Lesson 22
Doktrina at mga Tipan 18:1–16
Pambungad
Natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 18 para sa kanyang sarili, kay Oliver Cowdery, at kay David Whitmer noong Hunyo 1829, matapos na igawad nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Sa simula ng paghahayag, itinuro ng Panginoon kay Oliver Cowdery ang tungkol sa pagtatatag ng Simbahan. Pagkatapos ay tinawag Niya sina Oliver Cowdery at David Whitmer upang ipangaral ang pagsisisi.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 18:1–5
Itinuro ng Panginoon kung paano itatag ang Kanyang Simbahan
Idrowing ang kalakip na larawan sa pisara bago magsimula ang klase.
Maaari mong basahin ang sumusunod na impormasyon o magbahagi ng kahalintulad ng impormasyon tungkol sa lindol na maaaring nangyari kamakailan o malapit sa tirahan ninyo:
Noong Oktubre 17, 1989, bandang alas-5:04 n.h., isang lindol na may lakas na 6.9 sa Richter scale ang yumanig sa San Francisco, California, Estados Unidos. Libu-libong gusali ang napinsala o nagiba. Nagkabitak-bitak ang pundasyon ng maraming gusali kaya idineklarang peligrosong manatili pa roon ang mga tao.
-
Ano ang maaaring maging mga problema ninyo sa pagtira sa isang bahay na mahina ang pundasyon?
Ipaliwanag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 18 ang paghahayag ng Panginoon kina Joseph Smith at Oliver Cowdery tungkol sa dapat gawin para maitatag ang Kanyang Simbahan sa isang matibay na pundasyon. Sa simula ng paghahayag na ito, tinukoy ng Panginoon ang mga bagay na isinulat ni Oliver Cowdery, ibig sabihin ang mga salita sa Aklat ni Mormon na itinala ni Oliver bilang tagasulat ni Propetang Joseph Smith. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 18:1–4. Sabihin sa klase na alamin kung paano makatutulong ang mga bagay na nakasulat sa Aklat ni Mormon sa pagtatatag ng Simbahan.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa nakasulat sa Aklat ni Mormon? Paano makatutulong ang mga turo sa Aklat ni Mormon sa pagtatatag ng Simbahan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 18:5. Sabihin sa klase na alamin ang ipinangako ng Tagapagligtas kung itatatag natin ang Kanyang Simbahan sa saligan ng Kanyang ebanghelyo.
-
Ayon sa talata 5, saan dapat itatag ang tunay na Simbahan? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang tunay na Simbahan ay itinatag kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.)
-
Ano ang ipinangako ng Tagapagligtas kung itatatag natin ang Kanyang Simbahan sa saligan ng Kanyang ebanghelyo?
Doktrina at mga Tipan 18:6–16
Tinawag ng Panginoon sina Oliver Cowdery at David Whitmer para ipangaral ang pagsisisi
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 18:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon ang mundong ating tinitirhan. Matapos magreport ng mga estudyante ng natuklasan nila, sabihin sa kanila na basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:9 upang malaman kung ano ang iniutos ng Panginoon bilang pagtugon sa tumitinding kasamaan sa mundo.
-
Ano ang sagot ng Panginoon sa tumitinding kasamaan sa mundo? (Tumawag Siya ng mga tagapaglingkod upang ipangaral ang pagsisisi.)
Ipaliwanag na tinawag ng Panginoon sina Oliver Cowdery at David Whitmer upang mangaral ng pagsisisi, na katulad ng tungkulin na ipinagawa Niya sa sinaunang apostol na si Pablo. Bagama‘t sina Oliver at David ay hindi tinawag na maging miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, mayroon silang mga tungkulin sa pagtatatag ng korum na ito sa mga huling araw. Ipaliwanag sa mga estudyante na marami pa silang malalaman tungkol kina Oliver Cowdery at David Whitmer sa susunod na lesson.
Upang matulungan ang mga estudyante na maghanda na pag-aralan ang mga turo ng Panginoon tungkol sa kahalagahan ng kaluluwa, magdispley ng ilang bagay na sa palagay mo ay mahalaga sa iyong mga estudyante. Tanungin sila kung magkano ang ibabayad nila sa bawat bagay. Ipaliwanag na ang isang paraan para malaman kung gaano kahalaga ang isang bagay ay ang alamin kung magkano ang handang ibayad ng mga tao para dito. Maaaring sabihin ng isang tao na ganito ang halaga ng isang bagay, pero magiging tama lang ang presyong ito kung handa itong bayaran ng isa pang tao sa halagang iyon.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:10 nang malakas. Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang talatang ito para ipaliwanag ang kanilang kahalagahan sa mga mata ng Diyos. Maaaring magmungkahi ng iba’t ibang alituntunin ang mga estudyante, ngunit tiyaking mabigyang-diin na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos.
-
Sa palagay ninyo, bakit malaki ang kahalagahan ninyo sa Diyos?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Hindi lamang kayo itinuturing ng Diyos bilang isang mortal na tao sa isang maliit na planeta na mabubuhay sa maikling panahon—itinuturing Niya kayo na Kanyang anak. Itinuturing Niya kayo na isang nilalang na may kakayahan at nilayong maging gayon. Gusto Niyang malaman ninyo na kayo ay mahalaga sa Kanya” (“Mahalaga Kayo sa Kanya,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 22).
Ipaalala sa mga estudyante ang aktibidad kung saan ipinakita mo na ang halaga ng isang bagay ay depende sa kung magkano ang handang ibayad ng isang tao para dito. Ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 18:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung ano ang handang ibayad ng Tagapagligtas para sa atin.
-
Ano ang halagang ibinayad ng Tagapagligtas para sa ating mga kaluluwa?
-
Paano natin maipapakita ang pasasalamat sa sakripisyong ginawa ng Tagapagligtas para sa atin? (Bagama’t tama ang iba-ibang sagot, bigyang-diin na ang isa sa pinakamabubuting paraan na maipapakita natin ang ating pasasalamat ay sa pamamagitan ng pagsisisi.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Napakalaki ng aking halaga kaya si Jesucristo ay nagdusa at namatay para sa akin upang ako ay makapagsisi.
Maaari mong imungkahi na isulat ng mga estudyante ang alituntuning ito sa kanilang class notebook o scripture study journal.
-
Paano kaya maiimpluwensyahan ng katotohanang ito ang pagtingin ninyo sa inyong sarili?
-
Paano kaya maiimpluwensyahan ng katotohanang ito ang pakikitungo ninyo sa ibang tao?
Patotohanan ang pagmamahal at kahandaang mamatay ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin.
Ipabasa nang tahimik sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 18:13.
-
Sa inyong palagay, bakit labis na nagagalak ang Panginoon kapag tayo ay nagsisisi?
-
Kung naniniwala ang isang tao na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos, ano kaya ang gagawin niya dahil sa paniniwalang ito? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang sumusunod: magalang na pakikitunguhan ang ibang tao, paglilingkuran ang kapwa, o maghahanda para sa misyon.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 18:14 para malaman ang ipinagawa ng Panginoon kina Oliver Cowdery at David Whitmer.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ipangaral ang pagsisisi”?
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang pariralang ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mangaral ng pagsisisi ay simpleng pagtulong sa mga tao na makabalik sa Diyos” (“Preparing for Your Spiritual Destiny” [CES fireside address, Ene. 10, 2010], 7, speeches.byu.edu).
-
Ano ang ilang paraan na matutulungan natin ang iba na magsisi?
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:15–16 para malaman kung ano ang nararanasan ng mga tao kapag tinulungan nilang lumapit ang isang tao kay Jesucristo.
-
Anong mga pagpapala ang ibinibigay sa mga taong tumutulong sa iba na lumapit kay Jesucristo? (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung tutulungan natin ang iba na magsisi at lumapit sa Panginoon, makadarama tayo ng kagalakan kasama nila sa kaharian ng Diyos.)
-
Sa inyong palagay, bakit makadarama kayo ng kagalakan kung ilalapit ninyo ang ibang tao kay Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng karanasan na nakadama sila o isang kakilala nila ng kagalakan dahil natulungan nila ang iba na mas mapalapit sa Panginoon. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.
Ipasulat sa mga estudyante ang isang bagay na maaari nilang gawin upang makatulong sa gawain ng pagliligtas ng mga kaluluwa. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung sino ang maaari nilang matulungan.