Seminary
Lesson 7: Ang Responsibilidad ng Estudyante


Lesson 7

Ang Responsibilidad ng Estudyante

Pambungad

Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan ang mga estudyante na magawa ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo. Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, “Ang tunay na pagbabalik-loob ay nakasalalay sa isang estudyante na malayang hinahangad ito nang may pananampalataya, nang may malaking pagsisikap” (“We Must Raise Our Sights” [mensahe sa CES religious educators], Ago. 14, 2001], 4, LDS.org). Habang tinutulungan mo ang mga estudyante na gampanan ang kanilang papel sa proseso ng pagkatuto, malalaman nila kung paano anyayahan ang personal na paghahayag at palalimin ang kanilang pagbabalik-loob sa Panginoon. Maaaring kailangan mong balikan nang madalas ang mga alituntuning itinuro sa lesson na ito upang ipaalala sa mga estudyante ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang responsibilidad ng titser, ng estudyante, at ang gawain ng Espiritu Santo sa pag-aaral ng ebanghelyo

Magdala ng pagkain o inumin sa klase (tulad ng prutas o tinapay o isang basong tubig). Papuntahin ang dalawang estudyante sa harapan ng klase. Sabihin sa isa sa mga estudyante na tikman ang pagkain o inumin. Sabihin sa unang estudyante na ilarawan ang lasa ng pagkain (o inumin) sa pangalawang estudyante. Hikayatin siya na ilarawan itong mabuti para mabusog o mapawi ang uhaw ng pangalawang estudyante. Pagkatapos ay itanong sa pangalawang estudyante ang mga sumusunod:

  • Ano ang napakinabangan mo sa pagkain (o inumin) na inilarawan ng iyong kaklase?

  • Gaano napawi ng paglalarawan ng kaklase mo ang gutom (o uhaw) mo?

  • Ano ang dapat mong gawin para lumakas o makinabang sa pagkain (o inuming) ito?

Itanong sa klase kung ano ang koneksyon ng halimbawang ito ng pagtugon sa mga pisikal na pangangailangan ng ating katawan sa ating responsibilidad na mag-aral o umunlad sa espirituwal.

Ipaliwanag na iniisip ng ilang tao na nakasalalay una sa lahat sa titser ang responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo. Gayunman, tulad ng inihalimbawa na pagkain o inumin, hindi maaari na ang ibang tao ang umunawa o magtamo ng malalim na patotoo sa mga espirituwal na katotohanan para sa isang tao. Bawat isa sa atin ay kailangang matutuhan at maipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo para sa ating sarili upang matanggap ang espirituwal na lakas at pag-unlad.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:118. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang mga salita o mga parirala na naglalarawan ng ating responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo.

  • Anong mga salita o parirala ang naglalarawan ng responsibilidad natin sa pag-aaral ng ebanghelyo? (“Masigasig na maghanap,” “turuan ang bawat isa,” “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.” Maaari mong sabihin sa isang estudyante na ilista sa pisara ang mga pariralang ito kapag binanggit ng mga kaklase niya ang mga ito.)

  • Pamilyar tayo sa kahulugan ng maghangad na matuto “sa pamamagitan ng pag-aaral.” Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya”?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang nilalaman ng pariralang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Kung maaari, magbigay ng kopya para sa bawat estudyante o isulat sa pisara ang pahayag bago magsimula ang klase. Sabihin sa klase na hanapin ang mga salita o mga parirala na tutulong sa kanila na maunawaan ang utos ng Panginoon na maghangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya.

Larawan
Elder David A. Bednar

Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng pagsisikap sa espiritu, kaisipan, at katawan at hindi pagtanggap lamang [nang walang gagawin]. …

“… Kailangang manampalataya at kumilos ang estudyante upang matamo ang kaalaman para sa kanyang sarili” (“Seek Learning by Faith” [mensahe sa CES religious educators, Peb. 3, 2006], 3, LDS.org).

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Ang espirituwal na pag-aaral ay nangangailangan ng …

Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang paliwanag ni Elder Bednar at ang natutuhan nila tungkol sa ating responsibilidad sa pag-aaral sa pagkumpleto sa pahayag na ito. Maaaring kasama sa mga posibleng sagot ang sumusunod: Ang espirituwal na pag-aaral ay nangangailangan ng ating pagsisikap. Ang espirituwal na pag-aaral ay nangangailangan ng panampalataya at pagkilos.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang epekto ng sariling pagsisikap sa kanilang espirituwal na pag-aaral, idrowing ang kalakip na diagram sa pisara. Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 50, tinulungan tayo ng Panginoon na mas maunawaan ang ating responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo. Upang magawa ito, ipinaliwanag muna Niya ang mga responsibilidad ng titser at gawain ng Espiritu Santo sa pag-aaral ng ebanghelyo.

Larawan
Holy Ghost triangle

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:13–14. Bago magbasa ang estudyante, ipaliwanag na ang mga talatang ito ay ibinigay sa mga naunang Banal o miyembro ng Simbahan na inordenan na ituro ang ebanghelyo sa iba. Sabihin sa kalahati ng klase na alamin ang mga salita na naglalarawan ng responsibilidad ng titser. Sabihin sa natitirang kalahati ng klase na alamin ang mga salita na naglalarawan ng gawain ng Espiritu.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang responsibilidad ng titser? (Ipangaral ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu. Sabihin sa isang estudyante na isulat ang mangaral sa pamamagitan ng Espiritu sa ilalim ng Titser sa diagram.)

  • Ano ang gawain ng Espiritu, o Mang-aaliw? (Ituro ang katotohanan. Sabihin sa isang estudyante na idagdag ang mga salitang itinuturo ang katotohanan sa ilalim ng Espiritu Santo sa diagram.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang Espiritu Santo ay ang totoong titser. Ipaliwanag na bagama’t ang titser, missionary, o lider sa Simbahan ang may responsibilidad na ipangaral ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu, ang Espiritu Santo naman ang naghahayag, nagbibigay-liwanag, at nagdadala ng katotohanan ng ebanghelyo sa ating mga puso.

  • Kailan ninyo nadama na tinuturuan kayo ng Espiritu?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:19–21. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga salitang naglalarawan sa responsibilidad ng estudyante.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang responsibilidad ng estudyante? (Ang matanggap ang salita ng katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu. Sabihin sa isang estudyante na isulat ang matanggap sa pamamagitan ng Espiritu sa ilalim ng Estudyante sa diagram.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang ibig sabihin ng matanggap sa pamamagitan ng Espiritu, sabihin sa kanila na isipin kung ano ang kailangan para matanggap o masalo ang bola na sinipa o ibinato sa kanila ng isang tao.

  • Ano ang kailangang gawin ng isang tao para matanggap o masalo ang bola? (Itaas ang kanyang mga kamay at saluhin ito.) Paano ito maitutulad sa dapat gawin ng estudyante para matanggap ang salita ng katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu? (Para matanggap o masalo ang bola, dapat handa ang tao na saluhin ito. Gayundin, dapat nating ihanda ang ating mga puso at isipan sa pagtanggap ng katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu.)

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Doktrina at mga Tipan 50:22 nang tahimik at alamin ang nangyayari kapag nagsisikap tayo na matanggap ang ebanghelyo at matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. Bago magbasa ang mga estudyante, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang pinagtitibay ay pinasisigla o espirituwal na pinalalakas.

  • Ayon sa talatang ito, anong mga pagpapala ang natatanggap ng mga titser at estudyante mula sa Espiritu kung ginagawa nila ang kanilang mga responsibilidad sa pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo? (Pang-unawa, tibay, at saya.)

Sabihin sa mga estudyante na pinatotohanan ni Elder Richard G. Scott na may kaugnayan ang paggawa ng mga estudyante ng kanilang responsibilidad at ang pagkakataon ng Espiritu na magturo at magpatotoo. Kung maaari, bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang mga parirala na nagpapaliwanag kung paano naiimpluwensyahan ng pagsisikap ng estudyante ang pagkakataon ng Espiritu Santo na magturo.

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Ang desisyon [ng estudyante] na makibahagi sa talakayan at aktibidad sa klase ay paggamit ng [kanyang] kalayaan sa pagpili na nagtutulot sa Espiritu Santo na maiparating ang mensaheng angkop sa pangangailangan [niya]. Ang pakikibahagi at partisipasyon sa klase ay nagdaragdag sa posibilidad na makapagturo ng mas mahahalagang aral ang Espiritu kaysa sa maituturo [ng titser]” (“To Learn and to Teach More Effectively” [BYU Campus Education Week devotional, Ago. 21, 2007], 4–5, speeches.byu.edu).

  • Ayon sa pahayag ni Elder Scott, paano natin maaanyayahan ang Banal na Espiritu na turuan tayo?

Sabihin sa mga estudyante na ibuod kung paano naiimpluwensiyahan ng kanilang pagsisikap bilang estudyante ang pagkakataon ng Espiritu Santo na magturo. Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag pinili nating makibahagi sa talakayan at aktibidad sa klase, inaanyayahan natin ang Espiritu na magturo at magpatotoo sa katotohanan. Isulat ang alituntuning ito sa pisara sa ilalim ng mga nauna nang natukoy.

Para mabigyan ang mga estudyante ng halimbawa ng tao na pinili ang matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya, sabihin sa kanila na pagnilayan ang salaysay ni Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at i-assign sa bawat magkapartner ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na talata: Joseph Smith—Kasaysayan 1:8, 10, 11, 12, 13, 14, 15, 16, 18. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga talatang ito.) Ipabasa sa mga estudyante ang mga naka-assign na mga talata sa kanila at talakayin ang sumusunod na tanong:

  • Paano pinagsikapan ni Joseph na malaman ang mga espirituwal na katotohanan?

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa bawat magkapartner na ipaliwanag mula sa mga talatang naka-assign sa kanila ang mga pariralang naglalarawan ng pagsisikap ni Joseph.

Patotohanan na ang kahandaan ni Joseph na pag-aralan ang salita ng Diyos at kumilos nang may pananampalataya sa natutuhan niya ay nagbunga ng mas maraming kaalaman, isang pagpapala na maaaring matanggap nating lahat. Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti at nang tahimik ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:20 at alamin ang sinabi ni Joseph sa kanyang ina nang umuwi siya matapos matanggap ang Unang Pangitain.

  • Aling parirala sa pahayag ni Joseph sa kanyang ina ang nagpapakita na nalaman niya mismo ang katotohanan? (“Nalaman ko para sa aking sarili.”)

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang alituntunin na matututuhan natin mula sa karanasan ni Joseph. Hikayatin silang magmungkahi gamit ang mga katagang “kung–sa gayon.” Ang sumusunod ay isang paraan na maipapahayag ng mga estudyante ang alituntuning ito: Kung masigasig nating pag-aaralan ang salita ng Diyos at kikilos ayon dito nang may pananampalataya, sa gayon ay malalaman natin ang mga katotohanan ng ebanghelyo para sa ating sarili. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang sariling mga salita sa tabi ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:20.)

Banggitin ang pagkain o inumin na ginamit mo sa simula ng klase. Ipaalala sa mga estudyante na sa pagkain o pag-inom, kailangang mayroon tayong gawin at makikinabang lamang tayo sa pagkain o inumin kung kakainin o iinumin natin mismo ito. Magpatotoo na akma rin ito sa espirituwal: maititimo lamang ang ebanghelyo sa ating puso at magiging bahagi ng ating pagkatao kung pagsisikapan nating alamin ang mga katotohanan ng ebanghelyo at ipamuhay ang mga ito.

  • Ano ang mga gagawin ninyo ngayong taon para maanyayahan ang Espiritu na turuan kayo at dalhin ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa inyong puso? (Maaaring kabilang sa sagot ang pagdalo sa mga miting at klase sa Simbahan, kasama na riyan ang seminary; pakikibahagi sa mga miting at klase sa pamamagitan ng pag-awit ng mga himno, pagmamarka ng mga scripture verse, pagtatala ng mga ideya, pagsagot sa mga tanong, pagbabahagi ng mga karanasan at patotoo, at pagtuturo sa iba; pakikibahagi sa family home evening at pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan; sariling pag-aaral ng banal na kasulatan at pananalangin araw-araw; at pamumuhay sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Hikayatin ang mga estudyante na sumulat ng isa o mahigit pang mga mithiin.)

Magtapos sa pagsasabi sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga patotoo sa ebanghelyo at ang nalalaman nila sa kanilang sarili na totoo. Ipabahagi sa ilang estudyante kung paano nakaimpluwensya sa kanilang patotoo at kaugnayan sa Panginoon ang pagsisikap nilang pag-aralan ang ebanghelyo. Idagdag ang iyong patotoo na palalakasin at papatnubayan tayo ng Panginoon kapag nagsikap tayong pag-aralan at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Maaaring hilingin ng mga estudyante sa Espiritu Santo na pagtibayin ang kanilang natutuhan

Pinatotohanan ni Elder David A. Bednar na may kaugnayan ang pagtupad ng mga estudyante sa kanilang responsibilidad at ang pagkakataon ng Espiritu na magturo at magpatotoo:

Larawan
Elder David A. Bednar

“Ang isang nag-aaral na ginagamit ang kalayaan sa pamamagitan ng pagkilos nang naaayon sa mga tamang alituntunin ay binubuksan ang kanyang puso para sa Espiritu Santo—at inaanyayahan ang Kanyang kapangyarihan na magturo at magpatotoo, at [ang Kanyang] nagpapatibay na patotoo. … Sa katapatan at patuloy na paggawa nang may pananampalataya naipapakita natin sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, na tayo ay handang matuto at tumanggap ng tagubilin mula sa Espiritu Santo” (“Seek Learning by Faith” [mensahe sa CES religious educators, Peb. 3, 2006], 3, LDS.org).

Ang kahalagahan ng pag-aaral ng banal na kasulatan araw-araw

Nakasaad sa Tapat sa Pananampalataya ang sumusunod tungkol sa kahalagahan ng araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan:

“Pinapayuhan tayo ng mga propeta sa mga huling araw na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw, nang mag-isa at kasama ang ating pamilya. Hinihikayat nila tayo, tulad ng paghihikayat ni Nephi sa kanyang mga kapatid, na itulad ang mga banal na kasulatan sa atin, na naghahanap ng mga paraan para maipamuhay natin ngayon ang mga sagradong salaysay (tingnan sa 1 Nephi 19:23–24). Hinihikayat nila tayong ‘saliksikin … ang mga kasulatan” (Juan 5:39) at ‘magpakabusog … sa mga salita ni Cristo’ (2 Nephi 32:3).

“Makikinabang kayo nang malaki sa pagsunod sa payong ito. [Ang araw-araw at makabuluhang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay tumutulong sa inyo] na maging handang dinggin ang mga bulong ng Espiritu Santo. Pinalalakas nito ang inyong pananampalataya, pinatitibay kayo laban sa tukso, at tinutulungan kayong mapalapit sa inyong Ama sa Langit at sa Pinakamamahal Niyang Anak.

“Gumawa ng plano para sa sarili ninyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Isiping magtakda ng oras bawat araw sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Sa oras na iyon, magbasang mabuti, na nakikinig sa mga panghihikayat ng Espiritu. Hilingin sa inyong Ama sa Langit na tulungan kayong malaman ang gusto Niyang matutuhan at gawin ninyo.

“Patuloy na basahin ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon, habang kayo’y nabubuhay. Muli at muli kayong makatutuklas ng mahahalagang bagay sa mga banal na kasulatan, [makakakita] ng bagong kahulugan at pakinabang habang pinag-aaralan ninyo ang mga ito sa iba’t ibang yugto ng inyong buhay” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 78–9).

Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Kung magiging karaniwan o kaswal lang ang pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan, magiging kaswal din ang ating mga panalangin.

“Hindi nga tayo tumitigil sa pagdarasal, pero paulit-ulit naman ang ating mga panalangin, wala sa loob, kulang sa tunay na layunin. Hindi mapapalapit ang ating puso sa isang Diyos na hindi natin kilala, at tinutulungan tayo ng mga banal na kasulatan at mga salita ng buhay na propeta na makilala Siya” (“Prayer,” Ensign, Nob. 2001, 17).

Print