalim ng batas ng Diyos kapag hindi tayo gumagawa nang masama? Paano kung nag-iisip tayo ng masama at naghahangad ng masama?

“Ang pagkapoot bang nadarama sa puso ay hindi mapapansin sa araw ng paghuhukom? Hindi ba mapapansin ang pagkainggit? Ang pag-iimbot? …

“Ang sagot natin sa mga tanong na iyan ay maaaring magpahiwatig ng hindi mabuting balita, na maaari tayong magkasala nang hindi nakikita sa ating kilos, kundi sa ating mga damdamin at ninanais ng ating puso.

“Mayroon ding mabuting balita. Sa ilalim ng batas ng Diyos, tayo ay gagantimpalaan sa kabutihan bagama’t hindi natin nagawa ang isang bagay na karaniwang nauugnay sa gayong mga pagpapala.

“Kapag may gustong gawin ang isang tao para sa aking biyenang lalaki ngunit hindi ito natuloy dahil sa may nangyari, sasabihin niyang, ‘Salamat. Hindi mo man ito nagawa ay naalala mo ako.’ Tulad nito, naniniwala ako na tatanggapin ng ating Ama sa Langit ang tunay na naisin ng ating puso bilang kapalit ng gawang talagang imposibleng maisagawa” (“The Desires of Our Hearts,” Ensign, Hunyo 1986, 66).

  • Paano nakaimpluwensya sa inyo ang kaalamang kayo ay hahatulan alinsunod sa inyong mga gawa at pagnanais ng inyong puso?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 137:10, at sabihin sa klase na alamin ang iba pang katotohanan na itinuro ng Panginoon tungkol sa mga magmamana ng kahariang selestiyal.

  • Ayon sa talata 10, sino ang maliligtas sa kahariang selestiyal? (Dapat maipahayag ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Lahat ng batang namatay bago sila sumapit sa gulang ng pananagutan ay maliligtas sa kahariang selestiyal.)

Ipaalam sa mga estudyante na noong matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na ito, sila ni Emma ay namatayan na ng apat sa kanilang mga anak, kasama ang isang ampon na sanggol. Kalaunan, dalawa pa sa kanilang mga anak na sanggol ang pumanaw.

lapida ng sanggol na si Alvin Smith

Lapida na tanda ng pinaglibingan kay Alvin Smith, ang sanggol na anak nina Joseph at Emma Smith.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano magdudulot ng kapanatagan sa mga pamilyang nagdadalamhati sa pagkamatay ng kanilang batang anak ang katotohanang inihayag sa talata 10. Maaari silang bigyan ng oras na pag-isipan ang mga karanasan nila o ng kanilang pamilya nang magdulot sa kanila ng kapanatagan ang katotohanang ito.

  • Ano ang natutuhan ninyo sa Doktrina at mga Tipan 137 tungkol sa pagsisikap ng Panginoon na ibigay sa lahat ng tao ang pagkakataon na makapanirahan sa kahariang selestiyal?

Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon. Maaari mo ring bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magpatotoo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 137:9. Hahatulan alinsunod sa ating mga gawa at pagnanais

Nagbabala si Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa dalawang posibleng maling pagkaunawa sa kahulugan ng Doktrina at mga Tipan 137:9:

Elder Dallin H. Oaks

“Una, dapat nating tandaan na ang pagnanais ay kapalit lamang kapag talagang imposible ang paggawa. Kung tatangkain nating gawing imposible ang isang gawain para pagtakpan ang kawalan natin ng tunay na hangarin at samakatwid ay hindi ginawa ang lahat ng ating makakaya upang gawin ang iniuutos sa atin, niloloko natin ang ating sarili, ngunit hindi natin malilinlang ang Makatarungang Hukom.

“Upang pumalit sa paggawa, ang hangarin ay hindi maaaring maging paimbabaw, pabigla-bigla, o pansamantala. Ito ay dapat na taos-puso, tapat at lubos. Upang matamo ang mga pagpapala, dapat lubos na tapat ang mga pagnanais ng ating puso upang matawag ito na maka-Diyos.

“Pangalawa, huwag nating isipin na ang pagnanais ng ating puso ay maaaring magsilbing kapalit para sa mga ordenansa ng ebanghelyo. Isipin ang mga salita ng Panginoon sa pag-uutos na gawin ang dalawang ordenansa ng ebanghelyo: ‘Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.’ (Juan 3:5.) At tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatiang selestiyal, nakasaad sa makabagong paghahayag, ‘Upang matamo ang pinakamataas, ang isang tao ay kailangang pumasok sa orden na ito ng pagkasaserdote [ibig sabihin ang bago at walang hanggang tipan ng kasal].’ (D at T 131:2.) Walang eksepsyon na ipinahiwatig o ibinigay sa mga utos na ito saanman sa mga banal na kasulatan.

“Sa katarungan at awa ng Diyos, ang mahihigpit na kautusang ito na nauukol sa mahahalagang ordenansa ay binalanse sa pamamagitan ng pagbibigay ng karapatan ng Diyos na isagawa ang mga ordenansang iyon sa pamamagitan ng proxy para sa mga yaong hindi natanggap ang mga ordenansang ito sa buhay na ito. Sa gayon, ang isang tao sa daigdig ng mga espiritu na nagnanais na maisagawa sa kanya ang mga ordenansa ay napagpapala sa pakikibahagi sa ordenansa na para bang siya mismo ang gumawa nito. Sa paraang ito, sa pamamagitan ng mapagmahal na paglilingkod ng mga buhay na nag-proxy, nagagantimpalaan din ang mga yumao para sa naisin ng kanilang puso” (“The Desires of Our Hearts,” Ensign, Hunyo 1986, 67).

Doktrina at mga Tipan 137:10. Ang kaligtasan ng batang maliliit na namatay

Ikinuwento ni Elder Shayne M. Bowen ng Pitumpu ang isang karanasan na nagpapakita ng kapangyarihan ng katotohanan na itinuro sa Doktrina at mga Tipan 137:10:

Elder Shayne M. Bowen

“Noong mga missionary pa kami sa Chile, nakilala namin ng kompanyon ko ang isang pamilya sa branch na may limang anak. Nagsisimba linggu-linggo ang ina kasama ang kanyang mga anak. Inakala naming matagal na silang miyembro ng Simbahan. Makaraan ang ilang linggo nalaman namin na hindi pa sila nabinyagan.

“Kaagad kaming nakipag-ugnayan sa pamilya at itinanong namin kung maaari namin silang puntahan sa bahay at turuan. …

“Mabilis na natutuhan ni Sister Ramirez ang mga lesson. Gustung-gusto niyang malaman ang lahat ng doktrinang itinuturo namin. Isang gabi nang tinatalakay namin ang pagbibinyag sa sanggol, itinuro namin na ang mga bata ay walang kasalanan at hindi kailangang binyagan. Inanyayahan namin siyang basahin sa Aklat ni Moroni ang: …

“‘Subalit ang maliliit na bata ay buhay kay Cristo, maging mula pa sa pagkakatatag ng daigdig; kung hindi gayon, ang Diyos ay isang may pagkiling na Diyos, at isa ring pabagu-bagong Diyos, at may pagtatangi sa mga tao; sapagkat kayraming maliit na bata ang mga nangamatay nang walang binyag!’ [Moroni 8:12.]

“Pagkabasa ng talatang ito, nagsimulang humikbi si Sister Ramirez. Nagtaka kami ng kompanyon ko. Itinanong ko, ‘Sister Ramirez, may nasabi po ba kami o ginawa na nakasakit ng damdamin ninyo?’

“Sabi niya, ‘Naku, wala, Elder, wala kayong ginawang mali. Anim na taon na ang nakalipas, mayroon kaming anak na lalaki. Namatay siya nang hindi namin napabinyagan. Sinabi sa amin ng pari na dahil hindi siya nabinyagan, walang hanggan siyang mamamalagi sa limbo. Sa loob ng anim na taon dala-dala ko ang sakit at panunurot ng budhi dahil diyan. Pagkabasa ko ng talatang ito, alam ko sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na ito ay totoo. Dama kong nawala ang mabigat na pasanin ko, at naiiyak ako dahil sa tuwa.’ …

“Matapos pagdusahan ang halos di-makayanang pighati at pasakit nang anim na taon, ang totoong doktrina, na inihayag ng mapagmahal na Ama sa Langit sa pamamagitan ng kanyang buhay na propeta, ay nagdulot ng kapanatagan sa nagdadalamhating inang ito. Mangyari pa, si Sister Ramirez at kanyang mga anak na walong taong gulang at pataas ay nabinyagan” (“Sapagka’t Ako’y Nabubuhay, ay Mangabubuhay Rin Naman Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 15–16).