Seminary
Lesson 42: Doktrina at mga Tipan 38:1–16


Lesson 42

Doktrina at mga Tipan 38:1–16

Pambungad

Noong Disyembre 1830 ipinahayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ang utos na magtipon ang Simbahan sa Ohio (tingnan sa D at T 37). Noong 1831 ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 38, na nagpapaliwanag ng ilang dahilan kung bakit kailangang magtipon sa Ohio ang mga Banal. Nagbigay din Siya ng mga kautusan na gagabay sa kanila sa pagtitipon. Ang lesson na ito ay sumasaklaw sa unang 16 na talata ng bahagi 38. Sa paghahayag na ito, sinabi ni Jesucristo sa mga miyembro ng Simbahan na Siya ay nasa gitna nila. Inilarawan din Niya kung sino ang makatatagal sa Kanyang Ikalawang Pagparito, binalaan ang mga Banal laban sa mga panganib, at hinikayat ang mga Banal.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 38:1–7

Sinabi ni Jesucristo sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan na Siya ay nasa gitna nila

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang ilang kautusan na sa palagay nila ay madali para sa kanila na sundin. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na isipin kung aling mga kautusan ang mahirap para sa kanila na sundin at bakit. (Maaari ding isulat ng mga estudyante ang mga naisip nilang ito kung komportable silang gawin iyon.)

  • Bakit kaya mahirap para sa ating sundin ang ilang kautusan?

  • Ano ang nakahikayat sa inyo na sundin ang mga kautusan na mahirap para sa inyo na sundin?

Ipaalala sa mga estudyante na noong Disyembre 1830, iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga Banal sa New York na magtipon sa Ohio (tingnan sa D at T 37). Para sa ilan sa mga miyembrong ito ng Simbahan, napakahirap sundin ang utos na ito. Noong Enero 2, 1831, ang mga Banal mula sa iba’t ibang sangay sa New York ay nagpulong sa bahay ni Peter Whitmer Sr. para sa ikatlong kumperensya ng Simbahan. Sa kumperensya, ilang miyembro ng Simbahan ang nagtanong tungkol sa utos na lumipat sa Ohio.

  • Sa palagay ninyo, bakit maaaring mahirap para sa ilang Banal na sundin ang utos na iwan ang New York at magtipon sa Ohio?

Maaaring kailangan mong ipaliwanag na hindi lahat ng nasa kumperensya ay naunawaan ang karunungan sa kautusang ito. Hindi tinanggap ng ilan na sinabi ito ng Panginoon, at nagdalawang-isip na iwan ang kanilang masaganang bukirin at komportableng kalagayan kapalit ng bagong lugar kung saan wala silang katiyakan. Posibleng malugi ang marami kapag ipinagbili nila ang kanilang ari-arian at maaaring hindi pa nga maipagbili ng ilan ang kanilang mga ari-arian.

Ipaliwanag na noong kumperensya ng Enero 1831, nanalangin si Joseph Smith sa Panginoon para malaman pa ang tungkol sa kautusan na magtipon sa Ohio. Sumagot ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 38. Ipaalam sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng paghahayag na ito, malalaman nila ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila na magpasiya tungkol sa mga kautusang nahihirapan silang sundin.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 38:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga katotohanang malalaman natin tungkol kay Jesucristo. Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang mga salita at parirala na may kaugnayan sa kanilang mga sagot.

  • Anong mga katotohanan tungkol kay Jesucristo ang malalaman natin sa mga talatang ito? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tulungan silang matukoy ang sumusunod na doktrina: Alam ni Jesucristo ang lahat ng bagay.)

  • Paano nakatulong sa mga Banal na inutusang lumipat sa Ohio ang pagkaunawang nalalaman ni Jesucristo ang lahat ng bagay?

  • Paano kaya nakatutulong din sa atin ang katotohanang ito kapag nahihirapan tayong sundin ang mga kautusan ng Panginoon?

Ipaliwanag na bago matanggap ang paghahayag na ito, ginagawa na ni Joseph Smith ang inspiradong rebisyon ng Biblia at natanggap ang tinatawag na ngayon na Moises 6–7 sa Mahalagang Perlas. Ang mga kabanatang ito ay tala tungkol sa isang propetang nagngangalang Enoc at kanyang mga tao. Dahil sa kanilang kabutihan at pagkakaisa, tinawag ng Panginoon ang mga taong ito na Sion. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 38:4 at alamin ang ginawa ng Panginoon para kay Enoc at sa kanyang mga tao. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na nang gamitin ng Panginoon ang pariralang “sa aking sinapupunan,” ang binabanggit Niya ay ang Kanyang kinaroroonan.

  • Ayon sa talata 4, ano ang isang bagay na ginawa ng mga tao ni Enoc na naging dahilan kaya iniangat sila ng Panginoon sa langit? (Naniwala sila sa Kanyang pangalan.)

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na ginawa Niya para sa mga naniwala sa Kanyang pangalan? Ano ang nadama ninyo sa Tagapagligtas dahil sa Kanyang ginawa?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 38:5–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ni Jesucristo tungkol sa kinaroroonanan Niya.

  • Ayon kay Jesucristo saan Siya naroroon?

  • Kailan ninyo nadama na malapit sa inyo ang Tagapagligtas kahit hindi ninyo Siya nakikita ng inyong mga mata?

Doktrina at mga Tipan 38:8–12

Inilarawan ng Panginoon kung sino ang makatatagal sa Kanyang Ikalawang Pagparito

Ipakita ang larawang Ang Ikalawang Pagparito (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 66; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na habang ipinapaunawa ng Tagapagligtas sa mga Banal sa New York ang kahalagahan ng pagtitipon sa Ohio, binanggit Niya ang Kanyang Ikalawang Pagparito.

Larawan
Ang Ikalawang Pagparito

Sabihin sa ilang estudyante na magsaIitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 38:8–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang inihayag ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang mga “makatatagal sa araw” (D at T 38:8) ng Ikalawang Pagparito ay ang mga taong hindi nalipol at sa halip ay nananatiling narito sa mundo kasama ang Tagapagligtas kapag Siya ay dumating.

  • Paano makatutulong sa atin ang mga talatang ito na maunawaan na mahalagang maging dalisay at malinis bago ang Ikalawang Pagparito?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 38:11–12 at alamin ang paglalarawan ng Panginoon sa mga kalagayang mangyayari sa mundo bago ang Ikalawang Pagparito. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga talatang ito, maaari mong ipaliwanag na ang paglalarawan sa mga anghel na naghihintay na “gapasin ang mundo” ay tumutukoy sa talinghaga sa Bagong Tipan tungkol sa trigo at mga pangsirang damo [tingnan sa Mateo 13:24–30; D at T 86:1–7], kung saan ang trigo [ang mabubuti] ay tinipon bago sunugin ang mga pangsirang damo [ang masasama].)

  • Anong katibayan ang nakikita ninyo na ang mga kalagayang inilarawan sa talata 11 ay nangyayari pa rin ngayon?

  • Ano ang magagawa natin upang manatiling dalisay sa gitna ng mga kalagayang ito?

Doktrina at mga Tipan 38:13–16

Binalaan ng Panginoon ang mga Banal laban sa mga panganib at hinikayat sila

Ipaliwanag na bukod pa sa pagsasalita tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito, nagbabala ang Panginoon tungkol sa panganib na kinakaharap ng mga Banal. Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 38:12 at itanong ang sumusunod:

  • Sa katapusan ng talata 12, ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa mga kaaway ng mga Banal?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pariralang “ang kaaway ay nagsama-sama” ay karaniwang tumutukoy sa katotohanang si Satanas at ang kanyang mga puwersa ay nagsama-sama laban sa mga Banal sa mga huling araw. Maaaring tinutukoy din nito ang mga tao na mga kaaway ng mga Banal sa panahong ibinigay ang paghahayag. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 38:13 at sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga intensyon ng mga kaaway na ito na nagsama-sama. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang magagawa ng Panginoon kapag nasa panganib tayo? (Maaaring magbigay ng iba’t ibang sagot ang mga estudyante. Tiyaking mabigyang-diin ang sumusunod na alituntunin, at isulat ito sa pisara: Mababalaan tayo ng Panginoon laban sa panganib.)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali na pagnilayan ang mga mensaheng ibinigay sa atin ng mga propeta ng Panginoon sa pangkalahatang kumperensya at sa pamamagitan ng mga lathalain ng Simbahan.

  • Sa anong mga paraan nagsisilbing mga babala mula sa Panginoon ang mga mensaheng ito laban sa mga espirituwal o pisikal na panganib na kinakaharap natin?

  • Sa anong mga paraan kayo nabalaan laban sa espirituwal o pisikal na panganib?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 38:14–15 at alamin kung paano hinikayat ng Panginoon ang mga Banal sa panahong ito ng panganib at kawalang-katiyakan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 38:16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal para sa kanilang kaligtasan. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang kautusang tinukoy ay ang utos na umalis sa New York at pumunta sa Ohio.

  • Paano maaaring nagsilbing pisikal na kaligtasan ng mga Banal ang utos na umalis sa New York?

  • Paano maaaring nagsilbing espirituwal na kaligtasan ng mga Banal ang utos na magtipon sa Ohio?

Dagdagan ang alituntunin sa pisara para mabasa nang ganito: Tayo ay mababalaan ng Panginoon laban sa panganib at mabibigyan tayo ng mga kautusan para sa ating proteksyon.

  • Paano tayo mapoproteksyunan ng pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon?

  • Kailan ninyo nadama na kayo ay pinoproteksyunan dahil sinunod ninyo ang isang kautusan? (Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan nang mabuti ang kanilang mga sagot bago sila pasagutin.)

Sabihin sa mga estudyante na isiping muli ang aktibidad sa simula ng klase kung saan inisip nila ang mga kautusan na nahihirapan silang sundin. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano magiging pagpapala mula sa Panginoon ang mga kautusang ito upang maprotektahan sila sa espirituwal o pisikal na panganib.

  • Paano makahihikayat sa inyo ang pag-unawa sa katotohanang nakasulat sa pisara na sundin ang mga kautusan ng Panginoon, lalo na kapag parang mahirap sundin ang mga kautusang iyon?

Magtapos sa pag-anyaya sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga patotoo tungkol sa kakayahan ng Panginoon na balaan tayo laban sa panganib at magbigay ng mga kautusan na, kung susundin, ay magbibigay sa atin ng proteksyon. Maaari mo ring patotohanan ang katotohanang ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 38:16. “Para sa inyong kaligtasan ay binibigyan ko kayo ng isang kautusan”

Itinuro ni Pangulong George Albert Smith:

Larawan
Pangulong George Albert Smith

“Noong bata pa ako naunawaan ko, o akala ko’y naunawaan ko, na ang mga utos ng Panginoon ay Kanyang mga batas at tuntunin para patnubayan ako. Akala ko na naunawaan ko na sa pagsuway sa mga batas na iyon ay susunod ang kaparusahan. … Ngunit nang magkaedad ako natutuhan ko ang aral sa ibang aspeto nito, at ngayon para sa akin ang tinatawag na mga batas ng Panginoon … ay magiliw na musika lamang ng tinig ng ating Ama sa Langit sa awa Niya sa atin. Ang mga ito ay tagubilin at payo lamang ng isang mapagmahal na magulang, na mas nag-aalala sa ating kapakanan kaysa mga magulang sa lupa, at dahil dito, ang dati-rating tila marahas na batas sa akin ay mapagmahal at magiliw na tagubilin na ngayon ng isang napakatalinong Ama sa Langit. Kaya nga sinasabi ko na hindi mahirap para sa akin ang maniwala na pinakamainam para sa akin na sundin ang mga utos ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: George Albert Smith [2011], 215).

Print