Seminaries and Institutes
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 41–44 (Unit 10)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 41–44 (Unit 10)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 41–44 (unit 10) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 41)

Mula sa Doktrina at mga Tipan 41, nalaman ng mga estudyante na nalulugod ang Panginoon na pagpalain tayo kapag nakikinig at sumusunod tayo sa Kanya, at nagiging mga disipulo tayo ni Jesucristo kapag tinatanggap natin ang Kanyang mga batas at sinusunod ang mga ito. Sa pag-aaral tungkol sa tungkulin ni Edward Partridge na maging unang bishop ng Simbahan, nalaman din ng mga estudyante na ang mga bishop ay tinatawag ng Diyos, sinasang-ayunan ng tinig ng mga miyembro, at inoordenan ng taong mayroong wastong awtoridad.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 42:1–29)

Ang Doktrina at mga Tipan 42 ay kilala bilang “batas ng Simbahan.” Sa pag-aaral ng mga estudyante ng unang bahagi ng batas ng Simbahan, nalaman nila na kung mananalangin tayo nang may pananampalataya, matatanggap natin ang Espiritu na tutulong sa atin sa pagtuturo sa iba. Bukod dito, nalaman ng mga estudyante na alam ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay at nagpapatotoo sa Ama at sa Anak. Kabilang sa maraming batas at kautusan na pinag-aralan sa bahaging ito ng Doktrina at mga Tipan 42, pinag-aralan ng mga estudyante ang katotohanan na kung pagnanasaan natin ang isang tao, itinatatwa natin ang pananampalataya at nawawala sa atin ang Espiritu.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 42:30–93)

Sa pag-aaral at pagtuturo nila ng tungkol sa batas ng paglalaan ng Panginoon, nalaman ng mga estudyante na dapat nating pangalagaan ang mga maralita at ang mga nangangailangan at kapag gumawa tayo ng mabuti sa iba, ginagawa natin ito sa Panginoon. Natukoy din ng mga estudyante na kung magtatanong tayo, bibigyan tayo ng Panginoon ng kaalaman na magdudulot sa atin ng kapayapaan at kagalakan. Tinapos nila ang lesson nang nalalaman na ang mga pagkakasalang ginawa nang hindi hayagan ay dapat lutasin din nang hindi hayagan.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 43–44)

Sa Doktrina at mga Tipan 43, nalaman ng mga estudyante na tanging ang Pangulo ng Simbahan lamang ang tatanggap ng mga paghahayag para sa buong Simbahan. Naunawaan din ng mga estudyante na ang layunin ng mga miting ng Simbahan ay turuan at palakasin ang isa’t isa, at dapat tayong kumilos ayon sa mga katotohanang nalaman natin. Matapos pag-aralan kung paano iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga anak na magsisi at ihanda ang kanilang sarili para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, nalaman ng mga estudyante na sa panahon ng Milenyo, si Satanas ay igagapos at si Jesucristo ay maghahari sa Kanyang mga tao sa mundo.

Pambungad

Sa lesson na ito, ang mga estudyante ay magtutuon sa mga turo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 42 hinggil sa kamatayan at paggaling, na hindi natalakay sa mga home-study lesson ng mga estudyante.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 42:43–52

Nagbigay ng payo ang Panginoon hinggil sa kamatayan at paggaling

Sa isang kamay, hawakan ang isang maliit na bote o maliit na lalagyan ng inilaang langis para sa pagpapagaling sa maysakit; sa kabilang kamay, hawakan ang isang bote ng gamot.

  • Saan ginagamit ang mga bagay na ito?

  • Alin sa mga ito ang dapat nating asahan kapag may karamdaman tayo?

Matapos na maikling magbahagi ng kanilang sagot ang mga estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:43–44. Sabihin sa klase na alamin ang tagubilin ng Panginoon tungkol sa dapat nating gawin sa panahon ng karamdaman. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga talatang ito, maaaring makatulong na ipaliwanag na ang mga halamang gamot at pagkaing madaling matunaw na binanggit sa talata 43 ay tumutukoy sa panggagamot na karaniwang ginagawa sa panahon na ibinigay ang paghahayag na ito.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang paggaling ay maaaring mangyari sa pamamagitan ng pananampalataya at pagpapagamot, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Bago magbasa ang estudyante, sabihin sa klase na pakinggan kung paano nangyayari ang paggaling sa pamamagitan ng pananampalataya at pagpapagamot sa doktor.

Elder Dallin H. Oaks

“Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa paggamit ng pinakamainam na kaalaman at pamamaraan ng siyensya. Gumagamit tayo ng nutrisyon, ehersisyo, at iba pang mga kaugalian para maingatan ang kalusugan at nagpapatulong sa mga manggagamot, tulad ng mga doktor at siruhano, upang maipanumbalik ang kalusugan.

“Ang paggamit ng siyensya ng medisina ay hindi salungat sa ating mga panalangin ng pananampalataya at pananalig sa mga basbas ng priesthood. …

“Mangyari pa hindi tayo naghihintay na maubos ang lahat ng iba pang paraan bago manalangin nang may pananampalataya o magbigay ng mga basbas ng priesthood para sa pagpapagaling. Sa mga emergency, mga panalangin at basbas ang nauuna. Kadalasan ay sabay-sabay nating ginagawa ang lahat” (“Pagpapagaling ng Maysakit,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 47).

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga sa atin na gumamit ng panalangin at mga basbas ng priesthood at magpagamot rin sa doktor para gumaling kapag may karamdaman?

  • Ayon sa talata 44, bawat tao ba na maysakit na nakatanggap ng basbas ng priesthood ay gagaling?

Sabihin sa mga estudyante na ipinaliwanag ng Panginoon kung bakit maaaring hindi gumaling ang ilang nakatanggap ng basbas ng priesthood. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga alituntunin na sumasaklaw kung ang isang tao ay mapagagaling bunga ng basbas ng priesthood.

  • Ayon sa talata 48, ano ang pinakamahalagang bagay na nagpapasiya sa kahihinatnan ng basbas ng priesthood? (Kung ang isang tao ay may pananampalataya kay Jesucristo at hindi pa nakatakdang mamatay, siya ay gagaling. Maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “hindi itinakda sa kamatayan” ay tumutukoy sa katotohanan na ang kamatayan o paggaling ay mangyayari ayon sa panahon, karunungan, at kalooban ng Panginoon.)

  • Bakit hindi mapapagaling ang lahat ng may pananampalataya kay Jesucristo?

  • Bakit mahalagang manalig sa kalooban at takdang panahon ng Diyos para sa bawat isa sa atin?

Sabihin sa mga estudyante na tumukoy ng isang alituntunin na matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 42:48 tungkol sa paggaling mula sa ating mga karamdaman. Bagama’t maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, dapat makita sa kanilang mga sagot ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay may pananampalataya kay Jesucristo, mapapagaling tayo ayon sa Kanyang kalooban. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita o parirala sa talata 48 na nagtuturo ng alituntuning ito.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang ating pananampalataya ay dapat nakatuon kay Jesucristo sa halip na sa mga resultang hinahangad natin, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang dahilan kung bakit mahalagang nakatuon ang ating pananampalataya kay Jesucristo.

Elder Dallin H. Oaks

“Bilang mga anak ng Diyos, batid ang Kanyang dakilang pag-ibig at sukdulang kaalaman kung ano ang mainam para sa ating walang hanggang kapakanan, nagtitiwala tayo sa Kanya. Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtitiwala. Nadama ko ang pagtitiwalang iyan sa mensaheng ibinigay ng pinsan ko sa burol ng isang babaeng tinedyer na namatay sa malubhang karamdaman. Sinambit niya ang mga salitang ito, na ikinamangha ko noong una at nagpasigla sa akin kalaunan: ‘Alam ko na kalooban ng Panginoon na mamatay siya. Naalagaan siya nang husto. Nabigyan siya ng mga basbas ng priesthood. Nasa temple prayer roll ang pangalan niya. Daan-daan ang nanalangin na manumbalik ang kanyang kalusugan. At alam ko na sapat ang pananampalataya ng pamilyang ito na gagaling siya maliban kung kalooban ng Panginoon na iuwi na siya ngayon.’ Nadama ko ang pagtitiwalang iyon sa mga salita ng ama ng isa pang natatanging babaeng tinedyer na namatay [sa kanser] kamakailan. Ipinahayag niya, ‘Ang pananampalataya ng aming pamilya ay na kay Jesucristo, at hindi batay sa mga kahihinatnan.’ Ang mga turong iyon ay akma sa akin. Ginagawa natin ang lahat para gumaling ang isang mahal sa buhay, pagkatapos ay nagtitiwala tayo sa Panginoon sa kahihinatnan niyon” (“Pagpapagaling ng Maysakit,” 50).

  • Paano nagpakita ng pananampalataya kay Jesucristo ang mga taong binanggit ni Elder Oaks?

  • Kung minsan nangangailangan ng higit na pananampalataya na makitang pumanaw ang isang mahal sa buhay o nagkasakit nang matagal kaysa makita silang buhay o napagaling. Sa palagay ninyo, bakit ito gayon?

  • Bakit kaya mahalagang manalig kay Jesucristo kahit hindi natin natanggap ang resultang gusto natin?

Itanong sa mga estudyante kung may kilala silang mga tao na namatay kahit na sinunod pa ang bilin ng doktor at naghangad na mapagaling sa pamamagitan ng panalangin at mga basbas ng priesthood. (Maging sensitibo lalo na sa mga nakaranas ng ganitong sitwasyon.) Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:45–47. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salita o mga parirala na maaaring magbigay ng kapanatagan sa taong namatayan ng mahal sa buhay.

  • Sinasabi sa atin ng talata 45 na talagang magdadalamhati tayo sa pagkamatay ng mga mahal natin sa buhay. Anong doktrina ang itinuro sa talata 46 na maaaring magbigay ng kapanatagan sa mga nagdadalamhati sa pagkamatay ng mahal nila sa buhay? (Matamis ang kamatayan sa mga namatay sa Panginoon. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan nila ang mga salita o parirala na nagtuturo ng katotohanang ito.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng namatay sa Panginoon? (Ang isang paliwanag dito ay tapat na nagtiis ang isang tao at tinupad ang mga sagradong tipan hanggang sa panahon ng kanyang kamatayan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “matamis” ang kamatayan sa mga namatay sa Panginoon? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na bagama’t ang matapat na tao na namatay ay maaaring naghirap muna sa sakit na naramdaman, ang pangakong ito ay tumutukoy sa kapayapaan at kapahingahan na mararanasan niya sa daigdig ng mga espiritu.)

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung sila ay nabubuhay sa paraan na magiging “matamis” sa kanila ang kamatayan kung mangyayari man ito ngayon. (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang naisip nila sa kanilang notebook o scripture study journal.)

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang itinuro sa lesson ngayon.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 45–48)

Itanong sa mga estudyante kung nakadama sila ng pagkabalisa o pag-aalala tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ipaliwanag na sa susunod na unit marami silang malalaman tungkol sa mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ano ang mangyayari kapag dumating si Jesucristo? Ano ang magagawa natin upang makapaghanda para sa araw na iyon?